Sierra Leone—Pagkatuklas sa Pinakamamahaling mga “Brilyante” Nito
NOONG taóng 1462, isang grupo ng magigiting na mga marinerong Portuges ang inut-inot na nakarating sa baybaying Kanlurang Aprika sa isang puntong 890 kilometro sa gawing norte ng ekuwador. Sila’y hindi natakot sa narinig nilang alamat tungkol sa isang madilim na karagatan na punô ng napakalalaking mga halimaw na ipinagpapalagay na nasa gawing timog ng Morocco. At, hindi nila tinanggap ang umiiral na paniwala noon na totoong napakainit ang ningas ng araw malapit sa ekuwador kung kaya’t sumusubó ang karagatan.
Gaya ng inaasahan ng mga marinong iyon, hindi naman nagliyab ang kanilang mga barkong kahoy, at wala silang nakitang mga halimaw na walang ulo ayon sa ibinabalita ng alamat. Sa halip, ang natuklasan nila’y magagandang dalampasigan na may mapuputing buhangin at nasa kabila pa roon ang luntiang mga kabundukan, na nalalaganapan ng makapal na kagubatan. At pagka binahaan ang lupa ng ulan sa tag-araw at gumuhit ang mga kidlat, ang kulog ay dumadagundong at umaalingawngaw sa mga kabundukang iyon tulad ng ungal ng kung anong dambuhalang hayop-gubat. Kapansin-pansin, ang ipinangalan ng mga magdaragat na ito sa dakong iyon ay Sierra Leone—“Leon sa Kabundukan”!
Sa paglakad ng mga taon, napag-alaman ng mga tao na ang kayamanan ng Sierra Leone ay hindi lamang dahil sa kagandahan nito. Mayroon din naman doong mga mineral: bakal, bauxite, rutile, chromite, platino, at ginto. Ngunit hindi nangyari kundi noong 1930 may natuklasan na pumukaw ng interes ng daigdig ng komersiyo sa munting lupaing ito. Nakatuklas doon ng mga brilyante. Napatunayan na marami roon na mahahalagang hiyas, at naakit ang libu-libong mga prospektor.
Ang iba’y literal na pumulot ng mga brilyante na naroroon lamang sa lupa. Isang babae ang nakatuklas ng isang pagkalaki-laking brilyante nang siya’y naglalaba ng damit sa isang sapa. Isang lalaki naman ang nakatuklas ng isang 153-kilatis na brilyante samantalang nagtatanim ng kamote sa isang bukid. Subalit, sa kalakhang bahagi, ang panunuklas sa mamahaling mga batong ito ay nangailangan ng malaking pagpapagal. Halimbawa, may mga brilyanteng nakabaon nang malalim sa lupa, nababalot ng kimberlite, isang uri ng bato. Upang makuha ang mga ito kailangan ang paghuhukay, pagpapasabog, pagdurog at pagbubukud-bukod. Kailangan din ang kasanayan, ang kaalaman, at ang tiyaga.
Bagaman malawak na pagmimina ng brilyante ang nagpapatuloy hanggang sa araw na ito, ang panunuklas ng isang naiibang uri ng mga hiyas—espirituwal na mga brilyante na mas mahalaga—ang patuloy na nagaganap sa Sierra Leone sapol noong 1915. Nang taon ding iyan, isang lalaking nagngangalang Alfred Joseph ang lumisan sa Barbados at naglakbay patungo sa lupaing ito sakay ng barko. Dito siya’y nagsimulang gumawa ng gawaing “panunuklas,” hindi ng mga brilyante kundi ng mga taong naghahangad na maglingkod sa tunay na Diyos “sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:24) Ang ganitong pananaliksik ay isinagawa na gaya ng paraang ginagamit noon ng unang-siglong mga Kristiyano—“sa madla at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20) Makalipas ang pitong taon, si Alfred Joseph ay sinamahan sa gawaing ito ni William R. Brown, tagaroon din sa West Indies.
Sa may dulo ng 1923, isang munting kongregasyon ang itinatag sa kabisera, sa Freetown. Kabilang sa kongregasyong iyon ang 14 na mga bagong kababautismo. Ngayon, 632 mga indibiduwal sa 30 kongregasyon ang nakikibahagi sa pangmadlang pangangaral bilang mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang pagsisikap sa paghanap at pagtuklas sa matatawag na mamahaling espirituwal na brilyante ng Sierra Leone ay patuloy na nagtatagumpay nang lubusan.
