Isang Maibiging Paanyaya sa mga Napapagod
“Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo.”—MATEO 11:28.
1. Ano ang nakita ni Jesus sa Galilea noong kaniyang ikatlong paglilibot sa pangangaral?
MAGSISIMULA na ang taóng 32 C.E. nang si Jesus ay nasa kaniyang ikatlong paglilibot sa pangangaral sa distrito ng Galilea. Naglakbay siya sa mga lunsod at mga nayon, “na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan.” Habang ginagawa niya ito, nakita niya ang mga pulutong, at “siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.”—Mateo 9:35, 36.
2. Papaano tinulungan ni Jesus ang mga tao?
2 Gayunman, hindi lamang nahabag si Jesus sa mga pulutong. Pagkatapos na itagubilin sa kaniyang mga alagad na manalangin sa “Panginoon ng pag-aani,” ang Diyos na Jehova, isinugo niya sila upang tulungan ang mga tao. (Mateo 9:38; 10:1) Pagkatapos ay personal na tiniyak niya sa mga tao ang daan patungo sa tunay na kaginhawahan at kaaliwan. Ipinaabot niya sa kanila ang ganitong nakapagpapasiglang paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa.”—Mateo 11:28, 29.
3. Bakit kaakit-akit din naman sa ngayon ang paanyaya ni Jesus?
3 Nabubuhay tayo ngayon sa panahon na marami ang nanlulupaypay at labis na nabibigatan. (Roma 8:22; 2 Timoteo 3:1) Para sa ilan, ang paghahanapbuhay lamang ay umuubos na ng malaking bahagi ng kanilang panahon at lakas anupat kaunti na lamang ang natitira upang gugulin sa kanilang pamilya, mga kaibigan, o sa iba pang bagay. Marami ang nabibigatan dahil sa malubhang karamdaman, pagdadalamhati, panlulumo, at iba pang pisikal at emosyonal na suliranin. Palibhasa’y nadarama ang kaigtingan, sinisikap ng ilan na makasumpong ng ginhawa sa pamamagitan ng pagbubuhos ng sarili sa paghahanap ng kaluguran, pagkain, pag-inom, at maging sa pag-aabuso sa droga. Mangyari pa, pinalulubha lamang nito ang kanilang kalagayan, anupat nagdudulot sa kanila ng higit pang mga suliranin at kagipitan. (Roma 8:6) Maliwanag, ang maibiging paanyaya ni Jesus ay waring kaakit-akit ngayon katulad din noon.
4. Anu-anong tanong ang dapat nating isaalang-alang upang makinabang sa maibiging paanyaya ni Jesus?
4 Subalit ano nga ba ang naranasan ng mga tao noong kaarawan ni Jesus, kung kaya sila’y tila “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan,” anupat nahabag si Jesus sa kanila? Ano ang mga pasanin at pasan na kailangan nilang dalhin, at papaano makatutulong sa kanila ang paanyaya ni Jesus? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay totoong makatutulong sa atin na makinabang sa maibiging paanyaya ni Jesus sa mga napapagod.
Yaong mga “Nagpapagal at Nabibigatan”
5. Bakit angkop lamang na si apostol Mateo ang nag-ulat sa pangyayaring ito sa ministeryo ni Jesus?
5 Kapansin-pansin na si Mateo lamang ang nag-ulat ng pangyayaring ito sa ministeryo ni Jesus. Palibhasa’y dating maniningil ng buwis, si Mateo, na kilala rin bilang si Levi, ay lubusang nakababatid sa isang partikular na pasanin na dinadala ng mga tao. (Mateo 9:9; Marcos 2:14) Ganito ang sabi ng aklat na Daily Life in the Time of Jesus: “Ang mga buwis na kailangang bayaran [ng mga Judio] ng salapi o ng produkto o serbisyo ay totoong napakabigat, at ang mga ito ay lalo nang nagpapabigat yamang may dalawang anyo ng pagbubuwis na sabay na ipinapataw sa kanila, ang buwis na pangmamamayan at buwis na pangrelihiyoso; at ni isa’y walang magaan.”
6. (a) Ano ang sistema sa pagbubuwis na ginagamit noong panahon ni Jesus? (b) Bakit gayon na lamang kasamâ ang pagkakilala sa mga maniningil ng buwis? (c) Hinggil sa ano nadama ni Pablo ang pangangailangang paalalahanan ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano?
