Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 4/1 p. 8-13
  • Ngayon Na ang Panahon Upang Hanapin si Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ngayon Na ang Panahon Upang Hanapin si Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Yaong mga Nangangailangan ng Tulong
  • Panahon Para Magsumigasig at Kumilos
  • Anong Praktikal na Tulong ang Maibibigay Natin?
  • Si Jehova ay Karapat-dapat Hanapin
  • Itinatanong Mo ba Kung “Nasaan si Jehova?”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Kung Paano Lumalapit sa Atin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Si Jehova ay Nagmamalasakit sa Iyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ang Tunay na Diyos at ang Inyong Kinabukasan
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 4/1 p. 8-13

Ngayon Na ang Panahon Upang Hanapin si Jehova

“Para kay Jehova, tinunghayan niya mula sa langit ang mga anak ng mga tao, upang tingnan kung may sinumang nakauunawa, may sinumang humahanap kay Jehova.”​—AWIT 14:2.

1, 2. (a) Ano ang pagkakilala ng marami sa tunay na Diyos, si Jehova? (b) Papaano natin nalalaman na alam ni Jehova ang pagwawalang-bahala sa kaniya ng tao?

SA NGAYON, ang tunay na Diyos, si Jehova, ay tinatanggihan ng mga ateista, agnostiko, mga mananamba sa mga diyus-diyusan, at milyun-milyong nag-aangking naniniwala sa Diyos subalit itinatatuwa siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. (Tito 1:16) Marami ang naniniwala na tulad ng paniniwala noong ika-19 na siglo ng pilosopong Aleman na si Nietzsche na “ang Diyos ay patay.” Si Jehova ba ay walang malay sa ganitong may kamangmangang pagwawalang-halaga sa kaniya? Hindi, sapagkat kinasihan niya si David na sumulat: “Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso: ‘Walang Jehova.’ Sila’y kumilos tungo sa kapahamakan, sila’y kumilos sa paggawa ng mga bagay na kasuklam-suklam. Walang sinumang gumagawa ng mabuti.”​—Awit 14:1.

2 Nagpatuloy pa si David: “Para kay Jehova, tinunghayan niya mula sa langit ang mga anak ng mga tao, upang tingnan kung may sinumang nakauunawa, may sinumang humahanap kay Jehova.” Oo, ang Soberanong Panginoon ay may kamalayan sa mga humahanap upang siya’y makilala at mapaglingkuran. Sa gayon, ang ating taimtim na paghahanap sa kaniya ngayon ay mahalaga. Ito’y mangangahulugan ng pagkakaiba sa pagitan ng buhay na walang-hanggan at pagkalipol na walang-hanggan.​—Awit 14:2; Mateo 25:41, 46; Hebreo 11:6.

3. Ano ang maaasahan para sa hinaharap?

3 Samakatuwid, makikita natin kung bakit totoong mahalaga na ating tulungan ang iba upang humanap kay Jehova ngayon. Mayroon pang milyun-milyong mga tao na hindi pa nakakausap ang sinuman sa mga Saksi ni Jehova ni nakarinig man ng “mabuting balita ng kaharian.” At kung gaano pa ang mapaparagdag sa “malaking pulutong” bago sumapit “ang malaking kapighatian,” iyan ang hindi natin alam. Subalit tunay na may maaasahan para sa higit pa na hahanap at makasusumpong sa Diyos na Jehova sa malapit na hinaharap bago maging huli ang lahat. Ang tanong ngayon ay, Ano ba ang magagawa natin upang tulungan ang laksa-laksa pa na makasumpong sa Diyos?​—Mateo 24:14; Apocalipsis 7:9, 14.

4, 5. Sa kanilang paghanap ng isang diyos, ano ang gusto ng marami?

