“Si Jehova ang Aking Pastol”
“Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman.”—AWIT 23:1.
1, 2. Ano ang ilan sa mga tagumpay ni David, at ilang awit ang kaniyang kinatha?
GUNIGUNIHIN ang ganitong tanawin: Mga tropang Filisteo ang nakaharap sa hukbo ng Israel. Si Goliat, isang higanteng Filisteo, ay naghahamon. Isang lalaking nasa kabataan pa, na armado lamang ng panghilagpos at mga bato, ang tumatakbo upang sumagupa sa kaniya. Isang batong mahusay ang pagkaasinta ang bumaon sa bungo ng higante at ito ang kumitil ng kaniyang buhay. Sino ba ang kabataang lalaking iyon? Si David, isang pastol na nagkamit ng ganitong kamangha-manghang tagumpay sa tulong ng Diyos na Jehova.—1 Samuel, kabanata 17.
2 Nang sumapit ang panahon, ang lalaking ito ay naging hari ng Israel, at naghari nang may 40 taon. Siya’y isang dalubhasang manunugtog ng alpa at kumatha ng maraming tula samantalang siya’y sumasa-ilalim ng pagkasi ng banal na espiritu. Si David ay sumulat din naman ng mahigit na 70 magagandang awit na nagsisilbing malaking pampatibay-loob at patnubay para sa bayan ni Jehova sa ngayon. Ang lubhang kilala sa mga ito ay ang Awit 23. Bakit hindi buklatin ang inyong Bibliya at inyong subaybayan samantalang gumagawa tayo ng talata-por-talatang pag-aaral ng awit na ito?
Si Jehova, Isang Maibiging Pastol
3. (a) Sa anong mga pagkakataon isinapanganib ni David ang kaniyang buhay upang iligtas ang kaniyang mga tupa? (b) Sa anong diwa ating Pastol si Jehova?
3 “Si Jehova ang aking Pastol.” (Awit 23:1) Bilang isang may karanasang pastol, batid ni David kung paano mangunguna, magpapakain, at magliligtas sa mga tupa. Halimbawa, kaniyang lakas-loob na iniligtas ang kaniyang mga tupa buhat sa isang leon noong minsan at sa isang oso naman nang isa pang pagkakataon. (1 Samuel 17:34-36) Buong-buo ang pagtitiwala ng mga tupa ni David sa kanilang pastol. Subalit sa kaugnayan kay Jehova, siya mismo ay isang tupa. Yamang nakadama si David ng katiwasayan sa maibiging pangangalaga ng Diyos, kaniyang nasabi: “Si Jehova ang aking Pastol.” Iyo bang tinatamasa ang ganitong katiwasayan sa ilalim ng Dakilang Pastol, si Jehovang Diyos? Tunay na siya’y nangunguna, nagpapakain, at nagliligtas sa kaniyang tulad-tupang mga mananamba sa ngayon. Isa pa, bilang hinirang na matatanda sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, tapat, maibiging katulong na mga pastol ang masigasig na nangangalaga sa mga tupa.—1 Pedro 5:1-4.
4. Paanong ang ating kalagayan sa ngayon ay nakakatulad niyaong sa mga Israelita sa iláng?
4 “Hindi ako magkukulang ng anuman.” Maingat na pag-isipan ang pangungusap na ito. Dahilan sa maibiging pangangalaga ni Jehova, hindi ba ikaw ay maginhawang nakadarama ng katahimikan at pagtitiwala? Natatandaan mo ba kung ano ang nangyari sa mga Israelita nang sila’y pagala-gala sa ilang nang may 40 taon? Oo, sila’y pinaglaanan ng Diyos ng lahat nilang pangangailangan sa buhay! Ganiyan din sa ngayon. Ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay hindi nagkukulang ng anuman. Marami ang makapagsasabi ng gaya ng ganitong kinasihang mga salita ni David: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpapalimos ng tinapay.” (Awit 37:25) Sa ngayon, saganang espirituwal na pagkain ang inilalaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 4:4; 24:45-47) Bukod sa mga pulong sa loob ng isang linggo, mayroon tayong Bibliya, mga magasing Ang Bantayan at Gumising!, at marami pang mga ibang lathalain. Kahit na sa mga bansa na kung saan ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay bawal, sila’y palagian ding tumatanggap ng panustos na espirituwal na pagkain. Ang mga tupa ni Jehova ay hindi nagkukulang ng anuman!
