“Hindi Ako Nananaginip, di Ba?”
Ang sumusunod na report ay galing sa Malawi may kinalaman sa isa sa makasaysayang “Maliligayang Tagapuri” na mga Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap doon noong tag-init ng 1995.
“SA KAHABAAN ng isang pangunahing lansangan, mga kalagitnaan ng daan patungong kanlurang baybayin ng Look ng Malawi, isang karatula ang inilagay sa unang pagkakataon sa loob ng 29 na taon. Kababasahan ito ng ganito, ‘Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.’
“Isang malaking trak ang ipinarada sa tabi ng karatula, at mula sa trailer nito ay lumabas ang mahigit na 200 delegado buhat sa bayan ng Mzuzu. Nagdala sila ng paldu-paldóng mga damit, kumot, kaldero, timba, pagkain, panggatong na kahoy, at mga Bibliya upang samahan ang mga 3,000 sa kanilang mga kapatid na galing sa ibang lugar.
“Samantalang binabati namin ang mga kapatid habang umiibis sa trak, dumating si George Chikako, 63, na itinutulak ang kaniyang bisikleta sa buhanginan, matapos mamisikleta nang dalawang araw mula sa Nkhotakota. Sa nagdaang mga taon, apat na beses na nabilanggo si Brother Chikako dahil sa kaniyang pagtangging ikompromiso ang mga simulain sa Bibliya. Namatay ang kaniyang pinsan sa pambubugbog na tinamo samantalang nakapiit. ‘Hindi ako nananaginip, di ba?’ ang tanong ni Brother Chikako. ‘Ang kombensiyong ito ay ginaganap nang may sikat ang araw, at ang mga taong ito ay umaawit nang malakas ng mga awiting pang-Kaharian! Sa loob ng maraming taon, kinailangan nating magtipon sa kadiliman ng gabi, bumulong ng mga awiting pang-Kaharian, at magkiskis ng ating mga kamay para sa pagpalakpak. Ngayon ay nagpupulong tayo nang hayagan, at nagugulat ang mga tao na makitang tayo ay napakarami gayong ang akala nila ay kakaunti lamang tayo!’
“Ang lugar ng kombensiyon ay nababakuran ng damo at nalililiman ng mga tambo. Itinayo ang maliliit na kubong yari sa damo at mga dormitoryo na walang dingding upang maging tirahan ng mga delegado. Ang simoy ng gabi ay punô ng himig ng kahali-halinang malalambing na tinig na hindi na nauumid dahil sa takot sa pag-uusig.
“Pagkaangkop-angkop nga na ang kombensiyon ay may temang ‘Maliligayang Tagapuri’!”
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1995 Digital Wisdom, Inc.