Ang Pagsamba na Nakalulugod sa Diyos
Karamihan ng mga salitang Hebreo at Griego na maaaring tumukoy sa pagsamba ay maikakapit din sa mga gawa liban sa pagsamba. Gayunman, ang konteksto ang batayan sa kung papaano dapat unawain ang kinauukulang mga salita.
Isa sa mga salitang Hebreo na nagpapahiwatig ng idea ng pagsamba (‘a·vadhʹ) ay may simpleng kahulugan na “maglingkod.” (Genesis 14:4; 15:13; 29:15) Ang paglilingkod o pagsamba kay Jehova ay nangangailangan ng pagtalima sa lahat ng kaniyang mga utos, paggawa ng kaniyang kalooban bilang isa na bukod-tanging nakatalaga sa kaniya. (Exodo 19:5; Deuteronomio 30:15-20; Josue 24:14, 15) Samakatuwid, ang pagganap ng isa ng anumang ritwal o gawang pagsamba sa anumang ibang mga diyos ay nangangahulugan ng kaniyang pagtalikod sa tunay na pagsamba.—Deuteronomio 11:13-17; Hukom 3:6, 7.
Ang isa pang terminong Hebreo na maaaring tumukoy sa pagsamba ay hish·ta·chawahʹ, na ang pangunahing kahulugan ay “yumukod” (Kawikaan 12:25), o mangayupapa. Samantalang ang gayong pagyukod kung minsan ay isa lamang gawang paggalang o pagpipitagan sa iba (Genesis 19:1, 2; 33:1-6; 37:9, 10), iyon ay maaari ring maging isang kapahayagan ng pagsamba, na nagpapakita ng pagpapakundangan at pasasalamat sa Diyos at pagpapasakop sa kaniyang kalooban. Pagka ginagamit may kaugnayan sa tunay na Diyos o sa mga diyus-diyosan, ang salitang hish·ta·chawahʹ ay kung minsan iniuugnay sa paghahain at panalangin. (Genesis 22:5-7; 24:26, 27; Isaias 44:17) Ipakikita nito na karaniwan nang yumukod pagka nananalangin o naghahandog ng hain.
Ang Hebreong ugat na sa·ghadhʹ (Isaias 44:15, 17, 19; 46:6) ay may saligang kahulugan na “magpatirapa.” Ang katumbas sa Aramaico ay karaniwan nang iniuugnay sa pagsamba (Daniel 3:5-7, 10-15, 18, 28), subalit ginagamit ito sa Daniel 2:46 upang tumukoy kay Haring Nabucodonosor sa pagbibigay-galang kay Daniel, na nagpapatirapa sa harap ng propeta.
Ang pandiwang Griego na la·treuʹo (Lucas 1:74; 2:37; 4:8; Gawa 7:7) at ang pangngalang la·treiʹa (Juan 16:2; Roma 9:4) ay naghahatid ng idea ng hindi lamang pagsasagawa ng isang karaniwan, makalupang paglilingkuran kundi banal na paglilingkuran.
Ang salitang Griego na pro·sky·neʹo ay may malapit na kaugnayan sa terminong Hebreo na hish·ta·chawahʹ sa pagpapahayag ng kaisipang pangangayupapa at, kung minsan, pagsamba. Ang terminong pro·sky·neʹo ay ginagamit may kaugnayan sa pangangayupapa ng isang alipin sa isang hari (Mateo 18:26) gayundin ang kilos na hiniling ni Satanas nang ialok niya kay Jesus ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian. (Mateo 4:8, 9) Kung sakaling siya’y nangayupapa sa Diyablo, sa ganoong paraan ay ipakikilala ni Jesus ang kaniyang pagpapasakop kay Satanas at ginawa ang kaniyang sarili na lingkod ng Diyablo. Subalit si Jesus ay tumanggi, na ang sabi: “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo [anyo ng Griegong pro·sky·neʹo o, sa ulat sa Deuteronomio na inuulit noon ni Jesus, sa Hebreo ay hish·ta·chawahʹ], at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod [anyo ng Griegong la·treuʹo o Hebreong ‘a·vadhʹ].’” (Mateo 4:10; Deuteronomio 5:9; 6:13) Sa katulad na paraan, ang pagsamba, pangangayupapa, o pagyukod sa ‘mabangis na hayop’ at sa “larawan” nito ay iniuugnay sa paglilingkod, sapagkat ang mga mananamba ay ipinakikilala bilang mga tagapagtaguyod ng ‘mabangis na hayop’ at ng “larawan” nito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tanda alinman sa kamay (na ipinaglilingkod ng isa) o sa noo (upang makita ng lahat). Yamang ang Diyablo ang nagbibigay sa mabangis na hayop ng kaniyang awtoridad, ang pagsamba sa mabangis na hayop ay nangangahulugan, sa katunayan, ng pagsamba o paglilingkod sa Diyablo.—Apocalipsis 13:4, 15-17; 14:9-11.