5. Bakit ang mga tupa ni Jehova sa ngayon ay mapayapa at walang pagkabalisa, at ano ang resulta nito?
5 “Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan.” (Awit 23:2) May malalaking damuhang pastulan sa palibot ng maraming lunsod sa sinaunang Israel. Kung paanong ang isang maibiging pastol noon ay nangunguna sa kaniyang mga tupa tungo sa maiinam, ligtas na mga dakong pastulan, ganoon din inaalagaan ni Jehova sa ngayon ang kaniyang mga tupa. Ang sabi ng salmista: “Tayo ang bayan ng kaniyang pastulan.” (Awit 79:13; 95:7) Ang literal na mga tupa ay nasa mabuting kalagayan pagka sila ay kontento at nakapamamahinga sa kabila ng kainitan ng maghapon. Ang mga tupa ni Jehova sa ngayon ay matahimik at walang pagkabalisa sapagkat sila ay may pagtitiwala sa maygulang na mga pastol—ang sanay na mga tagapangasiwa sa mga kongregasyon at mga sirkito. Kaya naman ang resulta, lumalago ang espirituwal na mga kawan. Maraming mga tao na dati’y tumatanggap ng masamang trato sa mga huwad na pastol ng Babilonyang Dakila ang ngayo’y maligayang-maligaya at kontento bilang mga tupa ni Jehova.
6. Paano tayo ‘pinapatnubayan sa siping ng mga tubig na pahingahan ni Jehova?
6 “Pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan.” Sa Israel, ang kaniyang kawan ay kailangang akayin ng isang pastol sa isang lawa o isang sapa para sa tubig na maiinom. Subalit ang tubig ay kadalasan mahirap na matagpuan kung tag-araw. Sa ngayon, ‘tayo’y pinapatnubayan [ni Jehova] sa siping ng mga tubig na pahingahan’ sa pamamagitan ng saganang paglalaan sa atin ng tubig ng katotohanan. (Ihambing ang Ezekiel 34:13, 14.) At ang propetang si Isaias ay nagbibigay ng ganitong pumupukaw na paanyaya: “Oh kayo, lahat kayong nauuhaw! Magsiparito kayo sa tubig.” (Isaias 55:1) Sa pamamagitan ng pag-inom ng espirituwal na tubig na ito, tinatamo ng mga tupa ang proteksiyon buhat sa maapoy na mga kahatulan na sumasapit sa mga “hindi nakakakilala sa Diyos at sa kanila na hindi tumatalima sa mabuting balita.”—2 Tesalonica 1:8; Apocalipsis 7:16, 17.
7. Kailan lalo nang isang tulong ang nagbibigay-kasariwaang espirituwal na paglalaan ni Jehova, at sa ilalim ng anong mga kalagayan magiging lubhang kapaki-pakinabang ang sauladong mga teksto sa Bibliya?
7 “Ang aking kaluluwa ay kaniyang pinapananariwa.” (Awit 23:3) Pagka tayo’y nahahapo, may suliranin, nasisiraan ng loob, o nakaharap sa matinding pananalansang, tayo’y pinapananariwa ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Kung gayon, mabuti na ugaliin ng mga Kristiyano ang magbasa ng isang bahagi ng Bibliya araw-araw. Ginagawa mo ba ito? Para sa iba ay isang tulong ang pagsasaulo ng mga ilang teksto, tulad baga ng Exodo 34:6, 7 o Kawikaan 3:5, 6. Bakit ito kapaki-pakinabang? Bueno, sakaling may biglaang pangyayari at wala kang hawak na Bibliya, nakakaaliw na mga kaisipan sa Kasulatan ang maaaring kaagad magpalakas sa iyo. Maraming kapatid na hinatulang mabilanggo sa mga piitan o mga kampong bilangguan dahil sa paninindigang matatag sa panig ng matuwid na mga simulain ang lubhang nanariwa at napalakas dahil sa muling pagkaalaala sa sauladong mga teksto. Oo, ang Salita ng Diyos ay maaaring “makapagpagalak sa puso” at “makapagpalinaw ng mga mata”!—Awit 19:7-10.
