Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 11/15 p. 21-25
  • Ihagis Ang Lahat ng Inyong Kabalisahan kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ihagis Ang Lahat ng Inyong Kabalisahan kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Kahulugan ng Kabalisahan
  • May Nakalaang Tulong
  • Kung Papaano Makatutulong ang Kapakumbabaan
  • Ang Ginagampanang Papel ng Pagtitiis
  • Pagtitiwala kay Jehova
  • Patuloy na Ihagis kay Jehova ang Inyong Kabalisahan
  • Ihagis Mo kay Jehova ang Lahat ng Iyong Kabalisahan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Paano Ko Haharapin ang Kabalisahan?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Kabalisahan
    Gumising!—2016
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 11/15 p. 21-25

Ihagis Ang Lahat ng Inyong Kabalisahan kay Jehova

“Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 PEDRO 5:6, 7.

1. Papaano nakaaapekto sa atin ang kabalisahan, at papaano ito mailalarawan?

ANG kabalisahan ay may malaking pinsalang nagagawa sa ating buhay. Maitutulad iyon sa static na kung minsa’y sumisira sa isang magandang tugtugin na naririnig sa radyo. Kung wala ang gayong mga sagabal sa daloy ng linya sa radyo, masisiyahan tayo sa nakawiwiling mga tugtugin at makadarama tayo ng kapayapaan ng isip. Gayunman, ang garalgal na ingay ng static ay makasisira kahit na sa pinakamagagandang himig, anupat nagdudulot sa atin ng pagkainis at pagkasiphayo. Ang kabalisahan ay maaaring magkaroon ng gayon ding epekto sa ating katahimikan. Lubha tayong pinabibigatan nito anupat hindi na natin magampanan ang mahahalagang bagay. Tunay, “ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon.”​—Kawikaan 12:25.

2. Ano ang sabi ni Jesu-Kristo tungkol sa “mga kabalisahan ng buhay”?

2 Binanggit ni Jesu-Kristo ang tungkol sa panganib na magambala dahil sa labis na kabalisahan. Sa kaniyang hula tungkol sa mga huling araw, siya’y nagpayo: “Bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat niyaong nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng pagsusumamo na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na itinalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.” (Lucas 21:34-36) Kung papaanong ang labis na pagkain at labis na pag-inom ay nagpapabagal ng isip, gayundin ang pagiging nabibigatan dahil sa “mga kabalisahan sa buhay” ay maaaring mag-alis ng ating kakayahang umunawa, taglay ang kalunus-lunos na mga resulta.

Kung Ano ang Kahulugan ng Kabalisahan

3. Ano ang kahulugan ng “kabalisahan”, at anu-ano ang mga dahilan nito?

3 Ang “kabalisahan” ay nangangahulugang “ang masakit o may pangambang pagkabagabag ng isip na karaniwan nang dahil sa nagbabanta o inaasahang kasawian.” Iyon ay “ang may-takot na pagkabahala o pag-iisíp” gayundin “isang di-normal at labis-labis na pangamba at pagkatakot na kadalasa’y kakikitaan ng mga palatandaang pisyolohiko (gaya ng pamamawis, tensiyon, at mabilis na tibok ng puso), ng pag-aalinlangan kung tungkol sa katotohanan at klase ng pagbabanta, at ng pag-aalinlangan sa sariling kakayahan na mapaglabanan ito.” (Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary) Kaya ang kabalisahan ay maaaring maging isang masalimuot na suliranin. Ang ilan sa maraming dahilan nito ay ang pagkakasakit, pagtanda, pagkatakot sa krimen, pagkawala ng trabaho, at pagkabahala sa kapakanan ng sariling pamilya.

4. (a) Ano ang mabuting isaisip tungkol sa mga tao at sa kanilang mga kabalisahan? (b) Kung tayo’y dumaranas ng kabalisahan, ano ang maaaring gawin?