4 Maraming mga tao sa daigdig ngayon ang naghahanap, subalit naghahanap ng ano? Totoong kakaunti ang talagang humahanap sa kaisa-isang tunay na Diyos, si Jehova. Marami ang may gusto sa isang diyos na bumabagay sa kanilang sariling personal na naisin at mga pagtatangi. Gaya ng sabi ng tagapagsurbey na si George Gallup, Jr. ng E.U.: “Talagang hindi ka makakakita ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga kasapi sa iglesiya at mga di-kasapi sa iglesiya kung tungkol sa pagdaraya, pag-iwas sa pagbabayad ng buwis, at pang-uumit, ang kalakhang bahagi dahilan sa malaganap na relihiyong sosyal.” Isinusog pa niya na “marami ang basta pumipili ng gusto nila sa isang relihiyon na maginhawa para sa kanila at kumikiliti sa kanila . . . May isa na ang tawag dito ay relihiyon à la carte.”

5 Sasabihin naman ng iba, “Tama na sa akin ang relihiyon ko.” Mangyari pa, ang dapat na tanong ay, “Ang akin bang relihiyon ay tama na sa Diyos?” Totoo, ang karamihan sa Sangkakristiyanuhan at sa Hinduismo ay kontentong sumamba sa kanilang mga imahen at mga idolo. Karamihan ng di-umano’y mga Kristiyano ay naniniwala na ang isang walang-pangalang diyos na Trinidad ay sapat na para sa kanila. At mahigit na 900 milyong mga Muslim ang naniniwala kay Allah. Sa kabilang dako, milyun-milyong mga ateista ang nagsasabi na walang Diyos.

Yaong mga Nangangailangan ng Tulong

6. Ano ang natuklasan ng maraming mambabasa ng Ang Bantayan?

6 Subalit kumusta naman yaong mga iba sa atin na regular na nagbabasa ng magasing ito? Tayo’y humanap sa tunay na Diyos at nasumpungan naman natin siya. Ating napatunayan ang mga salita ng Santiago 4:8: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.” Sa pamamagitan ng aktibong pakikisama sa kongregasyong Kristiyano, tayo’y naging lalong malapit sa Diyos, at ating naranasan kung papaano si Jehova ay lalong nagiging malapit naman sa atin.​—Juan 6:44, 65.

7. Papaano natin nalalaman na marami pang mga tao na interesadong maging aktibo sa katotohanan?

7 Gayunman, alam natin na mayroon pang maraming naliligayahan na makisama paminsan-minsan sa bayan ni Jehova subalit ngayon ay hindi pa gumagawa ng positibong pagkilos upang lumapit kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aalay at bautismo. Papaano natin nalalaman ito? Noong 1990 halos sampung milyong katao ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Subalit ilan ang aktibong naglalathala ng mabuting balita ng Kaharian? Mayroon lamang mahigit na apat na milyon. Iyan ay nangangahulugan na tayo’y may humigit-kumulang anim na milyong mga kaibigang nakahilig sa katotohanan at kung minsan natutuwang makisama sa atin subalit hindi pa nagsisimula na magsalita sa iba ng dalisay na wika ng katotohanan sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Walang-duda, sa di-sinasadyang mga pagkakataon marami ang nagsasalita tungkol kay Jehova at sa kaniyang pamamahala sa Kaharian. Gayunman, sila’y hindi pa nagpapakilalang malinaw na sila’y mga Saksi ni Jehova. Ang mga ito ay nais din nating tulungan.​—Zefanias 3:9; Marcos 13:10.

8, 9. (a) Tayo’y pinalalakas-loob ni Jehova na gawin ang anong gawain? (b) Bakit hindi mabuti na ipagwalang-bahala ang payo ni Jehova?

8 Ibig nating palakasin-loob ang mga ito upang maging maligaya, aktibong mga Saksi ni Jehova sa panghuling bahagi ng dakilang gawain na ngayo’y tinatapos na sa buong daigdig. Pakisuyong pansinin ang mapagmahal na paanyaya ni Jehova sa Kawikaan 1:23: “Magsibalik kayo sa aking saway. Kung magkagayo’y pangyayarihin ko na ang aking espiritu’y bumulubok sa inyo; ipaaalam ko sa inyo ang aking mga salita.” (Ihambing ang Juan 4:14.) Nakapagpapalakas-loob na malaman na si Jehova’y tutugon sa ating paggawa ng positibong mga hakbang upang tayo’y makilala na kaugnay ng kaniyang pangalan at pagsamba! Tunay, ayaw natin na mapasali sa mga tinutukoy sa Kawikaan 1:24, 25: “Ako’y tumawag ngunit kayo’y patuloy na tumanggi, aking iniunat ang aking kamay ngunit walang nakinig, at patuloy na ipinagwalang-bahala ninyo ang lahat ng aking payo, at hindi ninyo tinanggap ang aking saway.”

