Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 6/15 p. 23-27
  • “Pangingisda” sa Karagatan ng Fiji

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Pangingisda” sa Karagatan ng Fiji
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • “Pangingisda” sa Isang Nayon sa Fiji
  • “Pangingisda” sa Istilong Polynesian
  • Pakikibagay sa Pamayanan ng mga Indian
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 6/15 p. 23-27

“Pangingisda” sa Karagatan ng Fiji

FIJI​—ang pangalang ito ay naglalarawan sa isip ng isang paraiso sa South Seas. Karagatang bughaw at luntian, mga batuhang korales, umiindayog na mga punong niyog, luntiang kabundukan, mga isdang tropiko, eksotikong mga prutas at mga bulaklak. Saganang matatagpuan mo ang lahat ng ito sa kapuluang ito na binubuo ng 300 isla na mga 1,800 kilometro sa gawing hilaga ng New Zealand sa South Pacific. Kaya naman, marahil ay sasang-ayon ka na ang Fiji ang tropikong paraiso na pinapangarap ng sinuman.

Gayunman, kaakit-akit ang Fiji hindi lamang dahil sa likas na kagandahan nito. Oo, kung gaanong pagkasari-sari ng mga isda sa mga batuhang korales, pagkasari-sari rin ang makikita sa lupain. Ang mga pagkakaiba sa mga haluang etniko sa Fiji ay, marahil, walang-kaparis sa South Pacific. Dalawa sa pinakamalaking grupo sa halos 750,000 naninirahan dito ay ang katutubong mga Fihiyano, na may pinagmulang Melanesian, at ang mga Indian na ipinanganak sa Fiji, na mga inapo ng mga manggagawang dinala roon buhat sa India noong panahon na ito ay kolonya ng Britanya. Subalit nariyan din ang mga Banaban, Intsik, Europeo, Gilbertese, Rotuman, Tuvaluan, at iba pa.

Sa lipunang ito na may sari-saring kultura, abala ang mga Saksi ni Jehova sa isang gawaing “pangingisda.” (Marcos 1:17) Isang hamon na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa gayong haluang komunidad. Una, nariyan ang mga pagkakaiba sa wika at kultura na dapat mapagtagumpayan. Bagaman Ingles ang pangkaraniwang wika, madalas na kailangang gamitin ang Fihiyano, Hindi, Rotuman, o iba pang wika.

Kailangan ding gumamit ng iba’t ibang paraan upang makausap yaong may iba’t ibang relihiyosong pinagmulan. Karamihan ng katutubong mga Fihiyano at ang iba pang tagaisla ay kabilang sa iba’t ibang denominasyong Kristiyano. Ang populasyong Indian ay binubuo ng mga Hindu, Muslim, at mga Sikh, na ang mga Hindu ang nakararami. Maraming simbahan sa mga bayan at mga nayon, ngunit sa dalawang pinakamalalaking isla ng Fiji, makikita ang kaibahan sa maraming templong Hindu at mga moskeng Muslim.

Maraming lokal na Saksi ang lumaki na nagsasalita ng tatlong pangunahing wika​—Ingles, Fihiyano, at Hindi. Malaking bentaha sa gawaing “pangingisda” ang pagkakaroon ng kasanayang ito. Kung minsan ang mga tao ay namamangha kapag nakakarinig ng isang Fihiyano na matatas sa wikang Hindi at ng isang Hindu na matatas sa wikang Fihiyano. Palibhasa’y nariyan ang mga pagkakaiba sa kultura, relihiyon, at wika na kailangang harapin, nangangailangan ng isang paraang madaling ibagay upang maging “tagapamahagi [ng mabuting balita] sa iba.”​—1 Corinto 9:23.