4 Maliwanag, may iba’t ibang antas ng kabalisahan, kung papaanong may iba’t ibang kalagayan o pangyayari na maaaring maging dahilan nito. Hindi magkakatulad ang tugon ng lahat ng tao sa isang situwasyon. Kaya kailangang maunawaan natin na bagaman ang isang bagay ay hindi nakababahala sa atin, baka naman iyon ay nagiging dahilan ng matinding kabalisahan sa ilan nating kapuwa mananamba kay Jehova. Ano ang maaaring gawin kapag ang kabalisahan ay umabot na sa puntong hindi na natin mapag-isipang mabuti ang magkakatugma at nakalulugod na mga katotohanan ng Salita ng Diyos? Ano kung tayo’y totoong nababagabag ng kabalisahan anupat hindi na natin binibigyang-pansin ang mga isyu ng pagkasoberano ni Jehova at ng katapatan ng mga Kristiyano? Hindi na natin mababago ang ating kalagayan. Sa halip, dapat na hanapin natin ang maka-Kasulatang mga punto na tutulong sa ating mapaglabanan ang labis na kabalisahan na sanhi ng masalimuot na mga suliranin sa buhay.

May Nakalaang Tulong

5. Papaano tayo makakikilos kasuwato ng Awit 55:22?

5 Kapag ang mga Kristiyano ay nangangailangan ng tulong sa espirituwal at nabibigatan dahil sa mga kabalisahan, makakukuha sila ng kaaliwan mula sa Salita ng Diyos. Naglalaan ito ng maaasahang patnubay at nagbibigay sa atin ng maraming katiyakan na tayo’y hindi nag-iisa bilang mga tapat na lingkod ni Jehova. Halimbawa, ang salmistang si David ay umawit: “Ihagis ang inyong pasanin kay Jehova mismo, at siya mismo ay aalalay sa inyo. Hindi niya kailanman hahayaan ang mga matuwid na humapay-hapay.” (Awit 55:22) Papaano tayo makakikilos nang ayon sa mga salitang ito? Sa pamamagitan ng paghahagis ng lahat ng ating kabalisahan, álalahanín, pangamba, at kabiguan sa ating maibiging Ama sa langit. Ito’y tutulong sa atin na mabigyan ng isang damdamin ng katiwasayan at kapayapaan ng puso.

6. Ayon sa Filipos 4:6, 7, ano ang magagawa ng panalangin para sa atin?

6 Ang palagian at taimtim na pananalangin ay kailangan kung ihahagis natin ang ating pasanin, lakip na ang lahat ng ating kabalisahan, kay Jehova. Ito’y magdudulot sa atin ng panloob na kapayapaan, sapagkat isinulat ni apostol Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ang walang-katulad na “kapayapaan ng Diyos” ay isang naiibang kapanatagan na tinatamasa ng mga nag-alay na lingkod ni Jehova kahit nasa pinakamahihirap na kalagayan. Ito’y bunga ng ating matalik at personal na relasyon sa Diyos. Bagaman tayo’y nananalangin para sa banal na espiritu at hinahayaang pakilusin tayo nito, hindi nawawala ang lahat ng mga suliranin natin sa buhay, subalit nasisiyahan tayo sa kapayapaan na bunga ng espiritu. (Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23) Hindi tayo nagagapi ng kabalisahan, sapagkat alam natin na pinapangyayari ni Jehova na lahat ng kaniyang tapat na bayan ay ‘tumahan sa katiwasayan’ at hindi hahayaang mangyari ang anuman na magdudulot sa atin ng permanenteng kapinsalaan.​—Awit 4:8.

