May Kagalakang Pagtitiis sa Gitnang Silangan
Ang nakapupukaw na ulat na ito ay galing sa mga Saksi ni Jehova sa Lebanon
ANG aming 1990 taon ng paglilingkod ay nagsimula sa marahas na pagkakanyunan sa Beirut. Pagkatapos ay naging tahimik at tumagal iyon mula noong katapusan ng Setyembre 1989 hanggang Enero 1990.
Sa loob ng mga buwang iyan isang bagong sukdulang bilang na 2,659 mamamahayag ang iniulat (noong Nobyembre), kung ihahambing sa 2,467 noong 1989 taon ng paglilingkod. Apatnapu’t apat katao ang nabautismuhan, at bawat buwan ay nagkaroon sa katamtaman na 65 na nakibahagi sa pag-a-auxiliary pioneer. Sa unang pagkakataon, mahigit na 2,000 pag-aaral sa Bibliya ang iniulat, at nagsimulang inasam-asam namin kung ano ang maisasakatuparan sa hinaharap.
Ngunit ang digmaan ay muling sumiklab sa Silangang Beirut, na kung saan naroon ang karamihan ng kongregasyon, at dose-dosena ng ating mga kapatid ang kinailangang tumakas sa mga ibang panig ng bansa. Sa loob ng maraming araw ay hindi kami nagkaroon ng pakikipagtalastasan sa mga kongregasyon sa apektadong mga lugar, at ang mga ulat sa paglilingkod sa larangan ay di-kumpleto. Gayunman, ang mga kapatid na nagsipangalat ay nakiugnay sa mga kongregasyon sa mga lugar na kanilang pinagtakasan, at ang pagbabahay-bahay ay nagpatuloy at nagbunga nang mainam sa buong bansa. Samantala, marami sa mga tahanan ng ating mga kapatid ay nangasunog o dili kaya’y napinsala ng mga bomba. Isang kapatid na babae ang nasawi.
Taglay ang pagtitiwala kami’y kay Jehova tumingin para sa kaniyang tulong at patnubay. Ang malalakas-loob na mga payunir ay nagboluntaryo na magdala ng espirituwal na mga paglalaan, may kasamang pagkain at tubig, sa ating mga kapatid sa mga rehiyon na kinubkob. Palibhasa’y pinakilos ng pag-ibig kay Jehova at sa mga kapatid, isinapanganib pa nila ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagtawid sa mga daan na binaunan ng mina. Isang mainam na patotoo ang naibigay nang makita ng mga tao ang ibinibigay na tulong sa pamilya ng ating mga kapatid. Kanilang nakita kung ano ang maaaring magawa ng tunay na pag-ibig pagka ang lahat ay nagkakaisa sa pagsamba sa isang tunay na Diyos, si Jehova.—Juan 13:34, 35; 15:13.
Sa taon ng paglilingkod, ang mga kapatid ay hindi pinalyahan ng kahit isang labas ng ating mga magasin. Gaya ng kaso na nga ng Ang Bantayan, ang magasing Gumising! sa Arabiko ay nagsimulang ilathala kasabay ng Ingles, pasimula sa labas ng Enero 8, 1990. Ang mga Saksi at mga taong interesado ay labis na nagalak. Nakatutuwa ring makita ang mga bagong labas na lathalain sa Arabiko, tulad ng brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? at ng mga aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.
Ang espirituwal na mga kaloob na ito ay nailaan sa kabila ng pagsasara ng maraming mga pagawaan at iba pang mga establesimyento sa Beirut. Ang kalagayan ng ekonomiya ay masama sa buong bansa. Maraming lugar ang walang elektrisidad, walang tubig, walang serbisyo ng telepono. Bueno, hayaan nating ang ilan sa ating mga kapatid ang maglahad kung papaano sila nakasumpong ng kagalakan kahit na nakikipagpunyagi pa sa mga kapinsalaan na likha ng isang digmaan na may 15 taon nang nagaganap.
