Prinsipyo o Pakikiayon sa Karamihan—Alin ang Patnubay Mo?
SAMANTALANG nasa ikaanim na grado sa paaralan, si Norihito ay kasali sa isang laro. Biglang-bigla, siya’y kinailangang magpasiya. Lahat ng mag-aarál ay kailangang sumali sa isang makabayang seremonya. Dapat ba siyang sumama sa kaniyang mga kamag-aral sa waring kinaugalian nang rutin na ito?
Napag-aralan ni Norihito mula sa Bibliya na masama ang sumali sa anumang gawang pagsamba sa isang diyos maliban kay Jehova. (Exodo 20:4, 5; Mateo 4:10) Alam din niya na dapat manatiling walang kinikilingan ang mga Kristiyano sa lahat ng makasanlibutang gawaing pulitikal. (Daniel 3:1-30; Juan 17:16) Kaya kahit na hinimok siya ng kaniyang mga kamag-aral na sumali, may lakas ng loob ngunit may paggalang na nanindigan siya. Ano kaya ang gagawin mo kung ikaw ang nasa gayunding situwasyon?
Ang Paghahangad na Mapabilang Ka sa Grupo
Ipinakikita ng Kasulatan na ang mga tao ay nilalang ng Diyos upang maging palakaibigan, makasundo ang isa’t isa, at masayahan sa sama-samang paggawa ng mga bagay-bagay. Natural lamang na magnais ang isa na makasama ng kaniyang mga kauri, siya’y tanggapin, siya’y mapabilang. Ang ganiyang damdamin ay lalong nagpapasaya sa buhay at umaakay sa kapayapaan at pagkakasuwato sa ating pakikitungo sa iba.—Genesis 2:18; Awit 133:1; 1 Pedro 3:8.
Ang likas na hangaring mapabilang ka ay maaaninaw sa matinding pagdiriin sa pakikiayon na makikita sa ilang kultura kahit na ngayon. Halimbawa, ang mga batang Hapones ay sinasanay mula pa sa kanilang pinakamaagang mga taon upang magkaroon ng kabatiran at umayon sa mga idinidikta ng karamihan. Ang kanilang mana ay nagtuturo sa kanila na ang isa sa kanilang pinakadakilang tungkulin ay ang makiisa sa komunidad. “Ang mga Hapones ay mas malamang na gumawang grupu-grupo kaysa mga taga-Kanluran,” ang sabi ni Edwin Reischauer, dating embahador ng E.U. sa Hapón at isang masigasig na tagamasid sa mga ugaling Hapones. Kaniyang isinusog: “Samantalang ang mga taga-Kanluran ay makikitaan sa panlabas ng pagkamakasarili at ng mga katangian bilang indibiduwal, ang karamihan ng mga Hapones ay nakokontento na makiayon sa pananamit, asal, istilo sa pamumuhay, at maging sa kanilang kaisipan sa mga pamantayan ng kanilang grupo.” Gayunman, ang hangaring makiayon ay hindi lamang matatagpuan sa mga Hapones. Iyon ay laganap sa buong sansinukob.
Mga Panggigipit Upang Umayon
Bagaman kanais-nais na ang isa ay gumawa ng pinakamagaling upang makasundo ang iba, may panganib sa bulag na pag-ayon sa kung ano ang popular. Bakit? Sapagkat ang isang bagay na popular sa karamihan ay kadalasan labag naman sa sinasang-ayunan ng Diyos. “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot,” ang sabi sa atin ng Bibliya. (1 Juan 5:19) Buong-katusuhang ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraang magagamit niya—materyalismo, mabababang moral, pagtatangi ng lahi, pagkapanatiko sa relihiyon, nasyonalismo, at iba pa—upang mahikayat ang masa at maihiwalay sila sa Diyos. Ang pag-ayon sa ganiyang mga gawain ay, sa katunayan, aakay sa isa na sumalansang sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin. Kaya naman ang mga Kristiyano ay pinapayuhan: “Huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2.
Sa pamumuhay sa sistemang ito ng mga bagay, ang mga Kristiyano ay patuloy na sumasailalim ng panggigipit na umayon sa mga bagay na popular. Ang mga kabataan lalo na ang madaling tablan kung tungkol dito. Ang pagnanasang maging katulad ng kanilang mga kamag-aral sa pag-aayos at pagkilos ay totoong matindi. Nangangailangan ng tunay na lakas ng loob na ipaliwanag sa kanilang mga kamag-aral kung bakit hindi sila sumasali sa ilang gawain. Gayunman, ang hindi pagpapahayag ng kanilang paninindigan ay maaaring magdulot ng espirituwal na kapahamakan para sa kanila.—Kawikaan 24:1, 19, 20.