“Pangingisda” sa Isang Nayon sa Fiji

Ang katutubong mga Fihiyano ay palakaibigan at mapagpatuloy. Mahirap gunigunihin na mahigit lamang sa isang siglo ang nakalilipas, laganap ang labanan ng mga tribo. Sa katunayan, noong unang makipag-ugnayan ang mga Europeo, kilala ang Fiji bilang ang Cannibal Islands. Sa wakas, dahil sa pagbangon at pagkakumberte ng isang nakatataas na pinuno, nawala ang paglalabanan at kanibalismo. Ang pagkakaiba ng mga tribo ay nananatili na lamang sa maraming wika na matatagpuan sa mga iba’t ibang lalawigan, bagaman malaganap na nauunawaan ang wikang Bauan.

Bukod pa sa Suva, ang kabisera, maraming bayan sa buong Fiji. Karamihan ng mga Fihiyano ay naninirahan sa mga pamayanan sa nayon na pinamamahalaan ng isang turaga ni koro, o punong lalaki. Kapag pumapasok sa isang nayon upang gumanap ng “pangingisda,” nakaugalian nang lapitan ang taong ito upang humingi ng pahintulot na madalaw ang iba’t ibang bure, o lokal na mga tahanan. Paminsan-minsan lamang, karaniwan nang dahil sa pagsalansang ng ilang klerigo sa nayon laban sa mga Saksi ni Jehova, kung kaya hindi nagbibigay ng pahintulot. Kumusta naman ang pagdalaw sa isang tahanang Fihiyano?

Sa pagpasok sa bure, sa sahig ay mauupo kami nang nakaekis ang mga binti. Hindi kailangan dito ang isang mahusay na introduksiyon, gaya ng ginagamit upang pukawin ang interes sa mga lupaing Kanluranin. Sinumang dumarating upang magsalita tungkol sa Diyos ay malugod na tinatanggap. Kapag inanyayahan, ang maybahay ay agad tumitindig at, nagsasabi ng “tulou” (ipagpaumanhin ninyo ako), kukunin sa isang istante ang isang kopya ng Bibliya sa wikang Fihiyano at sabik na babasahin ang iba’t ibang teksto na binabanggit ng dumadalaw na ministro. Gayunman, ang saloobing mapagpatuloy at pagkamagalang ng Fihiyano ay naghaharap ng isang hamon sa isang naiibang paraan. Di-kakaunting pang-unawa at taktika ang kailangan upang akayin ang maybahay sa pag-uusap, upang himukin sila na sundan ang hanay ng pangangatuwiran na tinatalakay, o kaya’y upang tulungan sila na makita ang pangangailangang ihambing ang kanilang mga paniniwala sa mga turo ng Bibliya.

Karaniwan nang interesado ang mga maybahay na Fihiyano sa pagtalakay ng mga paksa tungkol sa doktrina kaysa pag-usapan ang panlipunang mga kalagayan o mga isyu. Sa katunayan, marami sa mahigit na 1,400 aktibong mga Saksi ni Jehova sa Fiji ay naging interesado sa katotohanan ng Bibliya bunga ng isang pagtalakay sa mga tanong gaya ng, Anong uri ng lugar ang impiyerno? Sino ang pumupunta sa langit? at Mawawasak ba ang lupa? Gayunman, kailangan ang pakikibagay at pagtitiyaga upang masubaybayan ang ipinakitang interes. Sa pagbabalik sa isang pinagkasunduang oras, kalimitang nasusumpungan ng isa na ang maybahay ay naparoon sa teitei (taniman) o sa ibang dako. Hindi, hindi iyon nangangahulugan na hindi nila pinahahalagahan ang pagdalaw kundi naiiba lamang ang kanilang pagkaunawa sa oras. Mangyari pa, para sa mga Saksing tagaroon, pangkaraniwan na ito. Sila’y matiyagang bumabalik sa ibang panahon. Walang pangalan ang mga kalye o numero ang mga bahay upang maisulat, kaya kailangang mahusay ang memorya ng isa kapag nagsasagawa ng pagdalaw-muli.

