Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa pagbili ng nakaw na mga bagay?
Kung alam ng mga Kristiyano na ang isang bagay o materyales ay nakaw, iyon ay hindi nila binibili.
Ang pagnanakaw ay tunay na mali. Ang Kautusan ng Diyos sa Israel ay nagsasabing walang pasubali: “Huwag kang magnanakaw.” (Exodo 20:15; Levitico 19:11) Kung ang isang magnanakaw ay mahuli, ang halagang kaniyang ninakaw ay kailangang bayaran niya nang doble, makaapat, o makalimang ulit, depende sa mga kalagayan.
Mula noong sinaunang panahon, sinubok ng mga magnanakaw na magbili ng nakaw na mga kalakal upang magkaroon ng dagliang pakinabang at huwag mahuli na taglay ang katunayan ng kanilang ginawang kasalanan. Sa layuning ito sila’y malimit na nagbebenta ng nakaw na mga kalakal sa mababang halaga na mahirap tanggihan ng maraming mamimili. Ang ganiyang kaugalian marahil ang sinasabi na ating mababasa sa Exodo 22:1: “Kung ang isang lalaki ay magnakaw ng isang baka o ng isang tupa at kaniyang patayin iyon o ipagbili iyon, kaniyang pagbabayaran iyon ng limang baka ang isang baka at ng apat na tupa ang isang tupa.”
Palibhasa’y nahalatang magkakaroon ng mga suliranin ang gayong mga kautusan, si Rabbi Abraham Chill ay sumulat: “Ipinagbabawal na bumili o tumanggap ng nakaw na pag-aari, kahit na kung ang pag-aari ay hindi naman kinikilalang gayon nga. Ang isa samakatuwid ay hindi dapat bumili ng isang kambing sa isang pastol, sapagkat ang pastol marahil ay nagbibili nang walang kaalaman ang kaniyang amo at ang intensiyon ay mapasakaniya ang salapi.”—The Mitzvot—The Commandments and Their Rationale.
Ngunit, ang totoo, hindi ibinabawal ng kautusan ng Diyos na ‘bumili ng kambing sa isang pastol’ nang batay lamang sa paghihinala na baka mapasakaniya ang pera ng kaniyang amo, na sa totoo ay pagbibili ng isang nakaw na kambing. Subalit sa kabilang panig ng isyu, hindi dapat na ang mga lingkod ni Jehova ay may kamalayang bumili ng (kambing o anumang ibang bagay) kung maliwanag naman na hindi pag-aari iyon ng taong nagbibili o na baka iyon ay ninakaw. Ang kautusan ng Diyos ay nagpapakita na Kaniyang kinikilala ang pribadong pag-aari, ngunit ang isang magnanakaw ay nagnanakaw sa may-ari ng kaniyang ari-arian. Sinuman na bumibili ng alam niya na nakaw ay baka naman hindi isang magnanakaw na gaya niyaon, subalit ang kaniyang pagbili roon ay nagbabawas ng posibilidad na muling mababawi ng may-ari ang kaniyang ari-arian.—Kawikaan 16:19; ihambing ang 1 Tesalonica 4:6.
Lahat tayo ay nakauunawa na ang mga namimili—maging sila man ay mga ginang ng tahanan o mga namimiling ahente ng isang kompanya—ay nagsisikap na makabili ng mga kalakal sa pinakasulit na halaga. Ang mga babae sa buong daigdig ay humahanap ng mga kalakal na sulit ang halaga, inaantala ang pagbili hanggang sa panahon na mababa ang mga presyo, o namimili sa mga palengke o mga tindahan na lansakan kung magbili at hindi gaanong malaki ang tubò at sa gayo’y nakamemenos sa presyo. (Kawikaan 31:14) Gayunman, ang ganiyang interes sa pagbili nang mura ay kailangang may moral na limitasyon. Ang mga tapat noong mga kaarawan ni Nehemias ay ayaw mamili kung Sabbath, kahit na kung sila’y makabibili sa sulit na halaga noong mga kaarawang iyon. (Nehemias 10:31; ihambing ang Amos 8:4-6.) Gayundin kung tungkol sa mga Kristiyano. Ang pagtanggi nila sa pagnanakaw ay tumutulong sa kanila na huwag padala sa anumang tukso na bumili ng mabababang halagang mga kalakal na maliwanag na ninakaw.
