Narinig ang Mabuting Balita sa mga Kapuluan ng Indian Ocean
HUGIS-ARKO may kaugnayan sa Madagascar at nakalaganap sa mahigit na 3.9 milyong kilometro kuwadrado ng kanlurang Indian Ocean ang mga kapuluan ng Rodrigues, Mauritius, Réunion, ang Seychelles, Mayotte, at ang Comoros. Bagaman sumasaklaw ng isang malawak na lugar, ang kabuuang laki ng mga kapuluang ito ay mga 7,300 kilometro kuwadrado ang laki. Sa populasyon na 2.3 milyon, sila ay kabilang sa pinakamakapal ang taong mga isla sa daigdig.
Sa populasyong ito ay kasali ang mga 2,900 mga Saksi ni Jehova na gumagawang masigasig upang maipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga taga-isla. Palibhasa’y nakabukod, ang mga Saksing ito ay lalo nang nagpapahalaga sa mga pagdalaw ng naglalakbay na mga tagapangasiwa at sa taunang mga asamblea na isinaayos ng tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Vacoas, Mauritius. Ito’y mga okasyon na kanilang tunay na malalasap ang kahulugan ng mga salita ng Isaias 42:10: “Magsiawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit, at ng kapurihan niya na mula sa wakas ng lupa, kayong mga taong nagsisibaba sa dagat at ang buong nariyan, kayong mga pulo at kayong mga nagsisitahan diyan.”
Kamakailan, mga kinatawan mula sa tanggapang sangay ang naglakbay tungo sa mga isla upang dalawin ang mga kongregasyon at ganapin doon ang taunang serye ng isang araw na mga pantanging asamblea, na ang tema ay “Maging Banal sa Lahat ng Inyong Asal,” na salig sa 1 Pedro 1:15. Upang maabot ang malawak na karagatan, ang kalakhang bahagi ng paglalakbay ay sa pamamagitan ng himpapawid—minsan ay sa modernong mga jumbo jet ngunit kadalasan ay sa mas maliliit na mga eroplano. Gumagamit din ng sasakyang-dagat na de layag at maliliit na mga barkong may mga layag. Sumama kayo sa amin at tingnan kung papaano nga ang mga isla sa malayong Indian Ocean ay nakaririnig ng mabuting balita!
Unang Hintuan—Rodrigues
Pagkatapos ng isa at kalahating oras na biyahe mula Mauritius, may natanaw kaming isang bakuran ng mga korales. Ito ang pinakalabas na gilid ng isang malaking lawa na nakapalibot sa isang munting kudlit ng lupain sa Indian Ocean. Ito ang unang hinintuan namin, ang isla ng Rodrigues.
Ang airport ay nasa isang isla ng mga korales na parang nakausli sa lupain, tinatawag na Point Coraille. Sa lugar na ito ang mga korales ay napakakapal na anupa’t ito’y maaaring lagariin at gawing mga bloke para gamitin sa pagtatayo ng mga gusali. Isang maliit na bus ang naghatid sa amin sa isang makitid, paliku-likong daan buhat sa airport tungo sa pinaka-kabisera ng Port Mathurin. Sa isang lugar, ating matatanaw ang mismong isla hanggang sa malayong mga bakuran ng korales, ang bughaw na lawa, at ang mabatong tabing-dagat. Yamang katatapos lamang ng tag-ulan, ang mga tabi ng burol ay natatakpan ng makapal, mistulang esponghang mga damo at nalalaganapan ng nanginginaing mga baka, tupa, at mga kambing.
Isang maliit, at maayos na Kingdom Hall sa sentro ng Port Mathurin ang pinagdausan ng aming espesyal na isang-araw na asamblea. Ang gawain sa Rodrigues ay nagsimula noong 1964. Ngayon, sa populasyon na 37,000, may 36 na mamamahayag ng mabuting balita. Anong laking kagalakan na makitang may 53 katao na dumalo at isang 18-anyos na binata ang nabautismuhan. Ang kaniyang ina, bagaman hindi makabasa ni makasulat man, ay tumanggap sa katotohanan noong 1969, at siya’y nagpatuloy na naglilingkod kay Jehova sa kabila ng pananalansang ng pamilya. Ngayon dalawa sa kaniyang mga anak ang nakaalay kay Jehova.
