Ang Araw ng Paghuhukom—Isang Panahon ng Pag-asa!
KUNG ang ideya ng araw ng paghuhukom ay kakila-kilabot sa iyo, bakit hindi suriin ang sinasabi ng Bibliya tungkol doon? Halimbawa, totoo ba na pagka hinatulan ng Diyos ang mga makasalanan, sila’y ibubulid sa apoy ng impiyerno?
Bueno, ang unang napaulat na halimbawa ng paghuhukom ng Diyos ay doon mismo sa pasimula ng kasaysayan ng tao. Si Adan at si Eva ay may pagkakataon sanang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Genesis 1:26-28; 2:7-9, 15-25) Subalit, sila’y nagkasala at sumailalim ng masamang kahatulan sa kanila ng Diyos. Ang resulta? Binawi ng Diyos ang kaloob na buhay. Sa ibang salita, sila’y namatay. Sinabi sa kanila ng Diyos: “Sa pawis ng iyong mukha kakain ka ng tinapay hanggang sa mauwi ka sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.”—Genesis 3:16-19.
Ito ay isang mahigpit na hatol, ngunit matuwid. At tunay na walang nasasabi ritong apoy ng impiyerno. Nang mamatay si Adan at si Eva, sila’y nagbalik sa alabok. Sila’y hindi na umiral. Sa alinman ay walang ipinahihiwatig ang Bibliya na isang bahagi ni Adan o ng sinumang tao ang nananatiling buháy pagkamatay upang pahirapan magpakailanman sa ibang dako. Bagkus, ating mababasa: “Alam ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung para sa mga patay, sila’y walang nalalamang anuman.”—Eclesiastes 9:5.
Alam mo ba na sinasabi ito ng Bibliya? Alam mo ba rin na hindi gumagamit ang Bibliya ng pananalitang “walang-kamatayang kaluluwa”? Sa halip, sinasabi nito: “Ang kaluluwa na nagkakasala, iyon ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4, King James Version) Ito ay lubusang kasuwato ng simulain ng Bibliya: “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23, KJ) Ang alituntuning ito ay may epekto sa ating lahat. Lahat tayo ay mga inapo ng makasalanang si Adan, kaya lahat tayo ay nagkakasala at tumatanggap ng kabayaran ng kasalanan, ang kamatayan. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan; kaya ang kamatayan ay nararanasan ng lahat ng tao, sapagkat lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12, KJ) Ang Araw ng Paghuhukom ay isang pangunahing bahagi ng kaayusan ng Diyos upang iligtas tayo buhat sa ganitong katayuan.
Ang Saligan ng Araw ng Paghuhukom
Sang-ayon sa Bibliya, halos 2,000 taon na ang lumipas nang ilagay ng Diyos ang saligan ng mangyayari sa Araw ng Paghuhukom. Ito’y nang si Jesus ay naparito sa lupa at inihandog ang kaniyang sakdal na buhay-tao alang-alang sa atin. Si Jesus mismo ang nagpaliwanag: “Ganiyan na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang bawat sumasampalataya sa kaniya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
Kung tayo’y sumasampalataya kay Jesus, tayo’y nakikinabang sa kaniyang hain kahit na ngayon pa sa isang espirituwal na paraan. Pinatatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan at hinahayaang tayo’y makalapit sa kaniya. (Juan 14:6: 1 Juan 2:1, 2) Ngunit tayo ay mga di-sakdal pa rin, mga makasalanan, at kung gayon, tayo ay nagkakasakit pa rin at sa bandang huli ay namamatay. Hindi pa natin taglay ang buhay na walang-hanggan na ipinangako ni Jesus. Ito ay darating bilang resulta ng Araw ng Paghuhukom.
Ang Araw ng Paghuhukom
Si apostol Juan ay nakakita ng pangitain ng Araw ng Paghuhukom, at kaniyang inilarawan iyon nang ganito: “Nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. At nakita ko ang mga patay, maliliit at malalaki, na nangakatayo sa harapan ng Diyos; at nangabuksan ang mga aklat: at isa pang aklat ang nabuksan, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.”—Apocalipsis 20:11, 12, KJ.
Oo, sang-ayon sa pangitain ni Juan, ang Araw ng Paghuhukom ay pangangasiwaan ng Diyos mismo. Subalit mayroon pang isang kasangkot. Si apostol Pablo ay nagpaliwanag: “[Ang Diyos] ay nagtakda ng isang araw, na kaniyang hahatulan ang sanlibutan sa katuwiran sa pamamagitan ng taong kaniyang itinalaga.” (Gawa 17:31, KJ) Sino ang taong iyon? Si Jesus, na mismong nagsabi: “Ang Ama ay hindi humahatol sa kaninumang tao, kundi kaniyang ipinagkaloob sa Anak ang lahat ng paghatol.” (Juan 5:22, KJ) Samakatuwid si Jesus ang magiging hinirang ng Diyos na Hukom sa Araw ng Paghuhukom.