9 Yaong mga nagwawalang-bahala sa payo ni Jehova na hanapin nila siya habang siya’y masusumpungan at nagpapaliban ng kanilang pasiya hanggang sa aktuwal na makita nila ang pagsisimula ng malaking kapighatian ay magigising sa katotohanan na sila pala’y napakatagal nang naghintay. Ang ganiyang hakbangin ay magpapakita ng kakulangan ng pananampalataya at karunungan at ng paghamak sa di-sana-nararapat na awa ni Jehova.​—2 Corinto 6:1, 2.

10. Bakit ang kawalang-interes at ang pagwawalang-bahala ay mapanganib?

10 Upang ipaghalimbawa ang pangangailangan ng agad-agad na pagkilos, ang mabuting payo ba ng isang doktor ay susundin mo tangi lamang pagka ikaw ay ikalawang beses nang nagkasakit ng pulmonya? O, bagkus, pagka napansin mo ang mga unang sintomas ng sakit? Kung gayo’y bakit ka maghihintay ng ilan pang panahon bago humiwalay sa may-sakit na sanlibutan ni Satanas at pumanig kay Jehova at sa kaniyang mga Saksi? Ang resulta ng kawalang-interes, pagwawalang-bahala, at kapabayaan ay nililiwanag sa Kawikaan 1:26-29: “Sa ganang akin, tatawanan kita sa iyong kasakunaan, tutuyain kita pagka ang iyong takot ay dumarating . . . Sa panahong iyon sila’y patuloy na tatawag sa akin, ngunit hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, ngunit hindi nila ako masusumpungan, sapagkat kanilang kinapootan ang kaalaman, at hindi nila pinili ang takot kay Jehova.” Harinawang huwag tayong masumpungang ‘humahanap kay Jehova’ sa oras na huling-huli na!

11. Anong tulong ang iniaalok sa mga naghahangad na maglingkod sa Diyos?

11 Ang iba na bumabasa ng magasing ito ay baka naghahanap pa sa tunay na Diyos. Ikinagagalak namin na kayo ay nagpapatuloy sa inyong paghahanap. Aming idinadalangin na ang inyong kaalaman sa Bibliya ang pumukaw sa inyo na gumawa ng higit pang positibong pagkilos na manindigang matatag sa panig ng katotohanan. Matitiyak ninyo na bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay handang tumulong sa inyo sa inyong paghahanap.​—Filipos 2:1-4.

Panahon Para Magsumigasig at Kumilos

12, 13. Bakit tayo kailangang kumilos may kaugnayan sa tunay na pagsamba?

12 Bakit mahalaga na lahat tayo ay kumilos upang ipakilala na tayo’y nasa panig ng Diyos na Jehova at ng kaniyang tunay na pagsamba? Sapagkat ang mga pangyayari sa daigdig ay mabilis na patungo sa sukdulan. Ang mga dahon ng kasaysayan ay binubuklat nang lalong mabilis kaysa nababasa ng tao. Hindi panahon ito ng pagtangging magpasiya o ng pagiging malahininga. Buong-linaw na sinabi ni Jesus: “Ang wala sa aking panig ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang tumitipon ay nagsasambulat.” Sinabi rin niya: “Sinumang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita, siya naman ay ikahihiya ng Anak ng tao pagdating niya na nasa kaniyang kaluwalhatian at sa kaluwalhatian ng Ama at ng mga banal na anghel.”​—Mateo 12:30; Lucas 9:26.

