Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 8/15 p. 8-12
  • Ang Pagtataguyod ng Kalayaan sa Senegal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagtataguyod ng Kalayaan sa Senegal
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • ‘Ibig ni Jehova na Mapasa-Inyo ang Gusaling Ito’
  • Sa Larangan Kasama ng mga Misyonero
  • Pinalaya Upang Gumanap ng Buong-Panahong Ministeryo
  • Poligamya Laban sa Monogamyang Kristiyano
  • Pagsamba sa Anting-Anting Laban sa Tunay na Pagsamba
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 8/15 p. 8-12

Ang Pagtataguyod ng Kalayaan sa Senegal

SA baybaying-dagat na makikita sa malayo buhat sa Dakar, ang modernong kabisera ng Senegal, ay naroroon ang munting Gorée Island. Dito’y may nakatayong isang malupit na alaala ng isang madilim na bahagi ng kasaysayan​—isang bahay-alipin na itinayo noong 1776.

Ito’y isa sa maraming gayong bahay na mula sa 150 hanggang 200 mga alipin ang itinira roon sa gitna ng maruruming kalagayan sa loob ng tatlong buwan bago ibiyahe sa malalayong lugar. Mga pami-pamilya ang nagkawatak-watak, na ang mga magkakamag-anak ay hindi na magkikita-kita pang muli; ang ama ay baka ipadala sa Louisiana sa Hilagang Amerika, ang ina naman ay sa Brazil o Cuba, at ang mga anak ay sa Haiti, Guyana, o Martinique. Anong laking pagwawalang-bahala sa kalayaan ng tao! Ito’y isa ring mabisang tagapag-alaala na ang kalayaan ay isang mahalagang pribilehiyo na hindi laging nakakamit ng lahat ng tao.

Napag-alaman ko ito buhat sa brosyur ng turismo na binabasa ko noon samantalang nagbibiyahe sa isang eroplano patungong Senegal, ang bansang kadulu-duluhan sa gawing kanluran sa nakausling lupain ng Kanlurang Aprika. Ang tigang na rehiyon ng Senegal ay nasa pagitan ng disyerto sa gawing hilaga at silangan at masusukal na mga kagubatan sa gawing timog. Dito ay makikita mo ang maringal, mahabang-buhay na punong baobab, na may pambihirang bunga na tinatawag na monkey bread, na ginagawang cream of tartar. Ito rin ang lupain ng mga unggoy at kaakit-akit na mga ibon at kakatuwang mga nayon na nakasalagmak sa itaas ng mga punong mangga.

Ako’y naupo nang buong pagpapahingalay at binulay-bulay ko ang malaon nang inaasam-asam kong pagdalaw sa pinaka-pintuan na ito ng Kanlurang Aprika. Sa ngayon, ang Senegal, na may pitong milyong mamamayan na nagbuhat sa maraming iba’t ibang lahi ng tao, ay nagtatamasa ng ganap na kalayaan. Ngunit maaari kaya na ang isang tao’y malaya sa pisikal, ngunit alipin naman ng mga kaugalian at pamahiin na nag-aalis sa kaniya ng tunay na kalayaan? Noon ay buong-pananabik na inasam-asam ko na makilala ang aking espirituwal na mga kapatid at tuwirang masaksihan ang pagsulong, sa panig na iyan ng daigdig, ng katotohanan na nagpapalaya sa mga tao.​—Juan 8:32.

‘Ibig ni Jehova na Mapasa-Inyo ang Gusaling Ito’

Ang nauuna sa aking talaan ng aking mga dadalawin ay ang tanggapang sangay ng Watch Tower at tahanang misyonero sa Dakar. Nang kami’y dumating sa isang gusaling tinging-moderno sa isang tahimik na lugar sa labas ng siyudad, napansin ko ang isang malaking J sa harap. Ang aking tanong nang kami’y naglilibot na sa tanggapang sangay ay kung ano ba ang ibig sabihn ng letrang J.

