Bakit 30 Piraso Lamang ng Pilak?
NANG malapit na ang Paskuwa 32 C.E., si Judas, kasama ang iba pang mga apostol ay sinugo na mangaral. (Mateo 10:1, 4, 5) Hindi nagluwat pagkatapos na bumalik si Judas, at wala pang isang taon pagkatapos na siya’y gawing apostol, siya’y hayagang tinuligsa ni Kristo, bagaman hindi binanggit ang pangalan. Ang ibang mga alagad ay nagsitalikod kay Jesus, palibhasa’y nagitla sa kaniyang mga turo, subalit sinabi ni Pedro na ang 12 ay hindi tatalikod kay Kristo. Bilang tugon kinilala ni Jesus na kaniyang pinili ang 12 ngunit sinabi: “Isa sa inyo ay isang maninirang-puri [Griego, diaʹbolos, nangangahulugang “diyablo” o “maninirang-puri”].” Ipinaliliwanag ng ulat na yaong isa na isa nang maninirang-puri ay si Judas, na “magkakanulo sa kaniya, bagaman isa sa labindalawa.”—Juan 6:66-71.
May kaugnayan sa pangyayaring ito, si Juan ay nagsasabi: “Sa pasimula pa lamang ay alam na ni Jesus . . . kung sino yaong magkakanulo sa kaniya.” (Juan 6:64) Buhat sa mga hula sa Kasulatang Hebreo alam ni Kristo na siya’y ipagkakanulo ng isang matalik na kasama. (Awit 41:9; 109:8; Juan 13:18, 19) Ang Diyos din, sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang patiunang kaalaman, ay may kabatiran na ang isang ito’y magiging traidor, ngunit hindi katugma iyon ng mga katangian at nakaraang pakikitungo ng Diyos na isiping si Judas ay kailangang maging gayon, na para bagang siya ay itinalaga na bago pa man. (Tingnan ang FOREKNOWLEDGE, FOREORDINATION, Insight on the Scriptures.) Bagkus, gaya ng binanggit na, sa pasimula ng kaniyang pagkaapostol si Judas ay tapat sa Diyos at kay Jesus. Sa gayon tiyak na ang ibig sabihin ni Kristo ay “buhat sa pasimula” ng kung kailan nagsimulang magpakasamâ si Judas, magpadala sa di-kasakdalan at makasalanang mga hilig, nakilala na iyon ni Jesus. (Juan 2:24, 25; Apocalipsis 1:1; 2:23) Tiyak na alam ni Judas na siya ang “maninirang-puri” na binanggit ni Jesus, subalit siya’y nagpatuloy na naglakbay na kasama ni Jesus at ng tapat na mga apostol at maliwanag na hindi siya nagbago.
Hindi detalyado ang pagtalakay ng Bibliya sa mga motibo na nagpakilos sa kaniya sa gawang masama, subalit isang pangyayari noong Nisan 9, 33 C.E., limang araw bago namatay si Jesus, ang nagbibigay liwanag sa bagay na iyon. Sa Betania sa bahay ni Simon na ketongin, si Maria, kapatid ni Lazaro, ay nagbuhos kay Jesus ng pabango na nagkakahalaga ng 300 denario, humigit kumulang ang kita sa isang taon ng isang manggagawa. (Mateo 20:2) Ganiyan na lamang ang pagtutol ni Judas yamang ang pabango ay maaari sanang ipagbili at ang pinagbilhan ay “maibigay sa mga dukha.” Maliwanag ang ibang mga apostol ay nakiayon na lamang sa waring isang makatuwirang punto, subalit sila’y pinagwikaan ni Jesus. Ang tunay na dahilan ng pagtutol ni Judas ay sapagkat siya ang nag-aasikaso sa kahong abuluyan at siya “ay isang magnanakaw . . . at namihasang mangupit ng pera” na inilalagay sa kahon. Samakatuwid si Judas ay isang sakim, na talagang magnanakaw.—Juan 12:2-7; Mateo 26:6-12; Marcos 14:3-8.
Ang Ibinayad sa Pagkakanulo
Tiyak na ipinagdamdam ni Judas ang sinabi ni Jesus tungkol sa paggamit ng salapi. Sa sandaling ito “si Satanas ay pumasok kay Judas,” malamang na ayon sa diwa na napadala ang traidor na apostol sa kagustuhan ng Diyablo, pinayagan na siya ay maging kasangkapan sa pagsasagawa ng hangarin ni Satanas na hadlangan si Kristo. Mga ilang araw ang nakaraan, noong Nisan 12, si Judas ay naparoon sa mga pangulong saserdote at mga kapitan sa templo upang alamin kung magkano nila babayaran siya upang ipagkanulo si Jesus, muli na namang ipinakikita ang kaniyang pagkagahaman. (Mateo 26:14-16; Marcos 14:10, 11; Lucas 22:3-6; Juan 13:2) Ang mga pangulong saserdote nang araw na iyon ay nakipagpulong “sa nakatatandang mga lalaki sa bayan,” ang maimpluwensiyang mga lalaki ng Sanhedrin. (Mateo 26:3) Marahil ang mga kapitan sa templo ay iniharap doon dahil sa kanilang impluwensiya at upang magtinging may suporta ng batas ang anumang isinaplanong pag-aresto kay Jesus.
