Isang Bundok na “Kumikilos”
SA KANLURAN ng Ireland, kitang-kita mula sa nakapalibot na mga bundok ang pambihirang balisungsong na hugis ng Croagh Patrick. Bawat taon, sa huling Linggo ng Hulyo, ang tuktok ng bundok ay mistulang kumikilos kapag sindami ng 30,000 katao, na may iba’t ibang edad, ang umaakyat sa taluktok (765 metro) sa taunang peregrinasyon.
Sa araw na ito, ang mga peregrino ay umaakyat at bumababa sa isang daanan na makitid, baku-bako, at, sa ilang dako, mapanganib. Sa katunayan, ang huling aakyatin (humigit-kumulang tatlong daang metro) ay totoong matarik at binubuo halos ng batong natibag mula sa lupa, anupat ginagawang peligroso at nakapapagod ang pag-akyat.
Ang pag-akyat na ito ay gagawin ng ilan na nakayapak, at may iilan pa nga na aakyatin ang ilang bahagi nang nakaluhod. Sa mga panahong nakaraan, nagsisimula ang peregrinasyon sa kadiliman ng gabi.
Bakit gayon na lamang kahalagang karanasan ang Croagh Patrick para sa marami?
Malaon Nang Itinuring Bilang Isang Dako ng Peregrinasyon
Sa maagang bahagi ng ikalimang siglo C.E., isinugo ng Iglesya Katolika Romana si Patrick bilang isang misyonerong obispo sa Ireland. Ang kaniyang pangunahing tunguhin ay kumbertihin ang mga taga-Ireland sa Kristiyanismo, at sa mga taon ng kaniyang pangangaral at paggawa sa gitna ng mga tao, itinuring na si Patrick ang naglatag ng saligan para sa Iglesya Katolika roon.
Inakay siya ng kaniyang gawain sa iba’t ibang dako sa palibot ng bansa. Isa rito ang kanluran ng Ireland na kung saan, ayon sa ilang pinagmulan, gumugol siya ng 40 araw at gabi sa taluktok ng isang bundok na nang dakong huli’y tinawag sa pangalan niya—Croagh Patrick (nangangahulugang “Burol ni Patrick”). Doon siya ay nag-ayuno at nanalangin para sa tagumpay ng kaniyang misyon.
Sa paglipas ng mga taon maraming alamat ang unti-unting nabuo tungkol sa kaniyang maningning na gawain. Isa sa pinakatanyag ay yaong nang siya’y nasa bundok na iyon, itinaboy ni Patrick ang lahat ng mga ahas mula sa Ireland.
Isinaysay ng tradisyon na siya ay nagtayo ng isang munting simbahan sa taluktok. Bagaman matagal nang wala ang gusaling yaon, ang orihinal na pundasyon ay naroroon pa rin, at ang lugar gayundin ang bundok ay naging isang dako ng peregrinasyon sa paglipas ng mga taon.
Mga Katangian ng Peregrinasyon
Para sa matatanda na o sa mga hindi sanay sa pag-akyat sa bundok, yaon lamang matapos ang limang-kilometrong paglalakbay nang paakyat at makababa nang ligtas ay isa nang tagumpay sa ganang sarili. Sa mahahalagang dako na nasa daraanan, naroroon ang mga emergency team na nakahandang asikasuhin ang iba’t ibang uri ng kapinsalaan.
May tatlong dako, o mga himpilan, sa kahabaan ng daan na doo’y nagsasagawa ng sari-saring seremonyal na pagpapakasakit ang mga peregrino. Ang mga ito ay ipinaliliwanag nang buong-buo sa isang patalastasan sa pasimula ng pag-akyat.—Tingnan ang kahon.
Bakit Sila Umaakyat?
Bakit napakarami ang gumagawa ng matarik na peregrinasyong ito? Bakit umaabot sa gayong kalabisan ang ilan kapag isinasagawa ang kanilang pag-akyat?
Buweno, naniniwala ang ilan na sa pamamagitan ng pananalangin sa panahon ng peregrinasyon, malamang na higit na diringgin ang kanilang mga kahilingan para sa personal na kapakinabangan. Ginagawa naman ito ng ilan sa paghahangad ng kapatawaran ukol sa ilang maling gawain. Sa iba naman, ito’y isang paraan ng pagpapasalamat. Siyempre pa, marami ang pumupunta roon dahil lamang sa kasayahan ng peregrinasyon. Isang awtoridad ang nagsabi na ito’y ‘isang kapahayagan ng espiritu at pag-ibig ng pamayanan.’ Sinabi rin niya na ang pag-akyat sa Croagh Patrick “ay ang paraan nila ng pagsunod sa mga yapak ni St. Patrick at sa pagkilala na utang nila sa kaniya ang kanilang pananampalataya.” Sinabi pa niya na ang pinakamahalaga, ang pag-akyat ay “isang anyo ng pagpapakasakit dahilan sa ang pisikal na pagpapagal na kasangkot ay isang tunay na gawang pagpapakasakit. Ang mabagal na pag-akyat sa taluktok ay isang pinahabang gawa ng pagsisisi.”
May pagmamapuring sinabi ng isang lalaki na ginawa niya ang pag-akyat nang 25 ulit! Ginawa niya ito, sabi niya, “upang gumawa ng kaunting pagpapakasakit!” Isa pang lalaki ang payak na nagpaliwanag, “Kung walang tiyaga, walang nilaga!”
