Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 12/1 p. 10-14
  • Nang ang mga Hari ay Turuan ni Jehova ng Aral

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nang ang mga Hari ay Turuan ni Jehova ng Aral
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakilala ni Nabucodonosor Kung Sino ang Tunay na Diyos
  • Ang Napanaginip na Punungkahoy
  • Nakita ni Belsasar ang Sulat-Kamay sa Pader
  • Natuto si Dario Tungkol sa Kapangyarihan ni Jehova na Magligtas
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Daniel
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Aklat ng Bibliya Bilang 27—Daniel
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol kay Daniel?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos Ukol sa Ating Kaarawan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 12/1 p. 10-14

Nang ang mga Hari ay Turuan ni Jehova ng Aral

“Ang lahat niyang gawa ay katotohanan at ang kaniyang mga daan ay katarungan, at . . . yaong nagsisilakad sa kapalaluan ay kaniyang mapabababa.”​—DANIEL 4:37.

1. Anong katangian ni Jehova ang itinatawag-pansin ni Elihu?

“NARITO! Ang Diyos mismo ay gumagawa nang mainam sa kaniyang kapangyarihan; sinong tagapagturo ang kagaya niya?” Ang mga salitang iyan ni Elihu na nauukol sa nagdurusang si Job ay tumatawag-pansin sa isa sa mga pambihirang katangian ng Maylikha, si Jehovang Diyos. Walang sinuman na maihahalintulad sa kaniya kung tungkol sa pagbibigay-aral, o pagtuturo ng aral, sa iba.​—Job 36:22.

2, 3. (a) Ano ang isa sa mga aral na kinailangang ituro ni Jehova sa mga tao? (b) Sino noong panahon ni Moises ang isang pinuno na kinailangang turuan ni Jehova ng aral na ito, at sa pamamagitan ng anong paraan? (c) Gaanong kadalas sa kaniyang Salita binabanggit ng Diyos ang kaniyang layunin na turuan ang mga tao ng aral na ito?

2 Kabilang sa mga bagay na kinailangan ng Diyos na ituro sa mga tao at mga bansa ay ang kanilang wastong kaugnayan sa kaniya. Ito’y itinatampok ng mga salita ng salmistang si David sa Awit 9:19, 20: “Bumangon ka, Oh Jehova! Huwag nawang manaig ang lakas ng taong may kamatayan. Mahatulan nawa ang mga bansa sa harap ng iyong paningin. Ilagay mo sila sa katakutan, Oh Jehova, upang makilala ng mga bansa na sila’y mga tao lamang na may kamatayan.”

3 Ang Faraon noong panahon ni Moises ay isa na sa mga pinuno sa lupa na kinailangan ng Diyos na Jehova na turuan ng aral na ito. Ginawa iyon ng Diyos sa pamamagitan ng mga salot na pinasapit niya sa mga Ehipsiyo. Isa pa, sinabi ni Jehova sa palalong si Faraon: “Ang totoo, dahil dito ay pinamalagi pa kitang buhay, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan at upang ang aking pangalan ay maihayag sa buong lupa.” (Exodo 9:16) Hindi lamang iyan, kundi mahigit na 70 ulit, mula sa Exodo 6:7 hanggang sa Joel 3:17, sinasabi ni Jehova sa kaniyang Salita na siya’y magsasagawa ng katulad na makapangyarihang mga gawa upang makilala ng mga hari, bayan, at bansa na siya ay si Jehova, ang Kataastaasan sa buong lupa.

4. Noong panahon ni Daniel, anong tatlong pinuno ang tinuruan ni Jehova, at sa pamamagitan ng anong paraan?

4 Ang ilang litaw na mga halimbawa ng pagtuturo ni Jehova sa mga hari ay nakasulat sa aklat ng Daniel. Ang mga pinunong ito ay sina Nabucodonosor, Belsasar, at Dario. Kailan niya tinuruan sila? Malamang na sa pagitan ng 617 B.C.E. at 535 B.C.E. At sa paano? Sa pamamagitan ng mga panaginip at ng pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga iyon at sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kaniyang kapangyarihan. Tinuruan ni Jehova ang mga pinunong taong ito na siya ang Kataastaasang Soberano ng uniberso at sila’y mga tao lamang na walang kabuluhan​—mga aral na kailangang matutuhan din ng mga pinuno ng daigdig sa kasalukuyang panahon.

