Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 5/15 p. 3-7
  • Armagedon—Kailan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Armagedon—Kailan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Armagedon?
  • Sino ang mga Maglalaban?
  • Bakit Magkakaroon ng Labanang Ito?
  • Saan Ito Magaganap?
  • Kailan Magaganap ang Armagedon?
  • Kung Ano ang Isasagawa ng Armagedon
  • Armagedon—Ang Maling Pagkakilala Rito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Ano ang Digmaan ng Armagedon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Armagedon—Isang Maligayang Pasimula
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Magsisimula Ba sa Israel ang Armagedon?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
    Iba Pang Paksa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 5/15 p. 3-7

Armagedon​—Kailan?

“TAYO’Y nakatayo sa Armagedon at ating ipinaglalaban ang Panginoon.” Sa mga salitang iyan, ang terminong “Armagedon” ay ikinapit ng dating pangulo ng E.U. na si Theodore Roosevelt sa isang pulitikal na labanan na kinasangkutan niya. Kung gayon, ang Armagedon ba ay dapat nating hanapin sa larangan ng pulitika?

Mga ilang taon na ngayon ang nakalipas, ang magasin ng Canada na Business Life ay may artikulong pinamagatang “Economic Armageddon.” (Pangkabuhayang Armagedon) Isang subtitulo ang nagtanong: “Ang hindi pagbabayad ng utang ng Ikatlong Daigdig ay magbibigay-daan kaya sa pagbagsak ng ating kabuhayan?” Ngunit dapat ba nating isipin na ang Armagedon ay isang kapahamakan sa pananalapi?

Sang-ayon sa lathalaing Newsweek, ang wakas ng daigdig ay naging isang pangkampanyang isyu sa panahon ng debate sa panguluhan noong 1984. Sa okasyong iyan, ang noo’y pangulo ng E.U. na si Ronald Reagan “ay tinanong kung talagang naniniwala siya na ang daigdig ay patungo na sa isang ‘nuclear Armageddon.’ Kinilala ni Reagan ang ‘pilosopikal na mga diskusyon’ tungkol sa nagkataóng mga pangyayari sa daigdig at ng mga palatandaang inihula ng Bibliya na nagpapakilala sa mga huling araw, ngunit iginiit ng punong komandante na kailanman ay hindi niya sinabing ‘tayo’y kailangang magplano ayon sa Armagedon.’ ” Subalit, ang atin bang pagsasaliksik upang makita ang kahulugan ng Armagedon ay nakatutok sa pagkilos militar na nagbabanta ng nuklear na pagkatupok?

Maraming taong relihiyoso ang nagsasabi na ang Armagedon ay isang digmaan. Ngunit noong may pasimula ng ika-19 na siglo, ang iskolar ng Bibliya na si Adam Clarke ay sumulat: “Katawa-tawa nga ang mga haka-haka ng mga tao tungkol sa puntong ito! Sa lumipas na dalawampung taon ang digmaang ito ay pinaglabanan sa sarisaring lugar, sang-ayon sa ating halos bulag na mga manghuhula at sariling-kinasihang mga propeta! Noong minsan ay ang Austerlitz, at pagkatapos ay ang Moscow, at sumunod ay ang Leipsic, at ngayon ay ang Waterloo! At sa gayo’y nagpatuloy nang nagpatuloy iyan, at magpapatuloy pa rin, na nakalilito at nagkakalituhan.”

Ang paghahanap ng kahulugan ng Armagedon ay malinaw na nagbabangon ng ilang mahahalagang katanungan. Ano ang Armagedon? Kung ito ay isang labanan, sino ang mga maglalaban? Bakit magkakaroon ng labanang ito? Saan ito magaganap? At kailan magaganap ang Armagedon?

Ano ang Armagedon?

Ang terminong “Armagedon” ay kuha sa isang salita na matatagpuan sa Bibliya sa aklat ng Apocalipsis, na kilala bilang simboliko ang mga pananalita. Doon si apostol Juan ay sumulat: “Nakita ko na lumabas sa bibig ng dragon at sa bibig ng mabangis na hayop at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong karumal-dumal na kinasihang mga pananalita na gaya ng mga palaka. Ang mga ito, sa katunayan, ay mga pananalita na kinasihan ng mga demonyo at gumagawa ng mga tanda, at nagpupunta ang mga ito sa mga hari ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. . . . At kanilang tinipon sila sa dako na tinatawag sa Hebreo na Har–​Magedon.”​—Apocalipsis 16:13-16.