8. Madali bang lumakad sa “mga landas ng katuwiran,” subalit ang paggawa ng gayon ay umaakay tungo sa ano?
8 “Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran.” Ang mga landas ng katuwiran ay mahirap na taluntunin, subalit umaakay naman patungo sa buhay. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay.” (Mateo 7:14) Si apostol Pablo ay nagpahayag ng isang nahahawig na kaisipan sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga alagad sa Lystra, Iconio, at Antioquia: “Tayo’y kailangang pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.” At tunay na nalalaman ni Pablo kung ano ang kaniyang sinasabi. Sa di pa natatagalan bago niyan, siya’y pinagbabato sa Lystra at iniwan na mistulang patay!—Gawa 14:19-22.
9. (a) Paanong ‘inaakay tayo sa mga landas ng katuwiran’ ng Diyos? (b) Sa paano makatutulong ang Awit 19:14? (c) Anong mga teksto ang makatutulong sa atin na maiwasan ang mga silo ng imoral na sekso?
9 ‘Inaakay tayo [ni Jehova] sa mga landas ng katuwiran’ sa pamamagitan ng pagpatnubay at pagtuturo sa atin sa kaniyang Salita sa tulong ng organisasyon niya. Subalit karamihan ng mga tao ay lumalakad sa maluwang at malapad na daan na “patungo sa kapahamakan.” (Mateo 7:13) Ang laganap na seksuwal na karumihan at ang mabilis na lumalaganap na salot ng AIDS ang nagdiriin sa pangangailangan na iwasan ng mga Kristiyano ang masasamang kasama. (1 Corinto 15:33) Kailangan ding pakaingat tayo na pag-ingatang ang mismong mga kaisipan natin ay huwag maligaw tungo sa karumal-dumal na mga bagay. (Awit 19:14) Sa layuning iyan, sa tuwina’y ikapit natin ang maiinam na payo na ibinibigay ng Salita ng Diyos tungkol sa sekso at sa kung paano maiiwasan ang maraming silo ng imoralidad.—1 Corinto 7:2-5; Efeso 5:5; 1 Tesalonica 4:3-8.
10. (a) Anong pananagutan mayroon ang mga Saksi ni Jehova tungkol sa banal na pangalan ng Diyos? (b) Bakit malimit na pinipintasan tayo ng mga taong makasanlibutan? (c) Sa ilalim ng anong mga kalagayan tutulungan tayo ni Jehova?
10 “Alang-alang sa kaniyang pangalan.” Ang mga Saksi ni Jehova ay may mahalagang pananagutan na luwalhatiin ang pangalan ng Diyos at huwag itong dalhan ng kadustaan. (Mateo 6:9; Exodo 6:3; Ezekiel 38:23) Maraming mga taong makasanlibutan ang mabilis magparatang sa mga lingkod ni Jehova. Kung ito’y ginagawa dahilan sa ating paninindigan ukol sa gayong mga simulain ng Bibliya na gaya baga ng pagkaneutral o ang kabanalan ng dugo, ang ating budhi ay malinis. Subalit kung sakaling ito ay mangyari dahilan sa paggawa natin ng masama, tayo’y magdudulot ng kasiraang-puri kay Jehova. (Isaias 2:4; Gawa 15:28, 29; 1 Pedro 4:15, 16) Kaya harinawang kapootan natin ang masama. (Awit 97:10) Sakaling tayo’y mapasa-ilalim ng pag-uusig, sa tuwina’y tutulungan tayo ni Jehova at iingatan tayo alang-alang sa kaniyang pangalan.
