Nakagagalak na Pag-uulat Buhat sa Union Sobyet
Masayang Kasukdulan ng Sandaáng Taon ng Pagpapatotoo
“UPANG maparehistro ang Saligang-Batas ng Pangasiwaang Sentro ng relihiyosong mga organisasyon ng ‘mga Saksi ni Jehova sa U.S.S.R.’”
Ganiyan ang pagkasalin ng mga unang salita ng dokumento sa wikang Ruso na nakalarawan sa pahinang ito. Oo, ang mga salitang ito ay kumakatawan sa sagot sa maraming mga panalangin. Ang dokumento ay pinirmahan at tinatakan sa Moscow ng isang pangunahing opisyal ng ministri ng Hustisya ng R.S.F.S.R. (Russian Soviet Federated Socialist Republic). Ito’y nangangahulugan na ang mga Saksi ni Jehova ay isang kinikilalang organisasyong relihiyoso sa buong U.S.S.R. Samakatuwid, sumapit na ang isang malaking pagbabago sa kanilang sandaang-taóng kasaysayan sa malawak na lupaing iyan.
Isang Kayliit-liit na Pasimula
Sandaáng taóng kasaysayan? Oo. Sa modernong panahon, ang pinakamaagang kilalang mángangarál ng mabuting balita sa lupaing iyan ay si Charles Taze Russell, na nag-ulat ng pagdalaw roon noong 1891. Sa Setyembre 1891 labas ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, kaniyang inilalahad na siya’y naglakbay sa Kishinev, Russia, samantalang siya’y nasa paglalakbay sa Europa. Doon kaniyang nakilala ang isang nagngangalang Joseph Rabinowitch, na naniniwala kay Kristo at nagsikap na mangaral sa mga pamilyang Judio sa lugar na iyon. Sa wakas ay nag-ulat si Russell ng kaniyang pagdalaw kay Rabinowitch pati na ang kanilang mahalaga, kawili-wiling mga pag-uusap tungkol sa Kaharian.
Muli Na Namang Narinig ang Mabuting Balita
Pagkatapos ng dalaw ni Russell, bahagya na lamang ang balita ng pagpapatotoo na sa ngayo’y ang U.S.S.R., ngunit hindi ibig sabihin na walang anumang naisagawa roon. Noong 1927 tatlong kongregasyon sa Union Sobyet ang nagpadala ng ulat sa Samahan tungkol sa kanilang mga pagpupulong sa Memoryal. Subalit ang pagsulong ay waring hindi mabilis magpahangga noong ikalawang digmaang pandaigdig. Ang digmaang iyan ay nagbunga ng di-inaasahang pagkalipat sa ibang lugar ng maraming tao sa Europa. Isang di-sinasadyang resulta ng mga kilusang ito ay ang maramihang pagdagsa sa Union Sobyet ng mga mángangarál ng Kaharian.
Halimbawa, noong Pebrero 1, 1946, ang labas ng Ang Bantayan ay nag-uulat: “Mahigit na sanlibong mamamahayag na dating nangangaral sa wikang Ukrainian sa silangang panig ng Polandya ang ngayo’y nangalipat na sa kaloob-looban ng Russia. . . . Gayundin, daan-daang kapatid na nanirahan sa Bessarabia, dating isang bahagi ng Rumania, ang ngayo’y mga naninirahan na sa Russia at nagpapatuloy sa kanilang gawaing paggawa ng mga alagad sa lahat ng bansa.”
