Iniibig ni Jehova ang mga Nagbibigay na Masaya
“Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, huwag mabigat sa loob o parang pinipilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.”—2 CORINTO 9:7.
1. Papaanong ang Diyos at si Kristo ay kapuwa nagbibigay na masaya?
SI Jehova ang unang nagbigay na masaya. May-kagalakang binigyan niya ng buhay ang kaniyang bugtong na Anak at ginamit siya sa pagpapairal sa mga anghel at sa sangkatauhan. (Kawikaan 8:30, 31; Colosas 1:13-17) Binigyan tayo ng Diyos ng buhay at hininga at lahat ng bagay, kasali na ang ulan buhat sa langit at ang mga panahon ng pamumunga, anupa’t pinupunô ang ating mga puso ng kasayahan. (Gawa 14:17; 17:25) Oo, ang Diyos at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay kapuwa nagbibigay na masaya. Sila’y buong-kagalakang nagbigay na taglay ang espiritu ng kawalang-pag-iimbot. Ganiyan na lamang ang pag-ibig ni Jehova sa sanlibutan ng sangkatauhan na anupa’t “ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” At walang-pagrereklamong ‘ibinigay [ni Jesus] ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.’—Juan 3:16; Mateo 20:28.
2. Sang-ayon kay Pablo, anong uri ng tagapagbigay ang iniibig ng Diyos?
2 Kung gayon, ang mga lingkod ng Diyos at ni Kristo ay dapat na maging masasayang tagapagbigay. Ang gayong pagbibigay ang ipinayo ng ikalawang liham ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto, isinulat mga 55 C.E. Maliwanag na ang tinutukoy ay ang kusa at pribadong mga donasyon ng salapi na ginawa lalung-lalo na upang tulungan ang nangangailangang mga Kristiyano sa Jerusalem at Judea, sinabi ni Pablo: “Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, huwag mabigat sa loob o parang pinipilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.” (2 Corinto 9:7; Roma 15:26; 1 Corinto 16:1, 2; Galacia 2:10) Papaano kumilos ang bayan ng Diyos sa mga pagkakataon upang magbigay? At ano ang ating matututuhan buhat sa payo ni Pablo tungkol sa pagbibigay?
Inudyukan ng mga Pusong Nananabik
3. Gaanong kalawak tinustusan ng mga Israelita ang pagtatayo ng tabernakulo ukol sa pagsamba kay Jehova?
3 Nananabik na mga puso ang nag-udyok sa bayan ng Diyos na magbigay ng kanilang sarili at ng kanilang mga tinatangkilik sa pagtustos sa layunin ng Diyos. Halimbawa, may-kagalakang tinustusan ng mga Israelita noong kaarawan ni Moises ang pagtatayo sa tabernakulo ukol sa pagsamba kay Jehova. Ang mga puso ng ibang babae ang nag-udyok sa kanila na humabi ng balahibo ng kambing, samantalang may mga lalaki na naglingkod bilang bihasang mga manggagawa. May-kagalakang nagbigay ang mga tao ng ginto, pilak, kahoy, lino, at iba pang mga bagay bilang isang kusang-loob na “abuloy para kay Jehova.” (Exodo 35:4-35) Sila’y labis-labis na bukás-palad na anupa’t ang iniabuloy na mga materyales ay “naging sapat na para sa lahat ng gagawin, at higit pa kaysa kinakailangan.”—Exodo 36:4-7.
4. Anong saloobin ang taglay ni David at ng iba pa sa pag-aabuloy sa templo?
4 Makalipas ang ilang siglo, si Haring David ay nag-abuloy nang malaki sa pagtatayo ng templo ni Jehova na gagawin ng kaniyang anak na si Solomon. Yamang si David ay ‘may kaluguran sa bahay ng Diyos,’ ibinigay niya ang kaniyang “natatanging pag-aari” na ginto at pilak. Ang mga prinsipe, mga punò, at iba pa ay ‘nagdala ng kaloob kay Jehova.’ Ano ang epekto? Aba, “nang magkagayo’y nagsaya ang bayan dahil sa sila’y naghandog na kusa, sapagkat sila’y may sakdal na puso na naghandog na kusa kay Jehova”! (1 Cronica 29:3-9) Sila’y nagbigay na masaya.