“Ang Positibong Panig”
Isang kapatid na lalaki sa Beirut ang sumulat: “Una sa lahat, ako’y taus-pusong nagpapasalamat kay Jehova dahil sa iningatan niya akong ligtas sa loob ng kaniyang organisasyon ng dalisay na pagsamba sa kabila ng lahat ng mahihirap na mga kalagayan na aming hinarap. Noong kalilipas na mga pangyayari, ako’y nagkaroon ng ilang karanasan na nagdulot sa akin ng kagalakan, at itinuturing kong ang mga iyan ang positibong panig ng digmaan.
“Sa mga sandali ng mahigpit na pambobomba, kami’y nakaupo sa hagdan kasama ng mga kapitbahay, yamang ito ang pinakaligtas na lugar sa panahon ng pagkakanyunan. Kami’y palaging nakikipag-usap sa kanila tungkol sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan, at malimit na kami’y nananalangin sa ating Diyos, si Jehova. Ito’y nahayag sa lahat.
“Kung minsan ang pagkakanyunan ay tumatagal nang kung ilang araw, at kami ay hindi makadalo sa mga pulong. Kaya’t dala ko ang magasing Bantayan at pinag-aaralan ko samantalang ako’y nakaupo sa hagdan. Iyan ay nakapukaw ng interes ng aming mga kapitbahay. Ang ilan sa kanila ay hindi nakikipag-usap sa amin sapagkat kami ay mga Saksi ni Jehova. Ngunit nang ang aming bahay ay tamaan ng kortadilya, sila’y nagtaka dahil sa pag-ibig na ipinakita ng ating mga kapatid. Ngayon ay ibig na nilang makipag-usap sa amin. Kaya naman kami ay nakapaglagay sa kanila ng ilang suskripsiyon ng Gumising!
“Dahil sa mga karanasang ito ako ay naging desididong patuloy na makipag-usap tungkol sa katotohanan. Si Jehova ay karapat-dapat sa lahat ng ating pagsamba at sa lahat ng ating pagpapahalaga at sa lahat ng kaluwalhatian.”
“Ang Pangalan ni Jehova ang Nagligtas sa Aking Buhay”
Isang kapatid sa Ras Beirut Congregation ang nagbibida: “Ang aking maybahay, ang aming dalawang maliliit na anak na lalaki, at ako ay nagsimula sa aming maghapong ministeryo ng pagbabahay-bahay sa kanlurang panig ng Beirut. Sa tanghali, kami’y nagkaroon ng isang pagpupulong sa wikang Ingles sa aking tahanan. Sa ganap na 6:30 n.g. ay madilim na. Ang mga tao lamang na nasa kalye ay mga lalaking armado. Umuulan ng mga bomba. Karamihan ng mga naninirahan sa aming gusali ay nagsitakas na. Walang tubig ni koryente man. Walang anu-ano ay nakarinig kami ng tumutuktok sa pinto.
“Sa pag-aakala na baka isa iyon sa aming mga kapitbahay na nangangailangan ng tubig o tinapay, ang pintuan ay binuksan ng aking maybahay. Ang nakatayo roon ay apat na mga lalaking armado. Ang kanilang mga baril ay itinutok sa aking maybahay at itinanong ako na tinutukoy ang aking pangalan. Nang linggong iyon siyam na lalaki ang kinuha sa kani-kanilang tahanan sa ganitong paraan at pinatay kaagad. Nang ako’y makita ng mga lalaking armado, ang kanilang automatikong mga riple ay itinutok sa aking ulo at ipinag-utos na sumama ako sa kanila. Sinabi ko sa kanila: ‘Sasama ako sa inyo. Pero hayaan muna ninyo akong magbihis.’ Ako’y nanalangin kay Jehova nang buong puso, at hiniling ko na tulungan niya ako. Samantalang nagtatapos ako ng pananalangin, nakadama ako ng malaking kaginhawahan at ang tingin ko sa armado at nakasisindak na mga lalaking ito ay karaniwan lamang na mga tao. Ako’y maaaring makipag-usap sa kanila nang walang takot.