5. Sa pamamagitan ng anong patotoo mapabubulaanan yaong mga nag-aalinlangan sa pagiging totoo ng aklat ni Daniel?

5 Subalit hindi ba ang pagiging totoo ng aklat ni Daniel ay kinukuwestiyon ng maraming modernong mga kritiko? Sa pagsagot sa mga kritikong ito, isang iskolar ng Bibliya ang may ganitong mainam na pagkasabi: “Ang mga himala na ipinahihiwatig nito, ang mga hula na sinasabi nito, ay inaangkin na isinulat ng isang kontemporaryo ni Daniel. Kung gayon, alinman sa tayo’y may mga tunay na himala at tunay na hula, o dili kaya tayo’y walang anumang taglay kundi yaong di-totoo.” (Daniel the Prophet, ni E. B. Pusey, pahina 75) Siyanga pala, ulit at ulit na ang kaniyang sarili’y ipinakikilala ng manunulat ng aklat, tulad halimbawa ng pagsasabing “Ako mismo, si Daniel”! (Daniel 8:15; 9:2; 10:2) Lahat bang ito ay isang panghuhuwad? Ang totoo ay na bago sumapit ang maagang bahagi ng ika-18 siglo, ang tungkol sa autor ng aklat ni Daniel ay hindi kinukuwestiyon ng mga Judio ni ng mga Kristiyano man. Gayunman, lalong mabigat kaysa opinyon ng sinumang modernong mga iskolar ng Bibliya ay ang maka-Kasulatang patotoo tungkol sa aklat ni Daniel. Sa gayon, makikita natin na si Daniel ay makaitlong binanggit sa aklat ng Ezekiel. (Ezekiel 14:14, 20; 28:3) Ang pinakamariin nito sa lahat ay ang mga salita ni Jesus, ang anak ng Diyos, na nasusulat sa Mateo 24:15, 16: “Pagkakita ninyo sa kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan, ayon sa sinalita sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa dakong banal, (unawain ng bumabasa,) kung magkagayon ay magsimula na ng pagtakas sa mga bundok ang mga nasa Judea.”a

Nakilala ni Nabucodonosor Kung Sino ang Tunay na Diyos

6. Ano marahil ang lalong nagpatindi sa kapalaluan ng hari ng Babilonya, at ano ang sinabi niya tungkol sa kaniyang sarili sa kaniyang mga isinulat?

6 Gaya ng ipinakikita ni propeta Isaias, ang mga hari ng Babilonya ay mga lalaking totoong palalo. (Isaias 14:4-23) Si Nabucodonosor ay isa ring taong napakarelihiyoso. Sa kaniyang mga isinulat, kaniyang binanggit ang “kaniyang mga proyekto sa pagtatayo at ang kaniyang atensiyon sa mga diyos ng Babilonya.” Tiyak na siya’y naniwala na nagtagumpay siya sa pananakop sa Jerusalem at sa buong Judea pagkatapos na lubusang mabigo si Senacherib sa kaniyang pagtatangka na gawin ito.

7. Anong karanasan na inilahad ni Daniel ang dapat sanang nagturo kay Nabucodonosor na igalang ang Diyos ng mga Hebreo?

7 Tunay na si Nabucodonosor ay may dahilan na igalang ang Diyos ni Daniel at ang kaniyang tatlong mga kasamahang Hebreo pagkatapos na sila’y humarap sa kaniya, sapagkat “sa bawat bagay ng karunungan at unawa na inusisa sa kanila ng hari, nasumpungan niya silang makasampung mainam kaysa lahat ng mga saserdoteng mahiko at mga enkantador na nasa kaniyang buong kaharian.” Oo, ang mga pantas na lalaking si Jehova ang kanilang Diyos ay lubhang nakahihigit kaysa lahat niyaong sumasamba sa mga ibang diyos. Tiyak na napansin ni Nabucodonosor ang bagay na iyon.​—Daniel 1:20.

8. Sa pamamagitan ng anong paraan ibinunyag ni Jehova ang mga lalaking pantas ng Babilonya bilang walang anumang natatanging kaalaman?