6 Ang lalo pang nagpapabigat sa lahat ng ito ay ang sistema sa pagbubuwis nang panahong iyon. Ipinababahala ng mga Romanong opisyal ang karapatang maningil ng buwis sa mga lalawigan doon sa mga taong makapagbibigay ng pinakamataas na halaga. Sila naman ay umuupa ng mga tao sa lokal na mga pamayanan upang pangasiwaan ang aktuwal na paniningil ng buwis. Bawat isa sa patung-patong na sistemang ito ay nag-aakala na makatuwirang magdagdag ng kaniyang sariling komisyon, o parté. Halimbawa, inilahad ni Lucas na “may isang lalaki na tinatawag sa pangalang Zaqueo; at siya ay punong maniningil ng buwis, at siya ay mayaman.” (Lucas 19:2) Ang “punong maniningil ng buwis” na si Zaqueo at yaong mga nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa ay maliwanag na nagpayaman na ipinaghirap naman ng mga tao. Ang pag-aabuso at katiwalian na ibinubunga ng gayong sistema ay nag-udyok sa mga tao na ibilang ang mga maniningil ng buwis sa mga makasalanan at mga patutot, at marahil ay gayon nga ang marami sa kanila. (Mateo 9:10; 21:31, 32; Marcos 2:15; Lucas 7:34) Yamang halos hindi na makaya ng mga tao ang mga pasanin, hindi nga kataka-taka na madama ni apostol Pablo ang pangangailangang paalalahanan ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na huwag magalit sa ilalim ng pamatok ng Roma kundi “ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo.”—Roma 13:7a; ihambing ang Lucas 23:2.
7. Papaano nakaragdag sa pasanin ng mga tao ang mga batas ng mga Romano sa pagpaparusa?
7 Ipinaalaala rin ni Pablo sa mga Kristiyano na ibigay “sa kaniya na humihiling ng takot, ang gayong takot; sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.” (Roma 13:7b) Kilala ang mga Romano sa kalupitan at pagiging mahigpit ng kanilang mga batas sa pagpaparusa. Madalas gamitin ang panghahagupit, panghahampas, mahigpit na pagbibilanggo, at pagbitay upang panatilihing nagpapasakop ang mga tao. (Lucas 23:32, 33; Gawa 22:24, 25) Maging ang mga Judiong lider ay binigyan ng awtoridad na magpataw ng gayong mga parusa sa paraang inaakala nilang naaangkop. (Mateo 10:17; Gawa 5:40) Ang gayong sistema ay talagang labis na mapanupil, kung hindi man tuwirang mapaniil, para sa sinumang namumuhay sa ilalim nito.
8. Papaano nagpatong ng pasanin sa mga tao ang mga relihiyosong lider?
8 Subalit mas mabigat pa sa mga buwis at batas ng mga Romano ang pasanin na iniatang ng mga relihiyosong lider ng panahong iyon sa mga pangkaraniwang tao. Sa katunayan, lumilitaw na ito ang pangunahing ikinabalisa ni Jesus nang ilarawan niya ang mga tao bilang “nagpapagal at nabibigatan.” Sinabi ni Jesus na sa halip na bigyan ng pag-asa at kaaliwan ang mga taong api, “nagbibigkis [ang mga relihiyosong lider] ng mabibigat na pasan at ipinapasan ang mga ito sa mga balikat ng mga tao, ngunit sila mismo ay ayaw man lamang galawin ang mga ito ng kanilang mga daliri.” (Mateo 23:4; Lucas 11:46) Mapapansin sa Mga Ebanghelyo ang maliwanag na paglalarawan sa mga relihiyosong lider—lalo na ang mga eskriba at mga Fariseo—bilang isang grupong mapagmataas, walang-puso, at mapagpaimbabaw. Hinahamak nila ang mga pangkaraniwang tao bilang mga walang pinag-aralan at di-malinis, at kinamumuhian nila ang mga banyaga sa gitna nila. Ganito ang sabi ng isang komentaryo tungkol sa kanilang saloobin: “Ang isang tao na naglalagay ng labis na pasan sa isang kabayo ay mananagot ngayon sa batas. Kumusta naman ang isang taong nagpápapasán ng 613 kautusan sa ‘mga tao ng lupain’ na walang relihiyosong pagsasanay; at pagkatapos, wala na ngang ginawa upang matulungan sila, hinahatulan pa sila bilang mga walang diyos?” Mangyari pa, ang talagang pasanin ay hindi ang Batas Mosaiko, kundi ang maraming tradisyon na iginigiit sa mga tao.
