“Bagaman Hindi Ninyo Siya Nakita Kailanman, ay Iniibig Ninyo Siya”
“Bagaman hindi ninyo siya nakita kailanman, ay iniibig ninyo siya. Bagaman hindi kayo tumitingin sa kaniya sa kasalukuyan, gayunma’y nagsasagawa kayo ng pananampalataya sa kaniya at labis na nagsasaya.”—1 PEDRO 1:8.
1. Bagaman walang sinuman sa lupa ngayon ang nakakita kay Jesus, paano sinisikap ng ilang relihiyosong tao na ipakita ang debosyon sa kaniya?
WALANG sinumang nabubuhay ngayon sa lupa ang nakakita kailanman kay Jesu-Kristo. Gayunman, milyun-milyong tao ang nag-aangking umiibig sa kaniya. Taun-taon tuwing Enero 9, sa Maynila, Pilipinas, isang sinlaki-ng-taong imahen ni Jesu-Kristo na may pasang krus ang hinihila sa mga kalye na inilalarawang siyang pinakamalaki, pinakamadulang kapahayagan ng popular na relihiyon sa bansa. Nagtutulakan at naggigitgitan ang sabik na sabik na karamihan; dinadaganan pa man din ng mga tao ang isa’t isa sa matinding pagsisikap na mahipo ang imahen. Ang marami sa naroroon upang saksihan ito ay naaakit lamang ng masayang prusisyon. Subalit, ang ilan sa kanila ay walang-alinlangang mga taong taimtim na nag-aakalang sila’y napapalapit kay Jesus. Bilang katunayan nito, baka nagsusuot sila ng krusipiho o kaya’y regular na nagsisimba. Gayunpaman, maituturing kayang tunay na pagsamba ang gayong idolatriya?
2, 3. (a) Sino sa mga tagasunod ni Jesus ang aktuwal na nakakita at nakarinig sa kaniya? (b) Sino pa noong unang siglo ang umibig kay Jesus at sumampalataya sa kaniya, bagaman hindi nila kailanman nakita siya nang personal?
2 Noong unang siglo, libu-libo sa mga nasa Romanong lalawigan ng Judea, Samaria, Perea, at Galilea ang talagang personal na nakakita at nakarinig kay Jesu-Kristo. Nakinig sila habang ipinaliliwanag niya ang nakaaantig-pusong katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sila’y mga saksing nakakita sa mga himala na ginawa niya. Ang ilan sa kanila ay naging kaniyang mga debotong alagad, anupat kumbinsido na siya “ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” (Mateo 16:16) Gayunpaman, hindi kabilang sa mga ito yaong mga sinulatan ni apostol Pedro ng kaniyang unang kinasihang liham.
3 Yaong mga sinulatan ni Pedro ay nasa Romanong mga probinsiya ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia—pawang nasa lugar ng makabagong-panahong Turkey. Sa kanila ay isinulat ni Pedro: “Bagaman hindi ninyo siya nakita kailanman, ay iniibig ninyo siya. Bagaman hindi kayo tumitingin sa kaniya sa kasalukuyan, gayunma’y nagsasagawa kayo ng pananampalataya sa kaniya at labis na nagsasaya taglay ang di-mabigkas at niluwalhating kagalakan.” (1 Pedro 1:1, 8) Paano nila nakilala si Jesu-Kristo hanggang sa punto na umibig at sumampalataya sila sa kaniya?
4, 5. Paanong yaong mga tao na hindi kailanman nakakita kay Jesus ay natuto nang sapat tungkol sa kaniya upang ibigin siya at sumampalataya sa kaniya?