Ang Armagedon, o Har–​Magedon, ay letra-por-letrang katumbas sa Griego ng pananalitang Hebreo na Har Meghid·dohnʹ na ang ibig sabihin ay “Bundok ng Megido,” o “Bundok na Pinagtitipunan ng mga Kawal.” Ito ay may kaugnayan sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Samakatuwid ang Armagedon ay hindi isang makapulitikang labanan, ang pagbagsak ng kabuhayan, isang nuklear na pagkatupok, o isang digmaan ng tao. Bagkus, ang Armagedon ay digmaan ng Diyos.

Sino ang mga Maglalaban?

Ang tatlong karumal-dumal na tulad-palakang kinasihang mga pananalita ay lumalabas sa mga bibig ng dragon (si Satanas na Diyablo), ang mabangis na hayop (kaniyang makalupang pulitikal na kaayusan), at ang Anglo-Amerikanong bulaang propeta. Ang mga pananalitang ito na kinasihan ng mga demonyo, o balakyot na mga anghel, ang tumitipon sa mga hari sa lupa, o mga pinuno, sa Har–​Magedon.​—Tingnan ang kabanata 32 ng aklat na Apocalipsis​—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Nasa panig ni Jehova sa digmaan ng Armagedon ang napakalaking hukbo ng di-nakikitang mga puwersang espiritu na pinangungunahan ng Haring Jesu-Kristo. Si apostol Juan ay nag-ulat: “Nakita kong bukás ang langit, at, narito! isang kabayong maputi. At yaong nakasakay rito ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya [si Jesus] ay humahatol at nakikipagbaka nang may katuwiran. . . . At, ang mga hukbong nasa langit ay sumusunod sa kaniya. . . . At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang mahabang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito’y hambalusin niya ang mga bansa, at kaniyang papastulin sila ng tungkod na bakal. At niyurakan din niya ang alilisan ng alak ng kabangisan ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. At sa kaniyang panlabas na kasuotan, hanggang sa kaniyang hita, siya’y may pangalang nakasulat, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” (Apocalipsis 19:11-16) Ang mahabang tabak na matalas ay kumakatawan sa kapangyarihan ni Kristo na mag-utos na lipulin ang lahat ng ayaw magtaguyod sa Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 1:16; 2:16) Napakaraming di-nakikitang mga puwersa ang nakahanda para sa digmaan ng Armagedon.

Sa kabilang panig naman ay nariyan si Satanas, ang kaniyang hukbo ng mga demonyo, at ang mga hari sa buong tinatahanang lupa. Ngunit hindi natin dapat isipin iyon lamang mga tagapamahala sa sanlibutan sa nakikitang dako, sapagkat ang mga taong kanilang pinamamahalaan ay kasangkot din. Inihula: “Si Jehova ay may galit laban sa lahat ng bansa, at kapusukan ng loob laban sa lahat nilang hukbo.”​—Isaias 34:2.

Bakit Magkakaroon ng Labanang Ito?

Magkakaroon ng labanan ng Armagedon dahil sa ang Diyos ay matuwid at hindi na niya mapapayagang magpatuloy na umiral ang kasamaan. (Awit 11:7) Ang organisasyon ni Satanas na Diyablo, na binubuo ng kapuwa mga demonyo at mapaghimagsik na mga tao, na may kagagawan ng kabalakyutan at kaabahan sa libu-libong mga taon, ay kailangan kung gayon na puksain. (Ihambing ang Genesis 3:15.) Ang pansansinukob na soberanya ni Jehova ay itatampok sa Armagedon, at ang digmaang iyan ang mag-aalis sa kaniyang pangalan ng upasala na ibinunton diyan sa loob ng daan-daang taon. Gaya ng sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ezekiel: “Hindi ko na hahayaang malapastangan pa ang aking banal na pangalan; at makikilala ng mga bansa na ako’y si Jehova.”​—Ezekiel 39:7.

Ang digmaan ng Diyos ng Armagedon ay aktuwal na magsisilbing panghadlang sa pagkapuksa ng lahat ng tao. Nilalang ni Jehova ang lupa upang tirahan, hindi upang puksain sa isang thermonuclear na digmaan ng mga tao o kung hindi man ay gawin itong di-karapat-dapat pamuhayan. (Isaias 45:18) Kaniyang “ipahahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Ngunit ang salmista’y nagpahayag: “Si Jehova nga’y naging hari. Ang mabungang lupain [Hebreo, te·velʹ; ang lupa, na mataba at tinatahanan, ang tinatahanang globo] ay natatatag din na hindi makikilos.”​—Awit 96:10.