“Tinanong ko sila: ‘Ano po ba ang ibig ninyo sa akin? Mag-usap muna tayo sandali sa bahay bago tayo umalis.’ Nang kami’y nasa salas na, tinanong ako ng kanilang hepe: ‘Ano ang iyong karapatan na pasukin ang mga bahay at mangaral sa mga tao?’ Ako’y tumugon: ‘Kayo’y may baril upang sapilitang ipagawa ang ibig ninyo, at walang nakahahadlang sa inyo. Ako ay may dala namang mabuting balita ng kapayapaan na iniutos sa amin ni Jesus na ipangaral.’ Pagkatapos ay ipinaliwanag ko ang mga paniniwala at gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nang banggitin ko ang pangalang Jehova, sinabi nila: ‘Kami’y papayag na tanungin ka rito. Hindi na kailangang ipagsama ka pa namin.’ Marahil, isa sa kanila ang may kilalang isang kapatid. Sinabi niya: ‘Ito’y parang si Jarjoura.’
“Kami’y nagpatotoo sa armadong mga lalaking iyon at sinagot namin ang kanilang mga tanong sa loob ng isang oras at kalahati. Pagkatapos, imbis na ako’y ilagay sa likod ng kanilang kotse at ako’y ipagsama na gaya ng ginagawa nila sa iba, sila’y humingi pa ng paumanhin, hinagkan ako, inalok na tutulungan kung kailangan ko iyon, at saka lumisan. Sa buong pangyayaring ito, nadama ko ang proteksiyon na ibinigay sa akin ni Jehova. Ang pakikibahagi sa gawaing pagbabahay-bahay nang umagang iyon at pagdalo sa isang pulong sa hapon ang nagpalakas sa akin upang manindigang matatag. Oo, ang pangalan ni Jehova ang nagligtas sa aking buhay.”—Kawikaan 18:10.
“Kami’y Kinupkop ni Jehova”
Isa pang kapatid na lalaki ang sumulat buhat sa Beirut: “Noon ay Miyerkules, ika-31 ng Enero, 1990. Samantalang gumagawang kasama ng aking kapatid na lalaki sa bahay ng isang sister, muling nagsimula ang labanan. Sa lahat ng dako ay may mga bombang sumasabog. Dahil sa mahigpit na labanan, kami’y hindi na makauwi. Ang sister ay totoong magandang-loob bagaman siya’y mayroon lamang iilang piraso ng tinapay.
“Ganiyan na lamang ang aking pag-aalala sa aking maybahay sapagkat siya ay isang Pilipino at hindi sanay sa karahasan ng digmaan. Subalit, noong ikalawang araw ay nagawa kong makauwi. Nakahalang sa mga kalye ang mga muwebles, ngunit salamat kay Jehova, ang aking pamilya ay ligtas. Pagkatapos ng sandaling pagtahimik, muling nagsimula ang matinding pagkakanyunan. Kami’y nagkubli sa tahanan ng isang kapatid na malapit sa amin. Kami ay lima—ang aking maybahay, ang aming dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki, ako, ang aking kapatid na lalaki, at ang kaniyang maybahay. Mga bomba, kortadilya, at mga rocket ang bumabagsak sa buong paligid, ngunit kami’y kinupkop ni Jehova. Dalawang araw ng matinding pagkakanyunan ang lumipas, samantalang kami’y patuloy na nakahiga sa lupa na anupa’t ang usok ng mga bomba ay sumisigid sa butas ng aming mga ilong.
“Habang aming napapakinggan ang mga pagsabog, nagunita namin ang mga salita ni David sa Awit 18:1-9, 16-22, 29, 30. Sa mahirap na mga sandaling iyon, at sa kabila ng lahat ng nangyayari, kami ay naliligayahan at naaari pang ngumiti. Kami’y nanalangin kay Jehova na kung sakaling kami’y mamamatay, sana ay mamatay kami kaagad, nang hindi na naghihirap pa. Matibay ang aming pag-asa sa pagkabuhay-muli.