4 Maliwanag, naroroon ang ilan sa Jerusalem nang magpatotoo si apostol Pedro sa pulutong na dumadalo sa kapistahan ng Pentecostes noong 33 C.E. Maraming alagad ang nanatili sa Jerusalem pagkatapos ng kapistahan upang tumanggap ng karagdagang tagubilin mula sa mga apostol. (Gawa 2:9, 41, 42; ihambing ang 1 Pedro 1:1.) Sa malimit na mga paglalakbay bilang misyonero, masigasig ding naglingkod si apostol Pablo sa mga tao na nakatira sa lugar na pinadalhan ni Pedro ng unang Biblikal na liham na taglay ang kaniyang pangalan.—Gawa 18:23; 19:10; Galacia 1:1, 2.
5 Bakit gayon na lamang ang pagkaakit kay Jesus ng mga taong ito na hindi kailanman nakakita sa kaniya? Sa ating panahon, bakit milyun-milyon pa, sa palibot ng globo, ang taimtim na umiibig sa kaniya?
Ang mga Bagay na Narinig Nila
6. (a) Kung narinig mo si Pedro na nagpatotoo tungkol kay Jesus noong Pentecostes 33 C.E., ano kaya ang natutuhan mo? (b) Paano ito nakaapekto sa mga 3,000 na naroon?
6 Kung naroroon ka sa Jerusalem nang magsalita si Pedro sa pulutong na iyon sa kapistahan noong 33 C.E., ano kaya ang natutuhan mo tungkol kay Jesus? Walang alinlangang ipinakita ng mga himalang ginawa niya na siya ay sinugo ng Diyos. Na, bagaman ipinapatay si Jesus ng mga taong makasalanan, wala na siya sa libingan kundi binuhay-muli na at pagkatapos ay itinaas sa langit sa kanang kamay ng Diyos. Na si Jesus ay talagang ang Kristo, ang Mesiyas na tungkol sa kaniya’y sumulat ang mga propeta. Na sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ibinuhos ang banal na espiritu sa kaniyang mga tagasunod anupat sila’y karaka-rakang nakapagpatotoo sa mga tao mula sa maraming bansa tungkol sa dakilang mga bagay na ginagawa ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Lubhang naantig ang puso ng marami na nakarinig kay Pedro nang okasyong iyon, at mga 3,000 ang nagpabautismo bilang Kristiyanong mga alagad. (Gawa 2:14-42) Kung naroroon ka, gumawa ka kaya ng gayong tiyakang pagkilos?
7. (a) Kung naroroon ka sa Antioquia nang mangaral doon si apostol Pablo, ano kaya ang natutuhan mo? (b) Bakit ang ilan sa pulutong ay naging mananampalataya at namahagi sa iba ng mabuting balita?
7 Kung kabilang ka sa mga naroroon nang magturo si apostol Pablo sa Antioquia sa Romanong probinsiya ng Galacia, ano pa kaya ang matututuhan mo tungkol kay Jesus? Narinig mo sanang ipinaliliwanag ni Pablo na ang hatol na kamatayan kay Jesus ng mga tagapamahala sa Jerusalem ay inihula ng mga propeta. Narinig mo rin sana ang tungkol sa patotoo ng mga saksing nakakita tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus. Tiyak na humanga ka sana sa paliwanag ni Pablo na sa pamamagitan ng pagbuhay-muli kay Jesus, tiniyak ni Jehova na ang isang ito na nga ang Anak ng Diyos. At hindi kaya maaantig ang iyong puso sa pagkaalam na ang kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus ay maaaring umakay sa buhay na walang-hanggan? (Gawa 13:16-41, 46, 47; Roma 1:4) Palibhasa’y natanto ang kahulugan ng kanilang napakinggan, ang ilan sa Antioquia ay naging mga alagad, anupat aktibong ibinahagi ang mabuting balita sa iba, bagaman ang paggawa nito ay nangangahulugan na sila’y mapapaharap sa matinding pag-uusig.—Gawa 13:42, 43, 48-52; 14:1-7, 21-23.
8. Kung naroroon ka sa pulong ng kongregasyon sa Efeso nang tanggapin ang liham ni Pablo sa kanila, ano kaya ang natutuhan mo?
