Sila ay may Matututuhan sa mga Bubuyog
“Noong nakalipas na mga taon, ang mga inhinyero at mga disinyador ng mga produkto ay patuloy na nakatalos ng isang bagay na marahil ay alam na ng mga bubuyog sa tuwina: ang paggawa ng kahit na isang napakanipis na materyal upang maging isang anim-tabing butas-butas na bahay-bubuyog na lalong matibay sa gayong anyo kaysa kung may ibang korte.”—The New York Times, Oktubre 6, 1991.
HINDI kataka-taka na makinabang ang mga tao sa isang maingat na pag-aaral ng mga insekto. Isang sinaunang lalaking may pananampalataya, si Job, ang minsan ay nagsabi: “Pakisuyong tanungin mo ang maaamong mga hayop, at ikaw ay kanilang tuturuan; gayundin ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasaysayin sa iyo. . . . Sino ang hindi nakaaalam sa lahat ng mga ito, na ang kamay ni Jehova ang siyang gumawa nito?” (Job 12:7-9) Oo, ang karunungan ng Maylikha ay makikita sa lubhang karaniwang bagay na gaya ng hexagonal na korte ng mga butas-butas na bahay-bubuyog na makikita mo.
Samantalang ang pagkit na mga dingding ng mga butas na ito ay mga isang katlo lamang ng isang milimetro ang kapal, napakatibay naman. Sa katunayan, ang mga ito ay makapagdadala ng 30 ulit ang bigat ng kanilang timbang.
Ang gayong tibay ay magagamit sa praktikal na paraan, tulad halimbawa ng pagsisilbing pinakapanangga pagka biglang tinamaan ng anuman. Ito ay nagsisilbing proteksiyon sa kagamitang militar na inihahatid ng parakayda sa lupa. Ganito ang sabi ng The New York Times: “Mga bagay na simbigat ng mga jeep ang ikinakabit sa mga plataporma na may mga bloke ng bahay-bubuyog sa ilalim upang huwag maapektuhan ng pagkatagtag habang lumulunsad.”
Ang gawang-taong mga produkto na may ganitong disenyo ay maaaring buuin buhat sa maraming materyales. Ang pinakakaraniwan ay waring ang papel. Ang nylon-hilatsang papel at resina ang ginagamit upang makabuo ng bahay-bubuyog na ginagamit sa katawan ng ilang malalaking eroplano. Ang tibay ay dahil sa kagaangan nito. Bakit? Karamihan ng espasyo sa pagitan ng mga panel ay hangin, kaya napakagaang. Ang hangin ay may mabuting mga katangian din para sa insulation.
Ang simpleng bubuyog ay hindi naman talagang “alam” ang lahat ng ito, sapagkat ito’y walang titulo sa inhinyeriya. Subalit, sa araw-araw ay gumagawa ito ng kaniyang gawain na taglay ang katutubong karunungan na ibinigay ng Maylikha, si Jehova.