“Kinabukasan ay di-kapani-paniwala. Mga 25 bomba ang bumagsak malapit sa bahay na aming pinagkukublihan, ngunit wala isa man sa amin ang nasaktan. Maguguniguni ba ninyo ang aming damdamin samantalang aming nadarama ang proteksiyon ni Jehova? Kinabukasan, kaagad nagpasiya kami na tumakas. Ang aking kotse ang tanging kotse sa kalye na hindi nasunog. Ako’y nagmaneho sa pagitan ng mga mina at ng mga bomba, at salamat na lamang kay Jehova, kami’y nakatakas tungo sa isang lugar na medyo tahimik kaysa aming lugar. Doon, kami’y binigyan ng ating mapagmahal na mga kapatid ng damit, pagkain, at salapi.
“Sa kabila ng lahat ng kahirapan, kami’y maligaya dahilan sa sumasaamin si Jehova. Halos parang sinugo niya ang kaniyang mga anghel upang ilayo sa amin ang mga bomba. (Awit 34:7) Oo, malaki ang aming kagalakan. Ngunit ang aming kagalakan ay magiging lalong malaki pagkatapos na kami’y makaligtas sa Armagedon.”
Pinakilos ang Tulong Pangkagipitan!
May mga lugar sa Beirut na para bang dinaanan ng isang lindol. Marami sa mga bahay ng ating kapatid ang napinsala o tuluyang nawasak. Nang bumangon ang krisis kamakailan, ang Komite sa Sangay ay nag-organisa ng isang pangkagipitang komite sa pagtulong upang mangalaga sa pangangailangan ng mga kapatid. Iyon ay nagsimula ng paggawa noong Pebrero 16, 1990, halos noong panahon na sa wakas kami’y makalilipat na sa mga lugar na apektado. Ang layunin ng komiteng ito ay tatlo: magbigay ng espirituwal na pampatibay-loob sa mga kapatid; pangalagaan ang kanilang mga pangangailangan sa salapi, pagkain, at tubig; at tulungan sila na kumpunihin at muling itayo ang kanilang mga tahanan.
Hindi kailangan na manawagan ng mga boluntaryo. Sa bawat araw marami ang maagang nagpiprisinta kung umaga upang tumulong. Narito ang ilan sa mga komento ng mga tinulungan:
Isang sister, habang nililinis at isinasauli sa dati ang kaniyang bahay, ay nagsabi: “Nabalitaan ko ang pagtulong ng mga kapatid pagka sumasapit ang kasawian. Ngayon ay nakikita ko at nadarama ko iyon.” Maging ang kaniyang kapitbahay man, isang babaing Muslim, ay nagsabi ng ganito sa sister: “Talagang nag-iibigan kayo sa isa’t isa. Ang inyong relihiyon ang tunay. Ngayon ay lilikas ako sa aking bayan at sasabihin ko sa lahat doon ang inyong ginagawa rito.” Ang kapitbahay na ito ay nagdala ng ilang pagkain sa mga manggagawang boluntaryo.
Isang may-edad nang sister ang nagsabi: “Inaasahan kong kayo’y paparito upang dalawin ako, pero hindi ko inaasahan na ang Samahan ay magpapadala ng isang magdadala sa akin ng tubig.” Siya’y umiiyak nang kaniyang hagkan ang kapatid na lalaking naparoon upang tumulong sa kaniya.
Isang pamilyang tatlong katao—ang mag-asawa na mga di-bautismadong mamamahayag at ang kanilang munting anak na lalaki—ay dinalaw at binigyan ng isang malaking kahon ng gatas, ilang tinapay, tubig na maiinom, at pera. Nang sabihin sa kanila na mga Saksi ni Jehova ang gumawa ng ganitong kaayusan, sinabi ng asawang lalaki: “Ako’y miyembro ng Iglesiya Ebanghelika nang may 11 taon at totoong aktibo ako. Subalit sa 15 taóng ito ng pagdidigmaan sa Lebanon, hindi nila naisip na gumawa ng isang bagay na katulad nito para sa kanilang mga miyembro.” Siya’y nagpatuloy pa: “Ito ang talagang tanging organisasyon ng Diyos.” Ang mag-asawa ay nabautismuhan sa isang asamblea noong Mayo 1990.
