Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 4/15 p. 21-26
  • Pag-aalis ng Lambong sa Pinakamalalayong Pamayanan ng Alaska

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-aalis ng Lambong sa Pinakamalalayong Pamayanan ng Alaska
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Isang Masakit na Pagbabago
  • Maagang mga Pagsisikap na Magpatotoo
  • Dumating ang Di-inaasahang Tulong
  • Ang Kinaroroonan ng Aleutian Chain
  • Unti-unting Umiinit
  • Pagtawid sa Hangganan
  • Sulit ba Iyon?
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 4/15 p. 21-26

Pag-aalis ng Lambong sa Pinakamalalayong Pamayanan ng Alaska

MAY dalawang araw na ngayon, apat kaming nag-uumpukan sa isang munting silid sa bayan ng Nome, Alaska, na pinangyarihan ng napabantog na paghahanap ng ginto. Noong 1898 mahigit na 40,000 manggagalugad ang nagtipon dito upang humanap ng iisang bagay​—ginto! Kami, sa kabilang dako, ay humahanap ng isang naiibang kayamanan.

Ang aming interes, sa mga sandaling ito, ay “ang kanais-nais na mga bagay” na marahil ay naninirahan sa nabubukod na mga nayon ng Gambell at Savoonga sa St. Lawrence Island, na 300 kilometro sa kanluran ng Bering Strait. (Hagai 2:7) Doon ang Inuit ay nangangahas maglayag sa nagyeyelong tubig sa Arctic at humanap ng mga balyena na mga ilang milya lamang ang layo sa dating Unyong Sobyet. Subalit ang lumilipad na niyebe at ang makapal na kulay-abong lambong ng ulap ang pumipigil sa amin. Hindi makalipad ang aming eroplano.

Habang kami ay naghihintay, binulay-bulay ko ang mga pangyayari noong nakalipas na mga taon at pinasalamatan ang Diyos na Jehova sa kaniyang pagpapala sa aming pangangaral sa mga lugar na magkakalayo ang mga naninirahan. Sa Alaska​—na tinatawag ng ilan na ang pinakamalayong pamayanan sa daigdig​—mayroong mahigit na 60,000 katutubo na naninirahan sa mahigit na 150 malalayong pamayanan, nakakalat sa halos 1,600,000 kilometro kuwadrado ng ilang, hindi konektado ng anumang uri ng daan. Sa pamamagitan ng eroplano ng Samahang Watch Tower, narating na namin ang mahigit na sangkatlo ng liblib na mga nayong ito, na dinadala sa kanila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14.

Upang marating ang malalayong pamayanang ito, kadalasan ang eroplano ay kailangang lumapag sa kabila ng mga ulap at hamog na maaaring tumatakip sa lupa sa loob ng ilang araw. Minsang nakalapag na, may isa pang ulap na kailangang malusutan. Tulad ng isang lambong, iyon ay tumatakip sa isipan at puso ng mababait at mapayapang mga taong ito.​—Ihambing ang 2 Corinto 3:15, 16.

Isang Masakit na Pagbabago

Ang ilang ng Alaska ay tinitirahan ng mga Inuit, Aleut, at mga Indian. Bawat isa sa mga ito ay may kani-kaniyang kostumbre at kaugalian na natatangi ayon sa minana ng bawat isa. Upang makatagal sa taglamig sa Arctic, sila’y natutong mabuhay sa likas na kayamanan ng lupain sa pamamagitan ng pangangaso, pangingisda, at panghuhuli ng balyena.

Sila’y inabot ng impluwensiya ng mga dayuhan noong kalagitnaang mga taon ng 1700. Ang mga Rusong mangangalakal ng piyeltro ay nakasumpong ng mga mamamayan na nakadamit ng balat ng hayop at nangangamoy ng langis ng poka, na naninirahan, hindi sa mga igloo na yari sa yelo, kundi sa mga bahay na bahagyang nakabaon at yari sa damong may ugat at may bubong na damo at mga pasukan sa ilalim ng lupa. Ang mga mangangalakal ang naghatid sa mga malumanay, mahinahon, ngunit matipunong mga taong ito ng maraming malulubhang suliranin, kasali na ang mga bagong kultura at mga bagong sakit, anupat nabawasan ng kalahati ang populasyon ng ilang tribo. Hindi nagtagal at ang alak ay naging isang sumpa sa mga mamamayan. Ang bagong ekonomiya ay sapilitang nagpabago sa paraan ng pamumuhay buhat sa produksiyon ng sapat para sa pamilya tungo sa isa na gumagamit ng salapi. Hanggang sa kasalukuyan, nadarama ng iba, iyon ay isang masakit na pagbabago.