5. Papaano sumuporta ang mga Israelita sa tunay na pagsamba sa loob ng daan-daang taon?
5 Sa loob ng daan-daang taon, ang mga Israelita ay nagkapribilehiyo na tustusan ang tabernakulo, ang mga templo nang bandang huli, at ang mga saserdote at mga Levita na naglilingkod sa doon. Halimbawa, noong kaarawan ni Nehemias ang mga Judio ay nagpasiya na mag-abuloy upang makapagpatuloy sa dalisay na pagsamba, palibhasa’y alam nila na hindi nila dapat pabayaan ang bahay ng Diyos. (Nehemias 10:32-39) Katulad din naman ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay masayang nagbibigay nang kusang-loob na mga donasyon sa pagtatayo at pagtustos sa mga dakong pulungan at upang sumuporta sa tunay na pagsamba.
6. Magbigay ng mga halimbawa ng masayang pagbibigay ng mga Kristiyano.
6 Ang sinaunang mga Kristiyano ay nagbigay na masaya. Halimbawa, si Gayo ay gumagawa ng “isang tapat na gawain” sa pagiging mapagpatuloy sa mga naglalakbay ukol sa kapakanan ng Kaharian, gaya rin ng mga Saksi ni Jehova na mapagpatuloy sa naglalakbay na mga tagapangasiwa na sinusugo ngayon ng Watch Tower Bible and Tract Society. (3 Juan 5-8) Malaki rin ang gastos upang ang mga kapatid na ito ay makapaglakbay tungo sa mga kongregasyon at upang sila’y mabigyan ng matutuluyan, ngunit anong laking pakinabang sa espirituwal ang dulot nito!—Roma 1:11, 12.
7. Papaano ginamit ng mga taga-Filipos ang kanilang materyal na mga ari-arian?
7 Sa kabuuan, ginamit ng mga kongregasyon ang kanilang materyal na mga ari-arian upang itaguyod ang mga kapakanang pang-Kaharian. Halimbawa, sinabi ni Pablo sa mga mananampalataya na taga-Filipos: “Kahit sa Tesalonica, kayo’y nagpadala minsan at makalawa para sa aking kailangan. Hindi sa ako’y talagang naghahanap ng regalo, kundi ang talagang hinahangad ko’y ang bunga na nagdadala ng lalong malaking kapurihan sa inyo.” (Filipos 4:15-17) Ang mga taga-Filipos ay nagbigay na masaya, ngunit ano ba ang mga dahilan na nasa likod ng gayong masayang pagbibigay?
Ano ang Nag-uudyok sa Masayang Pagbibigay?
8. Papaano mo patutunayan na ang espiritu ng Diyos ang nagpakilos sa kaniyang bayan upang magbigay na masaya?
8 Ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova, ang nagpapakilos sa kaniyang bayan na magbigay na masaya. Nang ang mga Kristiyano sa Judea ay nasa pangangailangan, ang espiritu ng Diyos ang nagpakilos sa ibang mananampalataya upang tulungan sila sa materyal na paraan. Upang patibaying-loob ang mga Kristiyano sa Corinto na gawin ang lahat ng magagawa nila sa pagbibigay ng gayong mga donasyon, binanggit ni Pablo ang halimbawa ng mga kongregasyon sa Macedonia. Bagaman ang mga mananampalataya sa Macedonia ay dumaranas ng pag-uusig at karalitaan, sila’y nagpakita ng pag-ibig pangmagkakapatid sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit pa sa kanilang aktuwal na kakayahan. Ipinamanhik pa man din nila na ipagkaloob sa kanila ang pribilehiyo na makapagbigay! (2 Corinto 8:1-5) Ang kapakanan ng Diyos ay hindi depende lamang sa mga donasyon ng mga mayayaman. (Santiago 2:5) Ang kaniyang nag-alay na mga lingkod na dukha sa materyal na mga bagay ang pangunahing nagtataguyod sa pagtustos sa pananalapi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. (Mateo 24:14) Gayunman, sila’y hindi dumaranas ng kahirapan dahilan sa kanilang pagkabukás-palad, sapagkat walang pagkabigo ang ginagawa ng Diyos na paglalaan ukol sa pangangailangan ng kaniyang bayan sa gawaing ito, at ang puwersang nasa likod kung kaya ito nagpapatuloy at umuunlad ay ang espiritu.
