Isang Matagumpay na Kampanya ng Pagpapatotoo sa Gresya
ANG mga Saksi ni Jehova ay matagal nang napaharap sa pagsalansang sa Gresya. Ang ilang opisyal ng pulisya, hukuman, at ng pamahalaan ay umuusig sa mga Saksi, malimit dahil sa panggigipit ng klero ng Griegong Ortodoksiya. Kung minsan ang idinadahilan ay ang batas ng Gresya laban sa proselitismo, kung minsan naman ay ang salig-Bibliyang pagtanggi ng mga Saksi na lumahok sa digmaan o magpasalin ng dugo.—Isaias 2:2-5; Gawa 15:28, 29.
Sa pagsisikap na higit silang maunawaan ng tapat-pusong mga awtoridad sa Gresya, mga 200 Saksi na kinikilala ng pamahalaang Griego bilang mga relihiyosong ministro, gayundin ang ilan na mga abogado, ang kamakailan ay nagsagawa ng isang pambansang kampanya. Nag-alok sila ng isang pantanging dinisenyong brosyur, na pinamagatang Jehovah’s Witnesses in Greece, gayundin ang aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Naglaan din sila ng isang pakete ng mga dokumento na nagpapakitang walang makatuwiran at legal na saligan ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova. Dinalaw ng mga Saksi ang mga hepe ng pulisya, mga alkalde, piskal, at iba pang opisyal.
Ang tugon? Daan-daang magagandang karanasan. Tingnan ang ilang halimbawa.
Ang komander ng isang himpilan ng pulisya sa Kanlurang Macedonia ay tumanggap sa mga kapatid at nagsabi: “Matagal ko na kayong kilala, . . . at hinahangaan ko ang inyong kaayusan. . . . Hindi ako sumasang-ayon sa batas tungkol sa proselitismo, at kung sa akin lang, pawawalang-bisa ko iyon.”
Ang mga komander sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa maraming lunsod ay nagkomento ng ganito: “Pinupuri ko kayo sa inyong paglilingkod sa lipunan.” “Ang inyong pamayanan ay hindi lumilikha ng mga suliranin sa pulisya; gumaganap kayo ng isang gawaing panlipunan.” “Talagang wala kaming problema sa inyo. Iginagalang namin kayo at hinahangaan kayo.”
Isang mataas na opisyal ng security police sa Piraeus ang nangingilid ang luha nang sabihin sa mga kapatid na alam niyang manalangin sa pangalan ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sinorpresa pa niya ang mga Saksi nang sabihin niya sa kanila na alam niyang inaasahan nila ang ilang pag-uusig bago ang Armagedon, at siya’y umaasang gagamitin siya ng Diyos upang tulungan sila sa panahong iyon! Tinanggap niya ang paanyaya ng mga kapatid para sa karagdagan pang pag-uusap.
Tumugon ang mga Opisyal ng Pamahalaan
Ganito ang sabi ng isang alkalde sa Thessaly hinggil sa aklat na Tagapaghayag: “Nararapat itong magkaroon ng dako sa aklatan ng munisipyo—nang isang prominenteng dako!” Agad-agad pagkatapos nito ay inalis niya ang mga aklat sa isang istante at inilagay roon ang aklat na Tagapaghayag upang makita ang pabalat nito.
Sa hilagang Gresya ang mga kapatid ay malugod na tinanggap ng isang alkalde at nagsabi: “Kayo ang pinakamahuhusay na tao na ibig ko sanang manirahan sa aking munisipyo.” Isang mabait na alkalde sa hilagang Euboea ang nagsabi sa mga kapatid: “Ako’y dating opisyal sa hukbo. Pero kayo—totoong hinahangaan ko kayo.” Masigla siyang sumang-ayon sa mga punto na iniharap ng mga Saksi. Nang ipakita nila ang isang koleksiyon ng mga aklat na inilathala ng Samahang Watch Tower, sinabi niya: “Kung ipangangako kong babasahin ko ang lahat ng ito, ibibigay ba ninyo sa akin ang mga ito?” Sumagot sila: “Aba siyempre—sa inyo na ang mga ito!” Tuwang-tuwa siya at halos ayaw na niyang umalis ang mga kapatid.
Sa isang pook sa labas ng Attica, malugod na tinanggap ng alkalde ang mga literatura na inialok ng mga kapatid at hiniling sa kanila na patuloy siyang dalhan ng mga publikasyon ng Samahan. Nang papaalis na sila, sinabi niya sa kanila: “Ang mga tao ay lubhang di-nasisiyahan sa mga pulitiko at sa iba na sila humahanap ng talagang katotohanan. Natitiyak ko na mula ngayon ay magiging abalang-abala kayo dahil taglay ninyo ang katotohanan.”