Pagkatapos ng asamblea, isang linggong nangaral kami sa isla. Kami’y nagsasalita ng aming Mauritian Creole, yamang ito ang wikang ginagamit din dito sa Rodrigues. Kami’y sumakay ng bus at naglakad upang makarating sa aming teritoryo—isang luntiang libis na umaabot hanggang sa daan sa gawing itaas pababa sa dagat. Anong kahanga-hangang tanawin—ang bughaw na lawa, ang puting bakuran ng korales, at ang matingkad asul na karagatan sa likuran! Kami’y pinasigla ng saganang hangin na walang polusyon, kaya kami ay handa nang humayo.
Tinunton namin ang maliliit na landas na lagusan sa mga bukid at tumawid kami sa isang sapa upang marating ang maraming maliliit na tahanan sa libis. Kami’y malugod na tinanggap sa bawat tahanan at nakausap namin ang mga maybahay tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian na malapit nang dumating. Hindi nagtagal at kami ay naroon na sa malayo sa ibaba ng libis, at sumapit na rin ang panahon ng pag-uwi. Ito’y nangangahulugan ng higit pang pag-akyat at mga oras ng paglalakad, subalit ang pagmamagandang-loob ng mga tagaroon ang tumulong sa amin—kami’y inanyayahang sumakay sa likod ng isang dyip.
Pagkatapos ng nakapapagal na paglalakbay na iyon, kami’y natutuwa na bumalik sa magandang Tahanang Bethel sa Vacoas. Dalawang araw ng pantanging asamblea ang nakaiskedyul sa Municipal Hall. Sa unang araw, 760 katao ang dumalo. Sila’y mula sa kalahati ng 12 kongregasyon sa isla. Kinabukasan, kami’y dumalo sa programa ring iyon kasama ng 786 katao buhat sa iba pang anim na mga kongregasyon. Sa may dulo ng sanlinggong iyon, apat na mga baguhan ang nabautismuhan. May 30 special pioneer at 50 regular pioneer na nagdadala ng mabuting balita sa mga tagaisla.
Ang Malayong Seychelles
Hindi nagtagal at kailangan na namang kami’y magbiyahe, deretso sa hilaga sa layong 1,600 kilometro ng malawak na karagatan tungo sa isla ng Mahé sa Seychelles, tinatawag na Zil Elwannyen Sesel sa Creole, na ang ibig sabihin ay “ang Malalayong Isla ng Seychelle.” Dahilan sa kalayuan, ang tanggapang sangay ay makapagsasaayos ng dalawa lamang pagbisita isang taon. Ang special assembly at ang circuit assembly ay ginaganap sa tatlong sunud-sunod na mga araw sa tagsibol. Ang pandistritong kombensiyon ay ginaganap sa may bandang dulo ng taon. Ngayon sa kalagitnaan ng Oktubre, kami’y narito para sa pandistritong kombensiyon, upang sundan ng isang linggong pagdalaw sa kongregasyon. Dito na naman ay magagamit namin ang aming Mauritian Creole.
Ang mga kapatid buhat sa karatig na mga isla ng Praslin at La Digue ay nagsidating na. Totoong nakatutuwa na may kinatawan ang 12 bansa! Ang lugar ng asamblea ay ang lokal na Kingdom Hall, isang malaking kinomberteng garahe sa likod ng tahanan ng isa sa mga Saksi. Yamang anim lamang na mga kapatid na lalaki, kasali na ang mga bisita, ang kuwalipikadong magkaroon ng bahagi sa programa, ang iba ay may pribilehiyo na magpahayag nang ilang beses sa apat na araw. Ang 81 mamamahayag ay tuwang-tuwa nang makitang 216 ang naroroon sa katapusang araw ng kombensiyon.
Pagkatapos ng kombensiyon, kami’y sumakay sa isang maliit na barkong de layag patungo sa Praslin, 40 kilometro sa gawing hilagang-silangan ng Mahé. Ang 18 metrong sasakyan ay yari sa kahoy ng punong tacamahac. Ang magandang-kilos na sasakyang ito ay nakapaglululan ng 50 pasahero at mga 36 na metrikong tonelada ng kargada. Sa paglisan namin sa daungan sa Mahé at pagtutok ng harapan ng aming barko sa kinaroroonan ng Praslin sa malayong abot-tanaw, aming nararamdaman ang pagsalya ng makinang diesel na tinutulungan ng mapuputing mga layag na pumapaspas buhat sa kinatataliang dalawang albor.
Dalawa at kalahating oras ang nakalipas, amin nang nililigid ang mabatong lungos upang pumasok sa medyo kalmadong tubig ng magandang Look ng St. Anne. Nang kami’y tumuntong na sa mahabang lunsaran, aming nakita ang mga kapatid na naghihintay. May 13 mamamahayag sa munting islang ito, at 8 bisita ang nanggaling sa iba pang panig. Kaya di-kawasang kagalakan ang naghari sa amin nang makita namin ang munting bulwagan na napupunô ng 39 katao na makikinig sa pantanging pahayag. Anong inam na potensiyal sa paglago!