Inililigtas ni Jehova ang Kaniyang mga Tupa
11. Ano ba ang ibig sabihin ng “libis ng matinding kadiliman,” at ano ang maaaring ipaalaala nito sa atin tungkol kay Jesus?
11 “Bagaman ako’y lumalakad sa libis ng matinding kadiliman, wala akong katatakutang kasamaan.” (Awit 23:4) Ganito naman ang pagkasalin ni Isaac Leeser: “Oo, bagaman ako’y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan.” Dito’y maaaring magunita ang malalalim na bangin o mga libis, na bumabagtas sa tagiliran ng mga kabundukan ng Judea sa kanlurang panig ng Dagat na Patay. Ang isang libis, o bangin, na kung saan mababangis na hayop ang nagkukubli sa kadiliman ay isang mapanganib na dako para sa mga tupa. Si David ay dumaan sa maraming mapanganib na mga libis nang siya’y nabubuhay, at nakaabang sa kaniya ang kamatayan. Subalit yamang pinapatnubayan siya ng Diyos, siya’y may pagtitiwala at hindi siya nagbigay-daan sa nakapanghihinang-loob na pagkatakot. Tayo’y dapat na mayroon ding gayong pagtitiwala kay Jehova. Ang tinukoy rito na “matinding kadiliman” ay maaaring magpagunita rin sa atin ng hula ni Isaias: “Doon sa mga nananahan sa lupain ng matinding kadiliman, ang liwanag mismo ay sumikat sa kanila.” Tinukoy ni Mateo ang hulang ito at kaniyang ikinapit ito kay Jesu-Kristo, na ang sabi: “Ang mga taong nakaupo sa kadiliman ay nakakita ng isang dakilang liwanag, at kung para sa mga taong nakaupo sa dako ng lilim ng kamatayan, ang liwanag ay sumikat sa kanila.” Sa paano? Sa pamamagitan ng dakilang kampaniya ng pangangaral na isinagawa ni Jesus.—Isaias 9:2; Mateo 4:13-16.
12. (a) Paano nakibagay sa pag-uusig sa maraming bansa ang mga lingkod ni Jehova, at ano ang resulta? (b) Paano pinatibay-loob ni Pedro ang pinag-uusig na mga sinaunang Kristiyano?
12 Si David ay ‘walang kinatakutang kasamaan.’ Ganiyan din kung tungkol sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon, bagama’t sila’y hindi popular sa masamang sanlibutang ito na pinaghaharian ni Satanas. (1 Juan 5:19) Maraming tao ang aktuwal na napopoot sa kanila, at sila’y mahigpit na pinag-uusig sa mga ilang bansa. Subalit sa mga lupaing ito sila ay patuloy na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, bagama’t hindi hayagan na gaya ng karaniwang ginagawa. Batid nila na si Jehova ay sumasa-kanila at iingatan sila. (Awit 27:1) Mainam na pagsulong ang nagaganap sa maraming bansa na kung saan ang gawaing pang-Kaharian ay isinasagawa nang patago. Sa gayong mga bansa, sinasambit ng mga Saksi ni Jehova ang mga pananalita ng awit: “Nasa panig ko si Jehova; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?” (Awit 118:6) Ang mga Saksing ito ay nasa kalagayan na nakakatulad niyaong sa mga unang Kristiyano na sinulatan ni apostol Pedro ng nagpapatibay-loob na mga salitang ito: “Kahit kung magbata kayo dahil sa katuwiran, kayo’y maligaya. Gayunman, ang kanilang kinatatakutan ay huwag ninyong katatakutan ni huwag kayong magulumihanan.”—1 Pedro 3:14.
13. (a) Anong kawili-wiling pagbabago ang nagaganap sa Awit 23:4, at bakit? (b) Paano madadaig ng mga Kristiyano ang kanilang pagkatakot?