7. Anong papel ang maaaring gampanan ng Kristiyanong matatanda sa pagtulong sa atin na mapaglabanan ang kabalisahan?

7 Gayunman, papaano kung ang ating kabalisahan ay nananatili, kahit na tayo’y nagbubulay-bulay sa mga Kasulatan at nagmamatiyaga sa panalangin? (Roma 12:12) Ang inatasang matatanda sa kongregasyon ay paglalaan din ni Jehova upang tulungan tayo sa espirituwal. Maaaliw at matutulungan nila tayo sa pamamagitan ng paggamit sa Salita ng Diyos at sa pananalanging kasama natin at para sa atin. (Santiago 5:13-16) Hinimok ni apostol Pedro ang kaniyang kapuwa matatanda na pastulin ang kawan ng Diyos nang maluwag sa kalooban, may pananabik, at sa isang paraang uliran. (1 Pedro 5:1-4) Ang mga lalaking ito ay tunay na interesado sa ating kapakanan at nais na makatulong. Mangyari pa, upang lubusang makinabang sa tulong ng matatanda at upang mapabuti ang kalagayan sa espirituwal sa loob ng kongregasyon, tayong lahat ay dapat magkapit ng payo ni Pedro: “Kayong mga nakababatang lalaki, magpasakop kayo sa mga nakatatandang lalaki. Subalit kayong lahat ay magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.”​—1 Pedro 5:5.

8, 9. Anong kaaliwan ang maaaring matamo mula sa 1 Pedro 5:6-11?

8 Idinagdag ni Pedro: “Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo. Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila. Subalit manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya, yamang nalalaman ninyo na ang gayunding mga bagay sa paraan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan. Subalit, pagkatapos ninyong magdusa ng kaunting panahon, ang Diyos ng buong di-sana-nararapat na kabaitan, na tumawag sa inyo sa kaniyang walang-hanggang kaluwalhatian na kaisa ni Kristo, ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo. Sumakaniya ang kalakasan magpakailanman. Amen.”​—1 Pedro 5:6-11.

9 Anong laking kaaliwan na mapagtantong maaari nating ‘ihagis ang lahat ng ating kabalisahan kay Jehova sapagkat siya’y nagmamalasakit sa atin’! At kung ang ilan sa ating kabalisahan ay dahil sa mga pagtatangka ng Diyablo na sirain ang ating kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng pag-uusig sa atin at iba pang pagdurusa, hindi ba nakatutuwang malaman na magiging mabuti ang lahat para sa mga tagapag-ingat ng katapatan? Oo, pagkatapos na tayo’y sandaling magdusa, tatapusin ng Diyos na nagtataglay ng lahat ng di-sana-nararapat na kabaitan ang ating pagsasanay at gagawin tayong matatag at matibay.

10. Ang 1 Pedro 5:6, 7 ay tumutukoy sa anong tatlong katangian na tutulong upang mabawasan ang kabalisahan?

10 Ang 1 Pedro 5:6, 7 ay tumutukoy sa tatlong katangian na tutulong sa atin upang mapaglabanan ang kabalisahan. Ang isa ay ang kapakumbabaan, o “kababaan ng pag-iisip.” Ang 1Ped 5 talatang 6 ay nagtatapos sa pananalitang “sa takdang panahon,” na nagpapahiwatig ng pangangailangang magtiis. Ang 1Ped 5 talatang 7 ay nagpapakita na may-tiwala tayong makapaghahagis ng lahat ng ating kabalisahan sa Diyos ‘sapagkat siya ay nagmamalasakit sa atin,’ at ang mga salitang iyon ay nagpapasigla upang magkaroon ng lubusang pagtitiwala kay Jehova. Kaya nga tingnan natin kung papaanong ang kapakumbabaan, pagtitiis, at lubusang pagtitiwala sa Diyos ay makatutulong upang mabawasan ang kabalisahan.

