Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Lahat ng Uri ng Pagsamba?
NILALANG ng Diyos ang tao na may espirituwal na pangangailangan—ang pangangailangan na sumamba. Hindi ito isang bagay na unti-unting tumubo. Bahagi na ito ng tao sa simula pa lamang.
Subalit nakalulungkot, bumuo ang mga tao ng iba’t ibang paraan ng pagsamba, at sa kalakhang bahagi, ang mga ito ay hindi nagbunga ng maligaya at nagkakaisang pamilya ng tao. Sa halip, madudugong digmaan ang pinaglalabanan pa rin sa ngalan ng relihiyon. Ito’y nagbabangon ng mahalagang tanong: Mahalaga ba kung paano sinasamba ng tao ang Diyos?
Nakapag-aalinlangang Pagsamba Noong Sinaunang Panahon
Ang sinaunang mga bansa na tumahan sa Gitnang Silangan ay naglalaan ng makasaysayang halimbawa na tumutulong sa ating sagutin ang tanong na ito. Marami ang sumamba sa diyos na tinatawag na Baal. Sinamba rin nila ang mga babaing kasama ni Baal, tulad ni Asera. Kasali sa pagsamba kay Asera ang paggamit ng sagradong poste na pinaniniwalaang isang seksuwal na sagisag. Ang mga arkeologong gumagawa sa rehiyong iyon ay nakahukay ng maraming imahen ng mga babaing nakahubad. Ang mga imaheng ito, sabi ng The Encyclopedia of Religion, “ay nagtatampok ng isang diyosa na nakalantad ang mga sangkap sa pag-aanak, anupat hawak ang kaniyang mga suso,” at “malamang na lumalarawan . . . kay Asera.” Isang bagay ang tiyak, ang pagsamba kay Baal ay kadalasang napakaimoral.
Hindi nakapagtataka, kung gayon, na bahagi ng pagsamba kay Baal ang walang-habas na kahalayan sa sekso. (Bilang 25:1-3) Hinalay ng Canaanitang si Shechem ang kabataang birhen na si Dina. Sa kabila nito, minalas pa rin siya bilang ang pinakamarangal na lalaki sa kaniyang pamilya. (Genesis 34:1, 2, 19) Palasak ang insesto, homoseksuwalidad, at pagsiping sa hayop. (Levitico 18:6, 22-24, 27) Ang mismong salitang “sodomiya,” isang gawain ng mga homoseksuwal, ay nanggaling sa pangalan ng lunsod na minsa’y umiral sa bahaging iyon ng daigdig. (Genesis 19:4, 5, 28) Bahagi rin ng pagsamba kay Baal ang pagbububo ng dugo. Aba, inihahagis nang buháy ng mga mananamba kay Baal ang kanilang mga anak sa naglalagablab na apoy bilang hain sa kanilang mga diyos! (Jeremias 19:5) Lahat ng mga gawaing ito ay may kaugnayan sa mga relihiyosong turo. Paano?
“Ang kahayupan, kahalayan at kapusukan sa mitolohiya ng mga Canaanita,” paliwanag ni Dr. Merrill Unger sa kaniyang aklat na Archaeology and the Old Testament, “ay mas masahol pa kaysa sa ibang dako sa Malapit na Silangan nang panahong iyon. At ang nakapagtatakang katangian ng mga diyos ng mga Canaanita, na sila’y walang anumang moral na karangalan, ang tiyak na siyang pumukaw ng pinakamasasamang asal sa kanilang mga debotado at nagbunsod ng marami sa mahahalay na gawain nang panahong iyon, tulad ng sagradong prostitusyon, [at] paghahain ng mga bata.”
Sinang-ayunan ba ng Diyos ang pagsamba ng mga Canaanita? Tiyak na hindi. Itinuro niya sa mga Israelita kung paano siya sasambahin sa dalisay na paraan. Hinggil sa mga gawain na nabanggit na, nagbabala siya: “Huwag ninyong gawing di-malinis ang inyong sarili sa pamamagitan ng alinman sa mga bagay na ito, sapagkat sa mga bagay ang kanilang sarili na ito ay ginawang di-malinis ng mga bansang palalayasin ko sa harap ninyo. Kaya naman ang lupain ay di-malinis, at dadalhan ko ng kaparusahan dahil sa pagkakasala nito, at isusuka ng lupain ang mga nananahanan doon.”—Levitico 18:24, 25.
Nadumhan ang Dalisay na Pagsamba
Maraming Israelita ang hindi tumanggap sa pangmalas ng Diyos sa dalisay na pagsamba. Sa halip, pinahintulutan nilang magpatuloy sa kanilang lupain ang pagsamba kay Baal. Di-nagtagal ay narahuyo ang mga Israelita sa pagtatangkang haluan ng pagsamba kay Baal ang pagsamba kay Jehova. Sinang-ayunan ba ng Diyos ang ganitong pinaghalong uri ng pagsamba? Isaalang-alang ang nangyari noong panahon ng pamamahala ni Haring Manases. Nagtayo siya ng mga altar para kay Baal, sinunog ang kaniyang sariling anak bilang hain, at nagsagawa ng salamangka. “Bukod dito, inilagay niya ang inukit na imahen ng sagradong poste [’ashe·rahʹ sa Hebreo] na kaniyang ginawa sa bahay na doo’y sinabi ni Jehova . . . : ‘Sa bahay na ito . . . ilalagay ko ang aking pangalan hanggang sa panahong walang-takda.’ ”—2 Hari 21:3-7.
Ang mga sakop ni Manases ay sumunod sa halimbawa ng kanilang hari. Sa katunayan, kaniyang “patuloy na dinaya sila na gawin kung ano ang masama nang higit kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova sa harap ng mga anak ni Israel.” (2 Hari 21:9) Sa halip na pakinggan ang paulit-ulit na babala buhat sa mga propeta ng Diyos, si Manases ay nagsagawa ng pamamaslang hanggang sa ang Jerusalem ay mapunô ng dugo ng mga inosente. Bagaman nagbago si Manases nang bandang huli, muling pinasigla ng kaniyang anak at kahalili, si Haring Amon, ang pagsamba kay Baal.—2 Hari 21:16, 19, 20.
Nang maglaon, nagkaroon ng mga lalaking patutot sa templo. Paano minalas ng Diyos ang kapahayagang ito ng pagsamba kay Baal? Sa pamamagitan ni Moises, nagbabala siya: “Hindi kayo dapat magdala ng upa sa patutot o ng halaga ng aso [malamang na isang pederast] sa bahay ni Jehova na iyong Diyos para sa anumang panata, sapagkat ang mga ito ay kapuwa karumal-dumal kay Jehova na iyong Diyos.”—Deuteronomio 23:17, 18, talababa (sa Ingles).
Nilinis ng apo ni Manases, si Haring Josias, ang templo mula sa imoral na pagsamba kay Baal. (2 Hari 23:6, 7) Subalit sumapit na sa sukdulan ang mga bagay-bagay. Hindi gaanong nagtagal pagkamatay ni Haring Josias, isinagawa na naman sa templo ni Jehova ang pagsamba sa idolo. (Ezekiel 8:3, 5-17) Kaya pinapangyari ni Jehova na wasakin ng hari ng Babilonya ang Jerusalem at ang templo nito. Ang malungkot na pangyayaring ito sa kasaysayan ay patotoo na ang ilang anyo ng pagsamba ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Kumusta naman sa ating kaarawan?