Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 9/1 p. 8-13
  • Mga Saksi Laban sa Huwad na mga Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Saksi Laban sa Huwad na mga Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagpapatotoo ni Abraham sa Katotohanan
  • Isang Bansa ng mga Saksi
  • Isang Pagsubok sa mga Diyos
  • “Kayo ang Aking mga Saksi”!
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
  • Kristiyanong mga Saksi Ukol sa Banal na Soberanya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Bakit Dapat na May mga Saksi si Jehova?
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Inihula ng Tunay na Diyos ang Kaligtasan
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 9/1 p. 8-13

Mga Saksi Laban sa Huwad na mga Diyos

“‘Kayo ay aking mga saksi,’ ang kapahayagan ni Jehova,‘ang akin ngang lingkod na pinili ko.’”​—ISAIAS 43:10.

1. Sino ang tunay na Diyos, at sa anu-anong paraan siya ang kataas-taasan sa lahat ng napakaraming diyos na sinasamba sa ngayon?

SINO ang tunay na Diyos? Sa ngayon, ang pinakamahalagang tanong na ito ay nakaharap sa buong sangkatauhan. Bagaman ang mga tao ay sumasamba sa napakaraming diyos, tanging Isa lamang ang makapagbibigay sa atin ng buhay at makapag-aalok sa atin ng maligayang hinaharap. Sa Isa lamang maaaring kumapit ang mga salitang ito: “Sa pamamagitan niya tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” (Gawa 17:28) Tunay, iisang Diyos lamang ang karapat-dapat sambahin. Gaya ng sinasabi ng makalangit na koro sa aklat ng Apocalipsis: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.”​—Apocalipsis 4:11.

2, 3. (a) Papaano may pagsisinungaling na hinamon ni Satanas ang karapatan ni Jehova upang sambahin? (b) Ang pagkakasala ni Eva ay nagbunga ng ano para kay Eva at sa kaniyang mga anak, at ano ang resulta para kay Satanas?

2 Sa halamanan ng Eden, may pagsisinungaling na hinamon ni Satanas ang karapatan ni Jehova upang sambahin. Sa paggamit ng isang serpiyente, sinabi niya kay Eva na kung siya’y magrerebelde laban sa batas ni Jehova at kakain mula sa punungkahoy na ipinagbabawal ni Jehova, siya mismo ay magiging kagaya ng Diyos. Ganito ang sinabi niya: “Alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain ka buhat doon ang iyong mga mata ay tiyak na mabubuksan at ikaw ay tiyak na magiging kagaya ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.” (Genesis 3:5) Naniwala si Eva sa serpiyente at kumain ng ipinagbabawal na prutas.

3 Mangyari pa, nagsinungaling si Satanas. (Juan 8:44) Ang tanging paraan na si Eva ay naging “kagaya ng Diyos” nang siya’y magkasala ay noong magpasiya siya para sa kaniyang sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali, isang bagay na ang may karapatan lamang magpasiya ay si Jehova. At sa kabila ng kasinungalingan ni Satanas, nang dakong huli si Eva ay namatay. Kaya ang tanging nakinabang sa pagkakasala ni Eva ay si Satanas. Totoo, ang di-nabanggit na layunin ni Satanas sa paghikayat kay Eva na magkasala ay upang siya mismo ay maging isang diyos. Nang magkasala si Eva, siya ay naging unang taong tagasunod niya, at di-nagtagal ay nakisama sa kaniya si Adan. Karamihan sa kanilang mga anak ay hindi lamang ipinanganak “sa kasalanan” kundi nahulog din sa impluwensiya ni Satanas, at sa maikling panahon, umiral ang isang buong sanlibutan na hiwalay sa tunay na Diyos.​—Genesis 6:5; Awit 51:5.

4. (a) Sino ang diyos ng sanlibutang ito? (b) Sa ano may apurahang pangangailangan?