8 Mayroon pang higit na ituturo si Jehova kay Nabucodonosor. Ang susunod na aral ay nakasulat sa Daniel kabanata 2. Pinapangyari ng Diyos na ang hari ay magkaroon ng isang kakilakilabot na panaginip at pagkatapos ay pinapangyaring makalimutan niya iyon. Ang panaginip na ito ay lubhang nakaligalig sa hari ng Babilonya, at kaniyang tinawag ang lahat ng mga lalaking pantas upang sabihin sa kaniya ang panaginip at ang kahulugan niyaon. Mangyari pa, hindi nila maisiwalat ang panaginip, at lalo na ang ipaliwanag ang kahulugan niyaon, sa ganoo’y walang imik na inaamin na sila’y walang natatanging kaalaman. Ito’y lubhang nagpagalit sa hari kung kaya’t kaniyang iniutos na lahat sila’y patayin. Nang sabihin kay Daniel at sa kaniyang mga kasamahan ang tungkol sa utos ng hari, si Daniel ay humiling na bigyan siya ng kaunting panahon, at iyon ay ipinagkaloob naman sa kaniya. Nang magkagayo’y siya at ang kaniyang tatlong kasama ay taimtim na nanalangin na anupa’t ang panaginip at ang kahulugan nito ay isiniwalat ni Jehova kay Daniel.​—Daniel 2:16-20.

9. (a) Sino lamang ang nakapagpaliwanag ng kahulugan ng panaginip ni Nabucodonosor, at ano ang kahulugan niyaon ayon sa paliwanag ng Isang iyan? (b) Kaya naman, ano ang naging konklusiyon ng hari?

9 Nang si Daniel ay iharap sa hari, siya’y tinanong ni Nabucodonosor: “Kaya mo bang ipaaninaw sa akin ang aking panaginip, at ang kahulugan niyaon?” Pagkatapos na ipaalaala sa palalong hari na ang kaniyang mga lalaking pantas ay hindi nakapagsiwalat sa kaniya ng lihim ng kaniyang panaginip at ng kahulugan niyaon, sinabi ni Daniel: “Ngunit may isang Diyos sa langit na Tagapagsiwalat ng mga lihim, at kaniyang ipinaaninaw kay Haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.” Sa pagpapatuloy, sinabi ni Daniel sa hari ang tungkol sa napakalaking larawan na kaniyang napanaginip at kung ano ang lahat ng kahulugan niyaon. Ganiyan na lang ang paghanga ng hari kung kaya’t siya’y bumulalas: “Tunay na ang Diyos ninyo ay isang Diyos ng mga diyos at isang Panginoon ng mga hari at isang Tagapagsiwalat ng mga lihim, sapagkat iyong naisiwalat ang lihim na ito.” Sa ganoo’y itinuro ni Jehova kay Haring Nabucodonosor na Siya ang tanging tunay na Diyos.​—Daniel 2:26, 28, 47.

10, 11. (a) Sa kaniyang malaking kapalaluan, ano ang ginawa ni Haring Nabucodonosor, na sinundan ng anong utos? (b) Sa pagtangging makinig sa utos ng hari, anong isyu ang ibinangon ng tatlong Hebreo, at ano ang resulta?

10 Bagaman si Haring Nabucodonosor ay tiyak na humanga dahilan sa kaalaman at karunungan ng Diyos ng mga Hebreo, gayumpaman ay marami pa siyang dapat matutuhan. Sa kaniyang kapalaluan ay nagpagawa siya ng isang malaking larawang ginto na itinayo sa kapatagan ng Dura. Ang larawan ay 60 kubito ang taas at 6 na kubito ang luwang, anupa’t sumasaisip natin ang bilang na 666 na siyang tatak ng “mabangis na hayop” ni Satanas na binanggit sa Apocalipsis 13:18. (Ang kubito ay halos 0.5 metro, kaya’t ang larawan ay mga 27 metro ang taas at mga 2.7 metro ang luwang.) Iniutos ng hari na lahat ng mga opisyales ng kaniyang kaharian ay “dumalo sa inagurasyon ng larawan” at iniutos na pagtugtog ng isang orkestra, ang lahat ay kinakailangang magpatirapa at sumamba sa larawan. May mga ilang naiinggit na mga opisyales na Caldeo, na nang mapansin nilang ang tatlong Hebreong naroroon ay hindi sumasali sa seremonya, kanilang isinumbong ang mga ito sa hari.​—Daniel 3:1, 2.

