Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Alam na ba ni Jesus ngayon ang petsa ng Armagedon?
Waring makatuwiran na maniwalang alam na niya.
Ang ilan marahil ay nagtataka kung bakit bumangon pa ang tanong. Malamang na ito ay dahil sa sinabi ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 24:36: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” Pansinin ang pariralang “kahit ang Anak.”
Ang talatang ito ay bahagi ng sagot ni Jesus sa tanong ng mga apostol: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Sa kaniyang bantog na hula tungkol sa mga katibayan na bumubuo sa “tanda,” inihula niya ang mga digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, pag-uusig sa mga tunay na Kristiyano, at iba pang bagay sa lupa na magpapahiwatig ng kaniyang mga pagkanaririto. Sa pamamagitan ng tandang ito ay makikilala ng kaniyang mga alagad na malapit na ang wakas. Inilarawan niya ang pagkamalapit na ito sa panahon kapag ang puno ng igos ay nagsimulang magsibol ng mga dahon, anupat ipinahihiwatig na malapit na ang tag-init. Isinusog niya: “Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alamin ninyo na siya ay malapit na na nasa mga pintuan.”—Mateo 24:33.
Subalit hindi tiyakang sinabi ni Jesus kung kailan darating ang wakas. Sa halip, sinabi niya ang mababasa natin sa Mateo 24:36. Gayon ang mababasa sa New World Translation of the Holy Scriptures, at gayundin ang mababasa sa maraming modernong Bibliya. Gayunman, ang ilang matatandang bersiyon ay walang “kahit ang Anak.”
Halimbawa, ganito ang mababasa sa Katolikong Douay Version: “Ngunit sa araw at oras na iyon ay walang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kundi ang Ama lamang.” Ganiyan din ang mababasa sa King James Version. Bakit inalis ang “kahit [o, ni] ang Anak,” bagaman ito ay masusumpungan sa Marcos 13:32? Sapagkat nang ihanda ang dalawang bersiyong ito noong pasimula ng ika-17 siglo, ang mga manuskritong pinagbatayan ng mga tagapagsalin ay hindi naglalaman ng gayong pananalita. Gayunman, maraming mas matandang mga manuskritong Griego ang natuklasan sa paglipas ng panahon. Ang mga ito, na higit na mas malapit sa panahon ng orihinal na teksto ni Mateo, ay may “kahit ang Anak” sa Mateo 24:36.
Kapansin-pansin naman, isinali ng Katolikong Jerusalem Bible ang parirala, lakip ang isang talababa na nagsasabi na inalis ng Latin Vulgate ang pananalita “marahil dahil sa mga teolohikal na kadahilanan.” Aba, siyempre! Ang mga tagapagsalin o tagakopya na naniniwala sa Trinidad ay maaaring matuksong alisin ang isang parirala na nagpapahiwatig na hindi taglay ni Jesus ang kaalaman na taglay ng kaniyang Ama. Paano malilingid sa kaalaman ni Jesus ang isang katotohanan kung kapuwa siya at ang kaniyang Ama ay bahagi ng isang tatluhang Diyos?
Sa gayunding paraan, sinabi ng A Textual Commentary on the Greek New Testament, ni B. M. Metzger, ang ganito: “Ang mga salitang ‘ni ang Anak’ ay wala sa karamihan ng mga nagpapatotoong [manuskrito] ni Mateo, kasali na ang sumunod na tekstong Byzantine. Sa kabilang banda, ang pinakamahuhusay na halimbawa ng mga uring Alexandrian, Western, at Caesarean na teksto ay may gayong parirala. Ang pag-aalis sa mga salita dahil sa suliranin sa doktrina na inihaharap nito ay mas malamang na mangyari kaysa sa pagdaragdag sa mga ito sa pamamagitan ng pag-unawa sa” Marcos 13:32.—Amin ang italiko.
Ang gayong “pinakamahuhusay na halimbawa” ng mga unang manuskrito ay sumusuhay sa pagbasa na naghaharap ng isang makatuwirang pagsulong kung tungkol sa kaalaman. Hindi alam ng mga anghel ang oras ng kawakasan; kahit ng Anak; kundi ng Ama lamang. At ito ay kasuwato ng mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 20:23, na doo’y inamin niya na wala siyang awtoridad na magbigay ng prominenteng mga dako sa Kaharian, ngunit ang Ama ay mayroon.
Samakatuwid, ipinakikita ng mismong mga salita ni Jesus na sa lupa ay hindi niya alam ang petsa ukol sa ‘katapusan ng sanlibutan.’ Nalaman na ba niya ito pagkatapos noon?
Si Jesus ay inilalarawan sa Apocalipsis 6:2 na nakasakay sa isang puting kabayo at humahayong “nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” Pagkatapos ay sumunod naman ang mga mangangabayo na sumasagisag sa mga digmaan, taggutom, at mga salot, gaya ng naranasan natin sapol nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914. Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na noong 1914, si Jesus ay iniluklok na bilang Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos, ang isa na mangunguna sa nalalapit na digmaan laban sa kabalakyutan sa lupa. (Apocalipsis 6:3-8; 19:11-16) Yamang si Jesus ngayon ay pinagkalooban na ng kapangyarihan bilang isa na mananaig sa ngalan ng Diyos, waring makatuwiran na sinabi na sa kaniya ng kaniyang Ama kung kailan sasapit ang katapusan, ang panahon kapag ‘lulubusin na niya ang kaniyang pananaig.’
Tayo na naririto sa lupa ay hindi sinabihan tungkol sa petsang iyon, kaya ang mga salita ni Jesus ay kapit pa rin sa atin: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang itinakdang panahon. . . . Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Manatili kayong mapagbantay.”—Marcos 13:33-37.