13 Ngayon na ang panahon para magsumigasig at kumilos! Alam natin kung saan patungo ang mga pangyayari sa daigdig, at ang Armagedon ay natatanaw na. Samakatuwid, ang panawagan ay hanapin si Jehova ngayon bago sumapit ang ‘araw ng kaniyang galit,’ habang siya’y matatagpuan pa. Sa malaking kapighatian, magiging huling-huli na ang lahat.​—Zefanias 2:2, 3; Roma 13:11, 12; Apocalipsis 16:14, 16.

14. Anong mga dahilan mayroon tayo na hanapin ang Diyos?

14 Talaga nga, lahat ng tao ay dapat humanap ngayon ng paglingap ng Diyos. Angkop ang pagkasabi niyaon ni apostol Pablo sa Gawa 17:26-28: “Ginawa [ng Diyos] buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa balat ng buong lupa, at itinakda niya ang kani-kaniyang panahon at ang kani-kaniyang hangganan ng tahanan ng mga tao, upang hanapin nila ang Diyos, baka sa kanilang pag-aapuhap ay tunay ngang matagpuan siya, bagaman, ang totoo, siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin. Sapagkat sa kaniya tayo’y nabubuhay at kumikilos at umiiral.” Ang huling pananalita, “sapagkat sa kaniya tayo’y nabubuhay at kumikilos at umiiral,” ay nagbibigay sa atin ng sapat na dahilan na hanapin ang Diyos. Salamat na lamang sa di-sana-nararapat na awa ni Jehova, tayo’y umiiral sa makitid ngunit mahalagang kapaligiran ng kayliit-liit na lupang ito. Hindi baga tayo dapat magpasalamat sa Soberanong Panginoon ng sansinukob? At hindi baga dapat nating ipakita ang ating pasasalamat sa kaniya sa praktikal na paraan?​—Gawa 4:24.

15. (a) Ano ang paniwala ng historyador na si Arnold Toynbee na layunin ng nakatataas na relihiyon? (b) Ano ang kailangang gawin natin upang maluwalhati ang Diyos?

15 Minsan ay sumulat ang historyador na si Arnold Toynbee: “Ang tunay na layunin ng isang nakatataas na relihiyon ay ang ipamahagi ang espirituwal na payo at mga katotohanan na pinakabuod nito upang makarating sa pinakamaraming kaluluwa na mararating nito, upang bawat isa sa mga kaluluwang ito ay matulungan sa ganitong paraan na tuparin ang tunay na tunguhin ng Tao. Ang tunay na tunguhin ng Tao ay luwalhatiin ang Diyos at maligayahang kasama Niya magpakailanman.” (An Historian’s Approach to Religion, pahina 268-9) Upang ating maluwalhati ang Diyos, ang kailangan muna ay hanapin natin siya at tayo’y magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin. Sa gayon, ang panawagan ni Isaias ay angkop na angkop: “Hanapin ninyo, ninyong mga tao, si Jehova samantalang siya’y masusumpungan. Magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit. Lisanin ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong liko ang kaniyang mga pag-iisip; at manumbalik siya kay Jehova, na mahahabag sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat siya’y saganang magpapatawad.”​—Isaias 55:6, 7.

Anong Praktikal na Tulong ang Maibibigay Natin?

16. (a) Anong hamon ang nakaharap sa kongregasyong Kristiyano? (b) Sa anong praktikal na paraan matutulungan natin ang iba na maglingkod kay Jehova?

16 Ang milyun-milyong interesadong mga tao na hindi pa aktibong mamamahayag ay naghaharap ng isang hamon sa lahat sa atin. Ano ba ang ating ginagawa sa isang praktikal na paraan bilang matatanda, ministeryal na mga lingkod, mga payunir, at mga mamamahayag upang tulungan ang mga ito na mga kaibigang nakahilig sa katotohanan na maging aktibong mga nakikibahagi sa tunay na pagsamba kasama natin? Ang isang paraan upang makapag-alok ng praktikal na tulong kung saan kinakailangan ay ang dumalaw sa kanilang mga tahanan at ipagsama sila sa mga pulong sa Kingdom Hall upang sila rin naman ay makinabang nang palagian sa espiritu ni Jehova. Ang payo ni Pablo sa mga Hebreo, sa Heb kabanata 10, talatang 24 at 25, ay kapit na kapit ngayon gaya rin noon: “Ating sikaping mapukaw ang bawat isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, at lalo na habang nakikita ninyong palapit nang palapit ang araw.” Aming hinihimok ang lahat ng may nais tumanggap sa kabutihang-loob ni Jehova na palagiang makisama sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang lokal na Kingdom Hall.

