Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 6/15 p. 22-26
  • Pagpapatotoo sa Pransiya—Isang Lupain ng Pagkasarisari

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapatotoo sa Pransiya—Isang Lupain ng Pagkasarisari
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • ALSACE
  • BRITTANY
  • ANG ALPINO
  • LOIRE VALLEY
  • CORSICA
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 6/15 p. 22-26

Pagpapatotoo sa Pransiya​—Isang Lupain ng Pagkasarisari

ANG Pransiya ay isang bansa na taglay ang lubhang pagkasarisari. Maningning na mga kabundukan, malalawak na mga burol, mga batuhang dalisdis na hinahampas ng bagyo, maiinit na mga buhanginang tabing-dagat, malalawak na mga bukirin ng trigo, maliliit na mga taniman na nababakuran, pagkalalawak na mga taniman ng ubas, mga lupain na pastulan, mga punong pino na sariwang palagi at namamatay na mga kagubatan, mga baryo, nayon, bayan, malalaking modernong mga siyudad​—ang Pransiya ay may lahat ng ito, at higit pa.

Bagaman ang kalakhang bahagi ng bandang kabukiran ay nananatili sa kaniyang kagandahan, ang lipunang Pranses ay dumaan sa mabilis na mga pagbabago noong nakalipas na mga taon. “Ang lipunang Pranses ay hindi dumaraan sa isang panahon ng krisis,” ang sabi ng 1989 edisyon ng Francoscopie, “kundi sa panahon ng isang tunay na pagbabago. Ang panlipunang mga kaayusan, mga bagay na minamahalaga, mga pamantayan sa kultura, at ang mga saloobin ay dumaraan sa matinding pagbabago sa patuloy na kabilisan.”

Ang malalaking pagbabagong ito ay nakaapekto rin sa larangan ng relihiyon. Bagaman ang Katolisismo ang relihiyon pa rin ng karamihan, ngayon ay higit na isang tradisyon ito kaysa isang relihiyon na may tunay na impluwensiya sa buhay ng karamihan ng mga miyembro. Ang patuloy na pagwawalang-bahala ng mga mamamayan sa espirituwal na mga pamantayan ay pumigil sa pagsulong ng mga relihiyon.

Sa malaking kabaligtaran, ang gawain naman ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya ay mabilis na sumulong sa nakalipas na ilang taon. Mula sa Alsace sa hilagang-silangan hanggang Brittany sa Atlantiko, buhat sa matatayog na Alpino hanggang sa mababang Loire Valley, maging sa Mediteraneong isla ng Corsica, ang mga Saksi ay napapaharap sa iba’t ibang mga kalagayan at kanilang nakikilala ang mga taong may iba’t ibang karanasan. Halina’t tayo’y maglakbay sa tulong ng mga larawan at tingnan natin kung papaano ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa Pransiya, ang lupain ng pagkasarisari.​—Mateo 24:14.

ALSACE

Nasa hangganan ng Alemanya, ang Alsace ay isang lalawigan na kilala dahil sa mga taniman ng ubas at mga nayon na punô ng kaakit-akit na mga bulaklak. Ang Strasbourg, na kabisera nito, ay naging isang moog Protestante sapol ng Repormasyon, at ang mga taga-Alsace karaniwan na ay may malaking paggalang sa Bibliya. Ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral na ng mabuting balita ng Kaharian sa rehiyong ito sapol noong pasimula ng siglong ito. Sa ngayon, ang gawain ay matatag na, gaya ng halimbawa ng karanasan ng isang kabataan na nagngangalang Sylvie, na nagsamantala ng pagkakataon upang makapangaral sa paaralan.

Sa isang pakikipagtalakayan sa ilang kaklase, tinalakay ni Sylvie ang layunin ng buhay at ang mga pag-asa para sa hinaharap. Isang batang lalaki ang lubhang naging interesado at hinayaang siya’y madalaw sa kaniyang tahanan ni Sylvie at ng isa pang Saksi. “Bagaman ang kabataang Katolikong ito ay naging isang sakristan, siya’y may maraming katanungan na hindi pa kailanman nasasagot,” ang sabi ni Sylvie. “Ginamit namin ang Bibliya upang sagutin ang ilan doon, at siya’y tumanggap ng isang regular na pag-aaral ng Bibliya.” Ang kabataang lalaki ay nabautismuhan makalipas ang isang taon at pagkatapos maging kuwalipikado ay pumasok sa buong-panahong ministeryo bilang isang regular pioneer. Si Sylvie man magbuhat noon ay pumasok din sa gayong pribilehiyo ng paglilingkod.