Kung Papaano Makatutulong ang Kapakumbabaan

11. Papaano makatutulong sa atin ang kapakumbabaan upang mapaglabanan ang kabalisahan?

11 Kung tayo’y mapagpakumbaba, aaminin natin na ang mga kaisipan ng Diyos ay higit na nakatataas kaysa sa atin. (Isaias 55:8, 9) Ang kapakumbabaan ay tumutulong sa atin na kilalaning limitado lamang ang ating kakayahang mag-isip kung ihahambing sa buong kabatiran ni Jehova. Nakikita niya ang mga bagay na hindi natin nauunawaan, gaya ng ipinakikita sa pangyayari sa matuwid na si Job. (Job 1:7-12; 2:1-6) Sa pamamagitan ng paglalagay ng ating sarili “sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos,” kinikilala natin ang ating mababang kalagayan may kinalaman sa Pinakamataas na Soberano. Tumutulong naman ito sa atin upang makayanan ang mga kalagayang ipinahihintulot niya. Baka hangarín ng ating mga puso ang madaliang lunas, ngunit yamang ang mga katangian ni Jehova ay lubusang timbang, tiyak na tiyak niya kung kailan at kung papaano kikilos para sa atin. Kung gayon, gaya ng mga bata, mapagpakumbabang kumapit tayo sa makapangyarihang kamay ni Jehova, taglay ang pagtitiwalang tutulungan niya tayo upang mapaglabanan ang ating mga kabalisahan.​—Isaias 41:8-13.

12. Papaano maaapektuhan ang pagkabalisa tungkol sa katiwasayan sa materyal kung mapagpakumbaba nating ikakapit ang mga salita sa Hebreo 13:5?

12 Kasali sa pagpapakumbaba ang pagiging handang magkapit ng payo mula sa Salita ng Diyos, na madalas na nakapagpapabawas ng kabalisahan. Halimbawa, kung ang ating kabalisahan ay bunga ng lubusang pagkasangkot sa paghahangad ng materyal, makabubuti para sa atin na pag-isipang mabuti ang payo ni Pablo: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat sinabi [ng Diyos]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ ” (Hebreo 13:5) Sa mapagpakumbabang pagkakapit ng ganitong payo, napalaya ng marami ang kanilang sarili mula sa matinding kabalisahan tungkol sa katiwasayan sa materyal. Bagaman ang kanilang kalagayan sa materyal ay hindi naman bumuti, hindi ito nangingibabaw sa kanilang kaisipan anupat nagdudulot sa kanila ng kapinsalaan sa espirituwal.

Ang Ginagampanang Papel ng Pagtitiis

13, 14. (a) Kung tungkol sa matiyagang pagtitiis, anong halimbawa ang inilaan ng lalaking si Job? (b) Ano ang magagawa para sa atin ng matiyagang paghihintay kay Jehova?

13 Ang pananalitang “sa takdang panahon” sa 1 Pedro 5:6 ay nagpapahiwatig ng pangangailangan ng matiyagang pagtitiis. Kung minsan, ang suliranin ay nagpapatuloy nang mahabang panahon, at sa gayo’y nagpapatindi ng kabalisahan. Lalo na sa mga pagkakataong tulad nito kailangan nating ipaubaya sa mga kamay ni Jehova ang mga bagay-bagay. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata. Narinig ninyo ang pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Dumanas si Job ng pagguho ng kabuhayan, namatayan ng sampung anak, nagtiis ng isang nakapandidiring sakit, at pinaratangan nang mali ng di-umano’y mga mang-aaliw. Sa papaano man ay natural lamang na makadama ng kabalisahan sa ilalim ng ganitong kalagayan.

14 Sa anu’t ano man, si Job ay naging uliran sa matiyagang pagtitiis. Kung tayo’y dumaranas ng matinding pagsubok ng pananampalataya, baka kailangang maghintay tayo ng tulong, na siya nga niyang ginawa. Subalit kumilos ang Diyos alang-alang sa kaniya, na sa wakas ay tinulungan si Job sa kaniyang pagdurusa at ginantimpalaan siya nang gayon na lamang. (Job 42:10-17) Ang matiyagang paghihintay kay Jehova ay nagpapatibay ng ating pagtitiis at nagpapakita ng lalim ng ating debosyon sa kaniya.​—Santiago 1:2-4.

