Isang “Bunton ng Patotoo” sa Lupain ng “Bundok ng Diyos”
SA ISANG mapa ng kontinente, kung titingnan mong mabuti ang baybayin ng Kanlurang Aprika at tutungo pasilangan sa kahabaan ng Gulpo ng Guinea, sa lugar na ang baybayin ay lumiliko patungo sa gawing timog, masusumpungan mo ang Cameroon. Kung magpapatuloy ka patimog sa gawi pa roon ng baybayin, makararating ka sa isang malawak na kahabaan ng mga dalampasigang may maitim na buhangin. Ang itim na buhangin ay bunga ng aktibidad ng bulkan ng Bundok Cameroon.
Ang hugis balisungsong, 4,070-metrong taluktok na ito ng bundok ay lubusang nangingibabaw sa lugar na iyon. Kapag pinaliliguan ng liwanag ng papalubog na araw ang dalisdis ng Bundok Cameroon, ito’y nagbibigay ng kagila-gilalas na pagtatanghal ng masasayang kulay—murado, kulay-kahel, ginto, at matingkad na pula. Masasalamin sa dagat at sa kalapit na mga latian ang lahat ng kulay na ito, anupat halos imposibleng makilala ang langit mula sa lupa. Madaling maunawaan kung bakit pinanganlan ng mga tribong animista sa rehiyon ang bundok na Mongo Ma Loba, na isinaling “Karo ng mga diyos,” o mas kilala, “Bundok ng Diyos.”
Sa dako pa roon sa gawing timog, may milya-milya ng mapuputing dalampasigan, na doo’y nakahilera ang mga puno ng niyog. Bukod pa sa kawili-wiling baybayin, ang kalakhang bahagi ng lupain ay nababalutan ng makapal na kagubatang ekuwador, na umaabot sa hangganan ng Congo at Central African Republic at sa gawing timog naman ay hanggang sa Nigeria at sa Chad na nasa gawing ibaba ng Sahara. Ang kanlurang bahagi ng bansa ay bulubundukin, na nagpapaalaala sa isang manlalakbay ng mga lugar sa Europa. Gayunman, dahil sa mainit na klima, hindi mo makalilimutan na ikaw ay malapit lamang sa ekuwador. Ang pagkasari-sari ng mga kabukiran nito ay nag-uudyok sa maraming tourist guide upang ilarawan ang Cameroon bilang isang maliit na modelo ng Aprika. Ang ganitong impresyon ay pinatitibay ng iba’t ibang grupong etniko at ng mahigit sa 220 nakatalang wika at diyalekto.
Kung dadalaw ka sa Cameroon, baka tumuloy ka sa isa sa malalaking otel sa daungan ng Douala, o sa kabiserang lunsod, ang Yaoundé. Ngunit baka palampasin mo ang pagkakataong malaman ang isang bagay tungkol sa buhay ng mga tao, lalo na sa mahigit na 24,000 Saksi ni Jehova, na abalang nagpapalaki ng “bunton ng patotoo” sa buong lupaing ito ng “Bundok ng Diyos.”a Bakit hindi maglakbay sa bansa upang makilala ang ilan sa kanila? Tiyak na mayamang pagpapalain ang iyong paggalugad sa lupaing ito sa Kanlurang Aprika.
Sa Pamamagitan ng Dugout Canoe, Bush Taxi, o Bisikleta?
Kung saan ang Sanaga, na siyang pinakamahabang ilog sa Cameroon, ay umaabot sa karagatan, bumubuo ito ng malaking wawa. Upang marating ang lahat ng naninirahan sa malawak na rehiyong ito, malimit na maglakbay ang mga Saksi ni Jehova sakay ng mga dugout canoe. Ito ang ginagawa ng siyam na mamamahayag ng Kaharian sa munting grupo sa Mbiako. Ang dalawa sa kanila ay naninirahan sa nayon ng Yoyo na may layong 25 kilometro. Upang marating nila ang Mbiako ay kailangan nilang sumagwan nang ubod-lakas, gayunma’y lagi silang naroroon sa mga pulong Kristiyano. Samantalang dinadalaw ang grupong ito, iminungkahi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa na ipalabas ang video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name. Pero mas madaling sabihin iyan kaysa gawin. Sa gayong liblib na nayon, saan siya makasusumpong ng videocassette recorder, telebisyon, at kuryente upang paandarin ang mga ito?