“Lubhang nakapananabik,” ang paliwanag ng aking giya. “Nang kami’y naghahanap ng lalong malawak na mga pasilidad para sa sangay noong 1985, binisita namin ang gusaling ito, na noon ay itinatayo. Pero naisip namin na ito ay totoong napakalaki kaysa aming kinakailangan. Nang mabalitaan ng may-ari na kami’y mga Saksi ni Jehova, gustung-gusto niya na paupahan sa amin ang gusali, palibhasa’y alam niya na kami’y mga tapat sa kapuwa. ‘Natitiyak ko na ang inyong Diyos, si Jehova, ay gustong mapasa-inyo ang gusaling ito,’ ang sabi niya. ‘Aba, tingnan ninyo! Mayroon pa itong isang malaking J sa harap! Nang ipalagay ko iyan doon, naisip ko na ito ay kakatawan sa aking pangalan na John, pero ngayon natitiyak ko na ito’y para sa pangalan ng Diyos, na si Jehova!’ Maligayang ginamit namin ang magandang gusaling ito sa nakalipas na limang taon.”

Pagkatapos ay ibig kong malaman kung papaano nagsimula ang gawaing pangangaral sa Senegal.

“Ang nagpapalayang tubig ng katotohanan ay dinala sa Senegal maaga noong dekada ng 1950 ng isa sa mga Saksi ni Jehova na galing sa Pransiya at may kontratang magtrabaho roon. Noong 1965 isang tanggapang sangay ang binuksan sa Dakar upang mag-asikaso sa gawain sa wika-ay-Pranses na mga bansa ng Senegal, Mali, at Mauritania, gayundin sa wika-ay-Ingles na bansa ng Gambia. Magmula noong 1986 kami ay nag-aasikaso rin sa gawain sa Guinea-Bissau, na kung saan Portuges ang ginagamit na wika.”

Palibhasa’y batid ko na 90 porsiyento ng populasyon dito ay hindi mga Kristiyano, itinanong ko kung ano na ang nagawang pag-unlad. “Totoo naman na maraming mga tao sa mga bansang ito ang walang gaanong alam sa Bibliya,” ang sabi ng aking giya, “pero ang gawain ay patuloy na sumusulong. Noong Enero 1991 nasiyahan kami nang makita na may 596 na mamamahayag ng Kaharian. Ipinakikita niyan na ang lokal na mga kapatid at ang mga misyonero ay masigasig na nagpapagal.”

“Alam ko na maraming misyonerong naglilingkod dito,” ang puna ko.

“Oo, mayroon kaming mga 60 naatasang gumawa sa iba’t ibang teritoryo na aming ginagawa, at sila’y nanggaling sa 13 bansa. Sila’y masigasig na gumagawa at malaki ang kanilang naiabuloy upang ang gawain ay malagay sa matatag na pundasyon. Ang ganitong espiritu ay mababanaag sa lokal na mga kapatid sa kanilang pag-ibig at sigasig sa katotohanan. Sa kabila ng mga suliranin na gaya ng kawalan ng hanapbuhay at lubhang limitadong materyal na panustos, maraming kapatid ang gumugugol ng 15 oras at higit pa sa ministeryo sa larangan buwan-buwan. Kami’y umaasang makikilala mo ang ilan sa masisigasig na manggagawang ito samantalang dumadalaw ka.”

Inasam-asam ko na magkakagayon nga.

Sa Larangan Kasama ng mga Misyonero

Si Margaret (na mahigit nang 20 taóng misyonera bago namatay kamakailan) ay nagboluntaryong ipagsama ako sa kaniyang teritoryo sa sentro ng siyudad. Kami’y sumakay sa isang car rapide (mabilis na auto) upang makaranas ng kaunti ng pamumuhay roon. Ang totoo, ito ay isang munting bus na malimit pumara. Ito’y nagsasakay ng 25 pasahero, at kung silang lahat ay mga payat, nakikini-kinita ko na magiging maginhawa ang pagsakay roon. Ang dalawang babaing katabi ko ay hindi mga payat, pero napangiti na lamang ako.

“Sa aking teritoryo sa kabayanan, maraming kawili-wiling mga bagay na makikita ka,” ang paliwanag ni Margaret nang kami’y dumating na sa aming pupuntahan. “Nakikita mo ba ang magagandang sandalyas na iyon?” ang tanong niya, sabay turo sa ilang nagtitinda na nasa bangketa. “Yari iyan sa kinulayang balat ng mga tupa at mga kambing.” Lumapit kami sa mga manggagawa ng sandalyas, at sinimulan ni Margaret na magpatotoo sa kanila sa kanilang wika, ang Wolof. Sila’y matamang nakinig at naakit ng mga ilustrasyon tungkol kay Adan at Eva sa magandang brosyur.