Samantalang narito sa Praslin, kailangang dalawin namin ang magandang Vallée de Mai. Narito ang Coco-de-mer palm, na katatagpuan ng pinakamalaking binhi sa daigdig, bawat isa ay tumitimbang nang 20 kilo. Sa malamig at luntiang lilim ng kagubatan, aming nakita ang palmang ito sa lahat ng yugto ng paglaki. Ayon sa paliwanag na mababasa sa brosyur para sa mga bisita ang pinakamatangkad nito ay 31 metro ang taas nang huling sukatin noong 1968. Ang iba sa matatangkad na mga punong ito ay tinatayang may gulang na 800 taon. May 25 taon bago mamunga ang isang puno at 7 taon bago gumulang ang bunga. Hindi nga kataka-takang ganito ang babala ng brosyur: “Kumuha lamang kayo ng litrato, mag-iwan lamang kayo ng mga bakas ng paa”!
Sa ganap na alas-siyete kinabukasan ng umaga, kami’y sumakay ng bangka patungo sa maliit na isla ng La Digue. Maraming maliliit na bangka ang nakapalibot sa lunsaran. Ito ang proteksiyon sa pagitan ng 2,000 mga tagaroon at ng panlabas na daigdig. Kami’y sinalubong ng isang mag-asawang may-edad nang taga-Switzerland na narito na sa mga islang ito sapol noong 1975. Sa halip na sumakay kami sa karitong “taxi,” kami’y naglakad na lamang sa tabing-dagat na may kahanga-hangang kulay-rosas na mga batong granito na madulas na dahil sa palagiang pagkahantad sa dagat at sa ulan. Pagkatapos na kami’y magsalu-salo sa isang almusal, dumaan kami sa munting reserve, na kung saan namamahay ang pambihirang itim na flycatcher, patungo sa tahanan ng mga ilang taong interesado. Labintatlo katao ang nagtitipon upang makinig ng pahayag na ibinigay sa wikang Creole. Nakilala namin ang isang mag-asawa na gumawa ng lahat ng kaayusan upang gawing legal ang kanilang pagsasama upang sila’y sumulong sa espirituwal. Tunay, ang mga taong kanais-nais ay tinitipon ni Jehova maging sa napakalalayong mga islang ito.
Bumalik sa Réunion
Ang Réunion ang pinakamaunlad na islang aming nadalaw sa paglalakbay na ito. Samantalang kami’y palapit sa lupa, natatanaw namin ang apatang-daan na highway na nabibinbin ang trapikong nanggagaling sa kabisera, ang Saint-Denis. Matataas na gusali ang makikita sa lugar na iyon sa pagitan ng dagat at bundok. Ang islang ito ang tirahan ng mga 580,000 katao at napatunayan na isang mabungang larangan para sa pagpapatotoo sa Kaharian. (Mateo 9:37, 38) Doon ay mayroon na ngayong mga 2,000 masusugid na mga mamamahayag ng mabuting balita sa 21 kongregasyon.
Ang special assembly ay ginanap sa isang malaking istadyum na may habong. Kami’y natuwa nang makita namin ang dumalong 3,332, at anong laking kagalakan na may 67 mga baguhang nagprisinta ng kanilang sarili para sa bautismo! Pagkatapos na makihalubilo sa mga misyonero sa isla, kami ay papunta na sa aming susunod na paroroonan.
Mayotte—Ang Mabangong Isla
Pagkatapos ng dalawang oras na biyahe, ang aming 40-upuang jet ay nagsimula nang bumaba sa Pamanzi airport, na naroon sa isang munting isla na konektado ng isang 1.2-milyang causeway patungo sa Dzaoudzi, ang kabisera ng Mayotte. Ang bughaw na kalangitan, ang mapuputing alapaap, mahalamang mga tagiliran ng mga kabundukan, at malalim na bughaw na karagatan ay pawang nagsasama-sama upang maipahatid ang larawan ng isang mapayapang paraiso sa tropiko. Angkop naman, kung tagurian ang Mayotte ay Mabangong Isla dahilan sa kahali-halinang kabanguhan ng punò ng ilang-ilang. Ang mga bulaklak nito ay nakukunan ng katas na ipinadadala sa Pransiya upang gamitin sa paggawa ng mga pabangong tanyag sa daigdig.