Ang Talagang Sanhi ng Kahirapan
9. Papaano maihahambing ang kalagayan ng mga tao noong panahon ni Jesus sa kalagayan noong kaarawan ni Haring Solomon?
9 Kung minsan ay mabigat ang materyal na pasanin ng mga tao, kung kaya malaganap ang karalitaan. Kailangang bayaran ng mga Israelita ang makatuwirang mga buwis na itinakda ng Batas Mosaiko. Pagkatapos noong panahon ng paghahari ni Solomon, binalikat ng mga tao ang magastos na mga proyekto ng bansa, tulad ng pagtatayo ng templo at ng iba pang gusali. (1 Hari 7:1-8; 9:17-19) Gayunman, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang mga tao ay “kumakain at umiinom at nagsasaya. . . . At ang Juda at ang Israel ay patuloy na tumahan sa katiwasayan, bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling punong igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, sa lahat ng mga araw ni Solomon.” (1 Hari 4:20, 25) Ano ang dahilan ng pagkakaiba?
10. Ano ang sanhi ng kalagayan ng Israel pagsapit ng unang siglo?
10 Hangga’t ang bansa ay nananatiling matatag sa tunay na pagsamba, nagtatamasa sila ng pabor ni Jehova at pinagpapala ng katiwasayan at kaunlaran sa kabila ng malaking gastos ng bansa. Gayunman, nagbabala si Jehova na kung sila’y “tiyak na tatalikod buhat sa pagsunod [sa kaniya] at hindi iingatan ang [kaniyang] mga utos,” sila’y daranas ng malubhang pagbabago. Sa katunayan, “ang Israel [ay] talagang magiging isang kawikaang kasabihan at isang kakutyaan sa gitna ng mga bayan.” (1 Hari 9:6, 7) At gayung-gayon nga ang nangyari. Ang Israel ay nasakop ng mga banyaga, at ang dating maluwalhating kaharian ay naging isang kolonya na lamang. Anong laking kabayaran dahil sa pagpapabaya sa kanilang espirituwal na mga pananagutan!
11. Bakit nadama ni Jesus na ang mga tao ay “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol”?
11 Lahat ng ito ay tumutulong sa atin upang maunawaan kung bakit nadama ni Jesus na ang mga tao ay “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan.” Ito ay mga Israelita, ang bayan ni Jehova, na sa kabuuan ay nagsisikap na mamuhay ayon sa mga batas ng Diyos at magsagawa ng kanilang pagsamba sa isang kaayaayang paraan. Gayunpaman, sila’y pinagsamantalahan at inapi hindi lamang ng mga kapangyarihang pulitikal at komersiyal kundi pati na rin ng apostatang mga relihiyosong lider sa gitna nila. Sila’y “tulad ng mga tupang walang pastol” sapagkat walang sinumang nangangalaga sa kanila o nagtatanggol sa kanila. Kailangan nila ng tulong upang mapagtagumpayan ang mahihirap na kalagayan. Napapanahon nga ang maibigin at magiliw na paanyaya ni Jesus!
Ang Paanyaya ni Jesus Ngayon
12. Anong mga panggigipit ang nadarama ng mga lingkod ng Diyos at ng ibang taimtim na tao sa ngayon?
12 Sa maraming paraan ay may pagkakahawig ang kalagayan sa ngayon. Nasusumpungan ng taimtim na mga tao na nagsisikap magkaroon ng marangal na hanapbuhay na napakahirap batahin ang mga panggigipit at mga kahilingan sa tiwaling sistema ng mga bagay. Maging yaong mga nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova ay naaapektuhan. Ipinakikita ng mga ulat na nasusumpungan ng ilang lingkod ni Jehova na nagiging lalong mahirap na gampanan ang lahat ng kanilang pananagutan, kahit na ibig nilang gawin iyon. Sila’y nabibigatan, napapagod, nanlulupaypay. Nadarama pa man din ng ilan na magiging isang kaginhawahan kung sana ay maaari na lamang nilang hayaang ang lahat ay tangayin ng hangin at maglaho na lamang kung saan upang muling maihanda ang kanilang sarili. Nadama mo na ba ang ganito? Mayroon bang isang taong malapit sa iyo na nasa ganitong kalagayan? Oo, ang nakapagpapasiglang paanyaya ni Jesus ay may malaking kahulugan para sa atin ngayon.
