Paghahayag ng Mabuting Balita sa “Siyudad ng Polynesia” sa Nueba Zealandia
“ANG pinakamalaking siyudad ng daigdig sa Polynesia.” Ganiyan ang naging tawag sa Auckland na siyang punung-lunsod ng Nueba Zealandia. Bakit? Hindi lamang dahil sa ito ang tahanan ng mga Polynesian ng Nueba Zealandia, ang Maori, kundi rin naman ay dahilan sa maraming libu-libong iba pang mga Polynesian ang doon nakatira. Noong nakalipas na mga taon, sila’y nagsipandayuhan dito buhat sa Kanlurang Samoa, Cook Islands, Tonga, Niue, at iba pang mga isla sa Pasipiko. Bueno, mayroon ngayong mas maraming Maori ng Cook Island sa Nueba Zealandia kaysa lahat ng mga isla sa Cook island mismo! Gayundin, ang mga residente sa Auckland na taga-Niue ay makapupong marami kaysa naroon sa Niue.
Bagaman ang mga tagaislang ito sa Pasipiko ay lumipat sa Auckland unang-una dahil sa pagdarahop sa kabuhayan, sila’y mayroon ding ibang mga pangangailangan na dapat matustusan. Ang isang mahalaga para sa mga taong ito na mahilig sa Bibliya ay ang kanilang espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova sa Nueba Zealandia ay puspusang nagsisikap na ihayag ang “mabuting balita ng kaharian” sa gitna ng mga tagaislang ito. (Mateo 24:14) Ano na ba ang nagawa tungkol dito, at papaano naman tumugon ang mga tagaisla?
Ang mga taga-Samoa ay Umuunlad
Ang komento ng isang misyonero sa Samoa ay nagbibigay sa atin ng kaalaman tungkol sa pangmalas sa espirituwal na mga bagay ng mga tagaisla. “Pagka unang nakilala mo ang sinuman sa Nueba Zealandia, kaugalian na kumustahin siya tungkol sa kaniyang hanapbuhay,” ang sabi nito. “Sa Samoa ang unang tanong na ihaharap sa iyo ay karaniwan nang may kaugnayan sa relihiyon ng isang tao.” Kaya naman, hindi katakataka na ang dalawang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Auckland na ang wika’y Samoano ay lalong mabilis umunlad kaysa karaniwang kongregasyon sa Nueba Zealandia.
Ang unang kongregasyong Samoano sa Auckland ay itinatag noong 1977. Dahilan sa bigay-Diyos na pag-unlad, ang pangalawa ay naitatag makalipas ang pitong taon. (Ihambing ang 1 Corinto 3:6.) Sa dalawang kongregasyong ito, may kabuuang 154 mamamahayag ng Kaharian, 12 dito ang nasa buong-panahong ministeryo. Sa isang karaniwang araw ng Linggo, mahigit na 275 katao ang dumadalo sa mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya na ginaganap sa Kingdom Hall.
Ang kanilang pananampalataya ay dinidibdib ng mga kapatid sa Samoa, gaya ng ipinakikita ng kanilang sigasig at determinasyon sa kanilang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20) Ito’y makikita buhat sa sumusunod na karanasan ng isang sister na taga-Samoa:
Sa pagbabahay-bahay, may nalapitan ang sister na isang babaing ang turing sa lahat ng relihiyon ay mapagpaimbabaw at saka isinara ang pinto. Palibhasa’y nabigla at nakadama ng pagkabigo, nag-isip ang sister kung ano ang dapat gawin. ‘Hindi ko maiiwan siya na ang nakatanim sa isip ay na mga ipokrita ang mga Saksi ni Jehova,’ ang naisip niya. Kaya minabuti niyang mag-iwan ng isang maikling kalatas. “Ipinaliwanag ko sa maikli ang batayan sa Kasulatan ng aking gawain at nagtanong ako kung bibigyan niya ako ng panahon na magpaliwanag sa kaniya ng pag-asang iniaalok ng Bibliya. Isinulat ko rin doon ang numero ng aking telepono.”