BRITTANY

Nakausli sa Atlantico, ang Brittany ay isang lalawigan ng matinding tradisyong Katoliko. Gayunman, sa pamamagitan ng walang-humpay na pagsisikap ng mga Saksi, dumaraming mga tao sa lugar na ito ang tumatanggap sa mensahe ng Kaharian. Narito ang isang halimbawa ng nangyayari sa hilagang-kanlurang rehiyon ng Pransiya.

“Isang kabataang mag-asawa ang lumipat sa apartment na nasa itaas namin,” ang pag-uulat ng isang lokal na Saksi. “Makalipas ang ilang panahon, nakasalubong ko sa hagdan ang babae, kalung-kalong ang kaniyang anak. Nang mapag-alaman ko na ang kaniyang pangalan ay Jonathan, tinanong ko kung alam niya ang pinagmulan ng pangalang iyan. ‘Sa palagay ko’y galing iyan sa Bibliya, pero iyan lamang ang alam ko,’ ang tugon niya. Siya’y nakinig sa aking paliwanag, at kaniyang binanggit na silang mag-asawa ay kapuwa naguguluhan sa Bibliya. Bagaman kami’y nagpatuloy ng mga pag-uusap, noon ay walang naibungang maliwanag.

“Pagkaraan, ako’y hiningan ng mag-asawa ng payo tungkol sa ilang mga suliranin. Ginamit ko ang Bibliya sa pagsagot, at sila’y humanga sa impormasyon na nakukuha roon. Sila’y inanyayahan ko minsan pa na mag-aral ng Bibliya. Nang sumunod na araw ang babae ay nagpaunlak. Makalipas ang ilang linggo, ang asawang lalaki ay nakisali na sa pag-aaral. Kapuwa sila ngayon bautismadong mga Saksi.”

ANG ALPINO

Ang Alpino ay tanyag dahil sa pambihirang kagandahan ng tanawin. Ang mga tao ay nagtutungo roon upang hangaan ang maningning na mga kabundukan, lalo na ang Mont Blanc, ang pinakamataas na taluktok sa Kanlurang Europa. Sa rehiyon ding ito, ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian na lumuluwalhati sa Maylikha ay dumarami. Mga taong may sarisaring edad at galing sa lahat ng antas ng buhay ang sumasama sa kanila, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na pag-uulat.

Apat na kabataan sa lugar na iyon ang napabalita sa pagkakaroon ng masamang rekord. Sila’y magnanakaw ng mga kotse at iba pang mga bagay, malimit na lasing, gumagamit at nagbebenta ng mga bawal na gamot, at napasangkot sa prostitusyon at espiritismo. Sila’y walang hanapbuhay at malimit na nakakalaban ng pulisya, at lahat sila ay nakatikim nang mabilanggo. Gayunman, silang apat ay nakarinig ng katotohanan nang sila’y mga bata pa sapagkat ang kanilang pami-pamilya ay nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova paminsan-minsan.

Pagkatapos ng ilang taon ng walang patumanggang pamumuhay, isa sa mga kabataan ay nagbago ng kalooban at nagpasiyang maglingkod kay Jehova. Ang ibinunga nito ay isang sunud-sunod na reaksiyon. Isang araw ang pulisya ay nagsasagawa ng isang rutinang pagbibisita, at kanilang hiniling sa isa sa mga kabataan na buksan ang kaniyang bag. Bagaman umaasang makasusumpong doon ng mga bawal na gamot o nakaw na mga bagay, sila’y nagtaka na isang Bibliya at ilang pulyeto lamang ang kanilang nakita roon. Ginamit ng binata ang Bibliya upang ipaliwanag kung ano ang nakatulong upang magkaroon ng mga pagbabago ang kaniyang buhay. Dahil sa mahirap nga namang paniwalaan iyon, isa sa mga pulis ay nagtanong: “Ibig mo bang sabihin na ikaw ay hindi naninigarilyo, umiinom, o gumagamit ng mga droga ngayon?” Sa wakas ay tinanggap naman ng mga pulis ang paliwanag at pinayagang siya’y makaalis na nang wala nang tanung-tanong pa. Sa ngayon ang apat na mga binatang ito ay bautismado na, lahat ay naglilingkod sa kongregasyon bilang ministeryal na mga lingkod, at tatlo sa kanila ang regular pioneer.

LOIRE VALLEY

Ang Loire Valley ay tinatawag na halamanan ng Pransiya. Ito’y pahaba mula sa Orléans, 110 kilometro sa gawing timog ng Paris, hanggang sa bukana ng Ilog Loire sa Baybaying Atlantiko. Ang rehiyong ito ay tanyag dahil sa maraming kastilyo nito, ang dating mga tirahan at mga bahay na ukol sa pangangaso ng maharlika. May mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng mga pangunahing bayan sa lugar na ito.