17. Kung nais nating tulungan ang mga nag-aaral ng Bibliya na sumulong sa kanilang paghanap kay Jehova, anong mga tanong ang kailangang sagutin?

17 Kung tayo’y may inaaralan ng Bibliya na regular na dumadalo sa mga pulong, matutulungan ba natin ang taong iyon na maging kuwalipikado bilang isang mamamahayag ng mabuting balita? (Tingnan ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 97-9.) At minsan na siya’y maging isang di-pa bautismadong mamamahayag, siya ba’y inaanyayahan na sumama sa atin nang palagian sa pangmadlang pangangaral at sa ilan nating mga pag-aaral at mga pagdalaw-muli? (Tingnan ang Disyembre 1, 1989, labas ng Ang Bantayan, pahina 31.) Sa ibang salita, minsang ang gayong mga baguhan ay maging kuwalipikado, atin bang pinatitibay-loob sila sa pamamagitan ng tuwirang pagkakita nila ng positibong mga resulta ng ating gawaing pangangaral?​—Mateo 28:19, 20.

Si Jehova ay Karapat-dapat Hanapin

18. Papaano ipinakikita ni Jehova ang kaniyang awa sa sangkatauhan?

18 Dahilan sa haing pantubos na inihandog ni Kristo Jesus, ang ating nakalipas na mga kasalanan at kapabayaan ay hindi na ibinibilang ni Jehova laban sa atin kung tayo’y nagsisisi at nananampalataya. Pansinin ang mga salita ni David: “Siya’y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan; ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan. Sapagkat kung papaanong ang mga langit ay mas mataas kaysa lupa, gayon kalaki ang kaniyang maibiging-awa sa mga nangatatakot sa kaniya. Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran, gayon inilayo niya sa atin ang mga pagsalansang natin. Kung papaanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa si Jehova sa mga natatakot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.”​—Awit 103:10-14; Hebreo 10:10, 12-14.

19. Ano ang pampatibay-loob para sa mga marahil ay napahiwalay sa katotohanan?

19 Si Jehova ay tunay na isang mabait at maawaing Diyos. Kung tayo’y lalapit sa kaniya nang may kababaang-loob at pagsisisi, siya’y nagpapatawad at lumilimot. Siya’y hindi nagkikimkim ng walang-hanggang galit na humahantong sa walang-hanggang pagpaparusa sa apoy ng impiyerno. Hindi, iyon ay gaya ng sinabi ni Jehova: “Ako​—ako nga ang Siyang pumapawi ng iyong mga pagsalansang alang-alang sa akin, at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.” Anong laking pampatibay-loob iyan sa kaninumang marahil ay napahiwalay sa katotohanan at nagpabaya sa kanilang kaugnayan kay Jehova! Sila man ay pinatitibay-loob na hanapin si Jehova ngayon at manumbalik sa aktibong pakikiugnay sa kaniyang bayan na may taglay ng kaniyang pangalan.​—Isaias 43:25.

20, 21. (a) Anong nakapagpapatibay-loob na halimbawa mayroon tayo sa sinaunang Juda? (b) Ano ang kinailangang gawin ng mga tao sa Juda upang kamtin ang pagpapala ni Jehova?

