Kung Bakit ang Hapunan ng Panginoon ay May Kahulugan Para sa Iyo
ANG Hapunan ng Panginoon ay itinatag ni Jesu-Kristo noong huling gabi ng kaniyang buhay bilang isang tao. Iyan ay noong gabi ng Huwebes, Marso 31, at si Jesus ay namatay noong Biyernes ng hapon, Abril 1. Yamang ang mga araw ng kalendaryo ng mga Judio ay mula sa gabi ng isang araw hanggang sa susunod, ang Hapunan ng Panginoon at ang kamatayan ni Jesus ay kapuwa naganap noong Nisan 14, 33 C.E.
Bakit itinatag ni Jesus ang hapunang ito? Ano ba ang kahulugan ng tinapay at ng alak na kaniyang ginamit? Sino ang dapat na makibahagi? Gaano kadalas dapat ganapin ang hapunang ito? At papaano magkakaroon ito ng kahulugan para sa iyo?
Bakit Itinatag?
Tungkol sa Hapunan ng Panginoon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Ayon sa isa namang pagkasalin, sinabi niya: “Gawin ninyo ito bilang isang memoryal sa akin.” (1 Corinto 11:24; The New English Bible) Sa katunayan, ang Hapunan ng Panginoon ay kalimitang tinutukoy na ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
Si Jesus ay namatay bilang tapat na tagapagtaguyod ng soberanya ni Jehova at sa gayo’y pinatunayan na si Satanas ay isang sinungaling na manunuya sa pagpaparatang na naglilingkod sa Diyos ang matuwid na mga tao na taglay lamang ang mapag-imbot na mga hangarin. (Job 2:1-5) Ang kaniyang kamatayan ay nagpagalak sa puso ng Diyos.—Kawikaan 27:11.
Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan bilang isang sakdal na tao, ang ‘kaniyang kaluluwa ay ibinigay din [ni Jesus] bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Mateo 20:28) Sa pagkakasala laban sa Diyos, iniwala ng unang tao ang sakdal na buhay ng tao at ang mga bagay na maaasahan kaugnay nito. Subalit “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Oo, “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na Panginoon natin.”—Roma 6:23.
“Tinanggap sa Panginoon”
Nagbibigay liwanag sa pag-alaala ng kamatayan ni Kristo ay ang mga pananalita ni apostol Pablo: “Aking tinanggap sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo, na ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkakanulo ay dumampot ng tinapay at, pagkatapos magpasalamat, kaniyang pinagputul-putol iyon at sinabi: ‘Ito’y nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo. Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.’ At gayundin ang ginawa niya sa kopa, pagkatapos na makapaghapunan, na ang sabi: ‘Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan dahil sa bisa ng aking dugo. Patuloy na gawin ninyo ito, kasindalas ng pag-inom ninyo nito, bilang pag-alaala sa akin.’ Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, patuloy na inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.”—1 Corinto 11:23-26.
Yamang si Pablo ay hindi kasama ni Jesus at ng labing-isang apostol noong Nisan 14, 33 C.E., ang impormasyong ito ay maliwanag na “tinanggap sa Panginoon” sa pamamagitan ng kinasihang paghahayag. Itinatag ni Jesus ang Memoryal “noong gabi na siya’y ipagkakanulo” ni Judas sa mga relihiyosong kaaway na Judio, na nag-udyok sa mga Romano na ibayubay sa tulos si Kristo. Yaong mga may karapatang makibahagi sa mga emblema ng tinapay at alak ay gagawa niyaon bilang pag-alaala sa kaniya.
Gaano Kadalas Gaganapin Ito?