Ito’y isa lamang 15-minutong pagbibiyahe sa isang lantsa patungo sa pinakamalaking isla. Pagkatapos ng kaunting pagpaparepresko sa tahanang misyonero, kami’y inanyayahan sa isang pag-aaral ng aklat na may layong 19 na kilometro sa kabilang ibayo ng isla. At natapos ang aming mga inaasahan na isang pagliliwaliw! Kami’y sumakay sa isang bukás na dyip para sa nakapaninindig-balahibong pagbibiyahe sa makikitid na daan. Wari bang kami’y bahagya na lamang nakaiilag sa mga tao, mga baka, at iba pang mga sasakyan. Ngunit ang daan ay kabisado ng aming tsuper na Pranses. Hindi nagtagal, kami’y sumapit sa Chiconi, na kung saan nakilala namin ang pamilya na ang bahay ay pinagdarausan ng pag-aaral.
Ang ama, isang dating Muslim, ang nagpakilala sa kaniyang walong anak. Ang kaniyang pinakabunso, may edad na apat na taon, ang bumati sa amin ng kinaugaliang pagbati ayon sa napag-alaman namin noong bandang huli. Kaniyang inilagay ang likod ng isang kamay sa palad niyaong isa pa at tumindig na ang mga ito’y magkapatong sa harap namin. Sa primero ay sinubukan naming makipagkamay sa kaniya, pagkatapos ay kinuha naman ng aking maybahay ang kaniyang mga kamay upang ipatong sa ulo nito. Ang maliit na batang ito ay matiyagang naghihintay samantalang namimilog na ang malalaking mga mata, marahil ay nagtataka siya kung ano ba ang aming ginagawa. Sa wakas ay amin ding naintindihan—aming ipinatong ang kaniyang mga kamay sa kaniyang ulo. Ang pag-aaral ay nagsimula na may 14 na naroroon. Nang nangangalahati na, isang taong interesado ang pumasok at nakipagkamay sa lahat doon. Iyan man ay marahil isa sa kanilang mga kaugalian.
Sa aming pagbibiyahe pabalik sa ngayo’y dumidilim nang mga kapaligiran, may napagmasdan kaming isang malaking bayakan na patungo sa mga punó para manginain doon sa gabi. Kami’y nakaamoy rin ng masangsang na langka na nahulog sa paliku-likong daan at mabangong amoy ng nahihinog na mga mangga, papaya, at bayabas. Ito ay tirahan ng mga lemur, ang munting tulad-matsing na mga hayop na may mga mukhang tulad ng mga sora at mahahaba, pabilog, nakapaikot na mga buntot. Nang kami’y paikót sa taluktok ng isang burol, kami’y nalibang sa isang pagkaganda-gandang tanawin. Ang mamula-mulang buwan na nasa kabilugan ay kasisikat lamang sa ibabaw ng look, at makikita ang aandap-andap na anino sa tahimik na katubigan. Maging ang aming tsuper ay nagpahina ng takbo upang mapagmasdan iyon nang buong paghanga. Samantalang patuloy kaming nagbibiyahe, aming tinatanaw iyon sa bawat pagliko ng daan.
Kinabukasan ng umaga kami’y humayo ng pangangaral kasama ng mga misyonero. Una, aming dinalaw ang isang binata na isang guro at mahusay na magsalita ng Pranses. Siya’y naupo sa sahig, at kami’y naupo sa kaniyang kama. Ang sumunod na pakikipag-aral ay sa isang binata rin, at kami’y inanyayahan niya na maupo sa kaniyang kutson sa sahig ng kaniyang munting kuwarto. Makalipas ang sandali kami’y nagsimulang mag-alumpihit samantalang sinisikap naming ipagwalang-bahala ang pamimitig ng aming mga paa at ang pawis na tumutulo sa aming likod. Samantalang ang radyo sa kapitbahay ay buong lakas na tumutugtog ng pinakabagong mga awitin, hindi madali na magpako ng isip sa pag-aaral, na ginaganap sa magkahalong wika na Pranses at Mahorian.
Ang huling dinalaw namin ay isang binata na naroon sa karatig na Kapuluang Comoro. Siya’y nagpaumanhin dahil sa hindi katatasan sa pagsasalita ng Pranses, inilabas ang kaniyang brosyur, at handa nang magsimula. Nang patuloy na nagpapaliwang sa akin ang misyonero, siya’y sumabat at sinabing siya na ang babasa ng parapo. Iyon ay isang magalang na paraan ng pagsasabi na kami’y tumahimik. Lahat ng mga taong ito ay Muslim, ngunit kanila namang pinahahalagahan ang kanilang natututuhan buhat sa Bibliya.