Ang mga adulto ay napapaharap din sa ganiyang mga panggigipit sa lugar ng kanilang trabaho. Baka sila ay inaasahang makikibahagi sa ilang sosyal na gawain pagkalipas ng mga oras ng trabaho o sa mga araw na pista opisyal. Ang pagtanggi nila ay maaaring magpahiwatig na sila’y lumalayo at ayaw makipagtulungan, na lumilikha ng mahirap na kalagayan sa dakong pinagtatrabahuhan. Ang ilan ay baka mapilitang mag-overtime nang maraming oras dahil lamang sa ang iba’y gumagawa ng gayon at inaasahan na ganoon din ang kanilang gagawin. Ang pagpapadala sa gayong mga bagay ay makasisira ng kanilang espirituwalidad at makahahadlang din sa kanila sa pagtupad ng kanilang ibang pananagutan.—1 Corinto 15:33; 1 Timoteo 6:6-8.
Ang mga panggigipit upang makiayon ay makikita rin hindi lamang sa paaralan o sa trabaho. Isang inang Kristiyano ang nagbibidá na minsan siya’y nagpigil ng pagdisiplina sa kaniyang anak, bagaman kailangang-kailangan, dahil lamang sa inaakala niyang hindi sasang-ayon ang ibang ginang ng tahanan na naroroon.—Kawikaan 29:15, 17.
Maaaring Magkamali ang Karamihan
Ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng maraming tuwirang payo tungkol sa pagsunod sa karamihan. Halimbawa, ang bansang Israel ay pinagsabihan: “Huwag kang susunod sa karamihan sa paggawa ng masama; at huwag kang magpapatotoo sa isang usapin na ang kinikilingan mo’y ang karamihan upang iligaw ang katarungan.” (Exodo 23:2; ihambing ang Roma 6:16.) Ang payong ito ay hindi laging nasusunod. Minsan, hindi pa natatagalang sila’y lumisan sa Ehipto, nang si Moises ay umalis, may ilan na humikayat kay Aaron at sa bayan na gumawa ng isang gintong baka at sambahin iyon sa “isang kapistahan kay Jehova.” Ang bayan ay kumain at uminom at nagpakasaya sa awitan at sayawan habang naghahandog ng hain sa gintong baka. Sa walang-patumanggang pagsambang ito sa idolo, mga 3,000 na nanguna roon ang pinaslang. Subalit marami sa iba pa ang sinalot din ni Jehova dahil sa kanilang walang pakundangang pagsunod sa karamihan.—Exodo 32:1-35.
Ang isa pang halimbawa ng pagsunod sa karamihan sa paggawa ng masama ay naganap noong unang siglo kaugnay ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Palibhasa’y nahikayat ng naiinggit na mga pinunong relihiyoso, marami sa mga tao ang nakisama sa pagsigaw na patayin si Jesus. (Marcos 15:11) Noong Pentecostes, pagkatapos buhayin si Jesus at makaakyat sa langit, nang itawag pansin sa kanila ni Pedro ang kanilang malubhang pagkakamali, marami ang “nangasaktan ang kanilang puso” at natanto ang pagkakamali nila sa pagsunod sa karamihan.—Gawa 2:36, 37.
Mas Magaling ang mga Prinsipyo sa Bibliya
Gaya ng malinaw na ipinakikita ng mga ulat na ito, ang bulag na pagsunod sa karamihan ay maaaring humantong sa panganib. Mas magaling na sundin ang Bibliya at hayaang ang mga simulain nito ang maging patnubay sa ating buhay! “Kung papaanong ang langit ay lalong mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kaysa inyong mga lakad, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip,” ang sabi ni Jehova. (Isaias 55:9) Kung tungkol sa moral at sa mga relasyon ng tao—oo, sa lahat ng pasiya sa buhay—paulit-ulit na naipakita na ang pagsunod sa mga daan ni Jehova ay higit na magaling kaysa pagsunod sa karamihan. Ito ang susi sa isang mas maligaya at mas malusog na paraan ng buhay.