9. Papaanong ang pananampalataya, kaalaman, at pag-ibig ay may kaugnayan sa masayang pagbibigay?
9 Pananampalataya, kaalaman, at pag-ibig ang nag-uudyok sa masayang pagbibigay. Sinabi ni Pablo: “Yamang kayo [mga taga-Corinto] ay sumasagana sa lahat ng bagay, sa pananampalataya at pananalita at kaalaman at sa buong kasipagan at sa aming pag-ibig na ito sa inyo, harinawang sumagana rin naman kayo sa bukás-palad na pagbibigay na ito. Hindi ako nangungusap na tulad sa nag-uutos sa inyo, kundi dahil sa kasipagan ng iba at upang subukin ang pagiging tunay ng inyong pag-ibig, kaya ako nangungusap.” (2 Corinto 8:7, 8) Ang pag-aabuloy sa kapakanan ni Jehova, lalo na kung limitado ang kakayahan ng nag-aabuloy, ay nangangailangan ng pananampalataya sa hinaharap na mga paglalaan ng Diyos. Ang mga Kristiyanong may saganang kaalaman ay nagnanais na maglingkod sa layunin ni Jehova, at yaong mga sumasagana sa pag-ibig sa kaniya at sa kaniyang bayan ay masayang ginagamit ang kanilang mga ari-arian upang itaguyod ang kaniyang kapakanan.
10. Bakit masasabing ang halimbawa ni Jesus ang nagpapakilos sa mga Kristiyano sa masayang pagbibigay?
10 Ang halimbawa ni Jesus ang nagpapakilos sa mga Kristiyano sa masayang pagbibigay. Pagkatapos ipayo sa mga taga-Corinto na magbigay bunga ng pag-ibig, sinabi ni Pablo: “Nalalaman ninyo ang di-sana nararapat na kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na bagaman siya’y mayaman gayunma’y nagpakadukha siya alang-alang sa inyo, upang kayo’y magsiyaman sa pamamagitan ng kaniyang karukhaan.” (2 Corinto 8:9) Sa langit ay mas mayaman kaysa kaninumang anak ng Diyos, gayunma’y hinubad ni Jesus ang lahat na ito at nagbuhay-tao. (Filipos 2:5-8) Datapuwat, sa pagiging dukha sa ganitong walang-imbot na paraan ay may naiabuloy si Jesus sa pagbanal sa pangalan ni Jehova at naihandog ang kaniyang buhay bilang haing pantubos sa kapakanan ng mga taong tatanggap nito. Kasuwato ng halimbawa ni Jesus, hindi ba dapat tayong magbigay na masaya upang matulungan ang iba at magkaroon ng bahagi sa pagbanal sa pangalan ni Jehova?
11, 12. Papaanong ang mabuting pagsasaplano ay magagawa tayong masasayang mga tagapagbigay?
11 Ang mabuting pagsasaplano ang nagpapangyari sa masayang pagbibigay. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Tuwing unang araw ng sanlinggo bawat isa sa inyo sa kani-kaniyang sambahayan ay magtabi ng kung magkano man ayon sa kaniyang ikagiginhawa, upang huwag nang pagdating ko lamang diyan saka mag-abuluyan.” (1 Corinto 16:1, 2) Sa isang nakakatulad na pansarilinan at kusang-loob na paraan, ang mga ibig magbigay ng donasyon upang tustusan ang gawaing pang-Kaharian sa ngayon ay makabubuting magtabi ng isang bahagi ng kanilang kinikita para sa layuning iyan. Bilang resulta ng gayong mabuting pagsasaplano, ang indibiduwal na mga Saksi, pamilya, at mga kongregasyon ay makapagbibigay ng mga donasyon upang mapasulong ang tunay na pagsamba.
12 Ang pagsasakatuparan ng mga plano na mag-abuloy ay magpapasaya sa atin. Gaya ng sinabi ni Jesus, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kaya mararagdagan pa ang kagalakan ng mga taga-Corinto kung susundin nila ang payo ni Pablo na isakatuparan ang kanilang santaong plano na magpadala ng mga abuloy sa Jerusalem. “Lalo nang tinatanggap iyon ayon sa mayroon ang isang tao, hindi ayon sa wala ang isang tao,” aniya. Pagka ang sinuman ay nag-aabuloy, ayon sa mayroon siya, ito’y dapat lubhang pahalagahan. Kung tayo’y nagtitiwala sa Diyos, kaniyang mapagpapantay-pantay ang mga bagay na anupa’t yaong may taglay ng marami ay bukás-palad, hindi mapag-aksaya, at yaong may kaunti lamang ay hindi nagkukulang anupa’t nagbabawas sa kanilang lakas at kakayahan na maglingkod sa kaniya.—2 Corinto 8:10-15.