Ano ba ang ibig sabihin ng mga salita ni Pablo na: “Tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, patuloy na inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya”? Ang tapat na pinahirang mga Kristiyano ay makikibahagi sa mga emblema ng Memoryal nang ‘kasindalas’ hanggang sa sila’y mamatay, sa bandang huli ay bubuhaying-muli sa makalangit na buhay. Sa harap ng Diyos at ng sanlibutan, sa ganoo’y madalas na ihahayag nila ang kanilang pananampalataya sa paglalaan ni Jehova na hain ni Jesus. Hanggang kailan? “Hanggang sa dumating siya,” sabi ni Pablo, maliwanag na nangangahulugang ang mga pagdiriwang na ito ay magpapatuloy hanggang sa pagdating ni Jesus upang tanggapin sa langit ang kaniyang pinahirang mga tagasunod sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa panahon ng kaniyang “pagkanaririto.” (1 Tesalonica 4:14-17) Ito ay kasuwato ng mga salita ni Kristo sa 11 tapat na apostol: “Kung ako’y pumaroon at maipaghanda ko na kayo ng dako, ako’y muling paririto at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon kayo man ay dumuon din.”—Juan 14:3.
Ang kamatayan ba ni Kristo ay dapat alalahanin sa araw-araw o kaypala sa linggu-linggo? Bueno, si Jesus ang nagtatag ng Hapunan ng Panginoon at pinatay noong Paskuwa, na nagsilbing alaala ng pagkapalaya ng Israel buhat sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa katunayan, siya’y tinatawag na “si Kristo na ating paskuwa” sapagkat siya ang Korderong inihain para sa mga Kristiyano. (1 Corinto 5:7) Ang Paskuwa ay ginaganap nang minsan lamang sa isang taon, sa Nisan 14. (Exodo 12:6, 14; Levitico 23:5) Ipinahihiwatig nito na ang kamatayan ni Jesus ay dapat na alalahanin lamang na kasindalas ng Paskuwa—sa taun-taon, hindi sa araw-araw o linggu-linggo.
Sa loob ng ilang dantaon inaalaala ng maraming nag-aangking Kristiyano ang kamatayan ni Jesus minsan isang taon. Dahilan sa ginagawa nila ito kung Nisan 14, sila’y tinawag na mga Quartodeciman, na ang ibig sabihin ay mga “maglalabing-apat.” Tungkol sa kanila, ang historyador na si J. L. von Mosheim ay sumulat: “Ang mga Kristiyano ng Asia Minor ay nahirating ipagdiwang ang banal na kapistahang ito, na pag-alaala sa pagkatatag ng Hapunan ng Panginoon, at ng kamatayan ni Jesu-Kristo, sa kaparehong panahon na kinain ng mga Judio ang kanilang kordero ng Paskuwa, samakatuwid nga sa gabi ng ikalabing-apat na araw ng unang buwan ng [Nisan]. . . . Kanilang nadama na obligado silang sumunod sa halimbawa ni Kristo gaya ng pagsunod nila sa isang batas.”
Ang Kahulugan ng mga Emblema
Sinabi ni Pablo na si Jesus ay “dumampot ng tinapay at, pagkatapos magpasalamat, kaniyang pinagputul-putol iyon.” Ang gayong tulad-biskuwit na tinapay na minasa sa harina at tubig na walang lebadura (o, pampaalsa) ay kailangang pagputul-putulin para makain. Sa simbolismo ng Bibliya, ang lebadura ay kumakatawan sa kasalanan o kabulukan. Sa pagpapayo sa mga Kristiyano sa Corinto na alisin sa kongregasyon ang isang lalaking imoral, sinabi ni Pablo: “Hindi baga ninyo nalalaman na ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak? Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo’y maging bagong limpak, na tulad sa kayo’y walang lebadura. Sapagkat, tunay nga, si Kristo na ating paskuwa ay naihain na. Kaya nga ipangilin natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura man ng kasamaan at ng kabalakyutan, kundi sa walang-lebadurang mga tinapay ng kataimtiman at katotohanan.” (1 Corinto 5:6-8) Kung papaano ang katiting na masang kumasim ay nagpapakumbo sa buong limpak, o talaksan, ng tinapay, ganoon magiging marumi ang kongregasyon sa paningin ng Diyos kung ang nagpapasamang impluwensiya ng nagkasalang tao ay hindi aalisin. Kailangang kanilang alisin ang “lebadura” sa gitna nila, kung papaanong ang mga Israelita ay hindi maaaring masumpungang may lebadura sa kanilang mga bahay sa panahon ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura na kasunod ng Paskuwa.