“Pangingisda” sa Istilong Polynesian

Ngayon, tayo nang humayo sa “pangingisda” kasama ng isang naglalakbay na ministro, o tagapangasiwa ng sirkito, habang dinadalaw niya ang munting kongregasyon sa Rotuma. Ang grupong ito ng mga islang bulkaniko ay 500 kilometro sa gawing hilaga ng Fiji. Upang marating iyon, sasakay tayo sa isang eroplanong naglululan ng 19 na katao. Ang pangunahing isla ay may 50 kilometro kudrado lamang ang lawak, na may kabuuang populasyon na mga 3,000. Isang mabuhanging kalye ang bumabagtas sa dalampasigan, na nag-uugnay sa mga 20 nayon. Ang Rotuma ay pinangangasiwaan ng Fiji ngunit may naiibang kultura at wika. Palibhasa’y may pinagmulang Polynesian, ang mga tao ay naiiba ang anyo mula sa mga Fihiyanong Melanesian. Kung tungkol sa relihiyon, karamihan ay alinman sa mga Romano Katoliko o mga Methodist.

Habang pababa ang eroplano at nagmamaneobra para sa paglapag, nakikita namin ang saganang luntiang mga halaman ng isla. Ang tulad-pakpak na mga dahon ng niyog ay makikita sa lahat ng dako. Isang malaking pulutong ang naroroon upang malugod na tanggapin ang pagdating ng eroplano nang minsan sa isang sanlinggo. Kabilang sa kanila ay ang isang grupo ng mga Saksi. Mainit ang pagtanggap sa amin, at maraming malalaking buko na binutasan ang iniaabot sa amin upang pawiin ang aming uhaw.

Pagkatapos ng maikling paglalakbay, dumarating kami sa aming tuluyan. May inihandang pagkain na niluto mula sa isang pugon na nasa ilalim ng lupa. Inihaw na baboy, manok, pritong isda, sugpo, at ang lokal na halamang ugat, ang gabi, ay inihain sa amin. Anong laking handaan, at malaparaisong tanawin sa ilalim ng murang mga puno ng niyog!

Nang sumunod na araw dinalaw namin ang mga taganayon, na tinatawag na ho’aga sa wikang Rotuman. Samantalang papalapit kami sa unang tahanan, nagtátatakbong umiigik ang isang biik na nakawala sa isa sa mga kural. Nakita ng maybahay ang pagdating namin at nakangiting binuksan ang pinto, na binabati kami ng “Noya!” sa wikang Rotuman, at saka inanyayahan kaming maupo. Isang plato na may hinog na mga saging ang inihain sa amin, at inanyayahan din kaming uminom ng sabaw ng buko. Nauuna ang pagiging mapagpatuloy sa Rotuma.

Walang mga agnostiko o mga ebolusyonista dito. Lahat ay naniniwala sa Bibliya. Madaling makatawag ng kanilang pansin ang mga paksa tulad ng layunin ng Diyos ukol sa lupa. Nagugulat ang maybahay na malaman na ang lupa ay hindi lilipulin kundi tatahanan ng matutuwid na tao magpakailanman. (Awit 37:29) Maingat na sinusubaybayan niya habang binabasa ang mga teksto na nagpapatunay sa puntong ito, at malugod niyang tinatanggap ang mga literatura sa Bibliya na inaalok namin. Habang kami’y papaalis na, pinasasalamatan niya ang aming pagdalaw at inaalok kami ng isang bag na plastik na punô ng hinog na saging na makakain namin habang daan. Madaling tataba ang isa habang nangangaral dito!

Pakikibagay sa Pamayanan ng mga Indian

Bagaman marami sa ibang mga kapuluan sa South Pacific ang binubuo rin ng maraming lahi, nangingibabaw ang Fiji kung tungkol sa bagay na ito. Kasama ng mga kulturang Melanesian, Micronesian, at Polynesian ay isa na inilipat buhat sa Asia. Sa pagitan ng 1879 at 1916, ang mga manggagawang may kontrata buhat sa India ay dinala dito upang magtrabaho sa mga taniman ng tubó. Ang kaayusang ito, na tinatawag na girmit (kasunduan), ay nagbunga ng libu-libong Indian na dumating sa Fiji. Ang mga inapo ng mga manggagawang ito ay bumubuo ng isang malaking bahagi ng populasyon ng bansa. Pinanatili nila ang kanilang kultura, wika, at relihiyon.