Sa panahon ng sanlinggong pagdalaw, pinuntahan ng ilang mamamahayag ang pastor ng simbahan sa lugar na iyon. Nasorpresa sila nang magiliw silang tinanggap ng pastor, at naging masigla ang kanilang pakikipag-usap sa kaniya tungkol sa Bibliya. Palibhasa’y napansin na ang pastor ay may VCR at saka may electric generator, naglakas-loob ang mga kapatid na tanungin kung maaari nilang hiramin ang kaniyang kasangkapan. Yamang nasiyahan sa naunang pag-uusap tungkol sa Bibliya, pumayag ang pastor. Sa pagpapalabas noong Sabado ng gabi ay 102 ang dumalo, kasali na ang pastor at ang karamihan sa mga miyembro ng kaniyang simbahan. Ang dalawang Saksi mula sa Yoyo ay nagsama ng ilang interesado sakay ng dalawang canoe. Hindi nila inalintana ang pagsagwan nang pasalungat sa agos ng lumalaking tubig. Pagkatapos na mapanood ang video, sila’y lubhang naantig at napatibay, at ipinagmamalaki nilang makabilang sa gayong napakalaking organisasyon na ang layunin ay dakilain si Jehova.
Upang mapuntahan ang hindi maaabot ng mga dugout canoe, maaaring sumakay ang isa sa bush taxi. Laging abala at matao sa paradahan na pinaghihintayan ng mga taksing ito sa mga pasahero. Palibhasa’y napalilibutan ng mga nagtitinda ng malamig na tubig, saging, at ng mga kargador, napakadaling malito. Trabaho ng mga kargador na pasakayin ang mga pasahero sa naghihintay na mga bush taxi, na pawang, ayon sa kanila, “handa nang bumiyahe.” Gayunman, hindi dapat unawain ang salitang “handa” ayon sa talagang kahulugan nito. Ang mga nagbibiyahe ay kailangang gumugol ng mga oras, kung minsan ay mga araw pa nga, sa paghihintay. Minsang siksikan na sa loob ang mga pasahero at naikarga na sa bubungan ng tsuper ang bagahe, mga bag ng ani, at kung minsan maging ng buháy na mga manok at kambing, tatahakin na ng bush taxi ang baku-bako at maalikabok na daan.
Palibhasa’y sawa na sa ganitong uri ng sasakyan, minabuti ng isang naglalakbay na tagapangasiwa na magsarili na lang. Naglalakbay na lamang siya ngayon sa pamamagitan ng bisikleta. Ganito ang sabi niya: “Mula nang ipasiya kong magbisikleta upang maglakbay patungo sa mga kongregasyon, lagi akong dumarating nang nasa oras para sa dalaw. Totoo, gumugugol ng maraming oras ang paglalakbay, pero sa paano man ay hindi ko na kailangang gumugol ng isa o dalawang araw sa paghihintay sa mga bush taxi. Kapag tag-ulan, halos naglalaho ang ilang daan dahil sa pagbaha. Kailangan mong hubarin ang iyong sapatos upang makatawid sa maputik at matubig na mga daang ito. Isang araw ay nahulog sa ilog ang isa kong sapatos at hindi nakuha hanggang sa makaraan ang ilang linggo, nang sa di-sinasadya’y mahuli ito ng anak na babae ng mga Saksi habang siya’y namimingwit ng isda! Tuwang-tuwa akong maisuot muli ang pares na ito ng sapatos, pagkatapos na mababad sa tubig ang isa sa mga ito. Kung minsan ay dinaraanan ko ang mga lugar na hindi pa kailanman napangaralan ng mga Saksi ni Jehova. Lagi akong tinatanong ng mga taganayon kung ano ang dala ko. Kaya lagi kong dala ang mga magasin at mga brosyur. Tuwing hihinto ako, iniaalok ko ang salig-Bibliyang mga publikasyong ito at nagbibigay ng maikling patotoo. Naniniwala ako na palalaguin ni Jehova ang mga binhing ito ng katotohanan.”