Maingat na Pangangasiwa sa mga Ibinibigay
13. Bakit ang mga taga-Corinto ay makapagtitiwala kay Pablo sa pangangasiwa sa mga donasyon?
13 Bagaman pinangasiwaan ni Pablo ang kaayusan ng donasyon upang ang dukhang mga mananampalataya ay magtamasa ng materyal na tulong at lalong masiglang makibahagi sa pangangaral, ni siya man o ang iba ay hindi kumuha ng anuman sa mga pondo kapalit ng kanilang paglilingkod. (2 Corinto 8:16-24; 12:17, 18) Si Pablo ay nagtrabaho upang matustusan ang kaniyang pangangailangan sa halip na iasa sa kongregasyon ang gastusin. (1 Corinto 4:12; 2 Tesalonica 3:8) Sa gayon, sa pagbibigay ng donasyon sa kaniya, ipinagkakatiwala iyon ng mga taga-Corinto sa isang mapagkakatiwalaan, masipag na lingkod ng Diyos.
14. Tungkol sa paggamit ng mga donasyon, ano ang rekord ng Watch Tower Society?
14 Magbuhat nang mabuong isang korporasyon ang Watch Tower Bible and Tract Society noong 1884, ang mga nag-aabuloy ay may ebidensiya na ito’y isang mapagkakatiwalaang tagapangasiwa ng lahat ng donasyon na ipinagkakatiwala rito sa kapakanan ng gawaing pang-Kaharian ni Jehova. Sang-ayon sa saligang-batas nito, sinisikap ng Samahan na masapatan ang pinakamalaking pangangailangan ng lahat ng tao, ang pangangailangan ng espirituwal na mga bagay. Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng literatura sa Bibliya at ng pagtuturo kung papaano makakamit ang kaligtasan. Sa ngayon, pinabibilis ni Jehova ang pagtitipon sa tulad-tupang mga tao sa kaniyang lumalawak na organisasyon, at ang kaniyang pagpapala sa matalinong paggamit sa mga donasyon sa gawaing pangangaral ng Kaharian ay malinaw na ebidensiya ng pagsang-ayon ng Diyos. (Isaias 60:8, 22) Tayo’y nagtitiwala na kaniyang patuloy na pakikilusin ang mga puso ng mga nagbibigay na masaya.
15. Bakit ang magasing ito paminsan-minsan ay bumabanggit ng tungkol sa mga donasyon?
15 Paminsan-minsan ginagamit ng Samahan ang mga tudling ng magasing ito upang gisingin ang mga mambabasa sa kanilang pribilehiyo ng kusang pag-aabuloy sa pandaigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian. Ito ay hindi isang pangingilak ng salapi, kundi isa itong tagapag-paalaala sa lahat na nagnanasang tumustos sa “banal na gawain ng mabuting balita” ayon sa kaunlarang ibinibigay sa kanila ng Diyos. (Roma 15:16; 3 Juan 2) Lahat ng salaping abuloy ay ginagamit ng Samahan sa pinakamatipid na paraan upang maitanyag ang pangalan at Kaharian ni Jehova. Lahat ng abuloy ay may pasasalamat na tinatanggap, ipinagbibigay-alam ang pagkatanggap, at ginagamit upang palaganapin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Halimbawa, sa pamamagitan nito ay naipagpapatuloy ang mga gawain ng mga misyonero sa maraming bansa, at ang mga pasilidad sa pag-iimprenta na kailangan upang maipamahagi ang kaalaman sa Bibliya ay natutustusan at napalalawak. Isa pa, ang mga abuloy sa pandaigdig na gawain ay ginagamit upang matustusan ang lumalaking gastos sa paglalathala ng mga Bibliya at mga publikasyon tungkol sa Bibliya gayundin ang mga audiocassette at videocassette. Sa ganiyang mga paraan pinasusulong ng mga nagbibigay na masaya ang mga kapakanan ng Kaharian.
Hindi Dahil sa Pinipilit
16. Bagaman kakaunti sa mga Saksi ni Jehova ang may materyal na kayamanan, bakit ang kanilang mga abuloy ay pinahahalagahan?