Tungkol sa tinapay na walang lebadura sa Memoryal, sinabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo.” (1 Corinto 11:24) Ang tinapay ay sumasagisag sa sakdal na katawang-laman ni Jesus, na tungkol doon ay sumulat si Pablo: “Pagdating [ni Jesus] sa sanlibutan ay sinasabi niya: ‘ “Hain at handog ay hindi mo ibig, ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan. Sa mga buong handog na sinusunog at handog ukol sa kasalanan ay hindi ka nalugod.” Nang magkagayo’y sinabi ko, “Narito! Ako’y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin) upang gawin ang iyong kalooban, Oh Diyos.” ’ . . . Sa nasabing ‘kalooban’ tayo’y pinagiging-banal sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsan at magpakailanman.” (Hebreo 10:5-10) Ang sakdal na katawan ng taong si Jesus ay walang kasalanan at nagsilbing isang haing pantubos para sa sangkatauhan.—Hebreo 7:26.
Pagkatapos manalangin sa harap ng kopa ng di-hinaluang mapulang alak, sinabi ni Jesus: “Ang kopang ito’y nangangahulugan ng bagong tipan dahil sa bisa ng aking dugo.” (1 Corinto 11:25) Ang isa pang salin ay: “Ang kopang ito’y nangangahulugan ng bagong tipan na pinagtibay ng aking dugo.” (Moffatt) Kung papaano pinagtibay ng dugo ng inihaing mga baka at mga kambing ang tipang Kautusan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel, gayundin ang dugong ibinuhos ni Jesus sa kamatayan ay nagpatibay sa bagong tipan. Ang pagbanggit sa tipang iyan ay tumutulong sa atin na makilala ang mga karapat-dapat na makibahagi sa mga emblema sa Memoryal.
Sino ang mga Dapat Makibahagi?
Ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus, na nasa sa bagong tipan, ay may karapatang makibahagi sa mga emblema sa Memoryal. Ang tipan na ito ay ginawa sa pagitan ng Diyos at ng espirituwal na Israel. (Jeremias 31:31-34; Galacia 6:16) Subalit ang bagong tipan ay sa wakas magdadala ng mga pagpapala sa lahat ng masunuring tao, at ikaw ay maaaring isa sa mga tatanggap ng mga pagpapalang iyon.
Ang mga makikibahagi sa mga emblema ng Memoryal ay kailangang kasali sa personal na tipan ukol sa Kaharian na ginawa ni Jesus. Nang itinatatag ang hapunang ito, sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Ako’y gumagawa ng isang tipan sa inyo, gaya ng aking Ama na gumawa ng isang tipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:29) Ang tipan sa Kaharian na ginawa ng Diyos kay Haring David ay tumukoy sa pagparito ni Jesus, ang isa na maghahari magpakailanman sa makalangit na kaharian. Ang 144,000 espirituwal na Israelita, na makikibahaging kasama niya sa paghahari, ay inilarawang nakatayo sa makalangit na Bundok Sion kasama ng Kordero, si Jesu-Kristo. Pagkatapos buhaying-muli, sila ay maghaharing kasama ni Kristo bilang mga hari at mga saserdote. (2 Samuel 7:11-16; Apocalipsis 7:4; 14:1-4; 20:6) Sila lamang na kasali sa bagong tipan at may personal na tipan kay Jesus ang wastong makikibahagi sa mga emblema ng Hapunan ng Panginoon.