Ang iba pang mga salitang Griego na may kaugnayan sa pagsamba ay kinuha buhat sa eu·se·beʹo, thre·skeuʹo, at seʹbo·mai. Ang salitang eu·se·beʹo ay nangangahulugang “mag-ukol ng maka-Diyos na debosyon sa” o “igalang, pagpitaganan.” Sa Gawa 17:23 ang terminong ito ay ginagamit may kaugnayan sa maka-Diyos na debosyon o pagpipitagan na iniuukol ng mga lalaking taga-Atenas sa isang “Di-kilalang Diyos.” Buhat sa thre·skeuʹo nanggaling ang pangngalang thre·skeiʹa, na nauunawaang tumutukoy sa isang “anyo ng pagsamba,” totoo man o hindi. (Gawa 26:5; Colosas 2:18) Ang tunay na pagsamba na sinusunod ng mga Kristiyano ay makikitaan ng tunay na pagkabahala sa mga dukha at lubusang pagkahiwalay buhat sa di-maka-Diyos na sanlibutan. (Santiago 1:26, 27) Ang salitang seʹbo·mai (Mateo 15:9, Marcos 7:7; Gawa 18:7; 19:27) at ang kaugnay na terminong se·baʹzo·mai (Roma 1:25) ay nangangahulugang “pagpitaganan; igalang; sambahin.” Ang mga bagay na pinag-uukulan ng pagsamba o ng debosyon ay ipinakikilala ng pangngalang seʹba·sma. (Gawa 17:23; 2 Tesalonica 2:4) Ang dalawang iba pang mga termino ay galing sa parehong pinagmulang pandiwa, na may panlaping The·osʹ, Diyos. Ang mga ito ay the·o·se·besʹ, na ang ibig sabihin ay “may-takot sa Diyos” (Juan 9:31), at the·o·seʹbei·a, na nangangahulugang “nagpipitagan sa Diyos.” (1 Timoteo 2:10) Ang dalawang terminong ito ay halos may kaugnayan sa salitang Aleman ukol sa “pangmadlang pagsamba,” samakatuwid nga, Gottesdienst (kombinasyon ng “Diyos” at “paglilingkod”).
Ang tanging pagsamba na tinatanggap ni Jehova ay yaong sa mga kumikilos na kasuwato ng kaniyang kalooban. (Mateo 15:9; Marcos 7:7) Sa isang babaing Samaritana ay sinabi ni Kristo Jesus: “Ang oras ay dumarating na hindi sa bundok na ito [Gerizim] ni sa Jerusalem man ninyo sasambahin ang Ama. Inyong sinasamba kung ano ang hindi ninyo nalalaman; aming sinasamba kung ano ang aming nalalaman . . . Gayunpaman, ang oras ay dumarating, at ito ay ngayon na, na ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:21-24.
Malinaw na ipinakikita ng mga salita ni Jesus na ang tunay na pagsamba ay hindi nakasalalay sa presensiya o paggamit ng nakikitang mga bagay at heograpikong mga lokasyon. Sa halip na umasa sa nakikita o nahihipo, ang tunay na mananamba ay nagsasagawa ng pananampalataya at, anuman ang lugar o mga bagay na nakapalibot sa kaniya, nananatiling may saloobin ng pagsamba. Sa gayon siya’y sumasamba, hindi sa tulong ng isang bagay na kaniyang nakikita o nahihipo, kundi sa espiritu. Yamang taglay niya ang katotohanan ayon sa isiniwalat ng Diyos, ang kaniyang pagsamba ay kaayon ng katotohanan. Pagkatapos makilala ang Diyos sa pamamagitan ng Bibliya at ng patotoo ng pagkilos ng espiritu ng Diyos sa kaniyang buhay, ang taong sumasamba sa espiritu at katotohanan ay tiyakang ‘nakaaalam ng kaniyang sinasamba.’