Nang dumating ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, isa pang uri ng pagbabago ang ipinilit sa mga katutubo sa Alaska. Bagaman bantulot na iniwan ng ilan ang kanilang kinagisnang gawaing relihiyoso​—ang pagsamba sa mga espiritu ng hangin, yelo, oso, agila, at iba pa​—ang iba ay bumuo ng pagsasama-sama ng mga idea, na nagbunga ng isang pagsasanib, o kalituhan, ng mga relihiyon. Ang lahat ng ito ay kadalasang nagbunga ng paghihinala at kawalang-tiwala sa mga hindi kilala. Ang isang panauhin ay hindi laging tinatanggap sa ilang nayon.

Kung gayon, ang hamon na napaharap sa amin ay, Papaano namin mararating ang lahat ng katutubo na nakakalat sa buong nasasakop ng malalawak na pamayanang ito? Papaano namin mapapawi ang kanilang paghihinala? Ano ang magagawa namin upang alisin ang lambong?

Maagang mga Pagsisikap na Magpatotoo

Noong mga unang taon ng dekada ng 1960, ilang matitipunong Saksing taga-Alaska ang lakas-loob na nagtiis ng sukdulang mga kalagayan ng panahon​—malalakas na hangin, matinding lamig, palibot na natatakpan ng niyebe​—at pinalipad ang kanilang pribadong eroplano na may iisang makina upang mangaral sa mga nayong nakakalat sa gawing hilaga. Bilang pagbabalik-tanaw, ang may lakas ng loob na mga kapatid na ito ay talagang naghahantad ng kanilang sarili sa malaking panganib. Ang pagpalya ng makina ay tiyak na hahantong sa kapahamakan. Kahit na posible ang isang ligtas na paglapag, milya-milya ang layo nila buhat sa maaaring tumulong sa kabila ng matinding lamig at walang masakyan. Ang pagkaligtas ay depende sa pagkakaroon ng pagkain at tirahan, na mahirap makuha. Mabuti na lamang, walang malulubhang pangyayari na naganap, subalit ang gayong mga panganib ay hindi maaaring ipagwalang-bahala. Kaya ang tanggapang pansangay sa Alaska ng Samahang Watch Tower ay hindi nagmungkahi sa mga kapatid na gawin ang ganitong paraan ng pangangaral.

Upang maipagpatuloy ang gawain, ang tapat na mga kapatid sa Fairbanks at North Pole Congregation ay nagtuon ng kanilang pagsisikap sa mas malalaking pamayanan, tulad ng Nome, Barrow, at Kotzebue, na pinaglilingkuran ng mga kompanya ng eroplano. Ginagamit nila ang kanilang sariling mga pondo upang makapaglakbay sa mga lugar na ito, na mahigit na 720 kilometro sa gawing hilaga at kanluran. Ang ilan ay nagpaiwan sa Nome nang may ilang buwan upang magdaos ng mga pag-aaral ng Bibliya sa mga interesado. Sa Barrow isang apartment ang inupahan upang magsilbing kanlungan buhat sa napakalamig na temperaturang -45 degris Celcius. Sa loob ng maraming taon, mahigit na $15,000 ang ginugol ng mga nagsasapuso ng utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.​—Marcos 13:10.

Dumating ang Di-inaasahang Tulong

Nagpatuloy ang paghahanap ng isang paraan upang marating ang lalong ilang na mga pamayanan, at binuksan ni Jehova ang daan. Isang eroplanong may dalawang makina ang magagamit​—ang talagang kinakailangan upang matawid nang ligtas ang di-patag na Alaska Range. Maraming bundok ang may taas na lampas pa sa 4,200 metro sa Alaska, at ang taluktok ng tanyag na Mount McKinley (Denali) ay 6,193 metro ang taas sa patag ng dagat.