Ang kapatid ay saka nagpatuloy sa kaniyang ministeryo, dinalaw niya ang ibang tahanan. Nang naroon na siya sa ikaapat na bahay na kaniyang gagawin, siya’y tumanggap ng isang mensahe sa telepono na nagsasabing balikan niya ang babaing nagalit at pinagsarhan siya ng pintuan. “Ang babae ay humingi sa kaniya ng paumanhin dahil sa kaniyang nagawa,” ang bida ng sister, “at nagpasalamat siya dahil sa kalatas na aking iniwan. Pagkatapos ay nagkaroon kami ng isang mainam na talakayan, at isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang naitatag.”
Nakagagalak din na makita ang espiritung misyonero ng pagsasakripisyo sa sarili na ipinakita ng ilan sa mga Saksing Samoano. Isang kapatid na lalaki at ang kaniyang pamilya ang lumipat sa Wellington noong 1981 galing sa Auckland upang tumulong sa munting grupo na gumagawang kasama ng mga taga-Samoa roon. Mula sa pinagsimulang 11 mamamahayag ng Kaharian noon, isang kongregasyon na binubuo ng 47 ang naitatag. “Ang mga kagantihan ay sulit sa ginawang pagsasakripisyo,” ang sabi ng kapatid. Kamakailan, siya at ang kaniyang pamilya ay tumugon sa ‘panawagan ng taga-Macedonia’ at lumipat muli sa Kanlurang Samoa. (Gawa 16:9, 10) Ang mga iba ay nangagbalik na rin sa kanilang dating mga lugar na tirahan at pumasok sa gawaing espesyal payunir, misyonero, o paglilingkod sa Bethel.
Ang Tugon ng mga taga-Niue
Ang pangangaral ay sumusulong din sa gitna ng mga taga-Niue sa Auckland. Nag-ulat ang naglalakbay na tagapangasiwa: “Sa pagbabahay-bahay, karaniwang inaanyayahan kang tumuloy. Ang Bibliya ng pamilya ay kadalasan naroroon, at itinuturing na isang karaniwang bagay na pag-usapan iyon.”
Ngayon ay may isang napakasiglang kongregasyon sa Niue sa Auckland. Nang bumisita noong nakalipas na taon ang naglalakbay na tagapangasiwa, ang 76 na mga mamamahayag ng Kaharian na kaugnay roon ay bumati sa dumalong 127 katao sa pangmadlang pahayag sa Bibliya noong Linggo. At may isang mainam na espiritung umiiral sa gitna ng mga kapatid.
“Ang dalaw ay itinuturing na isang pantanging linggo ng pagpapatibay-loob sa lahat,” ang puna ng naglalakbay na tagapangasiwa. “Bawat pagkain ay isang pagsasalu-salo ng kongregasyon. At ito’y mga okasyon para sa pagsisilbi ng mga paborito ng mga taga-Niue tulad baga ng takihi (isang lutuin ng papaws [papayas], taros [isang tropikal na gulay na laman-lupa], at gata ng niyog na binalot sa dahon ng saging), pitako (isang tinapay na gawa sa taros, saging, at tapioca), at punu povi (de-latang karne norte), kung minsan ay pabirong tinutukoy na porterhouse steak ng mga tagaisla.”
Mga Publikasyon sa Wikang Polynesian
Upang matustusan ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga Polynesian sa Auckland at saanman, ang Watch Tower Society ay nagsaayos na gumawa ng ilang mga publikasyon sa Bibliya sa mga wikang Polynesian. Halimbawa, ang Rarotongan, o Cook Island Maori, na Bantayan ay makalawang beses inilalathala sa isang buwan. Ang buwanang Bantayan ng Niue ay marami rin ang mambabasa. Ang sirkulasyon ng Rarotongan at Niuean na edisyon ng Ang Bantayan ay sa kasalukuyan mga 1,000 sipi sa bawat wika, at mga 900 sipi ng edisyon sa Samoano ang ipinamamahagi sa ngayon sa Nueba Zealandia.
