Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 4/15 p. 29
  • “Pagtitinda ng Asin” sa Mozambique

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Pagtitinda ng Asin” sa Mozambique
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 4/15 p. 29

“Pagtitinda ng Asin” sa Mozambique

SI FRANCISCO COANA, isang miyembro ng komite ng bansa sa Mozambique, ay gumugol ng sampung taon sa mga “reeducation camp.” Sinasaysay niya ang kaniyang karanasan: “Batid kong kami’y mamamalagi dito ng ilang panahon, kaya tinanong ko ang tagapangasiwa ng sirkito kung makapagpapatuloy ako bilang isang regular pioneer. Ngunit papaano ko raw magagawang mag-ukol ng sapat na panahon sa pangmadlang ministeryo, gayong halos lahat ng nasa mga kampo ay isa sa mga Saksi ni Jehova? Sinabi ko na ako’y magtutungo sa Milange, isang bayan na may layong 47 kilometro, upang humanap ng mga tao na mapangangaralan.

“Bagaman hindi kami opisyal na pinahihintulutang lumabas ng kampo, ang batas na ito ay hindi mahigpit na ipinatupad. Maaalaala ko pa ang pagpunta ko sa kagubatan, anupat lumuluhod, at nananalangin para sa isang paraan upang makapangaral sa mga taong-bayan. Di-nagtagal, sumagot si Jehova.

“Nakausap ko ang isang lalaking nagmamay-ari ng isang bisikleta, at ako’y nakipagkasunduan sa kaniya. Sumang-ayon siya na kung mabungkal ko ang kaniyang tatlong-kapat na ektaryang lupa bago dumating ang tag-ulan, ipambabayad niya sa akin ang kaniyang bisikleta. Kaya ginugol ko ang bawat umaga sa pagbubungkal ng kaniyang lupain. Pinagpala ni Jehova ang kaayusang ito, yamang sa wakas ay nakuha ko ang aking bisikleta.

“Bunga nito’y nagawa kong makarating sa malaking bayan ng Milange at mabisang naipagpatuloy ko ang aking pagpapayunir sa mabungang larangang ito. Yamang ipinagbabawal ang aming gawain, kailangan kong gumawa ng isang pamamaraan upang maipakilala sa mga tao ang katotohanan. Taglay ang mga aklat at mga magasin na nakapaloob sa ilalim ng aking kamisadentro, naglagay ako ng ilang asin sa isang bag at pinasimulan ang negosyo ng pagtitinda ng asin. Sa halip na ibenta iyon ng 5 meticais, hinalagahan ko ng 15 meticais. (Kung masyadong mura ito, bibilhin lahat ito ng mga tao, at wala na akong anumang asin na maipagbibili pa para sa pangangaral!) Ang aking pakikipag-usap ay nakakatulad nito:

“‘Magandang araw! Nagtitinda ako ng asin ngayon.’

“‘Magkano?’

“‘Labinlimang meticais.’

“‘Hindi, hindi. Masyado namang mahal iyan!’

“‘Oo, naniniwala akong mahal ito. Pero kung iniisip mong mahal ito ngayon, maghintay ka lang ng ilang panahon dahil higit na magiging mahal ito sa hinaharap. Alam mo bang ito’y inihula sa Bibliya?’

“‘Hindi ko pa nabasa ang gayon sa aking Bibliya.’

“‘Oo, naroon iyon. Kunin mo ang iyong Bibliya, hayaan mong ipakita ko sa iyo.’

“Dahil doon isang pag-uusap ang mangyayari na ginagamit ang kaniyang Bibliya, kaya ang akin ay mananatiling nakapaloob sa ilalim ng aking kamisadentro. Itatawag pansin ko ang Apocalipsis kabanata 6, hinggil sa mapanganib na mga kalagayan at mga kasalatan sa pagkain. Kapag nahalata ko ang interes, ilalabas ko Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan o kaya’y ang Good News to Make You Happy at sisimulan ang isang pormal na pag-aaral ng Bibliya.

“Bunga nito’y nakapagpasimula ako ng isang grupo ng 15 interesadong tao sa Milange. Subalit hindi nagtagal at kami’y natuklasan ng mga awtoridad. Isang araw samantalang nagdaraos ako ng isang pag-aaral ng Bibliya, bigla na lang pumasok ang mga pulis at dinakip kami. Lahat kami, kasali na ang maliliit na anak ng pamilya, ay dinala sa piitan ng bayan. Pagkatapos makagugol ng isang buwan doon, kaming lahat ay ibinalik muli sa kampo.”

Hindi binawasan ng mga karanasang ito ang sigasig ng ating mga kapatid. Sa kabaligtaran, si Francisco at ang kaniyang pamilya, kasama ng kanilang libu-libong kapatid na nasa mga kampo, ay sumasamba at nangangaral ngayon sa ilalim ng malayang mga kalagayan sa Mozambique.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share