Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa istriktong kahulugan, mayroon bang kaibahan ang mga pananalita sa Bibliya na “ibang mga tupa” at “malaking pulutong”?
Oo mayroon, bagaman hindi tayo dapat na maging labis na maselang tungkol sa paggamit ng salita o mabalisa kung may isa na pinagpapalit-palit ang paggamit ng mga salitang ito.
Karamihan sa mga Kristiyano ay pamilyar sa mga talata kung saan masusumpungan natin ang mga pananalitang ito. Isa na rito ang Juan 10:16. Doon ay sinabi ni Jesus: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; ang mga iyon din ay dapat kong dalhin, at makikinig sila sa aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.” Ang isa namang pananalita, ang “malaking pulutong,” ay lumilitaw sa Apocalipsis 7:9. Ganito ang mababasa natin: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti; at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.”
Isaalang-alang muna natin ang Juan 10:16. Sino ang mga tupa? Buweno, makabubuting itanim sa isip na lahat ng tapat na tagasunod ni Jesus ay tinutukoy bilang mga tupa. Sa Lucas 12:32, tinawag niya ang kaniyang mga alagad na pupunta sa langit bilang ang “munting kawan.” Kawan ng ano? Ng mga tupa. Ang “mga tupa” ng “munting kawan” ay magiging bahagi ng Kaharian sa langit. Gayunman, may iba pa, yaong may naiibang pag-asa, na minamalas din ni Jesus bilang mga tupa.
Makikita natin ito sa Juan kabanata 10. Pagkatapos banggitin ang tungkol sa mga tupa tulad ng kaniyang mga apostol na tatawagin niya ukol sa buhay sa langit, idinagdag ni Jesus sa Ju 10 talatang 16: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; ang mga iyon din ay dapat kong dalhin.” Matagal nang naunawaan ng mga Saksi ni Jehova na ang tinutukoy ni Jesus sa talatang ito ay ang mga tao na may pag-asang mabuhay sa lupa. Maraming tapat noong panahon bago ang kapanahunang Kristiyano, gaya nina Abraham, Sara, Noe, at Malakias, ang may gayong pag-asa. Kaya wastong maibibilang natin sila bilang bahagi ng “ibang mga tupa” sa Juan 10:16. Sa panahon ng Milenyo, ang gayong tapat na mga saksi bago ng kapanahunang Kristiyano ay bubuhaying-muli at pagkatapos ay matututo at tatanggapin si Jesus, anupat magiging “ibang mga tupa” ng Mabuting Pastol.
Alam din natin na mula nang matapos ang pangkalahatang panawagan para sa uring makalangit, milyun-milyon ang naging tunay na mga Kristiyano. Ang mga ito ay wastong matatawag ding “ibang mga tupa,” yamang sila’y hindi bahagi ng “munting kawan.” Sa halip, inaasam-asam ng mga ibang tupa ngayon ang pamumuhay sa isang paraiso sa lupa.
Ngayon, ano naman ang masasabi tungkol sa pagkakakilanlan ng “malaking pulutong” na binanggit sa Apocalipsis 7:9? Buweno, tingnan ang Apoc 7 talatang 13 at ang tanong na, “Sino sila at saan sila nanggaling?” Masusumpungan natin ang sagot sa Apocalipsis 7:14: “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian.” Kaya ang “malaking pulutong” ay binubuo ng lalabas, o makaliligtas, mula sa malaking kapighatian. Gaya ng sabi sa Apoc 7 talatang 17, sila’y ‘aakayin sa mga bukal ng mga tubig ng buhay’ sa lupa.
Gayunman, mauunawaan na upang makaligtas ang mga ito sa dumarating na malaking kapighatian, kailangang nilabhan na nila ang kanilang mahahabang damit sa dugo ng Kordero, anupat nagiging tunay na mga mananamba. Kaya naman, bagaman inilalarawan ng Apocalipsis 7:9 ang pulutong na ito pagkatapos ng kapighatian, maaari nating ikapit ang terminong “malaking pulutong” sa lahat ng may makalupang pag-asa na nag-uukol kay Jehova ng sagradong paglilingkod ngayon, bago pa man sumiklab ang malaking kapighatian sa pamamagitan ng pagsalakay ng mga bansa sa huwad na relihiyon.
Bilang sumaryo, maaari nating alalahanin ang “ibang mga tupa” bilang isang mas malawak na termino, na saklaw ang lahat ng lingkod ng Diyos na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Kasali rito ang mas limitadong kategorya ng mga taong tulad-tupa ngayon na tinitipon bilang “malaking pulutong” taglay ang pag-asang makatawid na buháy sa napipintong malaking kapighatian. Karamihan sa tapat na mga Kristiyanong nabubuhay sa ngayon ay kabilang sa “ibang mga tupa,” at sila’y bahagi rin naman ng “malaking pulutong.”
Mabuting ulitin na, bagaman mainam na linawin ang mga detalyeng ito, ang sinumang Kristiyano ay hindi kailangang labis na mabahala sa salita—anupat matatawag na mapunahin sa salita. Nagbabala si Pablo tungkol sa ilan na “nagmamalaki sa pagmamapuri” at nasasangkot sa “mga debate tungkol sa mga salita.” (1 Timoteo 6:4) Kung personal na kinikilala natin ang kaibahan ng mga termino, mabuti ito. Subalit, hindi natin dapat punahin ang iba, maging hayagan man o sa ating puso, na hindi gayong kaeksakto sa paggamit ng mga termino sa Bibliya.