Isang elder ang nagsabi: “Hindi kayang ipahayag ng mga salita ang aming pasasalamat ukol sa mga gawa ng pag-ibig na ginawa ninyo sa apektadong mga kapatid. Lubhang naantig ang aking damdamin na anupa’t ako’y napaluha nang makita ko ang isang grupo ng mga kabataang kapatid na lalaki, mga boluntaryo, samantalang muling itinatayo ang bahay ng aking mga magulang. Maging ang aming mga kapitbahay na hindi naman mga Saksi ay nagpahayag ng kanilang pasasalamat. Talagang napasasalamat kami kay Jehova at sa kaniyang organisasyon ukol sa praktikal na pagtangkilik na ipinamalas. Anong pagkatotoo nga ng mga salita ng salmista sa Awit 144:15: ‘Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova.’ ”
“Anong Uri Kayo ng mga Tao?”
Isang sister na may pamilya ang sumulat: “Nais kong ipahayag ang aking matinding pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Ang aking bahay ay tinamaan ng maraming kortadilya at nasunog. Marami ang nagsabi na ito raw ay hindi na makukumpuni pa. Subalit, narito at ito’y nakatayo at lubusang nakumpuni na para bang walang nangyari rito, na napalilibutan ng daan-daang bahay sa aming kalye na mga sunóg at wasak na.
“Maging ang aming mga kapitbahay, na hindi mga Saksi ni Jehova, ay nagtatanong: ‘Saan ba nanggagaling ang pag-ibig na ito? Anong uri kayo ng mga tao? Sino ba ang mga indibiduwal na ito na gumagawa nang buong-sigasig at totoong tahimik at maganda ang paggawi? Purihin ang Diyos na nagbigay sa inyo ng pag-ibig na ito at ng espiritung mapagsakripisyo-sa-sarili.’ Anong pagkaangkup-angkop ang mga salita ng Awit 84:11, 12: ‘Sapagkat si Jehovang Diyos ay araw at kalasag; siya’y nagbibigay ng biyaya at kaluwalhatian. Si Jehova’y hindi magkakait ng anumang mabuting bagay sa mga nagsisilakad nang matuwid. Oh Jehova ng mga hukbo, maligaya ang tao na tumitiwala sa iyo.’ ”
Isang lalaking ang asawa at mga anak ay mga Saksi ni Jehova ang sumulat: “Nais kong pasalamatan kayo sa inyong tulong sa pagkukumpuni ng aming bahay. Ang inyong nagawa ay nagpapakita ng isang taimtim na pag-ibig Kristiyano na pambihirang-pambihira sa mga araw na ito. Harinawang pagpalain ng Diyos ang inyong pagpapagod.”
Pagkatapos na ang bahay ng isang elder ay maisauli na sa dati, sinabi niya: “Hindi mabigkas ng aming mga bibig ang nasa aming mga puso. Hindi kami makasumpong ng mga salitang makapagpapahayag sa inyo ng aming pasasalamat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Aming nadama ang pagkamalapit ni Jehova sa panahon ng aming kasakunaan. Ang inyong pag-ibig ang nagpatibay-loob sa lahat ng miyembro ng aking pamilya upang makibahagi sa pagtulong sa mga iba na nasa pangangailangan.”
Noong Abril, 194 katao sa Lebanon ang nagtamasa ng pribilehiyong mag-auxiliary pioneer. Ang gabi ng Memoryal ay mas tahimik kaysa mga ibang gabi, at ang Memoryal ay ginanap na may kabuuang dumalo na 5,034. Lahat ng mga asamblea na isinaplano ay ginanap, at ang kabuuang bilang ng mga taong nabautismuhan para sa natapos na taon ay 121 sa kabila ng kaguluhan sa bansa. Maraming pamilya sa mga kongregasyon ang nag-alisan na sa bansa. Ngunit mga bagong interesado ang sumusulong tungo sa bautismo at ang 2,726 na mga mamamahayag ng Kaharian ay patuloy na lumalaki. Sa 1990 taon ng paglilingkod, lahat ng mga lingkod ni Jehova sa Lebanon ay nakaranas ng pagiging tapat ni Jehova sa kanyang mahusay na pangangalaga sa amin at inakay kami sa mga panahon ng kaguluhan.—Awit 33:4, 5; 34:1-5.