Ito ay mabuting balita para sa mga tao. Isinisiwalat ng Ebanghelyo na si Jesus ay totoong mahabagin. Siya ay hindi mapagmataas o mapaghanap kundi “maamo at mapagpakumbabang-puso.” (Mateo 11:29; 14:14; 20:34) Tayo’y natutuwa na sumailalim ng pangangalaga ng ganiyang hukom.
Kailan Magaganap Ito?
Kung gayon, kailan ang Araw ng Paghuhukom? Sinasabi ng Apocalipsis na ito ay pagka “ang lupa at ang langit ay tumakas na.” Ito’y nagpapaalaala sa atin ng mga salita ni apostol Pedro: “Ang sangkalangitan at ang lupa ngayon, sa pamamagitan ng gayunding salita, ay iningatan talaga para sa apoy at inilalaan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong balakyot.” (2 Pedro 3:7) Ang literal na lupa ba ay susunugin? Hindi, malinaw ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito. Ang literal na lupa ay hindi kailanman pupuksain. “Ang lupa . . . [ay] hindi kikilusin magpakailanman.” (Awit 104:5, KJ) Ipinakikita ng konteksto ng mga salita ni Pedro na ang kasalukuyang balakyot na pandaigdig na sistema ng mga bagay ang pupuksain. Ang mga taong balakyot, hindi ang planetang Lupa, ang mapaparam.—Juan 12:31; 14:30; 1 Juan 5:19.
Ang balakyot na mga taong ito ay pupuksain sa tinatawag ng Bibliya na ang digmaan ng Armagedon—na, gaya ng malimit ipakita ng magasing ito, ay malapit nang maganap. (Apocalipsis 16:14, 16) Pagkatapos, si Satanas mismo ay ibubulid sa kalaliman at hahadlangan sa panghihimasok sa sangkatauhan sa loob ng sanlibong taon, at ang sanlibong taóng ito ang aktuwal na haba ng Araw ng Paghuhukom. (Apocalipsis 19:17–20:3) Ano ang mangyayari sa mga mananampalataya pagka ang mga taong balakyot ay pumanaw na sa Armagedon? Sila’y tuwirang makaliligtas hanggang sa Araw ng Paghuhukom. Ating mababasa: “Ang mga walang kapintasan ang matitira sa [lupa]. Kung tungkol sa mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa.”—Kawikaan 2:21, 22.
Sinusuhayan ito ng Bibliya, na bumabanggit ng “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ninuman, mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika” na makikita rito sa lupa bago sumapit ang Armagedon. Ang mga ito ay “nanggagaling sa malaking kapighatian”; sa ibang pananalita, sila’y nakaliligtas sa wakas na balakyot na sanlibutang ito kung papaano si Noe ay nakaligtas sa katapusan ng sanlibutan noong kaniyang kaarawan. (Apocalipsis 7:9-17; 2 Pedro 2:5) Alam mo ba na ang internasyonal na malaking pulutong na ito ng masigasig na mga Kristiyano ay umiiral na kahit na ngayon? Ang mga ito ay umaasang makaliligtas nang buháy sa malaking kapighatian at mamumuhay magpakailanman sa lupa. Ang kanilang pag-iral ay isang tiyak na katibayan na kaylapit-lapit na ng Araw ng Paghuhukom.
Sino ang mga Huhukuman?
Ang malaking pulutong na ito ay huhukuman sa Araw ng Paghuhukom. Subalit hindi lamang sila. Ang pag-uulat ni Juan ay nagpapatuloy: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na naroroon; at ibinigay ng kamatayan at ng impiyerno ang mga patay na naroroon: at sila’y hinatulan bawat tao ayon sa kanilang mga gawa.” (Apocalipsis 20:13, KJ) Narito pa ang patotoo na ang mga tao’y hindi pinahihirapan magpakailanman sa impiyerno. Kung ibinibigay ng impiyerno ang mga patay na naroroon, papaanong ang sinuman ay doroon nang walang-hanggan? Ang totoo, ang impiyerno ayon sa Bibliya ay ang karaniwang libingan ng sangkatauhan, na kung saan ang patay ay nananatiling walang malay at naghihintay ng pagkabuhay-muli. Sa Araw ng Paghuhukom, ang impiyerno ay lubusang mawawalan ng mga naroroong patay.—Eclesiastes 9:10.
Sino ang bubuhaying-muli sa mga patay sa Araw ng Paghuhukom? Si apostol Pablo ay nagsabi: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga patay, kapuwa ng mga ganap at ng mga di-ganap.” (Gawa 24:15, KJ) Samakatuwid, ang tapat na mga lingkod ng Diyos, “ang ganap,” ay bubuhaying-muli. Ngunit bubuhayin din ang di-mabilang na mga iba pa, “ang mga di-ganap.” Maliwanag, kasali sa mga bubuhayin ang lahat ng mga nangamatay at naririto pa sa libingan—maliban na lamang sa mga taong ang kasalanan ay totoong malulubha kung kaya sila’y hinatulan ng Diyos na lubusang di-karapat-dapat sa buhay.—Mateo 12:31.