11 Ito ay isang napakaseryosong bagay kay Nabucodonosor, sapagkat minsa’y ipinangalandakan niya na siya “ang isang naglagay sa bibig ng mga tao ng pagpipitagan sa mga dakilang diyos.” Sa gayon, kapuwa ang makaharing kamahalan ni Nabucodonosor at ang kaniyang sigasig sa relihiyon niya ay lubhang nasaktan. Sa malaking galit at silakbo ng damdamin, ang palalong hari ay nagbigay sa tatlong Hebreo ng isa pang pagkakataon subalit may kasamang ultimatum na ito: “Kung kayo’y hindi sasamba, sa oras ding iyon kayo’y ihahagis sa gitna ng nagniningas na hurno. At sinong diyos ang makapagliligtas sa inyo sa aking kamay?” Bueno, kinailangan ni Nabucodonosor na alamin na ang kanilang Diyos ay tunay na makapagliligtas sa Kaniyang mga lingkod buhat sa kamay ng isang walang kabuluhang hari at na wala ng iba pang diyos na makapagliligtas di-gaya ng Diyos ng mga Hebreo.​—Daniel 3:15.

Ang Napanaginip na Punungkahoy

12, 13. (a) Anong paliwanag ang ibinigay ni Daniel kay Nabucodonosor tungkol sa kahulugan ng kaniyang napanaginip na punungkahoy? (b) Paano ipinakita ni Nabucodonosor na ang kahulugan ng panaginip ay hindi nakaapekto sa kaniya upang kaniyang pag-isipan pa iyon?

12 Paano kaya nakaaapekto sa iyo ang pagkatuto sa mga aral na iyon? Wari nga, ang tatlong aral na ito ay hindi nakasapat upang makilala ni Nabucodonosor ang kaniyang dako. Kaya kinailangan na turuan pa siya ni Jehova ng isa pang aral. Muli na naman, na nagkaroon ng isang panaginip, at muli na naman, walang isa man sa mga lalaking pantas ng Babilonya ang nakapagpaliwanag ng kahulugan niyaon. Sa wakas, si Daniel ay ipinatawag, at kaniyang naipaalam sa hari ang kahulugan ng panaginip, samakatuwid nga, ay pitong taon na siya’y mamumuhay na gaya ng “maiilap na hayop sa parang,” at pagkatapos ay manunumbalik ang kaniyang katinuan.​—Daniel 4:1-37.

13 Batay sa mga sumunod na nangyari, maliwanag nga na hindi nakaapekto kay Nabucodonosor upang kaniyang pag-isipan pa ang panaginip na iyon. Sa gayon, mga isang taon ang nakalipas, samantalang ang hari ay namamasyal sa palibot ng kaniyang maharlikang palasyo, may kapalaluang ipinangalandakan niya: “Hindi baga ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo para sa sambahayan ng hari sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan at sa ikaluluwalhati ng aking kamahalan?” Anong laking kapalaluan! At nang mismong sandaling iyon ay isang tinig buhat sa langit ang narinig na nagsasabi sa palalong hari na ang kaniyang kaharian ay babawiin sa kaniya at siya’y mananahang kasama ng maiilap na hayop sa parang sa loob ng pitong panahon, “hanggang sa malaman mo na ang Kataastaasan ay Hari sa kaharian ng mga tao.”​—Daniel 4:30-32.

14. Paano natupad ang panaginip tungkol sa punungkahoy, at ano ang epekto kay Nabucodonosor?

14 Pagkatapos na si Nabucodonosor ay mamuhay na mistulang isang hayop sa loob ng pitong panahong iyon, o mga taon, ibinalik ni Jehova ang kaniyang unawa at inamin niya ‘na walang sinuman ang makapipigil sa kamay ng Kataas-taasan o makapagsasabi sa kaniya: Ano na ba ang nagagawa mo?’ Higit diyan, ipinakita ng hari ng Babilonya na natuto pa rin siya ng kaniyang aral, sa pamamagitan ng pagsasabi: “Ngayon ako, si Nabucodonosor, ay pumupuri at nagbubunyi at nagpaparangal sa Hari ng mga langit, sapagkat ang lahat niyang gawa ay katotohanan at ang kaniyang mga daan ay katarungan, at sapagkat yaong nagsisilakad sa kapalaluan”​—gaya ng ginawa ng hari​—“ay kaniyang mapabababa.” Hindi baga ang lahat ng gayong patotoo tungkol sa paraan ni Jehova ng paulit-ulit na paglutas sa isyu ng pagkasoberano mismo ay matibay na patotoo ng mga pangyayari na ang mga salaysay na ito ay hindi katha-kathang guniguni lamang ng sinuman kundi gawa ng isang manunulat na kinasihan ng Diyos upang sumulat ng aktuwal na kasaysayan?​—Daniel 4:35, 37.