4 Ang sanlibutang iyon ay nalipol sa Baha. (2 Pedro 3:6) Pagkatapos ng Baha ay sumibol ang isa pang sanlibutan na hiwalay kay Jehova, at ito’y umiiral pa rin. Tungkol dito ay ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Sa pagkilos nito laban sa kahulugan at titik ng batas ni Jehova, tinutupad ng sanlibutang ito ang layunin ni Satanas. Siya ang diyos nito. (2 Corinto 4:4) Gayunman, siya ay talaga namang isang walang-kakayahang diyos. Hindi niya mapaligaya ang mga tao o mabigyan man sila ng buhay; si Jehova lamang ang makagagawa niyan. Kaya naman, ang mga taong nagnanais magkaroon ng makabuluhang buhay at ng mas mabuting sanlibutan ay kailangan munang makaalam na si Jehova ang tunay na Diyos at pagkatapos ay matutuhang gawin ang kaniyang kalooban. (Awit 37:18, 27, 28; Eclesiastes 12:13) Kung gayon ay may apurahang pangangailangan na ang mga lalaki at babaing may pananampalataya ay magpatotoo, o magpahayag ng katotohanan, tungkol kay Jehova.

5. Anong “ulap ng mga saksi” ang binanggit ni Pablo? Ibigay ang pangalan ng ilang tao sa talaang iyan.

5 Sa simula pa lamang, nariyan na sa sanlibutan ang gayong tapat na mga tao. Sa Hebreo kabanata 11, ibinibigay ni apostol Pablo ang mahabang talaan ng mga ito at tinutukoy sila bilang ang “ganito kalaking ulap ng mga saksi.” (Hebreo 12:1) Ang ikalawang anak na lalaki nina Adan at Eva, si Abel, ang siyang una sa talaan ni Pablo. Binanggit din sina Enoc at Noe buhat sa panahon bago ang Baha. (Hebreo 11:4, 5, 7) Naging tanyag si Abraham, ang ninuno ng lahing Judio. Si Abraham, na tinatawag na “kaibigan ni Jehova,” ang naging ninuno ni Jesus, “ang saksing tapat at totoo.”​—Santiago 2:23; Apocalipsis 3:14.

Ang Pagpapatotoo ni Abraham sa Katotohanan

6, 7. Sa anu-anong paraan ang buhay at pagkilos ni Abraham ay patotoo na si Jehova ang tunay na Diyos?

6 Papaano naglingkod si Abraham bilang isang saksi? Sa pamamagitan ng kaniyang matibay na pananampalataya at tapat na pagsunod kay Jehova. Nang ipatawag siya upang lisanin ang lunsod ng Ur at gugulin ang nalalabing bahagi ng kaniyang buhay sa isang malayong lupain, sumunod si Abraham. (Genesis 15:7; Gawa 7:2-4) Malimit na iiwan ng naglalakbay na mga tribo ang kanilang pagala-galang pamumuhay at pipiliin ang mas tiwasay na buhay sa lunsod. Kaya naman, nang lisanin ni Abraham ang lunsod upang mamuhay sa mga tolda, nagpakita siya ng matibay na patotoo ng kaniyang pagtitiwala sa Diyos na Jehova. Ang kaniyang pagsunod ay patotoo sa mga nagmamasid. Saganang pinagpala ni Jehova si Abraham dahil sa kaniyang pananampalataya. Bagaman naninirahan sa mga tolda, umunlad si Abraham sa materyal na paraan. Nang si Lot at ang kaniyang pamilya ay tangayin bilang mga bihag, pinapagtagumpay ni Jehova si Abraham sa kaniyang paghabol, anupat kaniyang nailigtas sila. Sa kaniyang katandaan ay nagsilang ang asawa ni Abraham ng isang anak na lalaki, at sa gayo’y napatunayan ang pangako ni Jehova na si Abraham ay magkakaroon ng isang binhi. Sa pamamagitan ni Abraham, nakita ng mga tao na si Jehova ay isang Diyos na buháy na tumutupad sa kaniyang mga pangako.​—Genesis 12:1-3; 14:14-16; 21:1-7.

7 Nang pabalik buhat sa pagliligtas kay Lot, nakatagpo ni Abraham si Melquisedec, ang hari ng Salem (nang dakong huli ay tinawag na Jerusalem), na tumanggap kay Abraham, sa pagsasabing “Pagpalain nawa si Abram ng Kataas-taasang Diyos.” Nakaharap din niya ang hari ng Sodoma at ibig nitong bigyan siya ng mga regalo. Tumanggi si Abraham. Bakit? Hindi niya ibig na magkaroon ng anumang alinlangan tungkol sa Pinagmumulan ng kaniyang mga pagpapala. Sabi niya: “Iniaangat ko ang aking mga kamay bilang panunumpa kay Jehova na Kataas-taasang Diyos, Maygawa ng langit at ng lupa, na, buhat sa sinulid hanggang sa sintas ng sandalyas, hindi, hindi ako kukuha ng anuman buhat sa anumang nasa iyo, upang hindi mo masabi, ‘Ako nga ang nagpayaman kay Abraham.’ ” (Genesis 14:17-24) Anong inam ngang saksi si Abraham!