Sa Pinakaliblib na mga Dako
Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian sa iba maging sa pinakaloobang bahagi ng Cameroon, sa mga nayon na nakakubli sa loob ng kagubatan. Nangangailangan ito ng malaking pagsisikap, ngunit nakapagpapasigla ng puso ang mga bunga.
Si Marie, isang buong-panahong ministro, ay nagpasimula ng pag-aaral ng Bibliya sa isang dalagitang nagngangalang Arlette. Sa katapusan ng unang pag-aaral, hiniling ni Marie kay Arlette na ihatid siya nito sa pintuan, gaya ng kaugalian sa bahaging ito ng Aprika. Subalit, ipinaliwanag ng dalagita na halos hindi siya makalakad dahil masakit ang kaniyang mga paa. Ang mga paa ni Arlette ay naimpeksiyon ng isang uri ng pulgas na ang babae nito ay bumabaon sa laman, anupat nagiging sanhi ng pagnanaknak. Buong tapang na tinanggal ni Marie ang mga pulgas nang isa-isa. Nang dakong huli, nalaman din niya na sa gabi ay nililigalig ng mga demonyo ang dalagitang ito. Matiyagang ipinaliwanag ni Marie kung paano maglalagak ang isa ng tiwala kay Jehova, lalo na sa pamamagitan ng pagtawag nang malakas sa kaniyang pangalan sa panalangin.—Kawikaan 18:10.
Naging mabilis ang pagsulong ni Arlette. Sa pasimula ay hindi ikinabahala ng kaniyang pamilya ang pag-aaral dahil sa kaniyang kapuna-punang pagsulong kapuwa sa pangangatawan at sa kaisipan. Ngunit nang matanto nila na ibig niyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova, pinagbawalan nila siya na ipagpatuloy ang pag-aaral. Pagkaraan ng tatlong linggo ay hinanap ng ina ni Arlette si Marie at hiniling na ipagpatuloy niya ang pag-aaral, yamang natanto na totoong nabagabag ang kaniyang anak.
Nang sumapit ang panahon upang dumalo ng pansirkitong asamblea, nagbayad si Marie sa isang tsuper upang ihatid si Arlette sa loob ng dalawang araw. Gayunman, tumanggi ang tsuper na pumunta sa tahanan ni Arlette, palibhasa’y naipasiyang hindi maaaring daanan ang landas mula sa bahay patungo sa kalye. Kaya nagawa ni Marie na dalhin ang dalagita hanggang sa kalye. Talaga namang pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap na ito. Sa ngayon ay dinadaluhan ni Arlette ang lahat ng mga pulong sa kongregasyon. Upang matulungan siyang gawin ito, walang-sawang sinusundo siya ni Marie. Magkasama silang naglalakad nang 75-minuto paparoon at gayundin pabalik. Dahil sa ang pulong kung Linggo ay nagsisimula sa ganap na 8:30 n.u., kailangang umalis si Marie sa bahay sa ganap na 6:30; subalit nakararating sila nang nasa oras. Umaasa si Arlette na masagisagan ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig sa lalong madaling panahon. Ganito ang sabi ni Marie: “Sinumang di pa nakakita sa kaniya nang magsimula siyang mag-aral ay hindi makapaniniwala kung gaano kalaki ang kaniyang pagbabago. Nagpapasalamat ako nang marami kay Jehova sa kaniyang pagpapala sa kaniya.” Si Marie ay tunay na isang mainam na halimbawa sa pagpapamalas ng pag-ibig na mapagsakripisyo-sa-sarili.
Sa Banda Pa Roon sa Hilaga
Punung-puno ng pagkakaiba at sorpresa ang Hilagang Cameroon. Kapag tag-ulan, iyon ay nagiging isang malawak, mayabong na halamanan. Ngunit kapag dumating na ang nakapapasong araw, nalalanta ang damuhan. Kapag tanghaling tapat at mahirap humanap ng lilim na masisilungan, magsisiksikan ang mga tupa sa pader ng mga bahay na yari sa mapulang putik. Sa gitna ng buhanginan at tuyong damuhan, tanging ang iilang dahon ng punong baobab ang natitirang bakas na luntian. Bagaman ang mga ito ay hindi kasinlalaki ng kanilang mga pinsan sa kagubatang ekuwador, matitibay rin ang mga ito. Ang kakayahan ng mga ito na makatagal sa mahirap na kapaligiran ay mainam na naglalarawan ng sigasig at lakas ng loob ng iilang Saksi na pumunta upang manirahan sa rehiyong ito nang sa gayo’y mapasikat ang liwanag ng katotohanan.