Hindi nagtagal at kami’y nilapitan ng mga nagtitinda, na tinatawag dito na mga lalaking bana-bana, na nag-aalok ng sari-saring paninda. Ang iba’y may mga walis; ang iba naman ay may mga tindang damit, kandado, gamot, pitaka, dalanghita, at kahit mga buháy na ibon. Ang isa’y gustong bentahan ako ng isang kora, isang instrumentong de kuerdas na yari buhat sa kalahati ng isang kalabasa, o upo, at ang pinaka-leeg ay isang kahoy; ito’y tinutugtog nang dalawang kamay. Napansin ko na sa likod nito ay may isang munting larawan ng isang maskarang yari sa katad, sungay ng kambing, at maliliit na mga kabibi para sa “suwerte.” Ipinaliwanag namin na hindi kami bumibili ng anumang may adorno ng mga tanda na maaaring may kinalaman sa pangkukulam o paganong mga rituwal. Sa aming ipinagtaka, ang lalaking bana-bana ay sumang-ayon, na nagpapakilalang siya’y isang Muslim. Kaniyang itinago ang kora sa likod ng kaniyang mahaba’t maluwag na kasuotan, o boubou, at matamang nakinig habang ipinaliliwanag ni Margaret ang brosyur, na Arabiko. Siya’y tuwang-tuwa at kinuha niya ang brosyur at sinimulan ang pagbabasa niyaon doon mismo. Pagkatapos ng maraming pasasalamat, siya’y umalis na dala ang brosyur at ang di-naibentang kora. Inaakala naming kaniyang pag-aaralan ang brosyur pagdating niya sa tahanan.

Pagkatapos, kinausap ko naman si John, na naging misyonero nang mahigit na 20 taon.

“Ang mga tao rito ay totoong palakaibigan, at maaari kang makipag-usap sa halos lahat ng makasalubong mo,” ang sabi sa akin ni John. “Ang popular na bati na ‘assalam alaikum’ ay nangangahulugang ‘sumaiyo ang kapayapaan,’ at karamihan ng mga tao ay mapayapa. Ito ang lupain ng teranga, o pagkamapagpatuloy, at ito’y ipinahahayag sa pamamagitan ng kabaitan, kainitan ng damdamin, at pagkamasaya.” Naging madali noon sa akin na makita kung bakit napakaraming kabataang Saksing banyaga ang nag-iiwan ng kani-kanilang pamilya at kaibigan upang maglingkod sa larangang ito ng pagmimisyonero.

Pinalaya Upang Gumanap ng Buong-Panahong Ministeryo

Ang espiritung misyonero ay may matinding impluwensiya sa lokal na mga Saksi. Ito’y lalung-lalo nang mahahalata sapagkat dahilan sa malaganap na kawalan ng hanapbuhay ang paglahok sa buong-panahong paglilingkurang payunir ay nagiging isang tunay na hamon. Si Marcel at si Lucien, na nakalaya buhat sa maraming nakapipinsalang bisyo sa pamamagitan ng pagkatuto ng katotohanan ng Bibliya, ay naglahad:

“Ibig namin na ipakita ang aming pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagpapayunir. Subalit mahirap na makakita ng isang trabahong hindi ka natatalian. Sinubok namin ang paghahalaman, ngunit hindi naging praktikal. Ang paglalabada naman ay umagaw ng malaking bahagi ng aming panahon. Ngayon kami ay nasa hanapbuhay na pagpapanadero, at may ilang suking tindahan, at ito ay gumaganang mainam.” Maliwanag na ito’y nangangailangan para sa kanila ng malaking pananampalataya at kasanayan, lakip na ang taimtim na pagsusumikap, ngunit ito’y nagpapatunay na posibleng makapasok ka sa buong-panahong paglilingkuran kahit na mahirap ang kalagayan ng pamumuhay.

Nang ang mga Saksi ni Jehova’y magsimulang makipag-aral ng Bibliya kay Michel, siya’y nag-aaral sa isang unibersidad sa Dakar. “Ako’y nalumbay sa imoral na kaisipan ng napakaraming estudyante, at nakagugulumihanang mga katanungan ang laging bumabagabag sa akin,” ang bida niya. “Bakit nga ba ang tao’y alipin ng ganiyang nakapipinsalang mga gawain at mga kalagayan? Ang Bibliya ang nagbigay sa akin ng mga kasagutan. Noon ay para bang naalisan ako ng isang mabigat na pasan sa aking mga balikat. Bagaman iginiit ng aking mga magulang na ako’y magpatuloy sa aking pag-aaral, ako ay nag-auxiliary payunir at pagkatapos ay nagregular payunir sa natitirang bahagi ng panahon na ako’y nag-aaral sa unibersidad. Nakita kong ang pamamahagi sa iba ng mabuting balita bilang isang payunir, hindi ang paghahangad ng isang karera sa isang sistema na malapit nang matapos, ang nagdudulot sa akin ng pinakamalaking kagalakan.” Si Michel ay naglilingkod ngayon bilang isang special payunir sa Mbour.