13 “Sapagkat ikaw ay sumasa-akin.” Pakisuyong pansinin ang isang lubhang kawili-wiling punto sa pariralang ito. Ang kinasihang salmista ay bumago buhat sa pangatlong panauhan tungo sa pangalawa. Sa halip na tukuyin si Jehova bilang “siya,” ngayon ay ginagamit ni David ang panghalip na “ikaw.” Bakit? Sapagkat ito ay nagpapakita ng lalong matalik na kaugnayan. Ang panganib ay lalong naglalapit sa atin sa ating maibiging Ama, si Jehova. Kung magkagayo’y tinatamasa natin ang lalong matalik na kaugnayan sa kaniya. Sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo, tayo’y makatatawag sa kaniya para tayo’y iligtas, at sa gayon ay madaig ang ating takot.—Ihambing ang Zefanias 3:12.
14. (a) Anong mga kagamitan mayroon ang mga pastol noong panahon ni David, at paano nila ginamit ang mga ito? (b) Paano inililigtas ng mga pastol na Kristiyano ang kawan sa ngayon?
14 “Ang iyong pamalo at ang iyong tungkod ang umaaliw sa akin.” Ang salitang Hebreo na sheʹvet, na isinaling “pamalo,” ay maaaring tumukoy sa baston ng isang pastol. Kapuwa ang pamalo at ang tungkod ay maaaring gamitin bilang pananggalang at upang kumatawan o sumagisag sa awtoridad. Oo, ang mga kagamitang ito ay malaki ang maitutulong sa pagdidepensa laban sa mga maaaring puminsala na gaya baga ng mga lobo at mga ahas. Ang baston ng pastol ay magagamit din upang tapikin ang tupa para mapawasto ng direksiyon o kahit na upang hadlangan ang isang tupa na pumunta sa isang lugar na kung saan baka siya mahulog at masaktan. Sa ngayon, si Jehova ay naglalaan ng tapat na mga pastol, mga matatanda sa mga kongregasyon, na nagtatanggol sa kawan buhat sa gayong mga namiminsala sa espirituwalidad o mga apostata. O ang mga matatanda ay baka kailangang magpayo sa mga nagpapabaya ng hindi pagdalo sa mga pulong o lumilihis sa asal Kristiyano.
Isang Saganang Bangkete sa Gitna ng mga Kaaway
15. (a) Anong makahulugang pagbabago ng ilustrasyon ang nagaganap sa Awit 23:5? (b) Anong mga katibayan ang nagpapakita na ang bayan ni Jehova ay saganang-sagana sa espirituwal na pagkain, kabaligtaran naman nino?
15 “Iyong ipinaghahanda ako ng dulang sa harap ko sa harapan ng aking mga kaaway.” (Awit 23:5) Dito ay mayroon tayong isang makahulugang pagbabago ng ilustrasyon, buhat sa pagiging isang pastol tungo sa pagiging isang tagapaghanda. Bilang isang napakabukas-palad na tagapaghanda, si Jehova’y naglalaan ng saganang espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng pinahirang uring “alipin.” (Mateo 24:45) Bagama’t tayo’y nabubuhay sa isang kaaway na sanlibutan, tayo ay may saganang pagkain. Ang Bantayan ay inilalathala sa mahigit na isang daang wika upang ang mga taong namumuhay sa sari-saring lugar na tulad baga ng Timog Aprika, Greenland, Solomon Islands, at India ay mapakain ng pagkaing espirituwal. Isa pa, ang humigit-kumulang na 55,000 kongregasyon sa buong daigdig ay mayroong mainam ang pagkasanay na mga tagapagpahayag sa madla at mga guro at maiinam na mga dakong pulungan, kasali na ang daan-daang mga bagong Kingdom Hall. Mahigit na 3,000,000 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos upang tulungan ang tulad-tupang mga tao. Sa kabaligtaran naman, yaong mga nasa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay patuloy na nagkakagutom.—Isaias 65:13.