16 Kakaunting mga Saksi ni Jehova ang may materyal na kayamanan. Bagaman sila marahil ay nagbibigay ng kau-kaunting halaga upang mapasulong ang mga kapakanan ng Kaharian, gayunman ay pinahahalagahan ang kanilang donasyon. Nang makita ni Jesus ang isang dukhang biyuda na naghuhulog sa kabang-yaman ng templo ng dalawang barya na may maliit na halaga, sinabi niya: “Ang babaing balong ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito [ang ibang mga nag-abuloy] ay nag-abuloy ng sa kanila’y labis, ngunit ang babaing ito sa kaniyang karalitaan ay nag-abuloy ng lahat ng kaniyang ikinabubuhay na taglay niya.” (Lucas 21:1-4) Bagaman ang kaniyang kaloob ay maliit, siya’y nagbigay na masaya—at ang kaniyang abuloy ay pinahalagahan.
17, 18. Ano ang diwa ng mga salita ni Pablo sa 2 Corinto 9:7, at ano ang ipinakikita ng salitang Griegong isinaling “masaya”?
17 Tungkol sa gawang pagtulong sa mga Kristiyano sa Judea, sinabi ni Pablo: “Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, huwag mabigat sa loob o parang pinipilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.” (2 Corinto 9:7) Marahil ang tinutukoy ng apostol ay ang isang bahagi ng Kawikaan 22:8 sa saling Septuagint, na nagsasabi: “Pinagpapala ng Diyos ang isang nagbibigay na masaya; at ang Diyos na ang magpupunô sa kakulangan ng kaniyang mga gawa.” (The Septuagint Bible, isinalin ni Charles Thomson) Ang “pinagpapala” ay hinalinhan ni Pablo ng “iniibig,” ngunit mayroon itong kaugnayan, sapagkat ang pag-aani ng mga pagpapala ay resulta ng pag-ibig ng Diyos.
18 Ang masayang nagbibigay ay tunay na maligaya sa pagbibigay. Anupa’t, buhat sa terminong Griego na isinaling “masaya” sa 2 Corinto 9:7 nanggagaling ang salitang “hilarious” (maingay sa pagkakatuwaan)! Pagkatapos banggitin ito, sinabi ng iskolar na si R. C. H. Lenski: “Iniibig ng Diyos ang masayahin, nagagalak, maligayang tagapagbigay . . . [na] ang pananampalataya ay pinagaganda ng mga ngiti pagka napaharap sa kaniya ang isa pang pagkakataon na magbigay.” Ang isang taong may gayong masayang espiritu ay hindi nagbibigay nang may reklamo o dahil sa pinipilit kundi ang kaniyang puso ay nakalagak sa kaniyang pagbibigay. Ikaw ba ay ganiyang kasaya pagka nag-aabuloy para sa kapakanan ng Kaharian?
19. Papaano nag-abuloy ang sinaunang mga Kristiyano?
19 Ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi nagpasa ng mga platong pangkolekta o may kaugalian na pagbibigay ng ikapu sa pamamagitan ng pag-aabuloy ng ikasampung bahagi ng kanilang kita para sa mga layuning relihiyoso. Bagkus, ang kanilang mga pag-aabuloy ay kusang-loob. Si Tertullian, na nakumberte sa pagka-Kristiyano mga 190 C.E., ay sumulat: “Bagaman mayroon kami ng aming kabang-yaman, ito’y hindi taguan ng pera na pambili ng kaligtasan, tulad sa isang relihiyon na nagpapabayad. Minsan sa isang buwan, kung nais niya, bawat isa’y naghuhulog ng isang maliit na abuloy; ngunit tangi lamang kung iyon ay ikinalulugod niya, at tangi lamang kung kaya niya iyon; sapagkat walang pamimilit; lahat ay kusang-loob.”—Apology, Kabanata XXXIX.
20, 21. (a) Ano ba ang sinabi ng isang maagang labas ng magasing ito tungkol sa pribilehiyo ng pagtustos ng salapi sa kapakanan ng Diyos, at papaano ito kumakapit kahit na sa ngayon? (b) Ano ang mangyayari pagka ating pinarangalan si Jehova ng ating mga ari-arian?
