Pinabibilis ng Tapat na mga Sambahayan ang Pagsulong sa Sri Lanka
KILALA bilang Ceylon hanggang 1972, ang Sri Lanka ay isang magandang isla na may mga dalampasigang nahahanayan ng mga punong palma, mga kabundukan, at maliliit na disyerto. Sa mga talampas, ang Adam’s Peak, na may taas na 2,243 metro, ay isang dakong sagrado para sa apat na pangunahing relihiyon.a Sa di-kalayuan ay naroroon ang World’s End, isang malapad na libis na kung saan ang napakatarik at mabatong dalisdis ay may lalim na 1,500 metro. Ang dakong ito ay isa sa lubhang kagila-gilalas na mga tanawin sa Sri Lanka.
Ang 18 milyong mamamayan ng Sri Lanka ay may kawili-wiling pinagmulan. Sapol noong ikalimang siglo B.C.E., nanirahan na sa isla ang mga taong may lahing Indo-Europeo buhat sa hilagang India. Sila ang mga Sinhalese, na ngayo’y siyang bumubuo sa tatlong-kapat ng populasyon. Pagkatapos, hanggang noong mga ika-12 siglo, dumagsa ang mga Tamil buhat sa timugang India; ang karamihan sa mga ito ay naninirahan ngayon sa hilaga at silangang bahagi ng isla. Nag-iwan din ng kanilang bakas ang mga Portuges, Olandes, at mga Britano mula noong mga kaarawan ng mga kolonya. Isa pa, nakipanirahan na rin sa mga tagaroon ang mga marinong mangangalakal buhat sa mga kapuluan ng Arabia at Malaya. Mayroon ding nabubukod na mga grupo ng mga Europeo, Parsis, Tsino, at iba pa.
Bukod sa paghahalong ito ng mga lahi, masasalamin sa wika at relihiyon sa Sri Lanka ang magkakaibang pinagmulan nito. Ang mga pangunahing wika sa isla ay Sinhalese, Tamil, at Ingles. Maraming taga-Sri Lanka ang nagsasalita ng hindi kukulangin sa dalawa buhat sa tatlong wikang ito. Ang lahing pinagmulan ay mayroon ding malaking papel na ginagampanan sa relihiyon ng mga tao. Karamihan sa mga Sinhalese ay mga Budista, samantalang karamihan sa mga Tamil ay Hindu. Yaong mga may dugong Arabe o Malayan ay karaniwan nang kaanib sa Islam, at yaong lahing Europeo ay kalimitan nang mga miyembro ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, ang Katoliko at Protestante.
Pagharap sa Hamon
Lahat ng ito ay naghaharap ng isang malaking hamon sa mga Saksi ni Jehova sa Sri Lanka. Sila’y puspusang nagpapagal upang isagawa ang iniatas ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Bukod sa kinakailangang mangaral sa ilang wika, ang mga mamamahayag ng Kaharian ay maaaring may makausap na mga Budista, Hindu, miyembro ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, at mga ateista—sa loob lamang ng ilang oras ng pangangaral.
Upang maging mabisa sa kanilang ministeryo, ang mga mamamahayag ay kailangang magdala ng mga magasing Bantayan at Gumising! at iba pang literatura sa Bibliya sa wikang Tamil, Sinhalese, at Ingles. Yaong medyo malakas-lakas pa ay maaari pa ngang magdala ng Bibliya sa gayong mga wika. Kamakailan ay labis na nagalak ang mga mamamahayag nang ang mga brosyur na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? at Our Problems—Who Will Help Us Solve Them? at ang tract na Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas? ay sabay-sabay na inilabas sa tatlong wika. Nangangahulugan ito ng higit pang kasangkapan sa gawain.
Ang mga Saksi ay puspusang nagpapagal mula pa noong 1912, nang si Charles Taze Russell, na presidente noon ng International Bible Students Association, ay sandaling dumalaw sa Ceylon. Subalit ang mahalagang pagsulong ay kinailangang hintayin hanggang sa pagdating ng mga nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead noong 1947. Mula noon, ang mga mamamahayag sa Sri Lanka ay nagtatamasa ng maiinam na bunga sa kanilang gawaing pangangaral. Noong 1994 ang 1,866 na mamamahayag ng Kaharian ay nagdaos, sa aberids, ng 2,551 pantahanang pag-aaral sa Bibliya bawat buwan. At ang dumalo sa Memoryal na 6,930 ay halos apat na ulit ng bilang ng mga mamamahayag sa lahat ng kongregasyon. Ano ngang kamangha-manghang pagpapala!