Aktibong mga Humahanap ng Katotohanan
Ang ilang mga bagong alagad ni Jesu-Kristo ay napatunayang tulad ng mga brilyanteng madaling pulutin sa ibabaw ng lupa. Sila na ang aktibong humahanap sa mga Saksi ni Jehova. Isa sa mga ito ay mangungulot na Joan ang pangalan. Siya’y tumelepono sa lokal na punong-tanggapan ng mga Saksi sa Freetown at humiling na siya’y aralan ng Bibliya.
Ano ba ang nag-udyok kay Joan na tumawag sa telepono? “Wala akong natatandaan sa tanang buhay ko na hindi ako humahanap sa Diyos,” aniya. “Sapol ng aking pagkabata, ako’y umanib na sa maraming relihiyon at grupong relihiyoso ngunit kailanman ay hindi ako nagkamit ng espirituwal na kasiyahan.
“Mga sampung taon na ngayon ang nakalipas, nakilala ko ang mga Saksi, ngunit walang anumang kadahi-dahilan, nagkaroon ako ng opinyon na ang mga taong ito ay dapat iwasan sa anumang paraan. Nang isang kaibigan ng pamilya namin ang naging Saksi, ako’y sumuskribe ng mga magasing Bantayan at Gumising! Iyon ay upang mapalugdan lamang siya; kailanman ay hindi ako nag-abala ng pagbabasa ng mga iyan. Sa katunayan, ginamit ko ang mga iyan sa paglilinis ng aking mga bintana! At isang Gumising! ang dumating na nakatawag ng aking pansin. Ang artikulo sa pabalat ay tungkol sa ating pangangailangan ng pag-ibig. [Setyembre 22, 1986] Binasa ko iyon at humanga ako nang ganiyan na lamang. Ang magasing iyan ang nag-udyok sa akin na humiling na aralan ako ng Bibliya.” Si Joan ay mabilis na sumulong at hindi nagtagal ay naging isang bautismadong Saksi ni Jehova.
Ang isa pang tao na humanap sa katotohanan ay isang binatang nagngangalang Manso. Ang gusto niya’y maging isang pari at pumasok sa isang seminaryo. Ngunit nang kaniyang makita ang pagpapaimbabaw ng kaniyang mga guro, siya’y nasiraan ng loob at huminto. Pagkatapos, si Manso ay nagsimulang dumalo sa mga iba pang pulong ng relihiyon. Isang araw nang siya’y papunta upang dumalaw sa isang tiyuhin, may nakita siyang isang aklat na lathala ng Watch Tower Society—Tunay nga bang Salita ng Diyos ang Bibliya? Iyon ay nasa lupa nakalubog sa putik. Yamang ang titulo’y nakatawag-pansin kay Manso, kaniyang pinulot ang aklat, pinatuyo, at binasa niya iyon. Narito pala ang katotohanan na kaniyang hinahanap! Ang aklat ay nag-anyaya sa mga mambabasa na dumalo sa mga pulong sa lokal na Kingdom Hall. Kaya si Manso ay naparoon, nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, at hindi nagtagal ay nabautismuhan. Ngayon ay naglilingkod siya bilang isang buong panahong ebanghelisador na payunir!
Pagtugon sa Matiyagang Tulong na Tinatanggap
Subalit, ang mga ibang bagong alagad ay napatunayan na mas nakakatulad ng mga brilyanteng nakabaong malalim sa bato. Tunay na pagpapagal ang kinailangan upang “matuklasan” sila. Nagugunita pa ni Donald, isang elder na Kristiyano, ang pagtitiyaga niya upang matulungan ang isang babaing nagngangalang Martha. Ganito ang sabi niya: “Bagaman siya’y pumayag na mag-aral, laging pinaghihintay niya kami nang matagal bago kami harapin. Kung minsan ay sadyang inaantala niya ang paggawa ng mga trabahong dapat sana’y nagawa na nang maaga. Pagkatapos ay sasabihin sa amin na maghintay kami hanggang sa kaniyang magawa iyon. Kung minsan kami ay naghihintay sa loob ng mahigit na isang oras. Inaasahan niyang kami’y masisiraan ng loob at aalis na, ngunit bawat linggo ay sinikap namin na makubrehan ang humigit-kumulang kaunting makabuluhang materyal. Ang resulta? Dumating ang panahon na lumago ang kaniyang pagpapahalaga.