20 Ang kusang-loob na pagbibigay ang sa tuwina’y kaugalian sa modernong-panahong mga lingkod ni Jehova. Gayunman, kung minsan ay hindi lubusang sinasamantala ng iba ang kanilang pribilehiyo na pagtustos sa kapakanan ng Diyos sa pamamagitan ng mga donasyon. Noong Pebrero 1883, halimbawa, sinabi ng magasing ito: “Ang ilan ay pumapasan ng napakalaking pasanin tungkol sa pananalapi [pera] alang-alang sa iba, na anupa’t ang kanilang lakas na magbigay ng pinansiyal na tulong ay umuurong dahil sa labis na trabaho at pagkahapo, at sa gayon ang kanilang silbi ay nababawasan; at hindi lamang iyon, kundi sila na . . . hindi lubusang nakaiintindi sa situwasyon, ay nangalugi dahil sa hindi nila pagkabukás-palad sa pag-aabuloy ng salapi.”
21 Samantalang ang malaking pulutong ay dumaragsa sa organisasyon ni Jehova ngayon, at samantalang ang gawain ng Diyos ay lumalawak hanggang sa Silangang Europa at sa iba pang dati’y bawal na mga lugar, patuloy na lumalaki ang pangangailangan ng pagpapalawak ng mga plantang palimbagan at iba pang mga pasilidad. Higit pang dami ng mga Bibliya at iba pang mga publikasyon ang kailangang ilathala. Maraming mga proyektong teokratiko ang kasalukuyang nagaganap; gayunman, ang iba ay maaaring lalong bumilis kung may sapat na pondo. Mangyari pa, tayo’y may pananampalataya na ang Diyos ay maglalaan ng kinakailangan, at batid natin na ang mga taong ‘nagpaparangal kay Jehova ng kanilang kayamanan’ ay pagpapalain. (Kawikaan 3:9, 10) Oo, “ang naghahasik nang sagana ay aani rin nang sagana.” Si Jehova ang ‘magpapayaman sa atin sa bawat uri ng pagkabukás-palad,’ at ang ating masayang pagbibigay ay hihila sa marami na pasalamatan at purihin siya.—2 Corinto 9:6-14.
Magpasalamat Ka Dahil sa mga Kaloob ng Diyos
22, 23. (a) Ano ang walang-bayad na kaloob ng Diyos na di-masayod? (b) Yamang ating pinahahalagahan ang mga kaloob ni Jehova, ano ang dapat nating gawin?
22 Palibhasa’y pinukaw ng matinding pagpapasalamat, si Pablo mismo ay nagsabi: “Salamat sa Diyos dahil sa kaniyang walang-bayad na kaloob na di-masayod.” (2 Corinto 9:15) Bilang “isang haing pampalubag-loob” para sa mga kasalanan ng pinahirang mga Kristiyano at para sa kasalanan ng sanlibutan, si Jesus ang saligan at alulod ukol sa inilaan ni Jehova na walang-bayad na kaloob na di-masayod. (1 Juan 2:1, 2) Ang kaloob na iyan ay “ang nakahihigit na di-sana nararapat na kagandahang-loob ng Diyos” na kaniyang ipinakita sa kaniyang bayan sa lupa sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, at ito’y sumasagana tungo sa kanilang ikaliligtas at sa ikaluluwalhati at ikapagbabangong-puri ni Jehova.—2 Corinto 9:14.
23 Si Jehova ay pinasasalamatan natin nang buong-taimtim dahil sa kaniyang walang-bayad na kaloob na di-masayod at sa maraming iba pang espirituwal at materyal na mga kaloob sa kaniyang bayan. Oo, ang kabutihan sa atin ng ating makalangit na Ama ay totoong kahanga-hanga na anupa’t nakahihigit kaysa kaya ng taong ipahayag! At tiyak na dapat tayong udyukan nito na magbigay na masaya. Kung gayon, taglay ang taus-pusong pagpapahalaga, gawin natin ang lahat ng magagawa natin upang mapasulong ang kapakanan ng ating bukás-palad na Diyos, si Jehova, ang unang-una at pangunahing Tagapagbigay na masaya!
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ang nasasabik na mga puso ang nag-udyok sa bayan ni Jehova na gawin ang ano?
◻ Ano ang nag-uudyok ng masayang pagbibigay?
◻ Papaano ginagamit ng Watch Tower Society ang lahat ng donasyon na tinatanggap nito?
◻ Anong uri ng nagbibigay ang iniibig ng Diyos, at papaano natin ipakikita ang ating pasasalamat ukol sa Kaniyang maraming kaloob?
[Larawan sa pahina 15]
Nang itinatayo ang tabernakulo, ang mga Israelita ay gumawang puspusan at bukás-palad na nag-abuloy sa kapakanan ni Jehova
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga abuloy na katulad ng ibinigay ng dukhang babaing balo ay pinasasalamatan at mahalaga