Kung ihahambing sa iba pang lupain, waring mabagal ang pagsulong sa Sri Lanka. Ang nakikitang isang dahilan ay ang matitibay na kaugnayang pampamilya. Gayunman, may kapakinabangan ding maidudulot ang ganitong mga ugnayan. Nang manindigan sa katotohanan ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio, nakisama sa kaniya ang kaniyang sambahayan. (Gawa 10:1, 2, 24, 44) Bumabanggit din ang aklat ng Mga Gawa tungkol sa ibang matatag na mga Kristiyanong sambahayan, kasali na yaong kay Lydia, Crispo, at yaong sa tagapagbilanggo nina Pablo at Silas.—Gawa 16:14, 15, 32-34; 18:8.
Oo, ang matibay na kaugnayang pampamilya ay maaaring maging isang kapakinabangan kung may mabuting kaayusan at tapat na pagtitiyaga. Samantalang nasa isip ang mga salita sa Isaias 60:22, ganito ang sinabi ng matagal-nang misyonero na si Ray Matthews: “Nagiging maliwanag na pinabibilis ngayon ni Jehova ang mga bagay-bagay sa tamang panahon, hindi lamang sa pamamagitan ng mga indibiduwal kundi gayundin sa pamamagitan ng mga sambahayan.”
Nagdudulot ng Kapurihan ang Organisadong Pamilya
Tunay ngang may gayong tapat na mga sambahayan sa Sri Lanka ngayon. Halimbawa, nariyan ang napakaorganisadong pamilya Sinnappa na naninirahan sa Kotahena, isang pook sa Colombo, ang pangunahing lunsod sa Sri Lanka. Bagaman ang ulo ng pamilya na si Marian ay namatay di pa natatagalan, ang kaniyang asawang si Annamma, at ang 12 sa kanilang 15 anak, na ang edad ay nasa pagitan ng 13 hanggang 33, ay patuloy na naglilingkod kay Jehova bilang isang sambahayan. Sa kasalukuyan, walong anak ang nabautismuhan na, at tatlo sa kanila ay nasa buong-panahong ministeryo, bilang mga regular pioneer. Ang tatlong iba pa sa pana-panahon ay nagpapatala bilang mga auxiliary pioneer. Apat sa mga kabataan sa sambahayan ay mga di-bautisadong mamamahayag. Karagdagan pa, apat na apo, bagaman nasa murang edad pa, ay nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa Kristiyanong mga pulong sa Colombo North Congregation ng mga Saksi ni Jehova.
Noong 1978 unang narinig ni Annamma ang mabuting balita ng Kaharian nang tumanggap siya ng isang kopya ng Ang Bantayan. Napasimulan ang pag-aaral sa Bibliya, at pagkatapos na mapag-aralan Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, inialay ni Annamma ang kaniyang buhay sa Diyos na Jehova at siya’y nabautismuhan, sa gayo’y nagpakita ng unang halimbawa para sa marami sa kaniyang sambahayan.
Tulad ng sundalong si Cornelio, mahusay ang kaayusan ni Annamma sa kaniyang sambahayan. “Kailangan naming magplano para sa Kristiyanong mga pulong at asamblea—bukod pa sa paaralan,” nagunita ni Annamma. “Isang suliranin ang pananamit, pero dahil sa pagpapala ni Jehova ay nagkakaroon kami ng ilang bagong damit para sa bawat asamblea. Ang buong pamilya ay dumarating na nakabihis nang maayos at busog—at maligayang-maligaya rin.”
Napamahal na sa mga anak ang kanilang kaayusan sa sambahayan. Upang matulungan ang buong pamilya na makadalo sa mga pulong Kristiyano, karaniwan nang binibigyan ang mga nakatatanda ng pantanging mga pananagutan. Halimbawa, si Mangala ang naglalaba, at si Winnifreda naman ang namamalantsa. Ganito ang sabi ni Winnifreda, na tumutulong ding bihisan ang mga nakababata: “Bawat isa ay talagang bihís na bihís pag-alis nila ng bahay.”