Isang Bansa ng mga Saksi

8. Papaano nagpakita si Moises ng malaking pananampalataya kay Jehova?

8 Si Moises, na isang inapo ni Abraham, ay naroroon din sa talaan ni Pablo ng mga saksi. Tinalikuran ni Moises ang mga kayamanan ng Ehipto at nang maglaon ay buong-tapang na humarap sa tagapamahala ng dakilang pandaigdig na kapangyarihang iyan upang akayin ang mga anak ni Israel patungo sa kalayaan. Saan nanggaling ang kaniyang tibay ng loob? Buhat sa kaniyang pananampalataya. Ganito ang sabi ni Pablo: “Nagpatuloy [si Moises na] matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Ang mga diyos ng Ehipto ay nakikita at nahahawakan. Kahit ngayon, humahanga ang mga tao sa kanilang mga estatuwa. Subalit si Jehova, bagaman di-nakikita, ay lalong higit na tunay kay Moises kaysa sa lahat niyaong huwad na mga diyos. Walang alinlangan si Moises na si Jehova ay umiiral at na kaniyang gagantimpalaan ang mga sumasamba sa Kaniya. (Hebreo 11:6) Si Moises ay naging isang katangi-tanging saksi.

9. Papaano maglilingkod ang bansang Israel kay Jehova?

9 Pagkatapos akayin ang mga Israelita tungo sa kalayaan, si Moises ang naging tagapamagitan ng isang tipan sa pagitan ni Jehova at ng mga inapo ni Abraham kay Jacob. Bunga nito, umiral ang bansang Israel bilang isang pantanging pag-aari ni Jehova. (Exodo 19:5, 6) Sa kauna-unahang pagkakataon, isang pambansang patotoo ang maibibigay. Sa diwa ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias, mga 800 taon pagkaraan, ay kumakapit buhat pa sa pasimula ng pag-iral ng bansa: “ ‘Kayo ay aking mga saksi,’ ang kapahayagan ni Jehova, ‘ang akin ngang lingkod na pinili ko, upang inyong makilala at magsagawa kayo ng pananampalataya sa akin, at upang maunawaan ninyo na ako ang Isa ring iyon.’ ” (Isaias 43:10) Papaano magsisilbing mga saksi ni Jehova ang bagong bansang ito? Sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at pagsunod at sa pamamagitan ng pagkilos ni Jehova alang-alang sa kanila.

10. Sa anong paraan nagsilbing patotoo ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova alang-alang sa Israel, at ano ang mga resulta?

10 Mga 40 taon mula nang umiral ito, kukunin na lamang ng Israel ang Lupang Pangako. Naparoon ang mga espiya upang magmatyag sa lunsod ng Jerico, at iniligtas sila ni Rahab, na naninirahan sa Jerico. Bakit? Ganito ang sabi niya: “Narinig namin kung papaano tinuyo ni Jehova ang katubigan ng Dagat na Pula sa inyong harapan nang kayo’y lumabas sa Ehipto, at kung ano ang ginawa ninyo sa dalawang hari ng mga Amorita na nasa kabilang panig ng Jordan, samakatuwid nga, sina Sihon at Og, na inyong itinalaga sa pagkapuksa. Nang umabot iyon sa aming pandinig, kung magkagayon ang aming mga puso ay nagsimulang matunaw, at walang espiritu ang bumangon sa sinuman dahil sa inyo, sapagkat si Jehova na inyong Diyos ay Diyos ng mga langit sa ibabaw at sa ilalim ng lupa.” (Josue 2:10, 11) Ang ulat tungkol sa makapangyarihang mga gawa ni Jehova ang nagpakilos kay Rahab at sa kaniyang pamilya na lisanin ang Jerico at ang huwad na mga diyos nito at sambahin si Jehova kasama ng Israel. Maliwanag, nagbigay si Jehova ng mabisang patotoo sa pamamagitan ng Israel.​—Josue 6:25.