Bagaman hindi kinakailangan, inaakyat ng marami ang bundok nang nakayapak. Bakit nila ginagawa ang gayon? Una, itinuturing nilang “banal” ang lupa kaya nag-aalis sila ng sapatos. Ikalawa, ito’y kaayon ng kanilang tunguhing ‘gumawa ng kaunting pagpapakasakit.’ Ito rin ay nagpapaliwanag kung bakit isinasagawa ng ilan ang sari-saring seremonyal na pagpapakasakit sa mga himpilan nang nakaluhod.
Napakilos na Pahalagahan ang Maylikha
Subalit ano kung ang isa ay hindi nakikibahagi sa mga makarelihiyosong damdamin ng mga peregrino na umaakyat sa isang pantanging araw? Kung maganda ang lagay ng panahon at taglay ang isang matibay na pares ng sapatos, maaakyat ang bundok anumang oras. Hindi kami umakyat sa panahon na ang kumikilos na malaking pulutong ng mga peregrino ay umaakyat. Sa aming madalas na paghinto upang mamahinga, nagawa naming maunawaan ang pag-akyat mismo at ang epekto na nagagawa nito sa marami. Samantalang ginuguniguni ang libu-libong peregrino na gumagawa nitong nakapapagod na pag-akyat at nagsasagawa ng sari-saring seremonyal na pagpapakasakit, kami’y naudyukang mag-isip, ‘Ganito ba ang hinihiling ng Diyos? Talaga bang inilalapit ang sinuman sa Diyos ng ritwal na pag-akyat o paglakad sa palibot ng mga monumento samantalang paulit-ulit na binibigkas ang mga panalangin?’ Ano naman ang tungkol sa payo ni Jesus hinggil sa paulit-ulit na panalangin na nasa Mateo 6:6, 7?
Tiyak naman, hindi kami umakyat sa bundok upang magkaroon ng isang relihiyosong karanasan. Gayunpaman, nadama namin ang pagkamalapit sa ating Maylikha dahil sa napahalagahan namin ang kaniyang lalang, ang mga bundok na saanman ay bahagi ng mga kababalaghan sa lupa. Mula sa taluktok ay nasiyahan kami sa bukás na tanawin ng magandang anyo ng lupain, maging ang pagkakita sa dalampasigan ng Karagatang Atlantiko. Kitang-kita ang pagkakaiba ng maliliit na pulo na kumikisap-kisap sa look na nasa isang dako sa ibaba namin sa kilu-kilo at palanas na bulubunduking rehiyon sa kabilang dako.
Naisip namin ang tatlong himpilan. Naalaala namin ang mga salita ni Jesus mismo nang sabihan niya ang kaniyang mga tagasunod: “Kapag nananalangin, huwag sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa, sapagkat inaakala nila na sila ay pakikinggan dahil sa kanilang paggamit ng maraming salita.”—Mateo 6:7.
Natanto namin na ang bundok ay naging bahagi ng isang tradisyon na umalipin sa libu-libong tao sa magawaing ritwal. Isinaalang-alang namin kung papaanong iyon ay naiiba sa kalayaang sinambit ni apostol Juan nang sabihin niya: “Tuparin natin ang kaniyang [ang sa Diyos na] mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.”—1 Juan 5:3.
Nasiyahan kami sa aming pamamasyal, lakip na ang pag-akyat sa Croagh Patrick. Napakilos kami nito na asam-asamin ang panahon kapag ang buong sangkatauhan ay lalaya na mula sa di-maka-Kasulatang mga tradisyon at makasamba sa maibiging Maylikha ng lupa “sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:24.
[Kahon sa pahina 27]
Mga Pangunahing Katangian ng Peregrinasyon
Bawat peregrino na umaakyat sa bundok sa Araw ni St. Patrick o sa loob ng walong araw mula rito, o anumang panahon sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo, Agosto at Setyembre, at NANANALANGIN SA LOOB O MALAPIT SA KAPILYA para sa mga layunin ng Papa ay maaaring magtamo ng kalayaan mula sa parusa ukol sa kasalanan sa kondisyon na magtutungo sa Kumpisal at sa Banal na Komunyon sa Taluktok o sa loob ng sanlinggo.
ANG TRADISYONAL NA MGA HIMPILAN
May tatlong “himpilan” (1) Sa may paanan ng balisungsong o Leacht Benain, (2) Sa taluktok, (3) Roilig Muire, na naroroon sa bandang ibaba ng Lecanvey [isang bayan] na nasa kabilang panig ng bundok.
Unang Himpilan - LEACHT BENAIN
Lumalakad ang peregrino nang pitong beses sa palibot ng bunton ng mga bato habang umuusal ng 7 Ama Namin, 7 Aba Ginoong Maria at isang Kredo
Ika-2 Himpilan - ANG TALUKTOK
(a) Lumuluhod ang peregrino at umuusal ng 7 Ama Namin, 7 Aba Ginoong Maria at isang Kredo
(b) Nananalangin ang peregrino malapit sa Kapilya para sa mga layunin ng Papa
(c) Lumalakad ang peregrino nang 15 ulit sa palibot ng Kapilya habang umuusal ng 15 Ama Namin, 15 Aba Ginoong Maria at isang Kredo
(d) Lumalakad ang peregrino nang 7 ulit sa palibot ng Leaba Phadraig [Higaan ni Patrick] habang umuusal ng 7 Ama Namin, 7 Aba Ginoong Maria at isang Kredo
Ika-3 Himpilan - ROILIG MUIRE
Lumalakad ang peregrino nang 7 ulit sa palibot ng bawat bunton ng mga bato habang umuusal ng 7 Ama Namin, 7 Aba Ginoong Maria at isang Kredo sa bawat bunton at sa katapusan ay umiikot sa buong bakuran ng Roilig Muire habang 7 ulit na nananalangin.