Tumugon ang mga Piskal
Ganito ang nagunita ng mga kapatid na dumalaw sa isang katulong na piskal sa hilagang Gresya: “Humanga siya sa ating mga publikasyon at sa presentasyon, gayundin sa pagsisikap nating matiyak na ang ating mga kasama ay hindi mahina kapag napaharap sa mga maselang na isyu ng pagsasalin ng dugo. Sa wakas ay pinasalamatan niya kami at masiglang pinapurihan kami sa pagkukusa na dumalaw at magbigay-alam sa kaniya. Nang maglaon, nalaman namin na may apat na taon na ang nakaraan nang tawagan niya ang pulisya at iutos ang pag-aresto sa dalawang kapatid na naglilingkod sa larangan.”
Dalawang abogadong Saksi na bumisita sa mga tanggapan ng piskal sa Atenas ang nagulat nang lumapit sa kanila ang isang kilala at lubhang iginagalang na nakatatandang piskal. Tinawag niya sila sa isang tabi at sinabi sa kanila na ang batas laban sa proselitismo ay walang saligan at nagiging sanhi ng kalituhan sa sistema ng Griegong hukuman. Siya’y masiglang nakipagkamay sa kanila bilang pasasalamat.
Sa hilagang Gresya, isang piskal ang totoong palakaibigan at tumanggap ng literatura. Habang binubuklat niya ang mga pahina ng aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, namangha siya sa sari-saring kabanatang nilalaman. Nagkomento siya: “Hindi ko pa nakita sa buong Ortodoksiya ang mga inihaharap ng aklat na ito.”
Isang piskal sa Boeotia ang umamin na siya, noong nakaraan, ay nagpalabas ng utos na ang mga Saksi ay salinan ng dugo nang labag sa kanilang kalooban. Subalit pagkatapos na paliwanagan siya ng mga kapatid hinggil sa bagay na iyon, sinabi niya: “Hindi na ako maglalabas kailanman ng gayong kautusan!” Ipinasiya niya na ang lokal na Hospital Liaison Committee ng mga Saksi ni Jehova ay dapat na konsultahin upang ang lahat ng panghalili sa dugo ay mapag-aralan. Malugod niyang tinanggap ang aklat na Tanong ng mga Kabataan.
Tumugon ang mga Katiwala ng Aklatan
Iniharap din ang materyal sa maraming katiwala ng aklatan. Sa isang aklatan sa Atenas, isang magalang na katiwala ang tumanggap ng literatura at nagkomento: “Napakainam na dinala ninyo sa amin ang inyong mga aklat dahil karamihan sa mga aklat na narito sa aming aklatan ay laban sa inyo. . . . Galít na galít ang isang pari na makita ang inyong mga libro sa aklatan. . . . Hindi na mahalaga iyon. Dapat na marinig ang lahat ng tinig.”
Isang opisyal sa aklatan ng isang munisipyo sa Creta, na nakakilala ng mga Saksi ni Jehova sa isang kampong militar, ang nagsabi sa mga kapatid na siya ay humanga sa pagtanggi ng mga Saksi na makibahagi sa digmaan. Palagi niyang itinatanong sa sarili, ‘Bakit dapat na magdusa ang mga taong ito?’ Tumanggap siya ng literatura buhat sa mga kapatid at ganito ang sinabi tungkol sa kanilang kasalukuyang kampanya: ‘Mahusay ang ginagawa ninyo at dapat sana’y noon pa ninyo ginawa ito. . . . Sa Gresya ay napakaraming pagtatangi.” Hiniling niya sa mga kapatid na dalawin siyang muli sa lalong madaling panahon.
Sa panahon ng pantanging kampanyang ito, ang mga kapatid ay nakapagpasakamay ng mahigit sa 1,000 aklat na Tagapaghayag, 1,600 brosyur na Jehovah’s Witnesses in Greece, gayundin ng daan-daang aklat at magasin. Mas mainam pa, nakausap nila nang harapan ang daan-daang Griegong opisyal. Ngayon ay umaasa ang tapat na mga lingkod ni Jehova sa Gresya at sa buong daigdig na ang tapat-pusong mga awtoridad sa Gresya ay magiging mas makatuwiran sa kanilang pangmalas sa mga Saksi ni Jehova.