Sa panig ng pangunahing isla ng Fiji na nakaharap sa direksiyon ng hangin ay naroroon ang lunsod ng Lautoka. Ito ang sentro ng industriya ng tubó sa Fiji at tahanan ng malaking bahagi ng populasyong Indian sa bansa. Kailangang madaling makibagay sa kanilang gawaing “pangingisda” ang mga miyembro ng tatlong kongregasyon dito ng mga Saksi ni Jehova. Kapag nagbabahay-bahay, ang isa ay kailangang handa na baguhin ang paksa depende sa lahi at relihiyon ng maybahay. Samahan natin ang isang grupo ng lokal na mga Saksi habang dinadalaw nila ang mga tahanan na nakakalat sa mga taniman ng tubó na nasa labas lamang ng Lautoka.

Habang papalapit kami sa unang bahay, napansin namin sa isang sulok sa harap ng bakuran ang ilang mahahabang tikín na may nakataling pulang tela sa tuktok niyaon. Ipinakikilala nito ang pamilya bilang mga Hindu. Karamihan ng mga tahanang Hindu ay napapalamutian ng mga larawan ng kanilang mga diyos. Marami ang may paboritong diyos, tulad ni Krishna, at kadalasan ay naroon ang isang maliit na altar.a

Karamihan ng mga Hindu ay naniniwala na lahat ng relihiyon ay mabuti at iba’t ibang paraan lamang ng pagsamba. Sa gayon, maaaring ang maybahay ay makinig nang magalang, tumanggap ng ilang literatura, mag-alok ng pamatid-uhaw, at madama na nagampanan na niya ang kaniyang tungkulin. Upang magbangon ng angkop na mga tanong para pukawin ang mga maybahay sa mas makabuluhang mga pagtalakay, kadalasan nang makatutulong na malaman ang ilan sa mga kuwento na bahagi ng kanilang paniniwala. Halimbawa, sa pagkaalam na ang ilan sa kanilang mga kuwento ay naglalarawan sa kanilang mga diyos na nagpapakalabis sa mga gawaing pag-aalinlanganan ng maraming tao, maitatanong natin: “Sasang-ayon ka ba kung gagawi nang gayon ang iyong asawa?” Karaniwan nang ang sagot ay: “Hindi, talagang hindi!” Pagkatapos, maitatanong sa taong iyon: “Kung gayon, dapat bang gumawi nang ganito ang isang diyos?” Ang gayong pag-uusap ay magbubukas ng mga pagkakataon upang ipakita ang kahalagahan ng Bibliya.

Ang paniniwala sa reinkarnasyon, na isa pang bahagi ng Hinduismo, ay isang mabungang paksa na pag-usapan. Ganito ang itinanong sa isang edukadang ginang na Hindu na naulila kamakailan sa kaniyang ama: “Ibig mo bang makitang muli ang iyong ama gaya ng dati?” Siya’y sumagot: “Oo, gustung-gusto ko iyan.” Buhat sa kaniyang tugon at sa sumunod na pag-uusap, maliwanag na hindi siya nasisiyahan sa paniniwala na ang kaniyang ama ay nabubuhay ngayon sa ibang anyo at hindi niya makikilalang muli. Subalit nakaantig ng kaniyang puso ang kagila-gilalas na turo ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli.