Pagtitiwala kay Jehova

15. Bakit dapat tayong lubusang magtiwala kay Jehova?

15 Hinimok ni Pedro ang mga kapananampalataya na ‘ihagis ang lahat ng kanilang kabalisahan sa Diyos sapagkat nagmamalasakit siya sa kanila.’ (1 Pedro 5:7) Kaya maaari tayong magkaroon ng lubos na pagtitiwala kay Jehova at ito’y nararapat lamang. Ang Kawikaan 3:5, 6 ay nagsasabi: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Dahil sa nakaraang mga karanasan, nasumpungan ng ilang puspos ng kabalisahan na mahirap magtiwala sa ibang tao. Ngunit taglay natin ang lahat ng dahilan upang magtiwala sa ating Maylikha, ang mismong Pinagmumulan at Tagatustos ng buhay. Kahit na hindi tayo magtiwala sa ating sariling reaksiyon sa isang bagay, palagi tayong makaaasa kay Jehova na ililigtas niya tayo mula sa kapahamakan.​—Awit 34:18, 19; 36:9; 56:3, 4.

16. Ano ang sabi ni Jesu-Kristo tungkol sa pagkabalisa sa materyal na mga bagay?

16 Kasali sa pagtitiwala sa Diyos ang pagsunod sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na nagturo ng kaniyang natutuhan mula sa kaniyang Ama. (Juan 7:16) Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ‘mag-imbak ng kayamanan sa langit’ sa pamamagitan ng paglilingkod kay Jehova. Subalit kumusta naman ang materyal na mga pangangailangan may kinalaman sa pagkain, damit, at tuluyan? “Tigilan na ninyo ang pagkabalisa,” ang payo ni Jesus. Binanggit niya na pinakakain ng Diyos ang mga ibon. Dinaramtan nang maganda ang mga bulaklak. Hindi ba nakahihigit sa mga ito ang mga taong lingkod ng Diyos? Mangyari pa. Kaya, nakiusap si Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Nagpatuloy si Jesus: “Kaya, huwag kayong mabalisa kailanman tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magtataglay ng sarili nitong mga kabalisahan.” (Mateo 6:20, 25-34) Oo, kailangan natin ang pagkain, inúmin, damit, at tuluyan, subalit kung tayo’y magtitiwala kay Jehova, hindi tayo labis na mababalisa tungkol sa mga bagay na ito.

17. Papaano natin mailalarawan ang pangangailangan na hanapin muna ang Kaharian?

17 Upang hanapin muna ang Kaharian, kailangan nating pagtiwalaan ang Diyos at ayusin ang ating mga dapat unahin sa tamang pagkakasunod-sunod. Ang isang maninisid na walang kagamitan upang makahinga ay baka sumisid sa ilalim ng tubig upang humanap ng kabibe na may perlas sa loob nito. Ito ang kaniyang paraan ng paglalaan sa kaniyang pamilya. Tunay na karapat-dapat unahin! Ngunit ano ang mas mahalaga? Hangin! Dapat siyang pumaibabaw sa tubig sa pana-panahon upang punuin ng hangin ang kaniyang bagà. Mas dapat na unahin ang hangin. Gayundin naman, baka medyo napapasangkot tayo sa sistemang ito ng mga bagay upang makakuha ng mga pangangailangan sa buhay. Gayunman, dapat na unahin muna ang espirituwal na mga bagay sapagkat ang mismong buhay ng ating sambahayan ay depende sa mga bagay na ito. Upang maiwasan ang labis na pagkabalisa sa materyal na mga bagay, dapat na magkaroon tayo ng lubusang pagtitiwala sa Diyos. Bukod doon, ang pagkakaroon ng ‘maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon’ ay makatutulong upang mabawasan ang kabalisahan sapagkat “ang kagalakan kay Jehova” ay napatunayang ating kalakasan.​—1 Corinto 15:58; Nehemias 8:10.