Isa pa, noong ikalawang digmaang pandaigdig, maraming mga mamamayang Sobyet ang dumanas ng hirap sa mga kulungang kampong Nazi. Para sa ilan ang mahirap na karanasang ito ay nagdulot ng di-inaasahang pagpapala. Isang pag-uulat ang tungkol sa maraming kabataang babaing Ruso na ibinilanggo sa Ravensbrück. Doon sila’y may nakilalang mga Saksi ni Jehova, tumugon sa katotohanan, at sumulong hanggang sa punto ng bautismo. Ganiyan ding mga bagay ang nangyari sa ibang kampo. Nang ang bagong kababautismong mga Saksing ito ay makalaya na pagkatapos ng digmaan, kanilang dala-dala ang mabuting balita ng Kaharian pagbabalik nila sa Union Sobyet. Sa ganitong paraan ang ikalawang digmaang pandaigdig ay nagbunga ng mabilis na pagdami ng bilang ng mga tagapangaral ng Kaharian sa teritoryong Sobyet. Noong 1946 tinataya na 1,600 mamamahayag ang aktibo roon.
Pangangaral sa Piitan
Ang mga piitan ay patuloy na gumanap ng pangunahing bahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa Union Sobyet. Pagkatapos ng digmaan, inakala ng mga autoridad na ang mga Saksi ay isang panganib, at marami ang ibinilanggo. Subalit ito’y hindi nagpahinto ng kanilang pangangaral. Papaano nga magkakagayon, gayong sila’y talagang naniniwala na ang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos ang pinakamagaling na balita sa mga tao? Kaya para sa marami sa kanila, ang piitan ay naging kanilang teritoryo, at maraming mga preso na nakapakinig sa kanila ang nagsitugon. Isang ulat mula noong 1957 ang nagsasabi: “Sa lahat ng kinikilalang nasa katotohanan sa ngayon sa Russia masasabing apatnapung porsiyento ang sa piitan at sa mga kampo tumanggap ng katotohanan.”
Ang mga Saksi ba ay nasiraan ng loob sa ganitong patuloy na banta ng pagkabilanggo? Hindi! Isang ulat mula noong 1964 ang nagsasabi: “May mga Saksi ni Jehova sa mga kampong iyon na nakakulong doon ng pangalawa o pangatlong beses, palibhasa’y hindi sila huminto ng pangangaral ng pabalita pagkatapos na sila’y palayain.” Ang iba, ang patuloy pa, ay mga kriminal na ipiniit o ikinulong sa kampo at doon nila nakilala ang mga Saksi habang sila’y naroroon. Kanilang tinanggap ang katotohanan at sumulong hanggang sa punto ng pagbabautismo bago sila palayain.
Nabawasan ang Panggigipit
Noong kalagitnaan ng dekada ng 1960, nagluwag nang kaunti ang mahigpit na pakikitungo ng mga autoridad sa mga Saksi. Malamang, kanilang natalos na ang mga lingkod ni Jehova ay sa anumang paraan hindi isang panganib sa pangmadlang batas at kaayusan. Kaya bagaman ang mga gawain ng mapagpakumbabang mga Kristiyanong ito ay hindi pa rin legal, nabawasan ang mga pag-aresto at paghahalughog sa kanilang mga tahanan, at kanilang ipinagpapasalamat ang ganitong kaunting kaluwagan. Ang kanilang pangunahing hangarin ay ang maipagpatuloy ang kanilang pamumuhay Kristiyano at gumawa sa isang paraang tahimik, mahinahon, at mapayapa, hanggang sa magagawa nila.—Roma 12:17-19; 1 Timoteo 2:1, 2.
Noong 1966 lahat niyaong mga ipinatapon sa Siberia nang mahabang panahon ay pinalaya at sila’y pinayagang pumaroon sa anumang lugar na ibig nilang puntahan sa loob ng bansa. Marami ang nagsiuwi pagkatapos ng matagal na pag-alis, ngunit ang ilan ay nanatili sa mabungang larangang iyon. At hindi lahat ng nagsibalik ay nanatili. Isang sister, na ipinatapon sa Siberia kasama ng kaniyang pamilya nang siya’y isang dalagita pa lamang, ang bumalik sa kanlurang Russia kasama ng kaniyang mga magulang. Ngunit siya’y lumagi roon nang sandali lamang. Mahal na mahal niya ang mabababang-loob, mapagpatuloy na mga tao ng Siberia kung kaya’t kaniyang iniwan ang kaniyang pamilya at bumalik pasilangan upang magpatuloy ng pangangaral sa mga taong iyon na tumatanggap.