13. Bakit tayo makatitiyak na makatutulong sa atin si Jesus na makasumpong ng kaaliwan at kaginhawahan?
13 Bago ipahayag ni Jesus ang kaniyang maibiging paanyaya, sinabi niya: “Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama, at walang sinuman ang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, wala rin namang sinuman na lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinuman na sa kaniya ay ninanais ng Anak na isiwalat siya.” (Mateo 11:27) Dahil sa matalik na kaugnayang ito sa pagitan ni Jesus at ng kaniyang Ama, nakatitiyak tayo na kung tatanggapin natin ang paanyaya ni Jesus at tayo’y magiging kaniyang mga alagad, tayo ay magtatamo ng isang malapit, personal na kaugnayan kay Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3; ihambing ang Juan 14:6.) Isa pa, yamang ‘lahat ng bagay ay ibinigay na sa kaniya,’ tanging si Jesu-Kristo lamang ang may kapangyarihan at awtoridad na pagaanin ang ating mga pasanin. Alin? Yaong idinudulot ng tiwaling mga sistema sa pulitika, komersiyo, at relihiyon, gayundin ang pasanin na dulot ng ating minanang kasalanan at di-kasakdalan. Ano ngang nakapagpapatibay at nakaaaliw na kaisipan iyan sa simula pa lamang!
14. Sa anong pagpapagal makapaglalaan ng kaginhawahan si Jesus?
14 Sinabi pa ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo.” (Mateo 11:28) Tiyak na hindi ang mabigat na trabaho ang tinutukoy ni Jesus, sapagkat madalas niyang payuhan ang kaniyang mga alagad na maging masikap sila sa kanilang gawain. (Lucas 13:24) Subalit ang “nagpapagal” (“nagtatrabaho,” Kingdom Interlinear) ay nagpapahiwatig ng mahaba at nakapapagod na trabaho, kadalasan nang walang kapaki-pakinabang na resulta. At ang “nabibigatan” ay may idea ng pagtataglay ng pasanin na higit pa sa normal na makakaya. Ang kaibahan ay maitutulad doon sa isang taong naghuhukay dahil sa isang nakatagong kayamanan at sa isa na naghuhukay ng mga kanal sa isang kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Pareho silang may mabigat na gawain. Para sa isa, may pananabik ang paggawa, subalit para naman sa isa, iyon ay isang walang-katapusan at nakababagot na gawain. Ang pagkakaiba ay ang pagkakaroon ng layunin ng gawain o ang kawalan ng layunin.
15. (a) Ano ang nararapat na itanong natin sa ating sarili kung nadarama nating bumabalikat tayo ng mabigat na pasanin? (b) Ano ang masasabi tungkol sa pinagmumulan ng ating mga pasanin?
15 Nadarama mo bang ikaw ay “nagpapagal at nabibigatan,” anupat napakaraming kahilingan sa iyong panahon at lakas? Wari bang napakabigat para sa iyo ang mga pasaning dinadala mo? Kung gayon, makabubuting itanong sa iyong sarili, ‘Para saan ba ang aking pagpapagal? Anong uri ng pasan ang aking dinadala?’ Hinggil dito, ganito ang sabi ng isang komentarista sa Bibliya mahigit nang 80 taon ang nakararaan: “Kung susuriin natin ang mga pasanin sa buhay ang mga ito ay nauuwi sa dalawang uri; matatawag natin ang mga ito bilang yaong ipinataw sa sarili at yaong di-maiiwasan: yaong nagiging bunga ng ating pagkilos at yaong di-bunga nito.” Idinagdag pa niya: “Marami sa atin ang magugulat, pagkatapos ng maingat na pagsusuri sa sarili, na matuklasan kung gaano kalaking bahagi sa kabuuan ng ating mga pasanin ang uring ipinataw sa sarili.”