Ang gagawin ng Diyos sa Armagedon ay magiging lubusang kasuwato ng kaniyang mga pangunahing katangian ng katarungan, karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig. (Deuteronomio 32:4; Job 12:13; Isaias 40:26; 1 Juan 4:8) Siya’y kikilos laban sa “makasalanang masasama,” hindi laban sa matuwid. (Judas 14, 15) Tanging ‘ang mga balakyot ang ibibigay sa tabak.’ (Jeremias 25:31) Ito’y magbibigay-daan sa pagsasauli ng Paraiso, na tinutupad ang banal na layunin para sa lupa at sa tao.​—Lucas 23:43.

Saan Ito Magaganap?

Yamang ang terminong “Armagedon” ay galing sa isang salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “Bundok ng Megiddo,” baka sabihin ng iba na ang digmaang ito ay paglalabanan sa isang matayog na dakong may ganiyang pangalan. Gayunman, hindi nagkaroon kailanman ng isang bundok na Megiddo ang pangalan. Mga 100 kilometro sa hilagang-kanluran ng Jerusalem ay may isang bayan sa burol, o siyudad, na tinatawag na Megiddo, ngunit isa lamang bunduk-bundukang 20 metro ang taas ang naroon ngayon sa lugar na iyon.​—Josue 17:11.

Ang sinaunang siyudad ay nakapanunghay sa “kapatagang libis ng Megiddo.” (2 Cronica 35:22) Ang pag-uugnay sa Armagedon (o Har–​Magedon) sa kapaligirang iyon ay tumpak naman sapagkat doon naganap ang mga labanang di-mapag-aalinlanganan ang tagumpay. Halimbawa, doon pinangyari ng Diyos na lubusang igupo ni Hukom Barak ang Cananeong haring si Jabin at ang kaniyang hukbong panlaban na pinangungunahan ni Sisera. (Hukom 4:12-24; 5:19, 20) Sa lugar na iyon din nagapi ni Gideon at ng kaniyang maliit na pangkat ang mga Midianita. (Hukom 7:1–​8:35) Doon din nangamatay sina Haring Ahasias at Josias.​—2 Hari 9:27; 23:29, 30.

Subalit, kapansin-pansin na ang kapatagang libis na ito, tinatawag din na Kapatagan ng Esdraelon, ay 32 kilometro lamang ang haba at 29 kilometro lamang ang luwag sa dulong silangan. Ang mga hari ng buong tinatahanang lupa at ang kanilang mga hukbong militar ay hindi magkakasya sa ganiyang kaliit na lugar. Bukod diyan, ang isang bunduk-bundukan (ang punso ng Megiddo) ni ang isang kapatagan man ay hindi isang bundok. Maliwanag, kung gayon, na ang Armagedon ay hindi masasabing isang bundok sa Gitnang Silangan. Bagkus, ang Armagedon (o Har–​Magedon) ay sumasagisag sa isang pambuong-daigdig na kalagayan, bagaman kinuha nito ang ilan sa kahulugan nito buhat sa Megiddo at ang naganap sa lugar na iyan.

Kailan Magaganap ang Armagedon?

Yamang ang Megiddo ay nasa lupain ng sinaunang bayan ng Diyos, ang nangyayari sa Armagedon ay may kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa “panahon ng kawakasan” na ito. (Daniel 12:4) Ang Har–​Magedon ay tumutukoy sa “dako” na kung saan natitipon ang pulitikal na mga tagapamahala sa lupa sa kanilang pagsalansang kay Jehova at sa kaniyang Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo. (Apocalipsis 16:14, 16) Ngunit ang ganiyang “dako” (Griego, toʹpos) ay tumutukoy sa isang kalagayan ng daigdig. Ang Armagedon ay magaganap pagka nabuo ang isang kalagayan na may epekto sa mga Saksi ni Jehova sa buong lupa.