Ang ilang Hindu ay nagtatanong at naghahanap ng nakasisiyang mga sagot. Nang dumalaw ang isang Saksi sa isang tahanang Hindu, nagtanong ang lalaki: “Ano ang pangalan ng iyong diyos?” Binasa sa kaniya ng Saksi ang Awit 83:18 at ipinaliwanag na ang pangalan ng Diyos ay Jehova at sinasabi sa Roma 10:13 na upang makamit ang kaligtasan kailangang tumawag tayo sa pangalang iyan. Namangha ang lalaki at nais niyang makaalam ng higit pa. Sa katunayan, talagang sabik na sabik siyang makaalam. Ipinaliwanag niya na ang kaniyang ama, na totoong deboto sa idolo ng kanilang pamilya, ay nagkasakit pagkatapos na sambahin iyon at namatay di-nagtagal pagkatapos. Gayundin ang nangyari sa kaniyang kuya. Pagkatapos ay isinusog niya: “Ang imaheng iyan ay nagdadala sa amin ng kamatayan, hindi ng buhay. Kaya mali ang sambahin iyan. Marahil ang Diyos na ito, si Jehova, ay makatutulong sa amin upang matagpuan ang daan patungo sa buhay.” Kaya isang pag-aaral ng Bibliya ang napasimulan sa kaniya, sa kaniyang asawa, at sa kaniyang dalawang anak. Sila’y mabilis na sumulong at malapit nang mabautismuhan. Tinalikuran nila ang kanilang mga idolo at ngayon ay lumalakad sa daan ni Jehova, ang Diyos ng buhay.

Sumunod ay dumalaw kami sa tahanan ng isang pamilyang Muslim. Mapagpatuloy rin sila, at di-nagtagal kami ay nakaupo na may hawak na malamig na inumin. Wala kaming nakikitang mga larawang relihiyoso sa mga dingding maliban sa isang maliit na nakakuwadrong talata na nakasulat sa wikang Arabe. Binanggit namin na may isang pagkakaugnay ang Bibliya sa Koran, iyon ay ang patriyarkang si Abraham, at na ipinangako ng Diyos kay Abraham na sa pamamagitan ng kaniyang binhi lahat ng bansa ay pagpapalain. Ang pangakong ito ay matutupad kay Jesu-Kristo, ang Kaniyang Anak. Tututol ang ilang Muslim sa idea na ang Diyos ay may isang anak. Kaya naman, ipinaliliwanag namin na kung papaanong ang unang tao, si Adan, ay tinawag na anak ng Diyos dahil sa pagkalalang ng Diyos sa kaniya, sa gayunding paraan, si Jesus ay Anak ng Diyos. Hindi kailangan ng Diyos ang isang literal na asawa upang magluwal ng gayong mga anak. Yamang hindi naniniwala ang mga Muslim sa doktrina ng Trinidad, ginagamit namin ang parehong paniniwalang ito upang ipakita na ang Diyos na Jehova ay kataas-taasan.

Ngayon ay tanghali na, at nasa daan na ang mga miyembro ng aming grupo, papalabas sa mga taniman ng tubo, upang maghintay sa bus na pabalik sa bayan. Bagaman pagod nang kaunti, lahat ay napasigla dahil sa gawaing “pangingisda” sa umagang iyon. Sulit na sulit ang pagsisikap na makibagay sa iba’t ibang kalagayan at paniniwala na napaharap.

Ang karagatan at mga batuhan sa Fiji ay sagana sa maraming uri ng isda. Upang magtagumpay, ang Fihiyanong gonedau (mangingisda) ay kailangang maging dalubhasa sa kaniyang gawain. Totoo rin iyan sa gawaing “pangingisda” na iniatas ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Ang Kristiyanong “mga mangingisda ng mga tao” ay dapat na may kasanayan, na ibinabagay ang kanilang presentasyon at argumento upang umangkop sa sari-saring paniniwala ng mga mamamayan. (Mateo 4:19) Talagang kailangan ito sa Fiji. At ang mga resulta ay makikita sa taunang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, na kung saan ang mga Fihiyano, Indian, Rotuman, at ang mga tao na may haluang etnikong pinagmulan ay nagkakaisang sumasamba sa Diyos na Jehova. Oo, pinagpapala niya ang gawaing “pangingisda” sa karagatan ng Fiji.

[Talababa]

a Tingnan ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 115-17.

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Viti Levu

Vanua Levu

Suva

Lautoka

Nandi

0 100 km

0 100 mi

18°

180°

[Larawan sa pahina 24]

Isang bure, o lokal na tahanan

[Larawan sa pahina 24]

Isang templong Hindu sa Fiji

[Mga larawan sa pahina 25

Matagumpay na “pangingisda” ng mga tao sa Fiji

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Fiji Visitors Bureau

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share