Sa wakas, dumating ang eroplano. Gunigunihin ang nadama naming kabiguan nang isang sira-sira, kupas na, may sari-saring kulay na eroplano ang lumapag sa runway. Iyon kaya ay magagamit pa sa himpapawid? Maipagkakatiwala kaya namin doon ang buhay ng ating mga kapatid? Muli, ang kamay ni Jehova ay hindi maikli. Sa tulong ng lisensiyadong mga mekaniko, mahigit sa 200 kapatid ang nagboluntaryo ng kanilang serbisyo, gumugol ng ilang libong oras upang kumpunihin ang buong eroplano.

Anong laking kasiyahang pagmasdan! Papaitaas sa papawirin ng Alaska, isang makintab, mistulang-bagong eroplano na may rehistradong numero na 710WT na nakatatak sa pinakabuntot nito! Yamang kapuwa ang bilang na pito at sampu ay ginagamit sa Bibliya upang sumagisag sa pagiging kompleto, ang 710 ay maaaring sabihin na nagdiriin sa suporta ng organisasyon ni Jehova upang alisin ang lambong sa mga pusong nasa karimlan.

Ang Kinaroroonan ng Aleutian Chain

Magbuhat nang tanggapin ang eroplano, nakalipad na kami ng 80,000 kilometro ng ilang, anupat dala ang mabuting balita ng Kaharian at ang mga literatura sa Bibliya sa mahigit na 54 na mga nayon. Ito ang katumbas ng pagtawid sa kontinental na Estados Unidos nang 19 na beses!

Makaitlong beses na nalipad namin ang 1,600-kilometrong-haba na Aleutian Islands, na naghihiwalay sa Pacific Ocean buhat sa Bering Sea. Ang mahigit na 200 halos walang punungkahoy na mga isla na bumubuo ng grupo ay tahanan hindi lamang para sa mga katutubong Aleut kundi pati sa libu-libong ibong-dagat, mga bald eagle, at emperor geese, na may puting-puting ulo at naiibang mga balahibong itim at puti.

Gayunman, ang kabigha-bighaning kagandahan ng rehiyon ay may mga panganib. Sa paglipad sa ibabaw ng karagatan, nakikita namin ang tatlo hanggang limang metrong mga alon na bumubula sa nagyeyelong tubig, na napakalamig anupat maging sa tag-araw ang isang tao ay makatatagal doon sa loob lamang ng 10 hanggang 15 minuto. Kung napilitang lumapag, ang tanging pagpipilian ng piloto ay lumapag sa di-patag, batuhang isla o sa maginaw, mapanganib na karagatan. Anong laki ng aming pasasalamat sa bihasang mga kapatid, mga sertipikadong A & E (Aircraft and Engines) na mga mekaniko, na nagboboluntaryo upang pangalagaan ang eroplano sa ekselenteng kondisyon!

Sa isa sa mga biyahe, kami ay patungo sa Dutch Harbor at sa pangisdaang nayon ng Unalaska. Ang rehiyon ay kilala sa 130 hanggang 190 kilometro bawat oras na lakas ng hangin nito. Nakatutuwa naman, medyo kalmado nang araw na iyon ngunit malakas pa rin ang hangin anupat kami’y kung ilang beses na hindi mapalagay. Anong laking sorpresa nang matanaw na namin ang aming lalapagan​—isang runway na inukit sa tagiliran ng bundok! Sa isang bahagi ng runway ay naroon ang matarik na dalisdis na bato, sa kabila naman, naroon ang nagyeyelong tubig ng Bering Sea! Nang kami’y lumapag na, iyon ay sa basang runway. Doon ay umuulan nang mahigit 200 araw sa isang taon.

Anong laking kagalakan na ang Salita at layunin ng Diyos ay ipakipag-usap sa mga tagaroon! Ang ilang may edad na ay nagpahayag ng pagpapahalaga sa pag-asa sa isang daigdig na walang digmaan. Malinaw pa sa kanilang alaala ang pagbomba ng mga Hapones sa Dutch Harbor noong Digmaang Pandaigdig II. Ang aming alaala sa gayong paglalakbay upang magpatotoo ay hindi rin malilimot.