Poligamya Laban sa Monogamyang Kristiyano

Ang lokal na mga kaugalian ay hindi laging kasuwato ng mga simulaing Kristiyano, at ito’y maaaring magharap ng kakatuwang mga hamon. Si Alioune na punong tagapangasiwa sa isa sa anim na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa kalakhang Dakar, ay naglalahad: “Nang unang marinig ko ang nagpapalayang katotohanan, dalawa ang aking asawa. Bilang isang Muslim na sumusunod sa kautusan nito, ako’y pinayagan ng aking relihiyon na magkaroon ng higit pa sa riyan. Ang aking ama ay may apat, at karamihan ng aking mga kaibigan ay marami pa riyan. Iyan ang kalakaran dito sa Aprika.” Subalit ano ba ang epekto ng ganitong kalakaran sa buhay?

“Ang pagkakaroon ng higit sa isang asawa ay maaaring maging sanhi ng maraming suliranin,” ang paliwanag ni Alioune, “lalung-lalo na kung tungkol sa mga anak. Ako’y may sampung anak sa aking unang asawa at dalawa sa aking pangalawa. Sa gayong mga pamilya, ang ama ay malimit na isang banyaga sa kaniyang mga anak, kaya sila’y hindi nakikinabang sa kaniyang tulong at pagdisiplina. Sabihin pa, ang poligamya ay hindi naging proteksiyon sa akin buhat sa pangangalunya. Bagkus, ang pagpipigil-sa-sarili, na isang bunga ng espiritu ng Diyos ang gumawa niyan.” Kaya, ano ba ang ginawa ni Alioune?

“Ang aking pangalawang asawa ay ibinalik ko sa tahanan ng kaniyang mga magulang,” patuloy niya, “at mataktikang ipinaliwanag na hindi dahil sa mayroon akong natuklasan sa kaniya na hindi nakalulugod sa akin kundi iyon ay upang makasunod sa mga kahilingan ng Diyos. Ako’y gumawa ng pantanging mga kaayusan upang maasikaso ang lahat ng aking mga anak sa materyal at espirituwal na pangangailangan, at ako’y nagpapasalamat na sa ngayon sila rin ay naglilingkod kay Jehova. Sa siyam na mga mamamahayag, lima ang bautismado, dalawa ang naglilingkod bilang mga special payunir, at ang tatlo pa ay mga regular at mga auxiliary payunir. Ang katotohanan ang talagang nagpalaya sa akin buhat sa maraming suliranin may kaugnayan sa pagpapalaki ng mga anak.”

Pagsamba sa Anting-Anting Laban sa Tunay na Pagsamba

Ang susunod sa aking talaan ng mga lugar na bibisitahin ay ang rehiyon ng Casamance sa timog. Ako’y humanga sa tanawin ng kasariwaan at kaluntian ng lahat ng bagay roon. Palibhasa’y may mainam na patubig na nanggagaling sa malaking Ilog Casamance na may habang mga 300 kilometro, ang lugar na iyon ay nag-aani ng saganang palay, mais, at mani. Nakakalat sa buong kaparangan ang pabilog, na dalawang palapag na mga kubo, na may mga bubong na inatipan at korteng isang imbudo upang makasahod ng tubig-ulan para sa tag-araw. Ang kabisera, ang Ziguinchor, ay nasa isang lugar na nayuyungyungan ng malawak na niyugan. Ako’y natuwa nang makilala ko ang isang masigasig na kongregasyon ng mga lingkod ni Jehova rito.