Organisado rin naman ang espirituwal na mga paglalaan. Ganito ang nagugunita ng anak na babaing si Pushpam, ngayon ay isang regular pioneer: “Bawat araw, nasisiyahan ang aming pamilya sa pagbabasa ng Bibliya at sama-samang pagrerepaso sa pang-araw-araw na teksto.” Idinagdag pa ni Annamma: “Bawat anak ay may sariling kopya ng Bibliya, ng Ang Bantayan, at iba pang publikasyon. Nakikinig akong mabuti sa lahat ng kanilang komento sa mga pulong. Kung waring kailangan, nagbibigay ako ng pampasigla at pagtutuwid kapag nakauwi na sa tahanan. Kung gabi ay nagkakaisa kami upang tapusin ang maghapon sa pamamagitan ng aming pampamilyang panalangin.”
Ang nakatatandang mga anak ay malaking tulong kay Annamma sa paglalaan ng mainam na Kristiyanong edukasyon para sa lahat sa pamilya. Gayunman, ang mahigpit na iskedyul ay hindi sagabal sa kanilang pagnanais na ibahagi sa iba ang mabuting balita. Lahat-lahat, ang iba’t ibang miyembro ng pamilya ay nagdaraos ng 57 pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga tao sa kanilang lugar. Ganito ang sabi ng manugang na si Rajan: “Nagdaraos ang pamilya ng sumusulong na mga pag-aaral sa Bibliya. Ang aking maybahay, si Pushpam, ay nagkapribilehiyo na makitang isa sa kaniyang mga estudyante ang nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova.”
Naging sanhi ng usap-usapan sa Kotahena nang ang gayong kalaking pamilya ay umalis sa Iglesya Katolika Romana. Bagaman ang pari mismo ay hindi kailanman dumalaw sa pamilya upang alamin kung bakit, hiniling niya sa ibang karaniwang miyembro ng simbahan na sila’y magsuri. Nagbunga ito ng ilang pakikipagtalakayan, kadalasa’y tungkol sa doktrina ng Trinidad. Si Annamma ay palaging umaasa kay Jehova at sa Bibliya upang ipagtanggol ang kaniyang pananampalataya. Ang kaniyang paboritong kasulatan sa mga talakayang ito ay ang Juan 17:3.
Malinaw na ipinamamalas ng sambahayang Sinnappa na ang mabuting kaayusan at patuloy na pagsisikap ay magkapagdudulot ng kasiya-siyang mga resulta. Sa kanilang masigasig na pagsisikap, isang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ng Kaharian ang nagsisilaki, lahat ay ukol sa kapurihan ni Jehova.
Pinagkakaisa ng Pagsalansang ang Pamilya sa Tunay na Pagsamba
Di-kalayuan sa mga Sinnappa ay naroroon naman ang pamilyang Ratnam, sa Narhenpitya, isa pang pook sa Colombo. Sila man ay dating mga Romano Katoliko. Noong 1982, natagpuan ng mga Saksing nagbabahay-bahay si Balendran, ang asawa ng pinakamatandang anak na babae na si Fatima. Napasimulan ang pag-aaral ng Bibliya sa buong pamilya. Di-nagtagal at ang kanilang tatlong anak ay nagtatanong na kay Lola Ignasiamal ng tungkol sa pangalan ng Diyos. Nang ibigay ng mga bata ang sagot na “Jehova,” kanilang napukaw ang interes ni Lola, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa kaniya. Nang maglaon, dalawa sa kaniyang mga anak na babae, sina Jeevakala at Stella, ang nakisali sa pag-aaral, at pagsapit ng 1988 silang tatlo ay nabautismuhan.
Samantala, ibinahagi nina Balendran at Fatima ang katotohanan sa isa pang kapatid na babae ni Fatima, si Mallika, at sa kaniyang asawa, si Yoganathan. Nabautismuhan ang mag-asawang ito noong 1987, at ikinintal nila sa kanilang dalawang anak ang lumalaking pag-ibig kay Jehova. Sumunod naman si Pushpa, isa pang kapatid na babae ni Fatima. Siya’y nag-alay at nagpabautismo noong 1990. Samantalang nasa Tokyo, ang kaniyang asawa, si Eka, ay naglingkod kasama ng kongregasyong Ingles, at tinulungan ni Pushpa ang kanilang batang anak na lalaki, si Alfred, na lumaki sa paraan ni Jehova.