8 Ano kaya kung naging kaugnay ka sa Kristiyanong kongregasyon sa Efeso, sa Romanong probinsiya ng Asia, nang matanggap doon ang kinasihang liham ni Pablo sa mga alagad? Ano kaya ang natutuhan mo tungkol sa papel ni Jesus sa layunin ng Diyos? Sa liham na iyan ay ipinaliwanag ni Pablo na ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay ipagkakasundong-muli sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo, na ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay ipinaaabot sa mga tao ng lahat ng bansa, na ang mga taong patay sa paningin ng Diyos dahil sa kanilang mga paglabag ay nagiging buháy sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, at na bunga ng paglalaang ito, posible na uli para sa mga tao na maging mga sinisintang anak ng Diyos.—Efeso 1:1, 5-10; 2:4, 5, 11-13.
9. (a) Ano ang makatutulong sa iyo upang matiyak kung personal na nauunawaan mo ang kahalagahan ng isinulat ni Pablo sa mga taga-Efeso? (b) Paanong ang mga kapatid sa mga Romanong lalawigan na binanggit ni Pedro ay naapektuhan ng natutuhan nila tungkol kay Jesus?
9 Ang pagpapahalaga sa lahat ng ito ay makapagpapalalim kaya ng iyong pag-ibig sa Anak ng Diyos? Maiimpluwensiyahan kaya ng pag-ibig na iyan ang iyong pang-araw-araw na buhay, gaya ng iminungkahi ni apostol Pablo sa kabanata 4 hanggang 6 ng Efeso? Mapakikilos ka kaya ng gayong pagpapahalaga upang suriing mabuti ang iyong mga priyoridad sa buhay? Udyok ng pag-ibig sa Diyos at pagtanaw ng utang na loob sa kaniyang Anak, gagawin mo kaya ang kinakailangang pagbabago upang ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang maging siyang sentro sa iyong buhay? (Efeso 5:15-17) Tungkol sa naging epekto sa mga Kristiyano sa Asia, Galacia, at iba pang Romanong probinsiya ng kanilang natutuhan, sumulat sa kanila si apostol Pedro: “Bagaman hindi ninyo nakita kailanman [si Jesu-Kristo], ay iniibig ninyo siya. . . . Nagsasagawa kayo ng pananampalataya sa kaniya at labis na nagsasaya taglay ang di-mabigkas at niluwalhating kagalakan.”—1 Pedro 1:8.
10. (a) Ano ang tiyak na nag-udyok sa mga naunang Kristiyano na ibigin si Jesus? (b) Paano rin naman tayo makikinabang?
10 May isa pang bagay na tiyak na nag-udyok sa mga naunang Kristiyanong sinulatan ni Pedro na ibigin ang Anak ng Diyos. Ano iyon? Nang isulat ni Pedro ang kaniyang unang liham, di-kukulangin sa dalawa sa mga Ebanghelyo—ang Mateo at Lucas—ang inililibot na. Ang mga ulat na ito ng Ebanghelyo ay mababasa na ng mga unang-siglong Kristiyanong hindi nakakita kailanman kay Jesus. Ganoon din naman tayo. Ang mga Ebanghelyo ay hindi kathang-isip; taglay ng mga ito ang lahat ng katangian ng pinakamapananaligang kasaysayan. Sa mga kinasihang ulat na iyon, marami tayong masusumpungan na makapagpapatibay ng ating pag-ibig sa Anak ng Diyos.
Ang Saloobing Ipinamalas Niya
11, 12. Anong bagay tungkol sa saloobing ipinamalas ni Jesus sa ibang tao ang nakaantig sa iyo na ibigin siya?
11 Sa nasusulat na rekord ng buhay ni Jesus, malalaman natin kung paano siya nakitungo sa ibang tao. Ang saloobing ipinamalas niya ay pumupukaw sa puso ng mga tao maging sa ngayon, na mahigit nang 1,960 taon pagkamatay niya. Lahat ng nabubuhay ay napabibigatan ng mga epekto ng kasalanan. Milyun-milyon ang biktima ng kawalang-katarungan, pakikipagpunyagi sa sakit, o sa iba pang kadahilanan ay nanlulumo dahil sa kabiguan. Sa lahat ng gayong tao, ganito ang sabi ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 11:28-30.
