Ang Maagang Bumangon
SA MGA punungkahoy na namumunga sa lugar ng Mediteraneo, ang punong almendro ang isa sa pinakakapuna-puna. Sa pagtatapos ng Enero o Pebrero—nauuna pa sa karamihan ng mga ibang punungkahoy—ito’y gumigising na sa kaniyang mahimbing na pagkatulog kung taglamig. At anong gandang pagkagising! Ang buong punò ay nababalot ng tumatakip na maselan na kulay-rosas o mapuputing bulaklakin, itong huli ay medyo nahahawig sa uban ng mga may edad na.—Ihambing ang Eclesiastes 12:5.
Ang punong almendro ay tinagurian ng sinaunang mga Hebreo na ang “isang gumigising,” nagpapahiwatig nang maagang pamumulaklak nito. Ang ganitong katangian ay ginamit ni Jehova upang ipaghalimbawa ang isang mahalagang mensahe. Sa pasimula ng kaniyang ministeryo, si Jeremias ay pinagpakitaan sa pangitain ng isang supang ng almendro. Ano ba ang ibig sabihin nito? Ang paliwanag ni Jehova: “Ako’y gising na lagi tungkol sa aking salita upang isagawa ito.”—Jeremias 1:12.
Kung papaanong ang punong almendro ay ‘gumigising’ nang maaga, si Jehova rin naman sa makatalinghagang pananalita ay “bumabangon na maaga” upang suguin ang kaniyang mga propeta na magbabala sa kaniyang bayan tungkol sa mga ibubunga ng pagsuway. (Jeremias 7:25) At siya’y hindi mamamahinga—siya’y magiging ‘laging gising’—hanggang sa matapos ang katuparan ng kaniyang makahulang salita. Kaya naman noong 607 B.C.E., sa takdang panahon, ang paghatol ni Jehova ay sumapit sa apostatang bansa ng Juda.
Sa Salita ng Diyos ay nahuhula na isang katulad na paghatol ang sasapit sa balakyot na sistema na kinabubuhayan natin. (Awit 37:9, 10; 2 Pedro 3:10-13) Sa pagtukoy sa gayong paghatol, tinitiyak sa atin ni propeta Habacuc: “Sapagkat ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa . . . Patuloy na hintayin mo; sapagkat walang pagsalang darating. Hindi na magtatagal.” (Habacuc 2:3) Ang magandang bulaklak ng almendro ay nagpapaalala sa atin na mananatiling gising si Jehova kung tungkol sa kaniyang salita upang tuparin ito.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.