Tatlumpung piraso ng pilak ($66, kung shekel) ang inialok na halaga. (Mateo 26:14, 15) Ang halagang itinakda ng mga lider ng relihiyon ay waring nilayon na ipakita ang kanilang paghamak kay Jesus, na itinuring siyang walang gaanong halaga. Ayon sa Exodo 21:32, ang halaga ng isang alipin ay 30 shekel. Isusog pa rito, sa kaniyang gawain bilang pastol ng bayan, si Zacarias ay binayaran ng “tatlumpung piraso ng pilak.” Ito’y hinamak ni Jehova dahil sa kaliitan, itinuring na ang kaupahan na ibinigay kay Zacarias ay isang halimbawa kung papaano ang tingin sa Diyos mismo ng mga taong walang pananampalataya. (Zacarias 11:12, 13) Kung gayon, sa pag-aalok ng 30 piraso ng pilak para kay Jesus, siya’y ginawa na walang kahala-halaga ng mga lider ng relihiyon. Kaalinsabay nito, kanilang tinutupad ang Zacarias 11:12, tinatrato si Jehova na napakababa sa paraan ng pagtrato nila sa kinatawan na kaniyang sinugo upang magpastol sa Israel. Ang balakyot na si Judas ay “pumayag [sa gayong halaga], at siya’y humanap ng mabuting pagkakataon na maipagkanulo [si Jesus] sa kanila nang hindi kaharap ang karamihan.”—Lucas 22:6.
Ang Huling Gabing Kasama si Jesus
Bagaman nagtaksil kay Kristo, si Judas ay nagpatuloy ng pakikisama sa kaniya. Siya’y nakipagtipon kay Jesus at sa mga apostol noong Nisan 14, 33 C.E., para sa selebrasyon ng Paskuwa. Samantalang ginaganap ang hapunan ng Paskuwa si Jesus ay nagsilbi sa mga apostol, buong pagpapakumbabang hinugasan niya ang kanilang paa. Ang mapagpaimbabaw na si Judas ay pumayag na gawin iyon sa kaniya ni Jesus. Subalit sinabi ni Jesus, “Hindi lahat kayo ay malinis.” (Juan 13:2-5, 11) Sinabi rin niya na isa sa mga apostol na naroon sa hapag ay magkakanulo sa kaniya. Marahil upang huwag magtinging nagkasala, itinanong ni Judas kung siya nga ba iyon. Bilang isa pang pagpapakilala, si Judas ay binigyan ni Jesus ng isang subo at sinabihan siyang gawing madali ang kaniyang ginagawa.—Mateo 26:21-25; Marcos 14:18-21; Lucas 22:21-23; Juan 13:21-30.
Karaka-raka nilisan ni Judas ang grupo. Ang paghahambing ng Mateo 26:20-29 sa Juan 13:21-30 ay nagpapakita na siya’y umalis bago itinatag ni Jesus ang selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon. Ang paghaharap ni Lucas ng pangyayaring ito ay maliwanag na hindi istriktong naaayon sa kronolohiya, sapagkat si Judas ay tiyakang umalis na nang sandaling komendahan ni Kristo ang grupo sa hindi paghiwalay sa kaniya; iyan ay hindi akma kay Judas, ni hindi rin naman siya isinali sa “tipan . . . ukol sa isang kaharian.”—Lucas 22:19-30.
Nang maglaon si Jesus ay nasumpungan ni Judas kasama ang tapat na mga apostol sa halamanan ng Getsemane, isang dakong kilalang-kilala ng tagapagkanulo, sapagkat sila’y nagkatipon doon noong nakaraan. Ang kaniyang pinangungunahan ay isang malaking pulutong, kasali na ang mga sundalong Romano at isang kumander ng militar. Ang pangkat ay may mga bambo at mga tabak at mga sulo at mga ilaw, na kakailanganin nila kung takpan ng ulap ang buwan na nasa kabilugan o kung si Jesus ay nasa dilim. Marahil ay hindi kilala ng mga Romano si Jesus, kaya, ayon sa isang palatandaan na patiunang isinaayos, binati ni Judas si Kristo at gaya ng isang ipokrata “malumanay na hinagkan siya,” sa gayo’y kinilala ngang siya nga iyon. (Mateo 26:47-49; Juan 18:2-12) Nang bandang huli ay nadama ni Judas ang kalubhaan ng kaniyang pagkakasala. Kinaumagahan ay tinangka niyang isauli ang 30 piraso ng pilak, subalit tinanggihan ito ng mga pangulong saserdote. Sa wakas, ang salapi ay inihagis ni Judas sa templo.—Mateo 27:1-5.