20 Sa bagay na ito ay mayroon tayong nakapagpapatibay-loob na halimbawa kay Haring Asa ng sinaunang Juda. Kaniyang binuwag sa kaniyang kaharian ang huwad na pagsamba, subalit may naiwan pa ring mga bakas ng pagsambang pagano. Ang ulat sa 2 Cronica 15, talatang 2 hanggang 4, ay nagsasabi sa atin ng sinabi ni propeta Azarias kay Asa bilang paalaala: “Si Jehova ay sumasaiyo habang pinatutunayan mong ikaw ay sumasakaniya; at kung iyong hahanapin siya, kaniyang hahayaang siya’y matagpuan mo, ngunit kung iiwanan mo siya ay iiwanan ka rin niya. At marami ang mga araw na ang Israel ay walang tunay na Diyos . . . Ngunit nang sa kanilang kapanglawan ay nagsibalik sila kay Jehova na Diyos ng Israel at hinanap siya, nang magkagayo’y kaniyang hinayaang siya’y masumpungan nila.”

21 Si Jehova ay hindi nakipaglaro nang taguan kay Haring Asa kundi “hinayaang siya’y masumpungan.” Papaano nga naapektuhan ng mensaheng ito ang hari? Sa kabanata ring iyan, 2Cron 15 talatang 8 at 12 ay makikita ang sagot: “At nang marinig ni Asa ang mga salitang ito . . . , lumakas ang kaniyang loob at ang karumal-dumal na mga bagay ay kaniyang ipinaalis sa buong lupain . . . at kaniyang binago ang dambana ni Jehova na nasa harap ng portiko ni Jehova. At, [ang Juda] ay pumasok sa isang pakikipagtipan na hanapin si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno nang kanilang buong puso at nang kanilang buong kaluluwa.” Oo, sila’y puspusang humanap kay Jehova “nang kanilang buong puso at nang kanilang buong kaluluwa.” Ano ba ang naging resulta para sa bansa? Ang 2Cron 15 talatang 15 ay nagsasabi sa atin: “At ang buong Juda ay nagalak sa sumpa; sapagkat sila’y nagsisumpa nang kanilang buong puso at kanilang hinanap siya nang kanilang buong nasa, kung kaya’t kaniyang hinayaang siya’y masumpungan nila; at patuloy na binigyan sila ni Jehova ng kapahingahan sa buong palibot.”

22. Ano ang nagpapatibay-loob sa atin na maging aktibo sa paglilingkod kay Jehova?

22 Ngayon, hindi ba iyan ay isang pampatibay-loob para sa lahat sa atin na gumawa ng positibong pagkilos tungkol sa dalisay na pagsamba kay Jehova? Batid natin na milyun-milyon pa ang maaaring pumuri kay Jehova. Walang-alinlangan na marami sa mga ito ang gumagawa ng pagbabago sa kanilang buhay upang makatugon sa mga kahilingan ng Kasulatan para sa paglilingkod kay Jehova. Ang iba ay lumalago ang unawa at pananampalataya, humahanap kay Jehova, at malapit nang kumilos upang ibahagi sa iba ang dalisay na wika sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na magkaroon ng lubusang pagkaunawa sa katotohanan tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. At bakit totoong mahalaga na tayong lahat ay humanap kay Jehova ngayon na siya’y masusumpungan? Sapagkat ang kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan ay napakalapit na!​—Isaias 65:17-25; Lucas 21:29-33; Roma 10:13-15.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Sino ang nagwalang-bahala sa tunay na Diyos, si Jehova?

◻ Sa anong antas malimit naaapektuhan ng relihiyon ang asal?

◻ Ano ang maaasahan para sa pagdami ng aktibong mga Saksi?

◻ Bakit ngayon na ang panahon para sa sigasig at pagkilos?

◻ Bakit si Jehova ay karapat-dapat na hanapin?

[Larawan sa pahina 10]

Maraming mga kaibigan ng mga Saksi ni Jehova na dumalo sa Memoryal ang maaasahang magiging mga lingkod ng Diyos

Bilang ng mga dumalo sa Memoryal noong 1990:

9,950,058

Pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag noong 1990: 4,017,213

[Larawan sa pahina 12]

Noong kaarawan ni Haring Asa, ang bansa ay bumaling kay Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share