11. Anong pananagutan ang taglay ng lahat ng mga magulang na Israelita may kinalaman sa pagpapatotoo?

11 Samantalang nasa Ehipto pa ang mga Israelita, isinugo ni Jehova si Moises kay Faraon at nagsabi: “Pumaroon ka kay Faraon, sapagkat aking​—aking ginawang di-tumutugon ang kaniyang puso at ang puso ng kaniyang mga lingkod, upang mailagay ko ang aking mga tanda sa kaniya mismong harapan, at upang maipahayag ninyo sa mga tainga ng inyong anak at sa anak ng inyong anak kung gaano kabagsik akong nakitungo sa Ehipto at ang aking mga tanda na naitatag ko sa gitna nila; at tiyak na makikilala ninyo na ako si Jehova.” (Exodo 10:1, 2) Isasalaysay ng masunuring mga Israelita sa kanilang mga anak ang tungkol sa makapangyarihang mga gawa ni Jehova. Ang mga anak na ito naman ang magsasalaysay sa kanilang mga anak, at gayon ang gagawin mula sa isang salinlahi hanggang sa isang salinlahi. Sa gayon, magugunita ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova. Gayundin sa ngayon, ang mga magulang ay may pananagutan na magpatotoo sa kanilang mga anak.​—Deuteronomio 6:4-7; Kawikaan 22:6.

12. Papaano nagsilbing patotoo ang pagpapala ni Jehova kay Solomon at sa Israel?

12 Ang saganang pagpapala ni Jehova sa Israel nang ito’y nagtatapat ay nagsilbing patotoo sa mga bansang nakapalibot. Gaya ng sinabi ni Moises pagkatapos isalaysay ang ipinangakong mga pagpapala ni Jehova: “Makikita ng lahat ng bayan sa lupa na ang pangalan ni Jehova ay itinawag sa inyo, at sila nga’y totoong matatakot sa inyo.” (Deuteronomio 28:10) Si Solomon ay pinagkalooban ng karunungan at kayamanan dahil sa kaniyang pananampalataya. Sa ilalim niya ang bansa ay umunlad at nagtamasa ng mahabang panahon ng kapayapaan. Tungkol sa panahong iyon ay ganito ang mababasa natin: “Sila’y patuloy na dumating buhat sa lahat ng mga bayan upang pakinggan ang karunungan ni Solomon, maging ang lahat ng mga hari sa lupa na nakarinig ng kaniyang karunungan.” (1 Hari 4:25, 29, 30, 34) Prominente sa mga panauhin ni Solomon ang reyna ng Sheba. Pagkatapos makita mismo ang pagpapala ni Jehova sa bansa at sa hari nito, ganito ang sabi niya: “Pagpalain nawa si Jehova na iyong Diyos, na nalugod sa iyo sa pamamagitan ng paglalagay sa iyo ng kaniyang trono bilang hari para kay Jehova na iyong Diyos; sapagkat inibig ng iyong Diyos ang Israel.”​—2 Cronica 9:8.

13. Ano marahil ang pinakamabisang patotoo ng Israel, at papaano pa rin tayo nakikinabang mula rito?

13 Binanggit ni apostol Pablo ang marahil ay pinakamabisang patotoo ng Israel. Nang tinutukoy ang likas na Israel sa Kristiyanong kongregasyon sa Roma, sinabi niya: “Sila ay pinagkatiwalaan ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Roma 3:1, 2) Pasimula kay Moises, ang ilang tapat na Israelita ay kinasihan upang isulat ang mga pakikitungo ni Jehova sa Israel, gayundin ang kaniyang payo, ang kaniyang mga batas, at ang kaniyang mga hula. Sa pamamagitan ng mga kasulatang ito yaong sinaunang mga eskriba ay nagpatotoo sa lahat ng salinlahi sa hinaharap​—kasali na ang sa ating kaarawan​—na mayroon lamang iisang Diyos, at ang kaniyang pangalan ay Jehova.​—Daniel 12:9; 1 Pedro 1:10-12.