Ang ilan sa mga kongregasyon sa lugar na ito ay nagkakalayo nang 500 hanggang 800 kilometro, at tunay na tunay ang damdamin ng pag-iisa. Pero maraming interesado. Lumipat dito ang mga Saksi buhat sa ibang mga lugar upang makatulong. Upang maging mabisa sa ministeryo, kailangan nilang matutuhan ang Foufouldé, isang lokal na diyalekto.
Nagpasiya ang isang Saksi mula sa Garoua na gumugol ng ilang araw upang mangaral sa kaniyang tinubuang nayon, mga 160 kilometro ang layo. Nakasumpong siya ng ilang interesado, ngunit hindi siya nakababalik nang regular dahil sa mataas na halaga ng pamasahe. Pagkaraan ng ilang linggo, nakatanggap ang Saksi ng isang liham mula sa isa sa mga interesadong tao na nakikiusap sa kaniya na bumalik at dumalaw muli. Palibhasa’y kapos pa rin sa pamasahe, hindi siya nakaparoon. Gunigunihin ang pagkabigla ng Saksi nang ang taong iyon ay dumating sa kaniyang tahanan sa Garoua upang ipaalam sa kaniya na sampu katao mula sa nayon ang naghihintay sa kaniyang pagdalaw!
Sa isa pang nayon, malapit sa hangganan ng Chad, nag-organisa ng kanilang sariling pag-aaral sa Bibliya ang isang grupo ng 50 interesado. Isinaayos nilang tatlo sa kanila ang makadalo sa mga pulong sa pinakamalapit na kongregasyon sa Chad. Sa pagbabalik, ang mga ito ang mangangasiwa sa pag-aaral ng Bibliya kasama ng buong grupo. Tunay, kapit na kapit dito ang mga salita ni Jesus: “Ang pag-aani ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Samakatuwid, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.”—Mateo 9:37, 38.
Pagpapatotoo sa mga Lunsod
Pagkaraan ng maraming taon ng kakapusan, mga dalawang taon na ang nakararaan mula nang maging madaling makakuha ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa Cameroon. May matinding pananabik at interes sa mga magasing ito yamang maraming tao ang nagbabasa ng mga ito sa kauna-unahang pagkakataon. Isang kabataang mag-asawa na special pioneer na naatasan sa isa sa mga lunsod ang nakapagpasakamay ng 86 na magasin sa kanilang unang umaga ng pangangaral sa kanilang bagong teritoryo. Ang ilang mamamahayag ay nakapagpapasakamay ng hanggang 250 magasin sa loob lamang ng isang buwan! Ano ang lihim ng kanilang tagumpay? Mag-alok ng magasin sa lahat.
Ang mga magasin ay laging idinidispley ng isang Saksi na nagtatrabaho sa isang opisina na bukás sa publiko. Isang babae ang tumingin sa mga magasin pero hindi kumuha ni isa. Nakita ng Saksi ang kaniyang interes at inalok siya ng isang kopya, na tinanggap naman nito. Nagulat siya na makita itong bumalik kinabukasan. Hindi lamang niya ibig na mag-abuloy para sa magasin na kinuha niya kundi humiling din ng iba pang kopya. Bakit? Yamang isang biktima ng panghahalay, pinili niya ang magasin na may paksang iyan. Magdamag niyang binasa at muling binasa ang payong ibinigay. Dahil sa totoong naaliw, ibig niyang makaalam pa ng higit tungkol sa mga Saksi ni Jehova.