Halimbawa, nariyan ang karanasan ni Kazuya. Bagaman nakapag-aral siya ng Bibliya nang ilang panahon, siya’y nagpatuloy na sumunod sa lakad ng karamihan—ang pagsusumikap na yumaman at magtagumpay. Ang kaniyang pagsisikap na mapalugdan ang mga nakatataas sa kaniya at hangaan ng kaniyang mga kamanggagawa ang kadalasan umakay sa kaniya sa pakikipag-inuman hanggang sa mag-uumaga. Siya’y naging mapaghanap, walang-pagpaparaya, at magagalitin. Dahil sa kaniyang mapagmalabis na istilo ng pamumuhay, siya’y inatake (na-stroke), anupat siya’y halos naging paralitiko. Samantalang nagpapagaling sa ospital, binulay-bulay niya ang kaniyang natutuhan sa Bibliya at ang paraan ng kaniyang pamumuhay. Kaniyang ipinasiya na panahon na upang magsimulang ikapit ang mga natutuhan niya. Siya’y nagbitiw sa kaniyang puwestong pagka-manedyer at pinalitan ang kaniyang mga kaibigan. Siya’y gumawa rin ng taimtim na pagsisikap na magbihis ng Kristiyanong pagkatao at baguhin ang kaniyang pananaw tungkol sa materyal na mga ari-arian. Kaya naman, nagbago ang mga bagay na kaniyang pinahahalagahan, at siya’y naging malusog. Sa wakas, siya’y nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at nabautismuhan.
Upang magtagumpay sa paglakad sa landas na hindi popular sa karamihan, kailangang malaman ng isa ang mga prinsipyong kasangkot at lubusang makumbinsi na tama ang mga ito. Ang naranasan ni Masaru ang nagpapakita na gayon nga. Nang siya’y nasa ikaanim na grado sa paaralang elementarya, siya’y inerekomenda ng kaniyang mga kaklase na maging isang kandidato para sa pagkapangulo ng student council. Taglay ang medyo pagkapahiya naalaala niya na dahilan sa hindi niya lubusang nauunawaan ang mga simulain ng Bibliya na kasangkot, hindi niya naipaliwanag sa kaniyang mga kaklase kung bakit hindi siya maaaring maging kandidato sa isang tungkuling pulitikal. Ang pagkatakot sa tao ang nakahadlang sa kaniya upang ipaalam na siya’y isang Kristiyano. Wala siyang magawa kundi ikiling ang kaniyang ulo at ulit-ulitin kasabay ng pagluha, “Hindi ko magagawa iyon.”
Ang masakit na karanasang ito ang nag-udyok sa kaniya na magsuri upang alamin kung bakit ang isang Kristiyano ay hindi sumasali sa mga kilusang makapulitika. (Ihambing ang Juan 6:15.) Sa kalaunan, nang siya’y nasa junior high school, napaharap siya sa isang katulad na situwasyon. Gayunman, ngayon ay handa siya na ipaliwanag sa kaniyang guro ang kaniyang paninindigan. Tinanggap naman ng guro ang kaniyang paliwanag, pati na ang marami sa kaniyang mga kaklase na nagtanong sa kaniya tungkol sa kaniyang mga paniniwalang salig sa Bibliya.
Pagka Lahat ay Gagawa Na ng Matuwid
Sa napipintong bagong sanlibutan sa ilalim ng paghahari ni Kristo, ang matuwid ang gagawin ng lahat. Ngayong wala pa iyon, tayo ay kailangang mag-ingat laban sa pagkahikayat na umayon sa sinusunod ng karamihan. Tayo ay mapatitibay-loob ng payo ni Pablo: “Kaya nga, yamang isang napakakapal na ulap ng mga saksi ang nakapalibot sa atin, iwaksi rin natin ang bawat pabigat at ang kasalanang madaling pumigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.”—Hebreo 12:1.
Pagka may mga isyu at mga hamon na mapaharap sa iyo, ano ang gagawin mo? Ikaw ba’y padadala sa pagkatakot sa mga tao at susunod sa karamihan? O ikaw ba ay babaling sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at susundin ang mga prinsipyo nito? Ang paggawa ng huling binanggit ay hindi lamang pakikinabangan mo ngayon kundi magbibigay rin sa iyo ng pag-asang makabilang sa mga taong “sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.”—Hebreo 6:12.