Unti-unting Umiinit

Sa pagsusuring muli ng lagay ng panahon, napansin namin ang mabagal na pagtaas ng temperatura. Naisip ko tuloy ang tungkol sa aming pagpapatotoo sa ilang. Mabagal ngunit patuloy na nakikita namin ang unti-unting kasiglahan sa puso ng mga tao.

Nangailangan din ng panahon upang mapawi ang umiiral na paghihinala at kawalang-tiwala ng mga tao sa mga tagalabas. Sa aming unang mga pagtatangka, karaniwan na para sa mga lider ng relihiyon sa pamayanan na salubungin ang eroplano, magtanong tungkol sa layunin ng aming pagdalaw, at saka dagling sinasabi sa aming magsialis na kami. Mangyari pa, ang gayong pagtanggap ay nakasisira ng loob. Subalit naalaala namin ang payo ni Jesus na nasa Mateo 10:16: “Patunayan ninyong kayo ay maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y inosente gaya ng mga kalapati.” Kaya kami’y nagbalik sakay ng eroplano na may kargadang sariwang letsugas, kamatis, melon, at iba pa na hindi karaka-rakang makukuha sa lugar na iyon. Ang dating mga residenteng nagagalit sa amin ay natutuwa na ngayong makita ang aming mga dala.

Habang isang kapatid ang nag-aasikaso sa “tindahan,” na tumatanggap ng mga donasyon para sa sariwang mga kalakal, ang iba naman ay nagbabahay-bahay, pinatatalastasan ang mga maybahay tungkol sa pagdating ng sariwang kargamento. Sa mga bahay sila’y nagtanong rin: “Siyanga pala, mapaiba ako, kayo ba ay bumabasa ng Bibliya? Alam ko na masisiyahan kayo sa pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya na nagpapakita na ang Diyos ay nangako sa atin ng isang paraiso.” Sino nga ang makatatanggi sa gayong nakatutuksong alok? Lahat ay nagpahalaga sa pisikal gayundin sa espirituwal na pagkain. Mainam ang pagtanggap, maraming literatura ang naipasakamay, at ang ilang puso ay sumigla.

Pagtawid sa Hangganan

Doon sa Yukon Territory, ang Whitehorse Congregation ay nagpaabot sa amin ng paanyaya ng isang “taga-Macedonia” upang “tumawid” patungong Canada upang dalawin ang ilang lugar sa malayong Northwest Territories. (Gawa 16:9) Lima kaming pasahero habang patungo sa Tuktoyaktuk, isang nayon malapit sa Mackenzie Bay sa Beaufort Sea, nasa hilaga ng Arctic Circle.

‘Papaano mo binibigkas ang kakatwang pangalang ito?’ ang naisip namin nang kami’y dumating.

“Tuk,” ang tugon ng isang kabataang lalaki kasabay ng malaking ngiti.

“Bakit hindi natin naisip iyan?” ang pagtataka namin.

Kami’y namangha nang makita namin na ang mga tao sa Tuktoyaktuk ay pamilyar sa Kasulatan. Kaya naman, nagkaroon kami ng maraming palakaibigang talakayan, at maraming literatura ang naipasakamay. Ang isa sa aming mga kabataang payunir ay nagkaroon ng isang nakapagtuturong pakikipag-usap sa isang maybahay.

“Ako ay isang Anglikano!” sabi ng maybahay.

“Alam ba ninyo na ang Iglesya Anglikano ay sang-ayon sa homoseksuwalidad?” ang tanong ng aming payunir.

“Talaga?” ang lalaki ay nag-atubili. “Kung gayon, hindi na ako isang Anglikano.” Inaasahan na isa pang tao ang magbubukas ng kaniyang puso sa mabuting balita ng Bibliya.​—Efeso 1:18.