16. (a) Kaiba naman sa ginawa ng isang babaing makasalanan, ano ang hindi ginawa para kay Jesus ng isang Fariseo? (b) Anong uri ng langis ang inilalaan ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod sa ngayon?
16 “Iyong pinahiran ng langis ang aking ulo.” Sa sinaunang Israel ang isang magandang-loob na maybisita ay naghahanda ng langis upang ipahid sa mga ulo ng kaniyang mga bisita. Kapuna-puna, sa isang pagkakataon si Jesus ay bisita ng isang Fariseo na hindi nagpahid ng langis sa ulo ni Jesus o naghanda ng tubig para ipanghugas sa kaniyang mga paa. Nang sandaling iyon, isang babaing makasalanan ang naghugas ng kaniyang mga paa sa pamamagitan ng mga luha at nilangisan iyon ng isang natatanging mabangong langis. (Lucas 7:36-38, 44-46) Subalit si Jehova ay isang napakamagandang-loob na maybisita! Para sa kaniyang tapat na mga lingkod, siya’y naglalaan ng espirituwal na “langis ng kagalakan.” (Isaias 61:1-3) Oo, ang bayan ni Jehova ay tunay na nagagalak ngayon.
17. (a) Nangangahulugan ng ano ang isang ‘kopang punung-puno’? (b) Paano ba naglalaan si Jehova ng isang ‘kopang punung-puno’ para sa kaniyang mga lingkod sa ngayon?
17 “Ang aking kopa ay punung-puno.” Isa pang pagkasalin nito ay: “Ang aking kopa ay umaapaw.” (Moffat) Ito’y nangangahulugan ng espirituwal na kasaganaan. Bagaman hindi ibig sabihin nito ay ang labis na pag-inom, ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng isang kopa ng magaling na alak. Ang inuming ito ay nagagamit na panggamot, gaya ng ipinakikita ng payo ni Pablo kay Timoteo: “Huwag ka nang uminom ng tubig, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong sikmura at sa iyong madalas na pagkakasakit.” (1 Timoteo 5:23) Sa espirituwal na diwa, ang alak ay nagpapagalak din sa ating puso. (Awit 104:15) Ang ating mapagmahal na Ama, si Jehova, ay may kagandahang-loob na naghanda ng isang espirituwal na bangkete ng mabubuting bagay para sa kaniyang tapat na mga lingkod, kasali na rito ang isang ‘kopang punung-puno’ ng kagalakan.
18. (a) Ang kabutihan at kagandahang-loob ni Jehova ay tinatamasa nino, at paano ito ipinakikita ng Awit 103:17, 18? (b) Anong magandang pag-asa ang naghihintay para sa mga tapat kay Jehova?
18 “Tunay na ang kabutihan at ang kagandahang-loob ay susunod sa akin sa lahat ng kaarawan ng aking buhay.” (Awit 23:6) Ang kabutihan ay bahagi ng bunga ng banal na espiritu ni Jehova. (Galacia 5:22, 23) Ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos ay tinatamasa ng mga nagsisilakad sa kaniyang daan. (Awit 103:17, 18) Taglay ang matibay na pananampalataya kay Jehova, ang kaniyang bayan ay makahaharap sa anumang pagsubok na mapaharap sa kanila. Sila ang laging tumatanggap ng kaniyang pagpapala at maibiging pangangalaga. At ang katapatan hanggang sa wakas ay mangangahulugan ng buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan. Anong kahanga-hangang pag-asa!
19. (a) Ano ba ang ibig sabihin ng ‘pagtahan sa bahay ni Jehova’? (b) Ano ang naitatag ng organisasyon ni Jehova upang maitaguyod ang tunay na pagsamba sa ngayon, at bakit libu-libong nag-alay na mga tao ang may turing na isang pribilehiyo ang maglingkod doon? (c) Sino pa ang determinado na maglingkod sa Diyos magpakailan-kailanman?