Isang karaniwang karanasan nang panahong ito ang tungkol sa isang kapatid na lalaking lumipat sa sunud-sunod na siyudad. Makalipas ang sandali ay kaniyang natagpuan ang dalawa pang Saksi. Silang tatlo ay nanalangin para humingi ng tulong at di-nagtagal ay nakilala nila ang isang kabataang babaing may karanasan sa relihiyong Griegong Ortodokso. Agad niyang tinanggap ang katotohanan at ipinakilala pa sa mga kapatid na ito ang dalawa pang ibang interesado—ang kaniyang ina at ang kaniyang nakababatang kapatid na babae. Ang ulat ay nagtatapos: “Sa ngayon ay may apatnapung katao na kasama ng mga kapatid na ito, tatlumpu sa kanila ang natuto ng katotohanan sa loob ng lumipas na anim na buwan.”
Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay napigil sa kanilang mga gawain dahilan sa sila’y hindi pa legal na kinikilala. Maingat na ginaganap nila ang mga pagpupulong. Sila’y nag-iingat sa pangangaral. Posible pa rin na sila’y maikulong at imposible na sila’y hayagang magpatotoo sa bahay-bahay. Gayunman, sa kabila nito ang tapat na mga Kristiyanong Sobyet na ito ay nagpatuloy ng paglilingkod sa kanilang Diyos nang may katapatan at pagiging mabubuting mamamayan ng kanilang bansa. (Lucas 20:25) Sa pagpapahayag ng kanilang saloobin, isa sa kanila ang sumulat: “Isang dakilang pribilehiyo na tiisin ang lahat ng pagsubok at manatiling tapat sa Diyos na Jehova, na purihin ang Diyos magpakailanman sa buong buhay ng isa upang makamit ang buhay na walang-hanggan buhat kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” Anong inam na mga halimbawa ng pagtitiis at katapatan ang mga Saksing Sobyet na ito!
Naging Legal sa Wakas!
Noong 1988 ang mga bagay-bagay ay nagsimulang magbago sa mga lupain na may kaugnayan sa Union Sobyet. Nagsimulang umiral ang kalagayan ng lalong malaking kalayaan, at ang mga bansang naghigpit sa gawain ng mga Saksi ni Jehova ay nagsimulang sumunod sa mga bagong patakaran. Sa Polandya, Hungarya, Romania, at sa iba pang lupain ay kinilalang legal ang gawain ng taimtim na mga Kristiyanong ito, pinayagan sila na hayagang kumilos nang walang pangamba na sila’y huhulihin. Anong ligaya ngang mga taon ang huling tatlong taóng ito sa Silangang Europa! Sinamantala ng mga kapatid ang kanilang bagong katutuklas na kalayaan upang mapalaganap ang mapayapang balita ng Kaharian! At anong laki ng pakikigalak sa kanila ng mga Saksi ni Jehova sa natitirang bahagi ng daigdig!
Ang mga Saksing Sobyet ay nakikinabang na sa kanilang lumalawak na mga kalayaan. Libu-libo—ang iba’y galing pa sa malalayo na gaya ng baybaying Pasipiko ng Asia—ang dumalo sa makasaysayang mga kombensiyon sa Polandya noong 1989 at muli noong 1990, nang 17,454 na Saksi buhat sa Union Sobyet ang naroroon sa Warsaw. Anong ligayang mga alaala ang kanilang iniuwi! Karamihan sa kanila ay kaunti lamang na mga kapuwa Kristiyano ang kasa-kasama sa pagsamba. Ngayon ay makapupong libu-libo ang kasama nila!
