Makapaniniwala Ka ba sa Bibliya?
“LIGTAS na ligtas sabihing kung makakaharap ka ng isang taong nagsasabing siya’y hindi naniniwala sa ebolusyon, ang taong iyon ay ignorante, estupido, o baliw.” Papaano ka naaapektuhan ng mga salitang ito ng biologong si Richard Dawkins? Kung naniniwala ka sa Bibliya, malamang na naniniwala ka sa paglalang imbis na sa teorya ng ebolusyon. Ibig bang sabihin na, bilang isang naniniwala sa Bibliya, ikaw ay ignorante, estupido, o baliw?
Pag-isipan din ang pangungusap na ito: “Ang mga iskolar ng Bagong Tipan ay nagpapatotoo ng walang anumang makatuwirang pagdududa na si Jesus na tinutukoy sa mga sinaunang dokumentong Kristiyano ay masasabing isang guniguni ng kaisipang Kristiyano.” Ang mga salitang ito sa The Weekend Australian ay sinabi ni Dr. Robert W. Funk, isang propesor sa relihiyosong mga aralin sa pamantasan at autor ng mga ilang libro tungkol sa interpretasyong relihiyoso.
Si Dr. Funk ang pinagmulan ng isang proyektong nakikilala bilang ang Seminar ni Jesus, isang grupo ng mahigit na isandaang iskolar sa Bibliya na sama-samang sumusuri sa mga sinabi ni Jesus na nakaulat sa Bibliya. Kabilang sa iba pang mga bagay, kanilang sinabi na ang Panalangin ng Panginoon ay hindi si Jesus ang gumawa; na hindi sinabi ni Jesus na ang maaamo’y magmamana ng lupa o na ang mga mapagpayapa ay tatawaging mga anak ng Diyos; at hindi niya sinabi: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay, ang sumasampalataya sa akin . . . ay hindi mamamatay kailanman.”—Juan 11:25, 26; Mateo 5:5, 9; 6:9, 10.
Kahit na magitla ka sa kanilang mga sinasabi, ang mga iyan ay hindi pambihira. Ang mga iyan ay resulta ng modernong Biblikong kritisismo, at mga katulad na ideya ang itinuturo sa mga seminaryong relihiyoso sa loob ng ilang panahon. Marahil ay manhid ka na sa pakikinig sa pangongontra ng mga siyentipiko laban sa Bibliya. Subalit nang ang mga lider ng relihiyon ay magbangon ng mga pag-aalinlangan sa pagiging totoo ng Bibliya, marahil ay pag-iisipan mo kung panahon na upang pag-isipan naman ang iyong sariling paninindigan. Makatuwiran bang maniwala sa Bibliya gayong napakaraming marurunong sa larangan ng relihiyon ang maliwanag na hindi naniniwala?