19 “At ako’y tatahan sa bahay ni Jehova sa kahabaan ng mga araw.” Noong kaarawan ni David ang santuwaryo ng Diyos ay ang tabernakulo, sapagkat noon ay hindi pa natatayo ang templo. Yamang ang sumasaisip ng salmista ay isang mapagbiyayang tagapaglaan, ang ‘paninirahan sa bahay ni Jehova’ ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng isang mabuting relasyon sa Diyos bilang kaniyang panauhin. (Awit 15:1-5) Sa ngayon, ang bahay na iyon ay maaaring makilala na kaugnay ng banal na templo ni Jehova, ang kaniyang kaayusan ukol sa dalisay na pagsamba. Si Haring Solomon ay nagkapribilehiyo na magtayo ng unang literal na templo, na saganang nagagayakan ng ginto at itinayo upang magparangal kay Jehova. Anong dakilang pribilehiyo ang noo’y maglingkod doon! Bagaman wala na ngayon ang gayong templo, ang Diyos ay may banal na organisasyon na nagpaparangal sa kaniya at nagtataguyod ng dalisay na pagsamba. Bilang isang paraan ng paggawa nito, ang organisasyon ni Jehova ay nagtatag ng mga Tahanang Bethel sa maraming bansa. Ang ibig sabihin ng “Bethel” ay “Bahay ng Diyos,” at libu-libong nag-alay na mga tao ang naglilingkod sa teokratikong mga sentrong ito. Ang iba sa mga lalaki at mga babaing ito ay naglingkod sa ganitong paraan sa “kahabaan ng mga araw,” anupa’t ginugol sa paglilingkod sa Bethel ang kalakhang bahagi ng kanilang buhay. Milyun-milyon pang mga iba, hindi mga miyembro ng isang pamilyang Bethel, ang determinado ring maglingkod kay Jehova magpakailanman.
20. (a) Bakit ang Awit 23 ay isang mahalagang bahagi ng Kasulatan, at ito’y tumutulong sa atin na pagyamanin ang ano? (b) Anong mga pribilehiyo ang naghihintay sa tapat na mga lingkod ni Jehova?
20 Ang ika-23 Awit 23 ay mistulang isang hiyas na kumikislap sa liwanag ang maraming tapyas. Dinadakila nito ang maningning na pangalan ng ating maibiging Ama sa langit, si Jehova, at isinisiwalat kung paano siya umaakay, nagliligtas, at naglalaan para sa kaniyang mga tupa. Kaya naman, ang kaniyang bayan ay maligaya, may saganang pagkaing espirituwal, at mabilis na dumarami ang kaniyang mga lingkod, maging sa mga bansa man na mayroong mahigpit na pananalansang. Ang Awit 23 ay tumutulong din sa atin na pagyamanin ang isang masigla, at matalik na kaugnayan sa ating Maylikha. At sa pagtingala natin sa mabituing kalangitan, gaya ng malimit gawin ni David pagka siya’y nagbabantay ng kaniyang kawan, tayo’y napasasalamat dahil sa ang Maylikha ng kagila-gilalas na sansinukob na ito ay nangangalaga sa atin na gaya ng isang maibiging Pastol. Buong pagmamahal, kaniya ring inaalok tayo ng buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan kung tayo’y mananatili sa ating katapatan sa kaniya. Anong pagkaliga-ligaya nga kung magkagayon na makaniig ang tapat na bubuhaying mga lingkod ng Diyos na gaya ni David! At anong laking pribilehiyo na maglingkod kay Jehova, ang Dakilang Pastol, magpakailan-kailanman!
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paano nagpapatunay si Jehova na siya ang ating maibiging Pastol?
◻ Sa anong paraan ‘inaakay tayo sa mga landas ng katuwiran’ ng Diyos?
◻ Paano inililigtas ni Jehova ang kaniyang mga tupa?
◻ Sa paano ipinaghahanda tayo ng Diyos ng dulang sa gitna ng ating mga kaaway?