Patuloy na Ihagis kay Jehova ang Inyong Kabalisahan

18. Anong katibayan mayroon na talagang makatutulong sa atin ang paghahagis ng lahat ng ating kabalisahan kay Jehova?

18 Upang manatiling nakapako ang isip sa espirituwalidad, dapat na patuloy nating ihagis kay Jehova ang lahat ng ating kabalisahan. Laging tandaan na siya’y tunay na nagmamalasakit sa kaniyang mga lingkod. Upang ilarawan: Dahil sa pagtataksil sa kaniya ng kaniyang asawa, tumindi ang pagkabalisa ng isang Kristiyanong babae anupat hindi na siya makatulog. (Ihambing ang Awit 119:28.) Gayunman, habang nasa higaan, inihahagis niya kay Jehova ang lahat ng kaniyang kabalisahan. Isinisiwalat niya sa Diyos ang laman ng kaniyang puso, na sinasabi sa kaniya ang kirot na dinaranas niya at ng kaniyang dalawang maliliit na anak na babae. Pagkatapos ng kaniyang taimtim na panalangin na nagsusumamong siya’y tulungan, palagi na siyang nakakatulog, sapagkat nagtitiwala siyang pangangalagaan siya ni Jehova pati ang kaniyang dalawang anak. Ang babaing ito na diborsiyada ayon sa Kasulatan ay maligaya na ngayong kasal sa isang elder.

19, 20. (a) Ano ang ilang paraan upang mapaglabanan ang kabalisahan? (b) Ano ang dapat nating patuloy na gawin sa ating mga kabalisahan?

19 Bilang bayan ni Jehova, may iba’t iba tayong paraan ng pagharap sa kabalisahan. Malaki ang naitutulong ng pagkakapit ng Salita ng Diyos. Mayroon tayong mayamang pagkaing espirituwal na inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” kasali na ang nakatutulong at nakapagpapaginhawang mga artikulo na inilalathala sa Ang Bantayan at Gumising! (Mateo 24:45-47) Nasa atin ang tulong ng banal na espiritu ng Diyos. Ang palagian at taimtim na pananalangin ay may malaking pakinabang. Ang naatasang Kristiyanong matatanda ay handa at nalulugod na maglaan ng espirituwal na tulong at kaaliwan.

20 Ang ating pagpapakumbaba at pagtitiis ay totoong kapaki-pakinabang sa pagharap sa kabalisahan na maaaring gumambala sa atin. Ang lalo nang mahalaga ay ang lubusang pagtitiwala kay Jehova, yamang ang ating pananampalataya ay lalong tumitibay habang nadarama natin ang kaniyang tulong at patnubay. Ang pananampalataya naman sa Diyos ay tutulong upang hindi tayo labis na mabagabag. (Juan 14:1) Nauudyukan tayo ng pananampalataya na hanapin muna ang Kaharian at maging abala sa maligayang gawain sa Panginoon, na tutulong sa atin upang mapaglabanan ang kabalisahan. Sa pamamagitan ng gayong mga gawain ay madarama nating tayo’y tiwasay sa gitna niyaong mga aawit ng papuri sa Diyos magpakailanman. (Awit 104:33) Patuloy nating ihagis kung gayon ang lahat ng ating kabalisahan kay Jehova.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaano maaaring ipaliwanag ang kabalisahan?

◻ Ano ang ilang paraan upang mapaglabanan ang kabalisahan?

◻ Papaano makatutulong ang kapakumbabaan at pagtitiis upang mabawasan ang kabalisahan?

◻ Sa paglaban sa kabalisahan, bakit mahalaga na magkaroon ng lubusang pagtitiwala kay Jehova?

◻ Bakit dapat tayong magpatuloy sa paghahagis ng lahat ng ating kabalisahan kay Jehova?

[Larawan sa pahina 24]

Alam mo ba kung bakit sinabi ni Jesus, “Tigilan na ninyo ang pagkabalisa”?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share