Ang espirituwal na kasaganaan ng mga Saksi ni Jehova ang magpapasiklab ng poot ni Satanas na Diyablo, na kaagad maglulunsad ng isang lubus-lubusang pag-atake laban sa waring walang-pananggalang na mga Kristiyanong ito. Ang pambuong-daigdig na pagsalakay ni Satanas, o Gog, ay inilalarawan sa Ezekiel kabanata 38 at 39. Sa impluwensiya ng Diyablo, ang mga bansa ay magbabangon laban sa maibigin-sa-kapayapaang bayan ni Jehova na tinipon buhat sa lahat ng bansa. Oo, ang satanikong pananalansang ay makikita sa pamamagitan ng pangglobong pagkilos laban sa makalupang mga lingkod ni Jehova, ang nakikitang mga kinatawan at tagapagbalita ng Kaharian ng Diyos.

Ang isang labanan ay kalimitan nakikilala sa pamamagitan ng lugar na kung saan iyon nagaganap. Sa gayon, ang makapangyarihang pagtatanggol ng Diyos sa kaniyang bayan ay matatawag na labanan, o digmaan, ng Armagedon. Pagka bumangon na si Jehova upang ipagtanggol ang kaniyang mga lingkod laban sa pag-atake ni Gog, iyan na ang Armagedon! Ang mga pamahalaan ng tao ay guguho. Babaha ang sumasambulat na mga alapaap, namiminsalang mga pag-ulan ng graniso, gumuguhit na mga apoy at asupre, nagngangalit na mga salot​—tunay na mga gawa ng Diyos​—​ang magiging sanhi ng pagpapanic ng sanlibutan ngunit hindi ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga taong kaaway nila ay maglilipulan sa isa’t isa sa pamamagitan ng kani-kanilang mga armas. At yaong mga hindi mamamatay sa pagpapatayang ito, sila’y lilipulin ni Jehova.​—Ezekiel 38:18-23; Daniel 2:44.

Sa gitna ng kakilabutan, ang kamay ng bawat tao ay magiging laban sa kaniyang kapuwa sa matindi ngunit bigong pagpupunyagi na makaligtas. (Zacarias 14:12, 13) “Ang mapapatay ni Jehova sa araw na yao’y magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa. Sila’y hindi tataghuyan, o dadamputin man, o ililibing man. Sila’y magiging parang dumi sa ibabaw ng lupa.” (Jeremias 25:23) Anumang pagsisikap na manatiling neutral sa digmaan ng Diyos ay pagbabayaran mo ng iyong buhay sa Armagedon! At gaya ng malimit na pinatutunayan ng Kasulatan sa lathalaing ito, ang kasalukuyang salinlahi ay hindi lilipas at darating ang Armagedon!​—Mateo 24:21, 34.

Kung Ano ang Isasagawa ng Armagedon

Aalisin ng Armagedon ang huling bahaging natitira pa sa makalupang organisasyon ni Satanas. At, ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay ibubulid sa kalaliman. (Apocalipsis 20:1-3) Anong daming pagpapala ang kung magkagayo’y aagos sa bayan ni Jehova, ang maliligayang nakaligtas sa kaniyang dakilang digmaan ng Armagedon! Sila’y buong kagalakang magbabaling naman ng pansin sa pagtatayo na babago sa buong lupa upang ito’y maging isang paraiso, wala nang polusyon, sakit, dalamhati, luha, at kamatayan. (Apocalipsis 11:15, 18; 21:3, 4) At ikaw ay maaaring dumoon kung isasapuso mo ang mga salita ng salmista: “Umasa kay Jehova at sundin mo ang kaniyang daan, at kaniyang itataas ka upang maging iyo ang lupa. Pagka nilipol ang mga balakyot, makikita mo.” (Awit 37:34) Oo, ikaw ay maaaring nabubuhay sa panahong iyon upang masaksihan ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at maging isang maligayang nakaligtas pagsapit ng Armagedon!

“Yamang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo ay maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang bunga ng maka-Diyos na debosyon, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.”​—2 Pedro 3:11, 12

[Blurb sa pahina 4]

Ang Armagedon ay hindi isang makapulitikang labanan, ang pagbagsak ng kabuhayan, isang nuklear na pagkatupok, o isang digmaan ng tao. Ang Armagedon ay digmaan ng Diyos

[Blurb sa pahina 5]

Ang digmaan ng Diyos ng Armagedon ay hahadlang sa pagkapuksa ng lahat ng tao

[Blurb sa pahina 6]

Anumang pagsisikap na manatiling neutral sa digmaan ng Diyos ay pagbabayaran mo ng iyong buhay sa Armagedon!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share