Sa ngayon, apat sa sampung anak ng pamilyang Ratnam ang nanindigan na sa tunay na pagsamba. Nakatutuwa, tatlo pa ang mabilis na sumusulong sa kanilang sariling pag-aaral sa Bibliya. Isang batang babae na kabilang sa 11 apo, si Pradeepa, ay nabautismuhan na. Pito pang kabataan ang regular na tinuturuan sa pamamagitan ng kanilang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. At saka, may kabuuang 24 na pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa mga interesadong tao sa kanilang lugar.
Hindi naging madali ang lahat ng ito. Sa simula, nariyan ang pagsalansang ng pamilya. Ang ama, si Muthupillai, at ang iba pang nakatatandang kapatid na lalaki ay totoong salungat sa pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall o pakikibahagi sa pangmadlang pangangaral ng sinuman sa kanilang pamilya. Samantalang ang ilan dito ay may kinalaman sa pagkabahala sa personal na kaligtasan, sinabi pa ni Muthupillai: “Ako’y lubusang nakatalaga sa ‘mga santo’ at hindi sumasang-ayon na iwan ng sinuman sa aking pamilya ang Simbahang Katoliko.” Subalit ngayon, naniniwala siya na sila ay sumasamba sa tunay na Diyos dahil nakikita niya ang mga kapakinabangan na idinulot sa kanila ng kanilang pananampalataya.
Halimbawa, minsan ay tinangka ng kanilang Budistang kasera na sila’y paalisin sa kaniyang lote sa pamamagitan ng paggamit ng mga anting-anting laban sa kanila. Isang gabi ay dumating siya at inilagay ang “may anting-anting” na mga prutas na dayap sa palibot ng bahay. Natakot ang mapamahiing mga kapitbahay, na lahat ay nag-aabang ng isang malungkot na pangyayari na sasapit sa pamilyang Ratnam. Gayunman, nang matuklasan ito ni Ignasiamal, walang-takot at pangambang inalis lamang niya at ng kaniyang mga anak ang mga prutas—at walang anumang masama na nangyari sa kanila. Ang kanilang walang-takot na pagkilos ay naging isang mabisang patotoo sa lugar na iyon, anupat lumaki ang paggalang sa kanila ng mga tao. Nakapagpasimula si Stella ng dalawang pantahanang pag-aaral ng Bibliya sa kalapit na mga pamilya. Palibhasa’y napatibay-loob, tumanggap din ng pag-aaral sa Bibliya ang manugang na si Nazeera.
Sa paggunita sa maraming pagpapala na dumating sa kaniyang pamilya, ganito ang sabi ni Ignasiamal: “Maligayang-maligaya ako na makita ang espirituwal na pagsulong sa aking pamilya. Kami’y pinagpala ni Jehova dahil humina na ang pagsalansang, at lalong nagkaisa ang aming pamilya.”
Ano ngang laking pagpapala ang mga sambahayang ito. Sila’y nakisama sa tinig niyaong mas maliliit na pamilya, mga pamilyang may nagsosolong magulang, at ng mga binata’t dalagang Kristiyano na nagsusumikap na pabilisin ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian sa “nagniningning na lupain,” gaya ng kahulugan ng pangalang Sri Lanka. Kasama ng kanilang mga kapuwa Kristiyano sa buong daigdig, nananabik ang mga Saksi sa Sri Lanka sa pagsasauli ng Paraiso, na ating magugunita kahit ngayon pa lamang habang ating nakikita ang mga dalampasigan at mga bundok ng kaakit-akit na Sri Lanka.
[Talababa]
a Ang isang malaking hukay doon ay pinaniniwalaang bakas ng paa ni Adan, Buddha, Siva, at ni “Santo” Tomas, ayon sa pagkakasunud-sunod, sa mga alamat ng Muslim, Budista, Hindu, at ng simbahan.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Marami sa Sri Lanka ang tumutugon sa pangangaral at pagtuturong Kristiyano