14. Bakit dumanas ng pag-uusig ang ilan na nagpatotoo para kay Jehova?

14 Nakalulungkot, madalas na mabigo ang Israel na magsagawa ng pananampalataya, kung kaya si Jehova ay kinailangang magsugo ng mga saksi sa kaniyang sariling bansa. Pinag-usig ang marami sa mga ito. Sinabi ni Pablo na “tinanggap ng [ilan] ang kanilang pagsubok sa pamamagitan ng mga panlilibak at mga panghahagupit, higit pa nga riyan, sa pamamagitan ng mga gapos at mga bilangguan.” (Hebreo 11:36) Sila nga’y tunay na tapat na mga saksi! Nakalulungkot nga na ang pag-uusig sa kanila ay malimit na nanggagaling sa mga kapuwa kaanib ng piniling bansa ni Jehova! (Mateo 23:31, 37) Sa katunayan, gayon na lamang kalaki ang pagkakasala ng bansa kung kaya noong 607 B.C.E., dinala ni Jehova ang mga taga-Babilonya upang wasakin ang Jerusalem kasama ang templo nito at akayin ang karamihan sa nakaligtas na mga Israelita patungo sa pagkatapon. (Jeremias 20:4; 21:10) Iyon ba ang katapusan ng pambansang patotoo sa pangalan ni Jehova? Hindi.

Isang Pagsubok sa mga Diyos

15. Papaano nakapagbigay ng isang patotoo kahit na sa panahon ng pagkatapon sa Babilonya?

15 Kahit na nasa Babilonya bilang mga tapon, hindi nag-atubili ang tapat na mga kaanib ng bansa sa pagpapatotoo tungkol sa pagka-Diyos at kapangyarihan ni Jehova at sa kaniyang kapangyarihan. Halimbawa, buong-tapang na binigyang-kahulugan ni Daniel ang panaginip ni Nabucodonosor, ipinaliwanag kay Belshasar ang sulat sa pader, at tumangging makipagkompromiso sa harap ni Dario hinggil sa panalangin. Ang tatlong Hebreo rin naman, nang tumangging yumukod sa imahen, ay nagbigay ng isang kahanga-hangang patotoo kay Nabucodonosor.​—Daniel 3:13-18; 5:13-29; 6:4-27.

16. Papaano inihula ni Jehova ang pagbabalik ng Israel sa kanilang sariling lupain, at ano ang magiging layunin ng pagbabalik na ito?

16 Gayunpaman, nilayon ni Jehova na isang pambansang patotoo ang muling maibigay sa lupain ng Israel. Si Ezekiel, na nanghula sa gitna ng ipinatapong mga Judio sa Babilonya, ay sumulat tungkol sa pasiya ni Jehova hinggil sa wasak na lupain: “Pararamihin ko kayo sa sangkatauhan, ang buong bahay ng Israel, samakatuwid nga’y silang lahat, at ang mga lunsod ay tatahanan, at ang mismong wasak na mga dako ay itatayong-muli.” (Ezekiel 36:10) Bakit ito gagawin ni Jehova? Pangunahin na bilang isang patotoo sa kaniyang sariling pangalan. Sa pamamagitan ni Ezekiel ay sinabi niya: “Hindi ko ginagawa ito alang-alang sa inyo, O bahay ni Israel, kundi dahil sa aking banal na pangalan, na inyong nilapastangan sa gitna ng mga bansa.”​—Ezekiel 36:22; Jeremias 50:28.

17. Ano ang konteksto ng mga salita sa Isaias 43:10?

17 Iyon ay noong inihuhula ang pagbabalik ng Israel buhat sa pagkatapon sa Babilonya nang si propeta Isaias ay kinasihan na isulat ang mga salita sa Isaias 43:10, na nagsasabing ang Israel ay saksi ni Jehova, ang kaniyang lingkod. Sa Isaias 43 at 44, inilalarawan si Jehova bilang Maylalang, Tagapag-anyo, Diyos, Banal na Isa, Tagapagligtas, Tagabiling-Muli, Hari, at Maylikha ng Israel. (Isaias 43:3, 14, 15; 44:2) Pinahintulutan ang pagkatapon ng Israel dahil paulit-ulit na nabigo ang bansa na luwalhatiin siya bilang gayon. Gayunman, sila ay kaniya pa ring bayan. Sinabi ni Jehova sa kanila: “Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay aking biniling-muli. Ikaw ay tinawag ko sa pamamagitan ng iyong pangalan. Ikaw ay akin.” (Isaias 43:1) Magwawakas ang pagkatapon ng Israel sa Babilonya.