16. Anong mga pasanin ang maaaring di-makatuwirang maipataw natin sa ating sarili?
16 Ano ang ilan sa mga pasanin na maaaring idulot natin sa ating sarili? Nabubuhay tayo ngayon sa isang materyalistiko, maibigin-sa-kalayawan, at mahalay na sanlibutan. (2 Timoteo 3:1-5) Maging ang nakaalay na mga Kristiyano ay nasa ilalim ng patuloy na panggigipit na sumunod sa mga uso at istilo ng pamumuhay sa sanlibutan. Sumulat si apostol Juan tungkol sa “pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” (1 Juan 2:16) Ang mga ito ay makapangyarihang impluwensiya na maaaring madaling makaapekto sa atin. Alam natin na ang ilan ay handang mabaon sa utang para tamasahin lamang ang higit pang makasanlibutang kalayawan o upang mapanatili ang isang istilo ng pamumuhay. Pagkatapos ay nasusumpungan nila na kailangan nilang gumugol ng labis na panahon sa trabaho, o magkaroon ng ilan pang trabaho, upang kumita para maibayad sa kanilang mga pagkakautang.
17. Anong situwasyon ang lalong magpapahirap sa pagdadala ng pasan, at papaano ito malulunasan?
17 Bagaman maaaring ikatuwiran ng isa na hindi naman masama na magkaroon ng ilang bagay na taglay ng iba o kaya’y gumawa ng mga bagay na ginagawa ng iba, mahalagang suriin ng isa kung siya naman ay nagdaragdag ng di-kinakailangan sa kaniyang pasan. (1 Corinto 10:23) Yamang may hangganan ang madadala ng isa, kailangang may isang bagay na alisin upang makabuhat ng iba pang pasan. Malimit na ang mga bagay na kailangan para sa ating espirituwal na kalusugan—personal na pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong, at ministeryo sa larangan—ang unang ipinagpapaliban. Ang resulta ay paghina ng espirituwal, na siya namang dahilan kung bakit nagiging mas mahirap na magdala ng pasan. Nagbabala si Jesu-Kristo laban sa gayong panganib nang sabihin niya: “Bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo gaya ng silo.” (Lucas 21:34, 35; Hebreo 12:1) Mahirap makilala ang isang silo at maligtasan ito kung ang isa ay nabibigatan at nanghihimagod.
Kaginhawahan at Pagpapanariwa
18. Ano ang inialok ni Jesus sa mga lumalapit sa kaniya?
18 Dahil dito, maibiging nag-alok si Jesus ng lunas: “Pumarito kayo sa akin, . . . at pananariwain ko kayo.” (Mateo 11:28) Ang salitang “pananariwain” dito at “pagpapanariwa” sa Mat 11 talatang 29 ay nanggaling sa Griegong mga salita na katumbas ng salita na ginagamit ng bersiyong Septuagint upang isalin ang Hebreong salita para sa “sabbath” o “pangingilin ng sabbath”. (Exodo 16:23) Sa gayon, hindi ipinangako ni Jesus na yaong lumalapit sa kaniya ay wala nang gagawin, kundi nangako siya na kaniyang pananariwain sila upang sila’y maging handa sa gawain na kailangan nilang gampanan kasuwato ng layunin ng Diyos.
19. Papaanong ang isa ay ‘pumaparito kay Jesus’?
19 Papaano, kung gayon, na ang isa ay ‘pumaparito kay Jesus’? Sa kaniyang mga alagad, ganito ang sabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuluyang sundan ako.” (Mateo 16:24) Samakatuwid, ipinahihiwatig ng paglapit kay Jesus na ipinasasakop ng isa ang kaniyang sariling kalooban doon sa kalooban ng Diyos at ni Kristo, anupat tinatanggap ang isang pasan ng pananagutan, na ginagawa iyon nang patuluyan. Napakahirap bang kahilingan ito? Napakalaki ba ang halagang kapalit? Isaalang-alang natin ang sinabi ni Jesus pagkatapos na ibigay niya ang maibiging paanyaya sa mga napapagod.
Matatandaan Mo Ba?
◻ Sa anu-anong paraan nabibigatan ang mga tao noong kaarawan ni Jesus?
◻ Ano ang tunay na sanhi ng paghihirap ng mga tao?
◻ Papaano natin dapat suriin ang ating sarili kung nadarama natin na tayo’y labis na nabibigatan?
◻ Anong mga pasanin ang maaaring di-makatuwirang maipataw natin sa ating sarili?
◻ Papaano natin makakamtan ang pagpapanariwa na ipinangako ni Jesus?
[Larawan sa pahina 15]
Ano ang ilan sa mga pasanin na maaaring idulot natin sa ating sarili?
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Courtesy of Bahamas Ministry of Tourism