Pinahanga ng New World Translation ang Isang Iskolar
AYON sa iskolar sa klasikal na Griego na si Dr. Rijkel ten Kate, nabigong isalin nang wasto ang ilang salita sa mga Bibliyang Olandes. Bilang halimbawa, sa Lucas kabanata 2, masusumpungan natin ang tatlong magkakaibang Griegong salita (breʹphos, pai·diʹon, at pais) na ginamit upang ilarawan ang magkakasunod na yugto ng paglaki ni Jesus. Bawat isa sa mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng magkakaibang kahulugan. Gayunpaman, ang dalawa o ang lahat ng tatlong salitang ito ay may kalabuang isinaling “child” sa maraming Bibliya. Ano ang wastong salin?
Ipinaliwanag ni Dr. ten Kate na sa Lu 2 talatang 12 ang Griegong salitang breʹphos ay nangangahulugang “isang bagong-silang na sanggol.” Ang pai·diʹon, na ginamit sa Lu 2 talatang 27, ay nangangahulugang “paslit na batang lalaki o bata,” at ang pais, na masusumpungan sa Lu 2 talatang 43, ay dapat isaling “batang lalaki.” “Sa abot ng aking alam,” sulat ni Dr. ten Kate sa isyu ng Bijbel en Wetenschap (Bibliya at Siyensiya) noong Marso 1993, “wala isa man ang angkop na nakapagsalin nito sa Olandes, na ang ibig tukuyin ay hindi lubusang nakakatugma ng orihinal na teksto.”
Pagkaraan, ipinakita kay Dr. ten Kate ang New World Translation of the Holy Scriptures, na makukuha sa 12 wika, kasali na ang Olandes. Ano ang kaniyang tugon? “Ako’y totoong namangha,” sabi niya, “na talagang may isang Bibliyang Olandes na kung saan ang magkakaibang gamit ng tatlong Griegong salitang breʹphos, pai·diʹon, at pais ay binigyan ng karapat-dapat na pansin.” Isinalin ba ng New World Translation ang mga talatang ito na kaayon ng orihinal na tekstong Griego? “Lubusang kaayon,” sagot ni Dr. ten Kate.