12 Nagpakita si Jesus ng taimtim na pagmamalasakit sa mga dukha, mga nagugutom, at mga nalulumbay. Nang hingin ng pagkakataon, pinakain pa man din niya ang maraming tao sa makahimalang paraan. (Lucas 9:12-17) Pinalaya niya sila mula sa pagkaalipin sa mga tradisyon. Pinatibay rin niya ang kanilang pananampalataya sa paglalaan ng Diyos upang wakasan ang mapaniil na pulitika at ekonomiya. Hindi niya pinapanghina ang loob niyaong mga naaapi. Taglay ang pagkamagiliw at pag-ibig, may kahusayang pinalakas niya ang loob ng maaamo. Pinaginhawa niya yaong gaya ng nasugatang tambo na nakabaluktot at yaong gaya ng nagbabagang linong mitsa na halos mamamatay na. Hanggang sa kasalukuyan, ang kaniyang pangalan ay pumupukaw ng pag-asa, maging sa puso niyaong hindi kailanman nakakita sa kaniya.—Mateo 12:15-21; 15:3-10.
13. Bakit nakaaakit sa mga tao ang paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga makasalanan?
13 Hindi sinang-ayunan ni Jesus ang masamang gawa, gayunma’y nagpakita siya ng pang-unawa sa mga tao na nakagawa ng pagkakamali sa buhay ngunit nagsisi at humingi sa kaniya ng tulong. (Lucas 7:36-50) Nakiupo siya at kumain kasama ng mga taong hinahamak sa pamayanan kung nadarama niyang magbibigay ito ng pagkakataon upang matulungan sila sa espirituwal na paraan. (Mateo 9:9-13) Bunga ng saloobing ipinamalas niya, milyun-milyong taong nasa katulad na mga kalagayan na hindi kailanman nakakita kay Jesus ang napakilos na kilalanin siya at sumampalataya sa kaniya.
14. Ano ang nakaaakit sa iyo tungkol sa paraan ng pagtulong ni Jesus sa mga taong may sakit, may kapansanan, o nagdadalamhati?
14 Ang pakikitungo ni Jesus sa mga taong may sakit o may kapansanan ay nagpapatotoo sa kaniyang kasiglahan at pagdamay gayundin sa kaniyang kakayahang dulutan sila ng ginhawa. Kaya naman, nang lapitan at hingan siya ng tulong ng isang lalaking puno ng ketong, hindi nandiri si Jesus sa kaniyang nakita. At hindi niya sinabi sa lalaki na, bagaman nahahabag siya sa kaniya, totoong malala na ang sakit at wala nang magagawa pa upang makatulong. Namanhik ang lalaki: “Panginoon, kung ibig mo lamang, ay mapalilinis mo ako.” Walang pag-aatubili, iniabot ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan ang lalaki, anupat sinabi: “Ibig ko. Luminis ka.” (Mateo 8:2, 3) Sa isa pang pagkakataon ay hinangad ng isang babae na mapagaling siya sa pamamagitan ng palihim na paghipo sa laylayan ng kaniyang kasuutan. May kabaitan at kaaliwang pinakitunguhan siya ni Jesus. (Lucas 8:43-48) At nang masalubong niya ang isang prusisyon sa libing, nahabag siya sa nagdadalamhating babaing balo na namatayan ng kaisa-isang anak. Bagaman tumanggi si Jesus na gamitin ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang makahimalang maglaan ng pagkain para sa kaniyang sarili, malaya niyang ginamit ito upang buhaying-muli ang namatay na lalaking iyon at ibalik siya sa kaniyang ina.—Lucas 4:2-4; 7:11-16.