Ang Hatol
Ngunit, ano ang mangyayari sa malaking pulutong ng mga nakaligtas na buháy at ng mga bubuhaying-muli sa Araw ng Paghuhukom? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.” Ito ay isang panahon ng pagsusuri. Lahat ng kusang kikilos ayon sa ‘mga bagay na nasusulat sa mga aklat’—maliwanag na yaong mga kahilingan ng Diyos para sa sangkatauhan sa panahong iyon—ay mapapasulat sa “aklat ng buhay.” (Apocalipsis 20:12, KJ) Sila’y patungo na sa pagtatamo ng buhay na walang-hanggan!
Pagkatapos, sa wakas, ang sakripisyong kamatayan ni Kristo ay magdudulot ng pisikal na mga pakinabang! Yaong mga nakatala sa aklat ng buhay sa panahong iyon ay hindi na tatablan ng sakit at kamatayan. Bagkus, sila’y unti-unting ibabalik sa kasakdalan ng pagkatao na gaya ng ipinanukala para sa tao, anupa’t taglay ang buhay na walang-hanggan na ipinangako sa mga sumasampalataya kay Jesus. Isang pambihirang pagkakataon nga! Gayunman, ang iba ay maliwanag na magsisitangging sundin ‘ang mga bagay na nasusulat sa mga aklat.’ Ano ang mangyayari sa kanila? Sila’y hindi magkakamit ng buhay na walang-hanggan. Sa halip, sinasabi ng kasulatan: “Sinuman na hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy.”—Apocalipsis 20:15, KJ.
Ito ba ang apoy ng impiyerno na tinutukoy ng Sangkakristiyanuhan? Hindi, sapagkat sa nauunang talata, ating mababasa: “Ang kamatayan at ang impiyerno ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 20:14, KJ) Kung ang impiyerno ay ibinubulid sa dagat-dagatang apoy, ang dagat-dagatan ay hindi maaaring maging impiyerno ng apoy. Isa pa, ang kamatayan ay hindi isang bagay na maaaring hawakan at ihagis saanman. Samakatuwid ang dagat-dagatang apoy ay isang sagisag. Ng ano? Sinasabi ng Bibliya: “Ito ang ikalawang kamatayan.” Pagka ang kamatayan at ang Hades ay inihagis sa dagat-dagatang apoy, sila’y “namamatay,” hindi na umiiral. Sa katulad na paraan, ang mapaghimagsik na mga tao na napapapunta roon ay mamamatay, o hindi na iiral. Ito nga ang ikalawang kamatayan, na doo’y walang pag-asang muling mabuhay pa ang sinuman.
Araw ng Paghuhukom—Isang Panahon ng Pag-asa
Kaya kapag ating pinag-isipan ang Araw ng Paghuhukom, tayo’y hindi dapat mangilabot o masuklam. Ang Araw ng Paghuhukom ay isang panahon ng pag-asa, isang panahon na ang sangkatauhan ay isasauli sa buhay na walang-hanggan na iniwala ni Adan. Pakinggan ang mga pagpapala na idudulot nito sa mga hahatulan na tapat: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Sa katapusan ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom, ang tapat na mga tao buhat sa lahat ng bahagi ng lupa ay magiging sakdal sa wakas. Sila’y “nabuhay” sa lubusang kahulugan, at ang Araw ng Paghuhukom ay natupad ang layunin sa panahong iyon. (Apocalipsis 20:5) Pagkatapos, sinasabi ng Bibliya, si Satanas ay pawawalan upang masubok ang sangkatauhan sa huling pagkakataon. (Apocalipsis 20:3, 7-10) Yaong mga hindi padadaig sa kaniya sa huling pagkakataong ito ay magtatamasa ng lubusang katuparan ng ipinangako ng Bibliya: “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y tatahan dito magpakailanman.”—Awit 37:29.
Anong kahanga-hangang paglalaan nga ang Araw ng Paghuhukom! At kay-inam na tayo’y makapaghanda para rito kahit na ngayon, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, pag-alam sa kalooban ng Diyos, at pagsunod sa banal na kaloobang ito sa ating buhay! Hindi nga katakataka na magpahayag ng kagalakan ang salmista pagka naiisip niya ang paghuhukom ng Diyos nang siya’y sumulat: “Matuwa ang langit, at magalak ang lupa. Humugong ang dagat at ang buong naroroon. Sumaya ang kabukiran at lahat ng naroroon. Kung magkagayo’y umawit nang may kagalakan ang lahat ng mga punungkahoy sa gubat sa harap ni Jehova. Sapagkat siya’y dumating na; sapagkat siya’y dumating na upang hatulan ang lupa.”—Awit 96:11-13.