Si Dominic, isang misyonero na gumagawa sa Ziguinchor at sa palibot nito, ang nagbalita sa akin na ang pangangaral sa lugar na ito ay sumusulong nang napakahusay. “Mga sampung taon lamang ang nakalilipas,” aniya, “may 18 mamamahayag sa Ziguinchor Congregation. Ngayon ay may 80. Upang maasikaso ang malaking pagsulong na ito, kami ay nagtayo ng isang maganda, bagong Kingdom Hall, na ginamitan namin ng pulang lupa na masusumpungan doon mismo sa lugar na pinagtayuan ng bulwagan. Ang proyekto ay napatunayang isang malaking patotoo sa komunidad. Nakatutuwang mga pangungusap ang narinig buhat sa mga nakakita ng mga taong buhat sa napakaraming iba’t ibang tribo na mapayapang gumagawang magkakasama. Sa isang kamakailang asambleang pansirkito, ang pinakamataas na bilang ng mga nagsidalo ay 206, at 4 ang nabautismuhan.”

Maraming mga tao sa bahaging ito ng Senegal ang sumusunod pa rin sa espiritismo na paniwala ng kanilang mga ninuno, sumasamba sa mga anting-anting bagaman nag-aangkin na mga Kristiyano o mga Muslim. Ako’y matamang nakinig sa kuwento ni Victor, isang elder sa Ziguinchor Congregation.

“Ako’y isinilang sa isang malaking pamilya sa Guinea na sumasamba sa anting-anting. Sa aking pagsilang, ako’y inialay ng aking ama sa isang espiritu, o demonyo. Upang makamit ang pabor nito, sa ilalim ng kama ay regular na kinukuha ko ang isang itim na maleta, nagsasaayos ako ng isang maliit na dambana, at naghahandog ng mga haing dugo sa sungay na kumakatawan sa demonyong tagapagligtas sa akin. Kahit na pagkatapos na ako’y maging isang Katoliko, nadama ko pa rin na ako’y alipin ng mga demonyo. Pagkatapos na ako’y lumipat sa Senegal, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsimulang makipag-aral sa akin ng Bibliya. Natutuhan naming mag-asawa na hindi kami makapagpapatuloy ng ‘pagkain sa hapag ni Jehova at sa hapag ng mga demonyo.’ (1 Corinto 10:21) Ngunit nang huminto na ako ng paghahandog ng mga hain, ang mga demonyo ay nagsimula nang pag-atake sa amin. Ako’y takót na itapon ang itim na maleta at lahat ng nasa loob na makademonyong mga bagay-bagay dahil sa may alam akong isang tao na lubusang nasiraan ng kaniyang bait nang gawin niya iyan.” Anong napakapanganib na kalagayan ang kinaroonan ni Victor!

“Sa wakas ang mga salita sa Roma 8:31, 38, 39 ang nagbigay sa amin ng kinakailangang lakas upang itapon ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa anting-anting. Ngayon na kami’y kay Jehova nagtitiwala, tunay na kami’y napalaya. Ang buong sambahayan ko ay may kagila-gilalas na pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang makalupang paraiso, na kung saan lahat ng tao ay lalaya na buhat sa impluwensiya ng balakyot na mga demonyo.”

Sa wakas, panahon na upang kami’y mamaalam. Samantalang ako’y nag-iimpake ng aking mga dala-dalahan, binulay-bulay ko ang aking di-malilimot na pagdalaw sa Senegal. Totoong nagpapatibay-pananampalataya ang makilala ko at makausap ko ang napakaraming mga tao na nakalaya buhat sa pagkaalipin sa ipinagbabawal na gamot, imoralidad, at pamahiin at ngayon ay nagtatamasa na ng tunay na kalayaan. Sa kabila ng pagdarahop sa kabuhayan, sila’y nakasusumpong ng kagalakan at kasiyahan sa paglilingkod kay Jehova, na nagdala sa kanila ng tiyak na pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. Anong laki ng ating pasasalamat sa kaniya na nagpapangyaring ang gayong mabuting balita ay mahayag hindi lamang sa Senegal kundi rin naman sa buong daigdig sa panahon na nagaganap “ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova”! (Isaias 61:1, 2)​—Isinulat.

[Mapa sa pahina 8]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

SENEGAL

St. Louis

Louga

Thiès

Dakar

Kaolack

GAMBIA

Banjul

[Mga larawan sa pahina 9]

Ang nagpapalayang tubig ng katotohanan ay ipinamamahaging walang-bayad sa mga nayon

Tahanang misyonero at tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Dakar, Senegal

[Larawan sa pahina 10]

Maging sa tabing-dagat, ang mga taga-Senegal ay nakaririnig ng mensaheng Kristiyano

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share