Baka alam ng madla na may mga nagtitinda na nakaw na mga kalakal ang itinitinda. O ang isang kalakal na ibinebenta nang pabulong ay baka napakababa ng halaga na ang sinumang normal na tao ay manghihinuha na ang kalakal na iyon ay marahil nakuha sa ilegal na paraan. Maging ang batas man ng bansa ay marahil kikilalanin ang pangangailangan ng gayong pagkamakatuwiran. Isang aklat tungkol sa batas ang nagsasabi ng ganito:
“Hindi na kinakailangan sa hinihiling na pagkaalam ng pagkakasala na kilala ng akusado kung kanino ninakaw o kung sino ang nagnakaw ng pag-aari, o kailan o saan iyon ninakaw, o ano ang mga kalagayan nang nakawin iyon, kundi sapat nang alam niya na iyon ay ninakaw. . . . Ang ilang hukuman ay naniniwala na ang pagkaalam sa pagkakasala ay ipinahahayag na totoo ng bagay na tinanggap ng akusado ang ari-arian sa mga kalagayan na paniniwalaan ng isang taong may karaniwang talino at maingat na iyon ay ninakaw.”
Ito’y nagbibigay pa rin ng matibay na dahilan upang iwasan ng isang Kristiyano ang pagbili ng nakaw na mga bagay. Ang kaniyang pagbili ng gayong mga bagay ay makaaakay sa kaniya na lumabag sa batas. Maraming tao ang walang pag-aatubili tungkol sa paglabag sa batas kung inaakala nila na sila’y makalulusot. Hindi ganiyan ang mga Kristiyano, na nagnanais “magpasakop sa nakatataas na mga autoridad.” Sa pagiging masunurin sa batas sila’y naiingatan upang huwag usigin na gaya ng mga kriminal, at tumutulong ito upang magkaroon ng isang mabuting budhi sa harap ni Jehova.—Roma 13:1, 4, 5.
Ang kaibigan ng Diyos na si Abraham ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa kung tungkol sa budhi. Nang kaniyang kaarawan, ang mga hari sa kinatitirhang lugar ni Lot ay nagapi ng apat na mga pinunò sa bandang silangan, anupat nakatangay ng maraming mga kayamanan na isang uri ng panghukbong pagnanakaw. Hinabol ni Abraham, at naabutan ang mga kaaway, at naibalik ang ninakaw na mga bagay. Sinabi kay Abraham ng hari ng Sodoma: “Kunin mo ang pag-aari para sa iyong sarili” bilang isang pabuya. Sa halip, ang mga pag-aari ay ibinigay ni Abraham sa talagang dapat mag-ari niyaon, na nagsasabi: “Hindi, hindi ako kukuha ng anuman sa iyong pag-aari, upang huwag mong sabihin, ‘Ako ang nagpayaman kay Abram.’ ”—Genesis 14:1-24.
Ang mga Kristiyano ay hindi interesado sa anumang tutubuing salapi na marahil ay posible sa pamamagitan ng mga bagay na nakaw. Sumulat si Jeremias: “Kung papaanong lumililim ang pugo sa mga itlog na hindi kaniya, gayon ang nagkakamal ng kayamanan, subalit hindi sa pamamagitan ng matuwid.” (Jeremias 17:11) Kaya, higit pa sa pagpapakita ng karunungan sa hindi paglabag sa mga kautusan ni Caesar tungkol sa nakaw na mga pag-aari, nais ng mga Kristiyano na itaguyod ang katarungan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtangging magkaroon ng anumang kaugnayan sa kasamaan ng pagnanakaw. Mainam ang pagkasulat ni David: “Mas mainam ang kaunti na taglay ng matuwid kaysa kasaganaan ng maraming balakyot.”—Awit 37:16.