“Pagkatapos ay Binigyan din Niya ang Kaniyang Asawa”
SI Adan ba ay naroroon nang ang ahas ay makipag-usap kay Eva at siya’y linlangin upang maghimagsik laban sa Diyos? Hindi ganito ang ipinakikita ng Bibliya. Sinasabi ng Genesis 3:6 na si Eva’y “pumitas ng bunga niyaon at kinain. Pagkatapos ay binigyan din niya ang kaniyang asawa nang ito’y kasama niya.” Subalit, may mga ilang salin ng Bibliya na nagbibigay ng naiibang impresyon. Ganito ang pagkasalin sa teksto ng King James Version: “Pumitas siya ng bunga niyaon, at kinain, at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya; at ito’y kumain.”
Ang pandiwang Hebreo na isinaling “binigyan” ay nasa di-ganap na panahunan at kaugnay ng isang pantanging anyo ng pangatnig na “at” [Hebreo, waw], sa gayo’y nagpapakita ng isang temporal o lohikal na pagkakasunud-sunod. Samakatuwid, isinasalin ng New World Translation ang maraming paglitaw ng waw, na nagkakatnig sa sunud-sunod na mga pangyayari sa Genesis 3:6, hindi lamang sa paggamit ng “at” kundi rin naman sa paggamit ng iba pang pangatnig na mga salita, tulad baga ng “kaya nga,” “sa gayon,” at “pagkatapos.” Ang New World Translation kung gayon ay may matatag na basehan para sa gayong pagkasalin ng nasa itaas.
Si Adan kaya ay magsasawalang-kibo na lamang sa kaniyang pakikinig sa usapan ng kaniyang asawa at ng ahas, na nakikinig sa mga kasinungalingan at paninira na ginagawa ng di-nakikitang rebelde na nasa likod ng ahas? Kawili-wiling malaman, ang Alemang iskolar ng Bibliya na si J. P. Lange ay tutol sa ganitong ideya at nagkukomento: “Ang presensiya ng lalaki sa panahon ng mismong pagtukso, maging ang kaniyang pananatiling di-umiimik, ay mahirap na maguniguni.” At sa pagpapaliwanag ng pariralang “kasama niya,” ang komentaristang Judio na si B. Jacob ay bumabanggit na ito’y “hindi [tumutukoy] sa kung sino ang nakatayong kasama niya (sa panahon ng naunang kilos o habang siya’y kumakain).”
Ang pakikipag-usap ni Eva sa ahas ay nagsiwalat na ang kaniyang asawa ay nagpatalastas sa kaniya ng tungkol sa utos ng Diyos na huwag kakain ng bunga ng punungkahoy. (Genesis 3:3) Kaya bilang ulo ni Eva, natupad ni Adan ang pananagutang iyon. Hindi pinansin ng Diyablo ang kaayusan ng Diyos ng pagkaulo at buong katusuhang sinamantala ang pag-iisa ni Eva. Nang malaunan ay tumugon siya: “Ang ahas—ito ang dumaya sa akin kung kaya’t ako’y kumain.” (Genesis 3:13) Si Eva ay nadaya dahil sa siya’y naniwala sa isang kasinungalingan, ngunit ito’y hindi nagbigay-matuwid sa kaniyang pagkakasala. Ang babalang halimbawang ito ay nagpapakita na tayo’y hindi maaaring magkaroon ng dahilan na gumawa ng isang bagay na mali sa paningin ni Jehova.—1 Timoteo 2:14.