Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Sinunod Niya ang Kaniyang Budhing Sinanay sa Bibliya
ANG hari ng Israel na si David ay nanalangin ukol sa tulong ni Jehova nang kaniyang sabihin: “Kung tungkol sa akin, ay lalakad ako sa aking pagtatapat. Oh tubusin ako at pakitaan ako ng pabor.” (Awit 26:11) Pinagpakitaan siya ng pabor ng Diyos dahil sa pananatili sa katapatan. Pinagpala rin ni Jehova si Jesus sapagkat ginawa niya ang kalooban ng kaniyang Ama sa langit, at Kaniyang pinagpala ang isang kabataan sa Colombia na sinunod ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya at naging determinado na gawin ang kalooban ng Diyos. Ganito ang paglalahad ng kabataang iyon:
“Nang ako’y magsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, isa akong estudyante sa isang paaralang Katoliko. Gayunman, ako’y niligalig ng aking budhi nang ako’y makinig ng Misa, kaya lumapit ako sa punong-guro ng paaralan (na isang pari), sa guidance counselor, at sa monitor ng aking grupo at humiling na ako’y huwag nang isali sa pagdalo sa Misa. Bagaman ako’y hindi na isinali, may ilan na nagsikap na pilitin akong dumalo roon. Lalong tumindi ang panggigipit pagkatapos na ako’y mabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Pinagbantaan ako ng aking itay na palalayasin sa bahay pagka ako’y pinaalis sa paaralan. Ibig niya na magpatuloy ako ng pag-aaral sa unibersidad at makatapos ng isang karera.
“Paulit-ulit na nagbabala ang prinsipal tungkol sa sinuman na hindi tutupad sa mga obligasyong Katoliko. Nang sumapit ang panahon para sa unang Misa ng taon, ako’y nagtago hanggang sa matapos iyon. Pagkatapos ay binigyan ko ang guro (isang pari) ng isang kopya ng brosyur na School and Jehovah’s Witnesses at sinabi sa kaniya na bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi ako maaaring makinig ng Misa. Sinabi niya: ‘Mabuti pa’y humanap ka na ng ibang paaralan.’ Batid ko na ang pagpapaalis sa paaralan ay mangangahulugan ng pagpapalayas sa akin sa bahay ng aking ama. Gayunpaman, nanalangin ako kay Jehova at patuloy na nagbigay ng lubusang patotoo sa aking mga kamag-aral.
“Sumapit ang panahon ng bakasyon. Pagkatapos, nang bumalik ako sa paaralan matapos ang bakasyon, panahon na naman iyon ng Misa. Ang prinsipal at ang iba pang mga pari ay nasa harapan ng kapilya, handang makinig ng mga pangungumpisal. Ako’y halos nadaig ng takot. Pumasok ako at naupo, subalit nililigalig ako ng aking budhi. Nang magpasimula ang pag-aawitan, naisip ko, ‘Ano ba ang ginagawa ko rito? Si Jehova ang aking Diyos. Hindi ako maaaring maging duwag at ipagkanulo siya. Hindi ko siya maaaring biguin. Hindi niya ako pababayaan.’ Nanalangin ako ukol sa lakas ng loob. Pagkatapos, lumabas ako sa kapilya at pumila sa hanay ng mga mangungumpisal. Nang dumating na ako sa prinsipal, sinabi ko sa kaniya, ‘Teacher, hindi po ako mangungumpisal.’ Sabi niya: ‘Ganiyan na nga ang naisip ko.’ Sinabi ko sa kaniya na handa akong tanggapin ang anumang ibubunga ngunit hindi ako pinahihintulutan ng aking budhi na makibahagi sa Misa. Hindi ko maaaring salungatin ang mga bagay na natutuhan ko mula sa Bibliya.
“Tinitigan niya ako, ngumiti, at sinabi: ‘Hinahangaan kita. Lahat kayong mga Saksi ay karapat-dapat sa paghanga. Para sa inyo, una muna ang Diyos, at kayo’y handang sumunod sa kaniyang mga batas anuman ang mangyari. Ipagpatuloy ninyo ang paggawa nito. Mabuti ang inyong ginagawa. Sana’y lahat ng Katoliko ay kagaya ninyo, nagpapakita ng gayong sigasig, ng gayong pag-ibig sa Diyos. Mula ngayon, maaari ka nang hindi sumali sa aming mga serbisyong relihiyoso.’ Anong laki ng aking kagalakan! Pinagpala ni Jehova ang aking determinasyong sundin ang aking budhing sinanay sa Bibliya.
“Kinabukasan ay sinabi ng punong-guro sa mga estudyante: ‘Ang ibang mga relihiyon ay nakalalamang sa atin. Bakit ba hindi tayo katulad nila, masisigasig, may matinding pag-ibig sa Diyos at pagnanasang maglingkod sa kaniya higit sa anupaman? Ito ay isang bagay na kailangang nasa ating puso.’
“Sa wakas ang punong-guro ay inilipat sa Roma, at hindi pinansin ng bagong punong-guro ang hindi ko pakikibahagi. Ang aking ama ay umalis na sa bahay, anupat naging malaya ako upang magpatuloy sa aking tunguhin na buong-panahong ministeryo pagkatapos ng graduwasyon.”
Pinagpala ni Jehova ang kabataang ito na sinunod ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Pagpapalain din niya ang lahat ng nagsisikap gawin ang kaniyang kalooban.—Kawikaan 3:5, 6.