Kahit ang maliliit na bata ay maaaring makibahagi sa pagpapalaganap ng mensahe ng pag-asa mula sa Bibliya. Nang ang isang anim-na-taóng gulang na batang babaing Saksi ay pinakakanta ng kaniyang guro ng isang Katolikong awit, tumanggi siya, anupat sinabing isa siya sa mga Saksi ni Jehova. Nang magkagayo’y hiniling ng guro na kumanta siya ng isa sa kaniyang sariling relihiyosong mga awitin upang mabigyan siya ng marka para rito. Pinili niya ang awit na pinamagatang “Ang Pangako ng Diyos na Paraiso” at inawit iyon nang saulado. Tinanong siya ng guro, na nagsabi: “Binanggit mo ang isang paraiso sa iyong awit. Nasaan ang paraisong ito?” Ipinaliwanag ng bata ang layunin ng Diyos na itatag sa lupa ang Paraiso sa malapit na hinaharap. Dahil nabigla sa kaniyang sagot, hiniling niya mula sa mga magulang ng bata ang aklat na pinag-aaralan nito. Ibig niyang markahan siya batay rito sa halip na batay sa itinuturong leksiyon sa kaniya sa relihiyon. Iminungkahi ng mga magulang sa guro na kung ibig niyang markahan ang bata nang wasto, dapat na siya mismo ay mag-aral muna. Nasimulan ang pakikipag-aaral ng Bibliya sa kaniya.
Nagpaplano Ka Bang Dumalaw?
Sa maraming panig ng daigdig sa ngayon, ipinagwawalang-bahala ng mga tao ang mabuting balita ng Kaharian. Hindi sila interesado sa Diyos ni sa Bibliya. Ang iba ay napipigilan ng takot at basta na lamang tumatanggi sa sinumang dumadalaw na di-kilala. Lahat ng ito ay totoong hamon sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang ministeryo. Pero ibang-iba sa Cameroon!
Nakalulugod ang pangangaral dito sa bahay-bahay. Sa halip na kumatok, kaugalian na tumawag nang malakas, “Kong, kong, kong.” Pagkatapos ay may tinig na sasagot mula sa loob, “Sino ’yan?” at pagkatapos ay ipinakikilala ang aming sarili na mga Saksi ni Jehova. Karaniwan, pinakukuha ng mga magulang ang kanilang mga anak ng mga bangkô at inilalagay iyon sa lilim ng isang puno, marahil isang puno ng mangga. Pagkatapos ay susunod ang kasiya-siyang panahon ng pagpapaliwanag kung ano ang Kaharian ng Diyos at kung ano ang gagawin nito upang lunasan ang abang kalagayan ng sangkatauhan.
Pagkatapos ng ganitong pag-uusap, ibinulalas ng isang babae ang nilalaman ng kaniyang puso, sa pagsasabi: “Ako’y nababalisa na malamang ang katotohanan na matagal ko nang hinahanap ay hindi matatagpuan sa relihiyon na kinamulatan at pinagkatandaan ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos na ipinakita niya sa akin ang katotohanan. Isa akong dekano sa aking simbahan. Ang estatuwa ng Birheng Maria ay nananatili nang isang linggo sa bahay ng bawat dekano upang ang bawat isa ay makahiling sa kaniya. Kung para sa akin, lagi kong hinihiling kay Maria na tulungan akong malaman ang katotohanan. Ngayo’y ipinakita sa akin ng Diyos na ang katotohanan ay wala sa kaniya (kay Maria). Nagpapasalamat ako kay Jehova.”
Kaya kung balang araw ay naisin mo ang matinding kagalakan na maaaring maranasan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, bakit hindi dalawin ang bahaging ito ng Kanlurang Aprika? Bukod pa sa pagkatuklas sa “maliit na modelo ng Aprika,” alinman sa pamamagitan ng pagsakay sa canoe, bush taxi, o bisikleta, makatutulong ka rin sa pagpapalaki ng “bunton ng patotoo” sa lupain ng “Bundok ng Diyos.”
[Talababa]
a Ang “Bunton ng Patotoo” ay ang malamang na kahulugan ng salitang Hebreo na isinaling “Gilead.” Mula noong 1943, ang Watchtower Bible School of Gilead ay nagsusugo ng mga misyonero upang buksan ang gawaing pangangaral sa buong daigdig, kasali na ang sa Cameroon.
[Credit Line sa pahina 22]
Mapa: Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.