“Ang isa pang suliranin ay ang mapadalo si Martha sa pulong. Ako’y nagsasama ng mga ibang Saksi pagka inaaralan namin siya ng Bibliya upang hindi siya manibago pagdalo niya sa Kingdom Hall. Ngunit siya’y nagpaliban at nagpaliban nang ganiyan na lamang na anupa’t nang dumalo siya sa katapus-tapusan, ang halos lahat ng nasa kongregasyon ay kilala na niya!” Nagbunga rin ang pagtitiyaga. Si Martha ay bautismado na ngayon at may mainam na katayuan sa kongregasyon.
Si Pius noong una ay sumasalansang sa katotohanan. Nang isang mag-asawang misyonero ang nagsimula ng pakikipag-aral sa kaniya ng Bibliya, si Pius ay nasa kaniyang mga taon ng dekada ng 70, isang miyembro na mahigpit ang kapit sa isang partido pulitikal, at siya ang ingat-yaman ng kaniyang Iglesiya. “Mahigpit na ipinangangatuwiran niya ang bawat punto na aming tinatalakay,” sabi ng mga misyonero. “Linggu-linggo kami ay nagsisimula na kalmado, ngunit unti-unting siya’y nag-iinit. Talagang labanán iyon linggu-linggo, at kadalasan inaakala naming gusto na naming sumuko at huminto na ng pagtulong sa kaniya. Ang pangunahing dahilan kung kaya hindi namin maihinto ang pagtulong sa kaniya ay sapagkat siya’y laging naghahandang lubusan ng leksiyon.
“Pagkaraan ng mga isang taon na ganito nang ganito, sinabi ni Pius na ipinasiya na niyang gumawa ng mga ilang pagsusuri sa ganang sarili niya. Yamang siya’y isang retiradong guro, batid niya kung papaano magsasaliksik. Araw-araw sa loob ng dalawang linggo, siya’y umakyat sa bundok upang mapuntahan ang aklatan ng unibersidad, at doon ay puspusang nanaliksik siya sa mga komentaryo sa Bibliya at mga aklat na reperensiya. Pagkatapos ay kaniyang ipinahayag: ‘Ngayo’y kumbinsido na akong lahat ng sinasabi ninyo sa akin ay totoo. Ang Diyos ay hindi isang Trinidad, walang apoy ng impiyerno, at ang kaluluwa ay hindi imortal. Inaamin ito maging ng mga ilang kasamahan ko sa aking relihiyon.’ Pagkatapos niyan, si Pius ay mabilis na sumulong, siya’y nagbitiw kapuwa sa pulitika at sa simbahan. Pagkatapos na mabautismuhan, siya’y naging isang auxiliary payunir, na gumugugol ng 60 oras isang buwan sa pangangaral, sindalas ng nagagawa niya hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1987.
“Ang isang bagay na hindi namin alam nang matagal,” naaalaala pa ng mga misyonerong nagturo kay Pius, “ay na nakiugnay pala sa mga Saksi ni Jehova ang kaniyang ina. Natandaan [niya] na siya’y dumadalo sa mga pulong kasama ng [kaniyang nanay] nang siya’y isa pa lamang bata. Pagkatapos na ito’y mamatay, siya’y lumakad na ng kaniyang sariling lakad. Pagkatapos ng kaniyang bautismo, sinabi ni Pius: ‘Ang tanging ikinalulungkot ko ay na hindi na ako nakikita ngayon ng nanay ko.’ Pagkatapos ay sumaya ang kaniyang mukha at sinabi niya: ‘Pero siya’y makakasama ko sa bagong sanlibutan!’ ”
Hanggang sa araw na ito, ang paghahanap ng mga brilyante at ang paghahanap ng mga alagad ay nagpapatuloy. Ipinagsisigawan ng nangangalandakang mga anunsiyo na “ang mga brilyante ay walang-hanggan.” Subalit ang may-ari ng gayong ubod-gandang hiyas ay hindi nagtatamasa ng walang-hanggang kasiyahan doon sapagkat maliban sa paglalaan ng Diyos na kaligtasan, kamatayan ang dinaranas ng lahat ng mga makasalanang mga tao. (Juan 3:16, 17) Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Sierra Leone ay nagbubunga ng isang kayamanan na makapupong mahalaga kaysa hamak na mga brilyante: mga lingkod ng Diyos at mga alagad ni Jesu-Kristo! At ang Salita ni Jehova ay nangangako: “Ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 22, 23]
(Para sa ganap na pagkakaayos ng teksto,tingnan ang publikasyon.)
[Mga larawan]
Sa gitna ng mga tanawin na katulad nito, ang mga tagapagbalita ng Kaharian ay nakatutuklas ng espirituwal na mga brilyante sa Sierra Leone