15. Paano ka naaapektuhan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay ng mga ulat tungkol kay Jesus?
15 Habang binabasa natin ang mga salaysay na ito at binubulay-bulay ang saloobing ipinamalas ni Jesus, lalong lumalalim ang ating pag-ibig sa isang ito na nag-alay ng kaniyang buhay bilang tao upang tayo’y mabuhay magpakailanman. Bagaman hindi natin siya nakita kailanman, napapalapit tayo sa kaniya, at ibig nating sundan ang kaniyang mga yapak.—1 Pedro 2:21.
Ang Kaniyang Mapagpakumbabang Pananalig sa Diyos
16. Kanino pangunahing itinuon ni Jesus ang pansin, at pinasisigla niya tayong gawin ang ano?
16 Higit sa lahat, itinuon ni Jesus ang kaniya at ang ating pansin sa kaniyang makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. Ipinakilala niya ang pinakadakilang utos sa Batas, anupat sinabi: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.” (Mateo 22:36, 37) Pinaalalahanan niya ang kaniyang mga alagad: “Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos.” (Marcos 11:22) Nang mapaharap sila sa isang maselang na pagsubok sa kanilang pananampalataya, hinimok niya sila: ‘Manalangin kayo nang patuluyan.’—Mateo 26:41.
17, 18. (a) Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang mapagpakumbabang pananalig sa kaniyang Ama? (b) Bakit napakahalaga sa atin ng kaniyang ginawa?
17 Nagpakita si Jesus mismo ng halimbawa. Mahalagang bahagi ng kaniyang buhay ang panalangin. (Mateo 14:23; Lucas 9:28; 18:1) Nang dumating ang panahon upang piliin niya ang kaniyang mga apostol, hindi basta nanalig si Jesus sa kaniyang sariling pagpapasiya, bagaman ang lahat ng anghel sa langit ay dating nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa. Mapagpakumbabang ginugol niya ang magdamag sa pananalangin sa kaniyang Ama. (Lucas 6:12, 13) Nang siya’y dakpin at mapaharap sa masakit na kamatayan, bumaling muli si Jesus sa kaniyang Ama, anupat taimtim na nanalangin. Hindi niya minalas na kilalang-kilala na niya si Satanas at madaling mapagtatagumpayan ang anumang pakana ng balakyot na isang iyan. Natatanto ni Jesus kung gaano kahalaga na siya ay di-mabigo. Ano ngang laking kadustaan sa kaniyang Ama ang idudulot ng kaniyang kabiguan! At anong laking kawalan para sa sangkatauhan, na ang pag-asa sa buhay ay nakasalalay sa hain ni Jesus!
18 Paulit-ulit na nanalangin si Jesus—nang kasama ang kaniyang mga apostol sa isang silid sa itaas sa Jerusalem at lalo nang marubdob sa hardin ng Getsemani. (Mateo 26:36-44; Juan 17:1-26; Hebreo 5:7) Nang nagdurusa sa pahirapang tulos, hindi niya nilait yaong mga tumutuya sa kaniya. Sa halip, nanalangin siya alang-alang sa mga kumikilos dahil sa kawalang-alam: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34) Ipinako niya ang kaniyang isip sa kaniyang Ama, anupat “ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” Ang mga huling salita na binigkas niya habang nasa pahirapang tulos ay isang panalangin sa kaniyang Ama. (1 Pedro 2:23; Lucas 23:46) Ano ngang laking pasalamat natin na, dahil sa lubusang pananalig kay Jehova, buong katapatang natapos ni Jesus ang atas na ipinagkatiwala sa kaniya ng kaniyang Ama! Bagaman hindi natin kailanman nakita si Jesu-Kristo, gayon na lamang ang pag-ibig natin sa kaniya dahil sa ginawa niya!