Ang espiritu ng Diyos ay nagpapatotoo kasama ng espiritu ng mga pinahiran na sila ay Kaniyang mga anak at kasama ni Kristo na mga tagapagmana. Sumulat si Pablo: “Ang espiritu rin ang nagpapatotoong kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. At kung mga anak, samakatuwid, mga tagapagmana rin tayo: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magtiis tayo nang sama-sama upang luwalhatiin din tayo nang sama-sama.” (Roma 8:16, 17) Ang banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos ay lumilikha sa mga pinahiran ng katiyakan na sila’y nakadistino sa makalangit na buhay. Kanilang minamalas na sa kanila ukol ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa makalangit na buhay at sila’y handang isakripisyo ang lahat ng makalupang bagay, kasali na ang buhay-tao. Bagaman ang buhay sa makalupang Paraiso ay magiging kahanga-hanga, sila ay wala ng ganiyang pag-asa. (Lucas 23:43) Ang isang tiyak at di-nagbabagong makalangit na pag-asa na hindi nakasalig sa mga paniniwala ng huwad na relihiyon ay nagbibigay sa kanila ng karapatan na makibahagi sa mga emblema sa Memoryal.
Hindi malulugod si Jehova kung inangkin ng isang tao na siya’y isa sa tinawag upang maging isang hari at saserdote sa langit kung siya ay wala ng gayong pagkatawag. (Roma 9:16; Apocalipsis 22:5) Pinaslang ng Diyos si Kore sa pangahas na paghahangad sa tungkuling pagkasaserdote. (Exodo 28:1; Bilang 16:4-11, 31-35) Kaya, ano kung dahil sa matitinding emosyon o dating mga idea sa relihiyon ay maling nakikibahagi ang isang tao sa mga emblema sa Memoryal? Kung magkagayon ay dapat siyang huminto ng pakikibahagi at mapagpakumbabang manalangin sa Diyos na siya’y patawarin.—Awit 19:13.
Kung Papaano Ka Naaapektuhan
Ang isang tao ay hindi kailangang makibahagi sa emblema sa Memoryal upang makinabang sa haing pantubos ni Jesus at tumanggap ng buhay na walang-hanggan sa lupa. Halimbawa, walang sinasabi ang Bibliya na ang mga taong may takot sa Diyos katulad nina Abraham, Sara, Isaac, Rebeca, Boaz, Ruth, at David ay makikibahagi kailanman sa mga emblemang ito. Subalit sila at lahat ng iba pang nagnanasa ng walang-hanggang buhay sa globong ito ay kailangang magsagawa ng pananampalataya sa Diyos at kay Kristo at sa inilaan ni Jehova na haing pantubos ni Jesus. (Juan 3:36; 14:1) Ang taunang pagdiriwang ng kamatayan ni Kristo ay nagsisilbing isang paalaala ng dakilang paghahaing iyan.
Ang kahalagahan ng hain ni Jesus ay ipinakita nang sabihin ni apostol Juan: “Isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang huwag kayong magkasala. Gayunman, kung magkasala ang sinuman, tayo’y may isang katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isang matuwid. At siya’y isang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.” (1 Juan 2:1, 2) Ang pinahirang mga Kristiyano ay makapagsasabing si Jesus ay “isang pampalubag-loob na hain para sa [kanilang] mga kasalanan.” Gayunman, siya’y isa ring hain para sa mga kasalanan ng buong sanlibutan, anupat nagiging posible ang buhay na walang-hanggan para sa masunuring sangkatauhan sa lupang Paraiso na ngayo’y kaylapit-lapit na!
Sa pagdalo sa pag-alaala sa kamatayan ni Kristo, ikaw ay makikinabang sa isang pumupukaw-sa-kaisipan na diskurso sa Bibliya. Ipaaalaala sa iyo kung gaano kalaki ang nagawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo para sa atin. Magiging kapaki-pakinabang sa espirituwal na makipagtipon sa mga taong may matinding pagpapakundangan sa Diyos at kay Kristo at sa haing pantubos ni Jesus. Ang okasyong iyan ay makapagpapatibay sa iyong hangarin na makatanggap ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos, na umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan. Buong-pusong inaanyayahan ka namin na makipagtipon sa mga Saksi ni Jehova pagkalubog ng araw sa Abril 6, 1993, upang alalahanin ang kamatayan ni Jesu-Kristo sapagkat ang Hapunan ng Panginoon ay maaaring magkaroon ng dakilang kahulugan para sa iyo.