Kamatayan
Sang-ayon sa Mateo 27:5, si Judas ay nagbigti. Subalit ang Gawa 1:18 ay nagsasabi, “sa pagpapatihulog nang patiwarik, siya ay pumutok sa gitna at sumambulat ang lahat ng laman ng kaniyang tiyan.” Waring ang tinukoy ni Mateo ay ang paraan ng tinangkang pagpapatiwakal, samantalang ang isinasaysay naman ng Mga Gawa ay ang resulta. Kung pagsasamahin ang dalawang salaysay, waring sinubok ni Judas na magbigti sa isang matarik na dalisdis, subalit ang lubid o sanga ng punungkahoy ay naputol kung kaya siya ay nahulog at sumabog sa batuhan sa ibaba. Dahilan sa kapaligiran ng Jerusalem, ang gayong pangyayari ay posible.
May kaugnayan din sa kaniyang kamatayan ang katanungan na kung sino ang bumili sa paglilibingang bukid ng 30 piraso ng pilak. Sang-ayon sa Mateo 27:6, 7, ang mga pangulong saserdote ay nagpasiya na hindi nila mailalagay ang salapi sa banal na kabang-yaman kaya kanilang ginamit iyon sa pagbili ng bukid. Ang salaysay sa Gawa 1:18, 19, sa pagbanggit tungkol kay Judas, ay nagsasabi: “Ang taong ito, samakatuwid, ay bumili ng bukid sa pamamagitan ng kita sa kasamaan.” Waring ang kasagutan ay, yamang ang mga saserdote ang bumili sa bukid, ngunit yamang si Judas ang nagbigay ng salapi, ang kredito ay maaaring ibigay sa kaniya. Binanggit ni Dr. A. Edersheim: “Labag sa batas na maghulog sa kabang-yaman ng Templo, para sa pagbili ng sagradong mga bagay, ng salapi na nakamit nang labag sa batas. Sa ganiyang mga kaso nagtatakda ang Kautusang Judio na ang salapi ay dapat ibalik sa nag-abuloy, at, kung kaniyang iginiit na ibigay iyon, siya’y dapat hikayatin na gugulin iyon sa isang bagay na para sa ikabubuti ng madla. . . . Sa tadhana ng batas ang salapi ay itinuturing pa ring pag-aari ni Judas, at kaniyang inilaan iyon sa pagbili sa kilalang ‘bukid ng magpapalayok.’ ” (The Life and Times of Jesus the Messiah, 1906, Tomo II, p. 575) Ang pagbiling ito ay katuparan ng hula sa Zacarias 11:13.
Ang landas na pinili ni Judas ay sinadya, kinasangkutan ng masamang hangarin, kasakiman, pagmamataas, pagpapaimbabaw, at pagpapakana. Pagkatapos ay nakadama siya ng panghihinayang dahil sa bigat ng pagkakasala, gaya ng nadama ng isang pusakal na mamamatay-tao dahil sa kaniyang ginawang krimen. Subalit si Judas ay kusang nakipagtawaran sa mga taong sinabi ni Jesus na gumagawa ng mga alagad na makaibayo pang anak ng Gehenna kaysa kanilang sarili, na sasailalim din ng “hatol ng Gehenna.” (Mateo 23:15, 33) Nang huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, si Jesus ay nagsabi, sa aktuwal ay tungkol kay Judas: “Mas magaling pa para sa taong iyan na siya’y hindi ipinanganak.” Nang maglaon ay tinawag siya ni Kristo na “ang anak ng kapahamakan.”—Marcos 14:21; Juan 17:12; Hebreo 10:26-29.
Paghahalili
Sa pagitan ng pag-akyat ni Jesus sa langit at ng araw ng Pentecostes 33 C.E., si Pedro, sa pagpapaliwanag sa hula na nasa Awit 109:8, ay nagpaliwanag sa isang grupo ng mga 120 na nagkakatipong mga alagad na waring angkop na pumili ng isang kahalili ni Judas. Dalawang kandidato ang iminungkahi at nagpalabunutan, ang resulta ay si Matias ang napili “upang humalili sa ministeryo at pagkaapostol na ito na nilihisan ni Judas upang pumaroon sa kaniyang sariling kalalagyan.”—Gawa 1:15, 16, 20-26.