Ipinahahayag ang Ating Pag-ibig sa Kaniya
19. Sa pagpapahayag ng pag-ibig kay Jesus, anong mga gawain ang iiwasan natin bilang totoong di-nararapat?
19 Paano natin mapatutunayan na hindi lamang sa salita ang pag-ibig na ipinahahayag natin? Yamang ipinagbabawal ng kaniyang Ama, na sinisinta ni Jesus, ang paggawa ng mga imahen at pagkatapos ay ang pag-uukol ng debosyon sa mga bagay na ito, tiyak na hindi natin mapararangalan si Jesus sa pamamagitan ng pagkukuwintas ng gayong imahen sa ating leeg o sa pamamagitan ng pagbubuhat ng gayong imahen sa mga lansangan. (Exodo 20:4, 5; Juan 4:24) Hindi isang karangalan para kay Jesus ang pagdalo natin sa mga relihiyosong serbisyo, kahit na ginagawa iyon nang ilang beses sa isang linggo, kung hindi naman tayo namumuhay na kasuwato ng kaniyang mga turo sa nalalabing bahagi ng sanlinggo. Sinabi ni Jesus: “Siya na nagtataglay ng aking mga kautusan at tumutupad sa mga iyon, ang isang iyon ang siyang umiibig sa akin. Siya naman na umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama.”—Juan 14:21, 23; 15:10.
20. Ano ang ilang bagay na magpapakita kung tunay ngang iniibig natin si Jesus?
20 Ano ba ang mga utos niya sa atin? Pangunahin na, ang sambahin ang tunay na Diyos, si Jehova, at tanging siya lamang. (Mateo 4:10; Juan 17:3) Dahil sa kaniyang papel sa layunin ng Diyos, itinuro rin ni Jesus na dapat tayong sumampalataya sa kaniya bilang Anak ng Diyos at na dapat nating ipakita iyon sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga gawang balakyot at sa pamamagitan ng paglakad sa liwanag. (Juan 3:16-21) Pinayuhan niya tayo na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran, anupat inuuna ang mga ito kaysa sa pagkabahala tungkol sa pisikal na mga pangangailangan. (Mateo 6:31-33) Iniutos niya na ibigin natin ang isa’t isa kung paanong inibig niya tayo. (Juan 13:34; 1 Pedro 1:22) At inatasan niya tayo na maging mga saksi tungkol sa layunin ng Diyos, gaya ng ginawa niya. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Apocalipsis 3:14) Bagaman hindi nila kailanman nakita si Jesus, mga limang milyong Saksi ni Jehova sa ngayon ang pinakikilos ng taimtim na pag-ibig sa kaniya upang tuparin ang mga utos na iyon. Ang hindi nila personal na pagkakita kay Jesus ay talagang hindi nagpapahina ng kanilang determinasyon na maging masunurin. Nagugunita nila ang sinabi ng kanilang Panginoon sa apostol na si Tomas: “Dahil ba sa nakita mo ako ay naniwala ka? Maligaya yaong mga hindi nakakakita at gayunma’y naniniwala.”—Juan 20:29.
21. Paano tayo nakikinabang sa pagdalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, na gaganapin sa taong ito sa Linggo, Marso 23?
21 Inaasahan na makakabilang ka sa mga magtitipon sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig pagkalubog ng araw sa Linggo, Marso 23, 1997, upang gunitain ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan at upang alalahanin ang kamatayan ng kaniyang matapat na Anak, si Jesu-Kristo. Ang ipinahahayag at ginagawa sa okasyong iyan ay dapat na magpalalim ng pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak at magpasidhi ng hangarin na tuparin ang mga utos ng Diyos.—1 Juan 5:3.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paano nakilala at inibig si Jesus niyaong mga pinadalhan ng unang aklat ni Pedro?
◻ Ano ang ilang bagay na narinig ng mga naunang Kristiyano ang nakaantig sa iyo?
◻ Anong bagay tungkol sa saloobing ipinamalas ni Jesus ang nagpalalim ng iyong pag-ibig sa kaniya?
◻ Bakit napakahalaga sa atin ng mapagpakumbabang pananalig ni Jesus sa Diyos?
◻ Paano natin maipakikita ang ating pag-ibig kay Jesu-Kristo?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Napapalapit tayo kay Jesus dahil sa saloobing ipinamalas niya