Ang Tabako at ang Klero
MAHIGIT na 115 taon na ang lumipas, ang doktor sa medisina na si John Cowan ay sumulat ng isang aklat na The Use of Tobacco vs. Purity, Chastity and Sound Health (Ang Paggamit ng Tabako Laban sa Kalinisan, Kalinisang-Puri at Mainam na Kalusugan). Sa liwanag ng natutuhan tungkol sa mga pinsalang dulot ng tabako noong nakalipas na mga taon, ang kaniyang mga puna tungkol sa paggamit nito ng mga klerigo ay may malayong pananaw at may kaugnayan sa sinumang naghahangad maglingkod sa Diyos ngayon. Sa kabanata 4, may kinalaman sa epekto sa asal ng paggamit ng tabako, si Dr. Cowan ay nagsabi:
“Kung ang paggamit ng tabako ay mali sa pisikal —gaya ng malinaw na naipakita na—totoo rin na labag iyon sa moral; sapagkat isang pisyolohikong batas na ‘anumang nagpapasamâ o pumipinsala sa katawan ay pumipinsala rin sa sistema ng nerbiyo, at sa pamamagitan nito, pumipinsala ng utak, at sa ganoon ay pinipinsala ang isip.’ Ang isip ng isang tao—ang kaniyang mga kaisipan, pananalita, mga gawa, ay naiimpluwensiyahan ng kung papaano niya ginagamit o inaabuso ang kaniyang pisikal na kalikasan. Ang tabako, sa mismong pangalan lamang at mga kaugnayan, ay marumi, at—ang hindi pag-alintana sa pinsalang nagagawa nito—papaanong ang malinis, dalisay, matuwid, moral na mga damdamin at mga kilos ay magmumula o mabubuo sa isip. Kung guguni-gunihin ng sinuman—kung ang gayong bagay ay maguguni-guni—na si Kristo, samantalang nabubuhay sa Kaniyang ulirang pamumuhay sa lupa—nagtuturo at nangangaral ng kalinisan, malinis na kapurihan, pag-ibig at pagkakawanggawa—ay nanigarilyo, suminghot at ngumata. Hindi baga ang mismong kaisipan ay parang paglapastangan sa mga bagay na banal? Gayunman ang mga ministro—mga tagasunod, predikador, at mga tagapagtaguyod ng Kaniyang mga batas at mga doktrina—ay nagpaparumi ng kanilang mga katawan at minamantsahan ang kanilang mga kaluluwa ng marungis, nakalalasong damo. Ang gayon bang mga tao, o ang kanilang mga tagasunod, ay makapamumuhay ng tulad-Kristo—mataas, moral na pamumuhay? Sa palagay ko’y hindi.
“Subukin, kung magagawa ninyo, na pag-isipan ang tungkol sa isang taong matakaw, isang sugapa sa alak, o isang may-bisyong pananabako, may kaugnayan sa kabanalan ng kalooban? May isang bagay na hindi natural, nakaririmarim, nakasusuklam sa pagkakaugnay-ugnay nito. Kung papaano ang gana ng katawan at ang panlabas na mga sentido ay masama, ang panloob na tao, ang moral na kalikasan, ay lalong sumasama. Ang dalisay na espiritu ay hindi, hindi, makatatahan sa isang maruming tirahan. May likas na pag-uugnayan ang materyal at espirituwal na mga bagay, kung kaya ang mga katangian ng isa ay nagpapakilala ng katangian ng isa pa. Ang isang propesor ng relihiyon at alipin ng tabako . . . Maaaring kilalanin niya, nang boong katapatan at kataimtiman, na ang paggamit ng tabako ay isang nakapipinsalang kaugalian, maling asal; subalit baka makadama siya ng simbuyo sa kaniyang kalooban, isang batas na nag-uudyok sa kaniyang mga sangkap, likha ng artipisyal na mga paraan, na nagtutulak sa kaniya sa hindi mapigil na mga pagnanasang ipagpatuloy ang bisyong iyon, at ang artipisyal na batas na ito ay baka mas malakas kaysa kaniyang likas na katuwiran at budhi na pinagsama. Hindi ba ang paggamit ng tabako ay maliwanag na isang paglabag sa isa sa mga batas ng Diyos na isinangkap sa ating katawan? Hindi ba ang paglabag sa alinmang mga batas ng Diyos ay isang pagsuway at isang kasalanan? At kung nakaugalian na ng isang tao na lumabag sa isa sa mga batas ng Diyos, hindi baga magiging madali at natural na lumabag sa mga iba pang batas? At bilang huli, papaano maituturing ang isang tao na tagapagturo ng mabuting asal, na sa kaniyang sariling iginagawi, ay nagmumungkahi sa kaniyang mga kapuwa nilalang ng isang buhay na patuloy na paglabag sa mga batas ng kaniyang pag-iral?”