Isang araw sa panahon ng recess sa paaralan, ang munting si Emma, isang masaya at mapagmahal na batang babae na edad seis, ay bumalik sa kaniyang silid-aralan upang bumati sa kaniyang guro. Siya’y nabigla nang makita niyang naninigarilyo ang kaniyang guro, kaya siya’y napaiyak at nagtatakbong palayo. Siya’y hinabol ng guro at itinanong kung bakit siya umiiyak, subalit si Emma ay hindi nagsalita ng anuman. Nang igiit ng guro ang kaniyang itinatanong, si Emma ay humikbi at tumugon: “Sapagkat kayo po ay naninigarilyo. Kayo ay magkakasakit at mamamatay!”

Kinabukasan ay tinawag ng guro ang nanay ni Emma upang sabihin kung gaano naantig ang kaniyang damdamin ng reaksiyon ng anak na babae. Kaya ipinaliwanag ng nanay ang paninindigan ng mga Saksi tungkol sa tabako. Pagkatapos ay ipinagtapat ng guro na siya’y sinabihan na ng kaniyang pamilya na huwag nang manigarilyo, ngunit hindi pinakinggan. Subalit, ngayon siya’y naantig ng tunay na pagmamalasakit ni Emma kung kaya siya’y huminto na ng paninigarilyo hindi nakalipas ang dalawang araw.

CORSICA

Ang isla ng Corsica, bagaman tinatawag na “ang mabangong isla,” ay kilala rin sa mapusok na espiritu ng mga tagaroon, kadalasa’y nagbubunga ng madugong mga paghihigantihan. Kung ilang mga taon nang ang mga Saksi ay itinuturing na isang relihiyon “buhat sa Continente.” Gayunman, ang kapangyarihan ng katotohanan ng Bibliya ang bumabago sa puso ng maraming tagaroon.

Isang bagong kababautismong Saksi ang nagbibida na minsan siya’y bumalik galing sa bakasyon at nadiskubre niya na lahat ng mabibitbit na gamit sa kaniyang kamalig ay ninakaw. “Sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jehova,” ipinagtapat niya, “ako’y kumilos nang kakaiba sa ginawa kong pagkilos noong nakalipas.” Samantalang nakikipag-usap sa kaniyang mga kapitbahay, may kahinahunang binanggit niya ang mga nawala sa kaniya.

“Nang malaunan, may ilang kapitbahay na nagkaroon ng mga problema. Iniwan ko ang aking trabaho upang pumaroon at tulungan sila. Ilang araw ang nakaraan, ako’y tumanggap ng isang tawag sa telepono buhat sa isa sa kanila na humihiling sa akin na ako’y pumaroon sa pinakamadaling panahon. Sa pag-aakala kong siya’y mayroon na namang problema, agad-agad na naparoon ako sa kanila. Kaniyang inanyayahan ako na umupo at ang tanong niya: ‘Alam mo ba kung bakit kita pinapunta rito? Iyon ay dahilan sa iyong mga kasangkapan. Ako ang nagnakaw. Pero nang makita ko ang iyong kabaitan at pagkapalakaibigan, sinabi ko sa aking sarili, “Hindi ko magagawa iyan sa kaniya!” At pagkatapos na tulungan mo kami, hindi na ako makatulog sa gabi.’ ” Ang tunay na pagka-Kristiyano na may kasamang gawa ay nagbunga ng mabuti.

Nang katapusan ng ikalawang digmaang pandaigdig, nang muling mabuksan ang gawaing pagpapatotoo sa Kaharian sa Pransiya, mayroon lamang 1,700 Saksi sa buong bansa. Ang gawaing pagdadala sa lahat ng mga mamamayan ng pabalita ng Kaharian ay waring imposible. Gayunman, sa nalakarang mga taon, pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan sa Pransiya at binigyan ng kinakailangang mga kagamitan​—mga palimbagan, mga Kingdom Hall, mga Assembly Hall, at iba pa​—​at ng espiritu ng pagkukusa na gampanan ang gawain. Sa ngayon, na may mahigit na 117,000 aktibong mga mangangaral, ang balita na ang Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo ang tanging pag-asa ng sangkatauhan ay ipinangangaral sa buong lupaing ito ng pagkasarisari.

[Mapa/Mga larawan sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

FRANCE

BRITTANY

LOIRE VALLEY

THE ALPS

ALSACE

ATLANTIC OCEAN

MEDITERRANEAN SEA

ENGLISH CHANNEL

CORSICA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share