Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 6/1 p. 32
  • “Kung Ano ang Ipinanata Mo, Tuparin Mo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Kung Ano ang Ipinanata Mo, Tuparin Mo”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kusang-loob, Ngunit Minsang Gawin ay May Bisa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 6/1 p. 32

“Kung Ano ang Ipinanata Mo, Tuparin Mo”

ANG panata ay isang taimtim na pangako sa Diyos upang gawin ang isang bagay, maghandog o magkaloob, pumasok sa isang paglilingkod o kalagayan, o umiwas mula sa ilang bagay na sa ganang sarili ay hindi labag sa batas. Ang isang panata ay kusang-loob na kapahayagan ng malayang kalooban ng isa. Palibhasa’y isang taimtim na pangako, taglay ng panata ang bisa ng isang sumpa o ng isang panunumpa, at kung minsan ang dalawang salita ay magkasama sa Bibliya. (Bilang 30:2; Mateo 5:33) Ang “panata” ay higit na nagpapahiwatig ng paghahayag ng layunin, samantalang ang “sumpa” ay nagpapahiwatig ng panawagan sa nakatataas na awtoridad na nagpapatunay sa pagiging totoo o may bisa ng kapahayagan. Ang mga sumpa ay malimit na may kalakip na pagpapatibay ng isang tipan.​—Genesis 26:28; 31:44, 53.

Ang pinakaunang rekord ng isang panata ay masusumpungan sa Genesis 28:20-22, na doo’y nangako si Jacob na ibibigay kay Jehova ang ikasampung bahagi ng lahat ng kaniyang pag-aari kung si Jehova ay magpapatuloy na kasama niya at ibabalik siya nang mapayapa, sa gayo’y pinatutunayang siya ang Diyos ni Jacob. Hindi nakikipagtawaran si Jacob sa Diyos, kundi ibig niyang makatiyak na taglay niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Gaya ng ipinakikita ng halimbawang ito, ang mga patriyarka ay gumawa ng mga panata (tingnan din ang Job 22:27), at tulad sa maraming iba pang kaugalian ng mga patriyarka, ipinaliliwanag at inuugitan ang mga ito ng Kautusang Mosaiko, sa halip na iharap pa ang ganitong dati nang umiiral na bahagi ng pagsamba.

Maraming panata ang ginawa bilang paghingi ng pabor ng Diyos at ng tagumpay sa isang gawain, gaya sa kaso ni Jacob. Ang isa pang halimbawa ng gayon ay ang panata ng Israel na italaga sa pagkapuksa ang mga lunsod ng Canaanitang hari ng Arad kung bibigyan ni Jehova ng tagumpay ang Israel. (Bilang 21:1-3) Ang mga panata ay ginawa rin bilang kapahayagan ng debosyon kay Jehova at sa kaniyang dalisay na pagsamba (Awit 132:1-5) o bilang pagpapakita na ibinubukod ng isang tao ang kaniyang sarili o ang kaniyang mga pag-aari para sa pantanging paglilingkuran. (Bilang 6:2-7) Ang mga magulang ay makagagawa ng mga panata may kaugnayan sa kanilang mga anak, gaya ng ginawa ni Ana may kinalaman kay Samuel. (1 Samuel 1:11; ihambing ang Hukom 11:30, 31, 39.) Sa mga halimbawang ito ay nakipagtulungan ang mga anak sa pagtupad ng panata.

Kusang-loob, Ngunit Minsang Gawin ay May Bisa

Ang mga panata sa kabuuan ay kusang-loob. Gayunman, minsang gumawa ng panata ang isang tao, sapilitan ang pagtupad ayon sa batas ng Diyos. Sa gayon ang isang panata ay sinasabing ‘napalakip sa kaniyang kaluluwa,’ anupat nagpapahiwatig na ang kaniya mismong buhay ay naging garantiya sa pagtupad ng kaniyang salita. (Bilang 30:2; tingnan din ang Roma 1:31, 32.) Yamang buhay ang nakataya, mauunawaan kung bakit hinihimok ng Kasulatan ang isa na lubhang mag-ingat bago gumawa ng isang panata, anupat isinasaalang-alang na maigi ang mga obligasyon na binabalikat. Sinabi ng Kautusan: “Sakaling gumawa ka ng isang panata kay Jehova . . . walang pagsalang hihingin ito sa iyo ng Diyos, at tunay ngang ito’y magiging kasalanan sa iyong bahagi. Subalit sakaling hindi ka gagawa ng panata, hindi iyon magiging kasalanan sa iyong bahagi.”​—Deuteronomio 23:21, 22.

Gaya ng ipinahayag ng Tagapagtipon nang dakong huli: “Kung ano ang ipinanata mo, tuparin mo. Mas mabuti na hindi ka gumawa ng panata kaysa sa gumawa ka ng panata at hindi mo naman tutuparin. Huwag mong hayaang akayin ng iyong bibig ang iyong laman na magkasala, ni sabihin mo man sa harap ng isang anghel na iyon ay isang pagkakamali.” (Eclesiastes 5:4-6) Ang isang panata na padalus-dalos na ginawa udyok ng panandaliang pananabik o ng simbuyo ng damdamin ay maaaring mapatunayang isang silo. (Kawikaan 20:25) Sa ilalim ng Kautusan ang isa na gumagawa ng gayong padalus-dalos na panata ay nagkakasala sa harap ng Diyos at kailangang maghandog para sa kaniyang pagkakasala. (Levitico 5:4-6) Bilang pagtatapos, ang isang panata ay walang kabuluhan sa mga mata ng Diyos kung hindi ito kasuwato ng kaniyang matuwid na mga kautusan at hindi ito bumubukal mula sa tamang uri ng puso at saloobin.​—Awit 51:16, 17.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share