Isang matandang lalaki ang humanga sa aming determinasyong marating ang bawat tahanan sa lugar na iyon. Karaniwan nang kailangan kaming maglakad sa aming gawain. Kadalasan ay kailangang maglakad ng isang kilometro o higit pa mula sa paliparan hanggang sa nayon. Pagkatapos, upang marating ang bawat tahanan, kailangang tahakin namin ang mga kalsadang graba o maputik na mga daan. Ipinahiram sa amin ng lalaki ang kaniyang pickup truck, at anong laking pagpapala iyon! Ang pagtawid sa hangganan at pagtulong sa mga nasa teritoryo ng Canada ay isang mainam na pribilehiyo.

Sulit ba Iyon?

Pagka masama ang lagay ng panahon at kami ay nalagay sa kagipitan o tuluyang naantala, gaya ngayon, o pagka ang isang mahabang araw ng pagpapatotoo ay waring walang bunga kundi kawalang-interes o pagsalansang pa nga, saka namin naiisip kung sulit ang lahat ng panahon, lakas, at gastos. Naiisip namin ang mga taong waring nagpapakita ng interes at nangangakong makikipag-aral ng Bibliya sa pamamagitan ng liham ngunit hindi naman nagawa iyon. Kung magkagayo’y naaalaala namin na hindi kaugalian ng maraming katutubo ang sumulat ng mga liham, at ang pagkapalakaibigan ay madaling mapagkamalan na interes sa mensahe ng Bibliya. Kung minsan ay waring mahirap sukatin ang tagumpay.

Ang negatibong mga kaisipang ito ay dagling napaparam pagka aming nagugunita ang magagandang karanasan ng ibang mga mamamahayag ng Kaharian. Halimbawa, isang Saksi na taga-Fairbanks ay nangaral sa pamayanan ng Barrow sa malayong hilaga. Doon ay may nakilala siyang isang tin-edyer na nagbabakasyon buhat sa kolehiyo sa California. Nagawa ng sister na maipagpatuloy ang interes sa pamamagitan ng mga sulat at patuloy na pinasigla ang dalagita kahit na pagkatapos na ito’y bumalik sa kolehiyo. Sa kasalukuyan, ang dalagita ay isang maligaya, bautisadong lingkod ni Jehova.

May kumatok sa pinto kung kaya nahinto ako ng pag-iisip tungkol sa mga karanasang ito at nagbigay ng isa pang patotoo na sulit ang lahat ng iyon. Doon sa may pinto ay nakatayo si Elmer, na hanggang ngayon ay siyang tanging nag-alay, bautisadong Saksing Inuit sa Nome.

“Kung ikaw ay lalabas, maaari bang sumama ako sa iyo?” ang tanong niya. Palibhasa’y namumuhay na nakabukod at may layong 800 kilometro mula sa pinakamalapit na kongregasyon, ibig niyang makibahagi sa ministeryo kasama ng kaniyang mga kapatid habang siya’y may pagkakataon.

Unti-unting naglalagos sa mga ulap ang sikat ng araw, at batid namin na di na magtatagal at tatanggap kami ng pahintulot upang lumipad. Habang paakyat si Elmer sa eroplano, kami’y pinasigla ng kaniyang maligaya, maaliwalas na mukha. Ito ay isang pantanging araw para kay Elmer. Siya ay kasama namin sa pagpunta sa isang pamayanan upang mangaral sa kaniyang mga kababayang Inuit, kasa-kasama namin sa aming pagtatangkang alisin ang lambong na tumatakip sa puso ng mga taong namumuhay sa pinakamalalayong pamayanan sa daigdig.​—Isinulat.

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

1. Gambell

2. Savoonga

3. Nome

4. Kotzebue

5. Barrow

6. Tuktoyaktuk

7. Fairbanks

8. Anchorage

9. Unalaska

10. Dutch Harbor

[Larawan sa pahina 24]

Upang marating ang nabubukod na mga pamayanan, malimit na kailangang tumawid sa isa sa maraming kabundukan ng Alaska

[Larawan sa pahina 25]

Sina Betty Haws, Sophie Mezak, at Carrie Teeples ay may pinagsama-samang kabuuang mahigit sa 30 taon sa buong-panahong paglilingkod

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share