Nakita ni Belsasar ang Sulat-Kamay sa Pader

15. Paano hinamak ni Belsasar ang tunay na Diyos, si Jehova?

15 Ang isa pang hari na nagkaroon si Jehova ng pagkakataon na maturuan ay si Belsasar. Siya ang anak at kasamang naghahari ni Haring Nabonidus, na isang kahalili naman ni Nabucodonosor. Samantalang nagaganap ang isang malaking piging, si Belsasar ay nagkaroon ng lakas ng loob na iutos na ang mga gintong sisidlan na kinuha ng kaniyang lolo sa templo ni Jehova sa Jerusalem ay dalhin doon upang siya, pati kaniyang mga mahal na tao, kaniyang mga asawa, at kaniyang mga babae ay makainom doon. Kaya “sila’y nag-inuman ng alak, at kanilang pinuri ang mga diyos na ginto at pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.”​—Daniel 5:3, 4.

16, 17. (a) Sa paano hinasikan ni Jehova ng takot si Belsasar? (b) Anong paliwanag ang ibinigay ni Daniel tungkol sa kahulugan ng sulat-kamay sa pader, at paano ito napatunayang totoo?

16 Ang panahon ng Diyos ay sumapit upang wakasan ang paghahari ng Babilonya. Kaya’t kaniyang pinapangyari na lumitaw sa pader ang isang kakatuwang sulat-kamay. Dahil sa himalang ito ay lubhang nasindak ang hari kung kaya’t agad-agad na ipinatawag niya ang lahat ng kaniyang mga lalaking pantas upang ipaliwanag ang kahulugan niyaon. Walang isa man sa kanila ang makapagpaliwanag. Nang magkagayo’y ipinaalaala sa kaniya ng kaniyang ina na si Daniel, na nagpaliwanag na ng kahulugan ng panaginip para kay Nabucodonosor ay makapagpapaliwanag ng kahulugan ng sulat-kamay. (Daniel 5:10-12) Nang ipatawag at tanungin kung kaniyang magagawa ito, ipinaalaala ni Daniel sa hari kung paanong ang kaniyang palalong lolo ay pinagpakumbaba ng Diyos upang kaniyang maalaman na ang Kataastaasan ay Hari sa kaharian ng sangkatauhan.​—Daniel 5:20, 21.

17 Sinabi pa ni Daniel kay Belsasar: “Ang Diyos na kinaroroonan ng iyong hininga at kinaroroonan ng lahat ng iyong lakad ay hindi mo niluwalhati.” (Daniel 5:23) Kaya’t ang sulat-kamay ay nagbigay-babala sa pinuno ng Babilonya na sumapit na sa pagwawakas ang mga araw ng kaniyang paghahari, na siya’y tinimbang at nasumpungang kulang, at na ang kaniyang kaharian ay ibibigay sa mga Medo at sa mga Persiyano. At nang gabi ring iyon, pagkatapos na ang palalong hari ay turuan ni Jehova ng kailangang-kailangang aral na ito, si Belsasar, ang haring Caldeo, ay pinaslang.​—Daniel 5:30.

18. Sa pamamagitan ng anong paraan tuturuan ni Jehova ang mga pinuno ng daigdig sa ngayon ng nakakatulad na mga aral tungkol sa kaniyang soberanya at kapangyarihang magligtas?

18 Gaya ng kung paanong ang palalong mga haring sina Nabucodonosor at Belsasar ay tinuruan ni Jehova ng tungkol sa kaniyang soberanya at kapangyarihang magligtas, sa Armagedon ay ipakikilala ng Diyos sa lahat ng mga pinuno sa lupa na siya ang Kataastaasang Pinuno, ang makapangyarihan sa lahat na Soberano ng Uniberso. Maaapektuhang mainam ang iyong buhay. Sa paano? Sapagkat sa panahong iyan ang kaniyang tapat na mga lingkod ay ililigtas din ni Jehova gaya ng kung paano niya iniligtas ang tatlong Hebreo buhat sa nagniningas na hurno.​—Daniel 3:26-30.