Sila’y nagsibalik sa isang Union Sobyet na patuloy na nagbibigay ng kaluwagan. Mga Saksi sa palibot ng daigdig ang nagmamasid at nagtatanong: Kailan kaya magiging legal sa Union Sobyet ang mga Saksi ni Jehova? Bueno, iyon ay nangyari noong 1991—eksaktong sandaang taon pagkatapos ng dalaw roon ni Charles Taze Russell! Noong Marso 27, 1991, ang “Pangasiwaang Sentro ng mga Organisasyong Relihiyoso ng mga Saksi ni Jehova sa U.S.S.R.” ay inirehistro sa isang dokumentong nilagdaan sa Moscow ng Ministro ng Hustisya ng R.S.F.S.R. Anong uri ng kalayaan ang ipinagkaloob sa mga Saksi?
Sa legal na saligang-batas ng bagong karerehistrong samahan ay kasali ang sumusunod na deklarasyon: “Ang layunin ng Organisasyong Relihiyoso ay ipagpatuloy ang gawaing relihiyoso na pagpapakilala ng pangalan ng Diyos na Jehova at ng kaniyang maibiging mga paglalaan para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo.”
Papaano ito gagawin? Sa mga paraan na itinala ay kasali ang pangangaral sa madla at pagdalaw sa mga tahanan ng mga tao; pagtuturo ng mga katotohanan ng Bibliya sa mga tao na handang makinig; pagdaraos sa kanila ng walang-bayad na mga pag-aaral sa Bibliya sa tulong ng mga lathalain sa pag-aaral ng Bibliya; at pagsasaayos ng pagsasalin, pag-aangkat, paglalathala, paglilimbag, at pamamahagi ng mga Bibliya.
Ang dokumento ay bumabalangkas din sa organisasyon ng mga Saksi sa ilalim ng Lupong Tagapamahala, kasali na ang mga kongregasyon na may mga lupon ng matatanda, isang pitong-miyembrong Tagapangasiwang [Pansangay na] Komite at mga tagapangasiwa ng sirkito at ng distrito.
Maliwanag, ang mga Saksi ni Jehova ay maaari nang kumilos ngayon nang buong laya at nang hayagan sa Union Sobyet gaya ng ginagawa nila sa maraming iba pang mga bansa. Gunigunihin ang kagalakan ng lima sa pitong miyembro ng Tagapangasiwang Komite at ng limang matagal nang matatanda ng kongregasyon na nagkapribilehiyo na lumagda sa makasaysayang dokumentong ito at makita ang pagtatatak niyaon na isinagawa ng Ulo ng Kagawaran ng Pagrerehistro ng Pangmadla at Relihiyosong mga Asosasyon! Angkop na angkop, na naroroon din si Milton Henschel at Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova upang saksihan ang makasaysayang pangyayaring ito. Sa mga grupong aprobado ng R.S.F.S.R., ang mga Saksi ni Jehova ang unang tumanggap ng kanilang opisyal na dokumento ng pagkarehistro. Anong pagkadakilang gantimpala para sa tapat na mga kapatid na Rusong iyon pagkaraan ng napakaraming taon ng matiyagang pagtitiis!
Ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng dako ay nagpapasalamat sa mga autoridad ng Sobyet na nagkaloob sa kanila ng pagkalegal na ito. Bukod-tanging sila’y napasasalamat kay Jehova nang kanilang buong puso ukol sa bagong kalayaan ng kanilang mga kapatid na Sobyet. Sila’y nakikigalak sa mga kapuwa Saksi sa U.S.S.R. at sa iba pang mga bansa sa Silangang Europa na ngayo’y naglilingkod sa Diyos na Jehova nang lalong malaya. Harinawang pagpalain sila nang sagana ni Jehova samantalang kanilang ginagamit ang kalayaang ito sa lubusang pagpuri sa kaniyang banal na pangalan.
[Larawan sa pahina 9]
Ang Kremlin sa Moscow
[Larawan sa pahina 10]
Mga delegadong Ruso sa isang kombensiyon noong 1990 sa labas ng Union Sobyet