18. Papaano pinatunayan ng pagkapalaya sa Israel buhat sa Babilonya na si Jehova ang tanging tunay na Diyos?

18 Sa katunayan, ginawa ni Jehova na isang pagsubok sa mga diyos ang pagpapalaya sa Israel buhat sa Babilonya. Hinamon niya ang huwad na mga diyos ng mga bansa upang ilabas ang kanilang mga saksi, at pinanganlan niya ang Israel bilang kaniyang saksi. (Isaias 43:9, 12) Nang palayain niya ang Israel, pinatunayan niya na ang mga diyos ng Babilonya sa anumang paraan ay hindi mga diyos at na siya lamang ang tunay na Diyos. (Isaias 43:14, 15) Nang tukuyin niya si Ciro na Persiano bilang kaniyang lingkod sa pagpapalaya sa mga Judio, humigit-kumulang 200 taon bago ang pangyayaring ito, nagbigay siya ng karagdagang patotoo ng kaniyang pagka-Diyos. (Isaias 44:28) Palalayain ang Israel. Bakit? Ganito ang paliwanag ni Jehova: “Upang kanilang [ang Israel] isalaysay ang aking kapurihan.” (Isaias 43:21) Ito’y magbibigay ng higit pang pagkakataon upang magpatotoo.

19. Anong patotoo ang inilaan ng paanyaya ni Ciro sa mga Israelita upang bumalik sa Jerusalem at ng mga gawa ng tapat na mga Judio matapos ang pagbabalik na iyon?

19 Nang sumapit ang panahon, sinakop ni Ciro na Persiano ang Babilonya gaya ng inihula. Bagaman pagano, inihayag ni Ciro ang pagka-Diyos ni Jehova nang maglabas siya ng isang kapahayagan sa mga Judio sa Babilonya: “Sinuman na nasa inyo sa kaniyang buong bayan, sumakaniya nawa ang kaniyang Diyos. Kaya hayaang umahon siya sa Jerusalem, na nasa Juda, at itayong-muli ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel​—siya ang tunay na Diyos​—na nasa Jerusalem.” (Ezra 1:3) Maraming Judio ang tumugon. Sila’y umahon pabalik sa Lupang Pangako at nagtayo ng altar sa kinaroroonan ng sinaunang templo. Sa kabila ng pagkasira ng loob at matinding pagsalansang, sa wakas ay kanilang naitayong muli ang templo at ang lunsod ng Jerusalem. Lahat ng ito ay nangyari, gaya ng sinabi ni Jehova mismo, “hindi sa pamamagitan ng puwersang militar, ni sa pamamagitan ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng [kaniyang] espiritu.” (Zacarias 4:6) Ang mga tagumpay na ito ay karagdagan pang patotoo na si Jehova ang tunay na Diyos.

20. Sa kabila ng mga kahinaan ng Israel, ano ang masasabi tungkol sa kanilang pagbibigay ng patotoo sa pangalan ni Jehova sa sinaunang sanlibutan?

20 Sa gayon, patuloy na ginamit ni Jehova ang Israel bilang kaniyang saksi, bagaman isang bansa ng di-sakdal at kung minsan ay rebelyosong bayan. Sa sanlibutan bago ang panahong Kristiyano, ang bansang iyon, pati ang templo at pagkasaserdote nito, ay kumatawan sa pandaigdig na sentro ng tunay na pagsamba. Sinumang bumabasa ng Hebreong Kasulatan tungkol sa mga gawa ni Jehova may kaugnayan sa Israel ay makatitiyak na may isa lamang tunay na Diyos, at ang kaniyang pangalan ay Jehova. (Deuteronomio 6:4; Zacarias 14:9) Gayunman, isang lalong dakilang patotoo ang kailangang ibigay sa pangalan ni Jehova, at tatalakayin natin ito sa susunod na artikulo.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Papaano nagbigay si Abraham ng patotoo na si Jehova ang tunay na Diyos?

◻ Anong natatanging katangian ni Moises ang nagpangyaring siya’y maging isang tapat na saksi?

◻ Sa anu-anong paraan ang Israel ay nagbigay ng pambansang patotoo tungkol kay Jehova?

◻ Papaanong ang pagkapalaya sa Israel buhat sa Babilonya ay isang pagtatanghal na si Jehova ang tanging tunay na Diyos?

[Larawan sa pahina 10]

Sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya at pagsunod, nagbigay si Abraham ng katangi-tanging patotoo sa pagka-Diyos ni Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share