Natuto si Dario Tungkol sa Kapangyarihan ni Jehova na Magligtas

19, 20. Anong pangyayari sa buhay ni Daniel ang nagturo kay Dario ng tungkol sa kapangyarihan ni Jehova na magligtas?

19 Sa Daniel kabanata 6 ay inilalahad ang tungkol sa isa pang pangyayari na kung saan tinuruan ni Jehova ang isang hari, si Dario, ng isang aral​—ang kapangyarihan ng Diyos na magligtas. Ang isang sabuwatan ay nagbunga ng pagpapatapon ng hari kay Daniel sa isang kulungan ng mga leon, bagaman iyo’y labag sa kalooban ng hari. Siya’y hindi isang tao na palalong nagtaas ng kaniyang sarili laban sa tunay na Diyos. Kapansin-pansin, bagaman tiniyak ni Dario kay Daniel na ililigtas siya ng kaniyang Diyos, sa totoo’y waring hindi niya lubusang pinaniniwalaan ito. Sapagkat kung hindi, bakit siya’y hindi makatutulog ng magdamag, at balisa hanggang sa pagbubukang-liwayway, nang siya’y nagmamadaling naparoon sa kulungan ng mga leon? Nang magkagayo’y humiyaw siya: “Oh Daniel, lingkod ng Diyos na buháy, ang iyo bang Diyos na pinaglilingkuran mong palagi ay nakapagligtas sa iyo buhat sa mga leon?”​—Daniel 6:18-20.

20 Oo, si Daniel ay nailigtas ng Diyos. Ganiyan na lamang ang katuwaan ni Haring Dario kung kaya’t siya’y nagpalabas ng ganitong utos: “Sa lahat ng sakop ng aking kaharian, ang mga tao ay magsisipanginig at mangatatakot sa harap ng Diyos ni Daniel. Sapagkat siya ang Diyos na buháy at ang Isang namamalagi magpakailanman, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba . . . Siya’y nagliligtas at nagpapalaya at gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa, sapagkat kaniyang iniligtas si Daniel mula sa kabagsikan ng mga leon.”​—Daniel 6:26, 27.

21. (a) Sa unang anim na kabanata ng aklat ni Daniel anong kapuna-punang mga halimbawa ang ibinibigay? (b) Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng nasusulat na kasaysayan ng mga bagay na ito?

21 Ang unang anim na kabanata ng aklat ni Daniel ay tunay na nagbibigay ng kapuna-punang mga halimbawa ng kung paanong si Jehova, palibhasa’y masigasig​—oo, mapanibughuin​—alang-alang sa kaniyang pangalan ay nagturo sa makapangyarihang mga hari ng sanlibutang ito na siya nga ang Isang makapangyarihan sa lahat, ang Soberano ng Uniberso, at nagagawa niyang magpakumbaba ang mga palalong pinuno samantalang kaniyang inililigtas naman ang kaniyang tapat na mga lingkod. Ang mga kasaysayang ito ay dapat magtanim sa atin ng isang kapaki-pakinabang na takot sa Diyos at paggalang kay Jehova sa kaniyang pagiging makapangyarihan sa lahat at pagkasoberano. Gayundin naman, ang kinasihang kasaysayang ito ay lubhang nakapagpapalakas-pananampalataya sapagkat nagbibigay ng ulirang halimbawa ng mga lingkod ng Diyos na Jehova na nagpakita ng malaking pananampalataya at lakas ng loob, gaya ng malinaw na ipakikita ng sumusunod na artikulo.

[Talababa]

a Tingnan Ang Bantayan, Oktubre 1, 1986, pahina 3-7.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Anong aral ang kinailangang ituro ni Jehova sa mga pinuno ng daigdig?

◻ Ano ang masasabi tungkol sa pagiging totoo ng aklat ni Daniel?

◻ Ano ang aral na nakaapekto pa kay Haring Nabucodonosor upang siya’y magpakumbaba?

◻ Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng pagtuturo ni Jehova ng mga aral sa mga hari?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share