Bukod sa Ang Bantayan, may mga aklat at mga brosyur na lathala sa sarisaring wikang Polynesian. Ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, lathala sa wikang Niuean noong 1989, ang unang publikasyon sa wikang iyan na nagbibigay ng unawa sa saligang mga turo ng Bibliya. Ang lalung-lalong epektibo sa larangang Maori (Rarotongan) sa Cook Island ay ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa sa wikang iyan. Halos lahat ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay ginaganap sa tulong ng aklat na iyan. “Ang nagpapatotoo na ito’y isang epektibong tulong sa pagtuturo,” anang isang elder, “ay ang agad na pagtugon ng mga estudyante na magsimula ng pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon.”
Bukod sa kanilang karaniwang bahay-bahay na pamamahagi ng mga publikasyong ito, ang mga lingkod ni Jehova ay nakapagpapasakamay ng maraming literatura sa matatawag na pagpapatotoo sa mga talipapa. Dahilan sa nagpuputok na dami ng mga taga-Polynesia sa Auckland noong nakalipas na mga taon, dagling sumipot ang malalaking pamilihan na may pansamantalang mga puwesto na nagtitinda ng mga pagkain at mga gamit na galing sa Kapuluang Pasipiko. Hanggang 25,000 katao ang maaaring pumunta riyan sa ganiyang pamilihan kung Sabado ng umaga. Matalinong sinasamantala nila ang pagkakataong ito, sapagkat ang mga Saksi’y nagpupunta sa mga pamilihang ito at nakikipag-usap tungkol sa Kaharian ng Diyos sa mga nagtitinda at sa mga namimili.
Sa pamamagitan ng kanilang ministeryo, ang mga Saksi ni Jehova’y nakapaghahasik ng saganang binhi ng Kaharian at nakapamamahagi ng maraming literatura sa Bibliya sa mga taga-Polynesia. Ang tanggapang sangay ng Watch Tower Society ay nag-uulat na noong 1990 taon ng paglilingkod, 23,928 na piraso ng literatura sa wikang Polynesian ang naipahatid doon galing sa pabrika.
Kagalakan sa Iisang Espirituwal na Hapag
Palibhasa’y palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, ang mga Saksi sa Polynesia ay may mataas na pagpapahalaga sa pagdalo sa Kristiyanong mga pulong sa Kingdom Hall sa linggu-linggo, at gayundin sa pagdalo sa kani-kanilang mga asamblea at mga kombensiyon. (Hebreo 10:23-25) Sa “Banal na Katarungan” Pandistritong Kombensiyon na ginanap sa Auckland noong Disyembre 1988, bukud-bukod na mga sesyon ang ginanap sa mga wikang Samoan, Niuean, at Maori ng Cook Island. Isang tampok ng programang Samoano ay isang mahusay ang pagkasanay at masiglang drama sa Bibliya. Sa Auckland ang mga Saksing taga-Niue at Cook Island ay nagpakita ng kanilang Kristiyanong kagandahang-loob sa pamamagitan ng paglilingkod bilang bukas-palad na mga tagatanggap ng mga bisita na tagaroon sa kani-kanilang isla. Ang kombensiyon ay nagsilbing isang okasyon ng pagsasaya at kagalakan sa espirituwal na hapag ni Jehova. Sa 1990 Kombensiyon ng “Dalisay na Wika” sa Auckland, pinakamaraming bilang na 503 ang dumalo sa mga sesyon sa Samoano.
Ang positibong pagtugon sa balita ng Kaharian ay malinaw na patotoo na ang mga tao na tagaroon sa mga isla ng Polynesia sa Timog Pasipiko ay ‘naghihintay sa kautusan ni Jehova.’ (Ihambing ang Isaias 42:4, 12.) Pagkatapos, sila’y may kagalakang nakikibahagi sa paghahayag ng mabuting balita sa “siyudad ng Polynesia” sa Nueba Zealandia.