Nagtataka kami kung bakit napakaraming mga kabataang lalaki, subalit kakaunting babae naman o mga batang babae ang gumagawa ng gayon. Ito, ang sabi sa amin, ay bunga ng panlipunan at pampamilyang mga tradisyon. Yamang ang poligamya ay tinatanggap anuman ang relihiyon at lipunan na kinauugnayan ng isa at bawat asawang babae ay naninirahan sa kaniyang sariling tahanan, walang gaanong impluwensiya ang ama; ang ina ang siyang may kapamahalaan. Napag-alaman din namin na ang kaugalian doon ay manatili ang mga anak na babae sa tahanan ng kanilang ina hanggang sa pag-aasawa. Sa kabilang panig, ang mga anak na lalaki ay umaalis na sa tahanan pagsapit ng pagbibinata at nagtatayo ng kanilang sariling banga, o dampa, o kaya’y namumuhay na kasama ng mga ibang batang lalaki sa isang banga. Samantalang gayon ang mga kabataang lalaking ito ay libreng mag-aral kung ibig nila, ngunit kakaunting batang babae ang may gayong kalayaan.
Ang Linggo ang nakatakdang maging araw para sa special assembly. Maganda ang lagay ng panahon, ngunit sa may bandang tanghali ay nagsimulang maging maulap, at hindi pa nagtatagal ay umulan na nga. Walang sinuman ang waring nababahala, yamang nagdudulot iyon ng malamig na kapaligiran. Dito na naman ay nakita namin ang saganang espirituwal na biyaya samantalang ang 36 na mamamahayag at mga payunir ay nagagalak na masaksihan ang 83 dumalo at ang 3 mga bagong bautismo.
Ang paglalabas ng brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! sa kanilang wika ay isang kasayahan. Hindi lamang ito ang tanging publikasyon ng Watch Tower sa Mahorian kundi ito rin ang tanging uri ng publikasyon sa wikang iyan. Taglay nito ang sulat Arabikong nasa ilalim ng tekstong Romano. Ang mga tao ay natututong sumulat sa Arabiko sa paaralan ngunit hindi natututo ng wikang Arabiko. Sila’y nakapananalangin sa Arabiko at nakababasa ng Koran sa Arabiko; subalit hindi nila naiintindihan ang kanilang binibigkas. Samantalang kanilang binabasa ang sulat Arabiko sa brosyur, sila’y nagtataka kung bakit nila naiintindihan iyon. Sila’y aktuwal na bumabasa sa kanilang wikang Mahorian na isinulat ayon sa mga tunog na kinakatawan ng Mahorian sa sulat Arabiko. Isang malaking kagalakan na makitang ang kanilang mga mukha ay nagbabadya ng kasiyahan habang kanilang nauunawaan ang kanilang binabasa.
Ang mga brosyur ay madaling ipasakamay sa mga tao. Sa isa sa mga karatig nayon, isang lalaki ang lumapit sa amin samantalang kami’y nangangaral sa isang babae. Siya’y nakipag-usap nang buong tindi sa Mahorian sa isa sa ating mga kapatid. Sa tingin namin ay salungat na salungat siya. Ang lalaki ay nagpatuloy nang gayong pagsasalita, na kumukumpas-kumpas pang malimit. Nang maglaon ay ipinaliwanag ng kapatid na nagrereklamo pala nang ganito ang lalaki: “Papaano ninyo maaasahang matatandaan namin ang sinasabi ninyo sa amin gayong minsan lamang sa isang taon kayo dumalaw? Papaano ninyo magagawa iyan? Dapat kayong dumalaw nang lalong madalas upang ipaliwanag sa amin ang mga bagay na ito.”
Ang ganiyang pahimakas na mga salita ay siya ring nadarama namin. Tunay na tinitipon ni Jehova ang kanais-nais na mga bagay sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mabuting balita ng Kaharian. Bagaman lubhang pinaglayu-layo ng karagatan, ang mga taga-isla ay kasali rin sa buong lakas ng paghiyaw ng papuri sa kanilang Maylikha at makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.—Hagai 2:7.
[Mapa sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon.)
SEYCHELLES
INDIAN OCEAN
COMOROS
MAYOTTE
MADAGASCAR
MAURITIUS
RÉUNION
RODRIGUES
[Larawan sa pahina 23]
Ang batuhang lungos sa Praslin, Bay St. Anne
[Larawan sa pahina 24]
Isang karitong “taxi” sa La Digue, Seychelles
[Larawan sa pahina 25]
Pangangaral na taglay ang bagong brosyur sa Mayotte