Anong Nangyari sa Integridad?
MAHIGIT na isang daang taon na ang nakalilipas, si Barney Barnato, isang mangangalakal ng diamante, ay bumalik sa Inglatera mula sa Timog Aprika. Pagdating niya ay hindi niya nagustuhan ang isang istorya sa pahayagan na isinulat tungkol sa kaniya. Kaya binigyan niya ang editor ng sulat-kamay na mga nota para sa isang pangalawang artikulo, “upang ituwid lamang ang mga bagay-bagay,” lakip ang isang tseke na may malaking halaga ng salapi.
Itinapon ng editor, si J. K. Jerome, ang mga nota sa basurahan at isinauli ang tseke. Di-makapaniwala, agad na dinoble ni Barnato ang kaniyang alok. Tinanggihan din naman iyon. “Magkano ba ang gusto mo?” ang tanong niya. Sa paggunita sa pangyayari, sabi ni Jerome: “Ipinaliwanag ko sa kaniya na hindi ginagawa iyon—hindi sa London.” Talagang hindi ipinagbibili ang kaniyang integridad bilang isang editor.
Binigyang-katuturan ang “integridad” bilang “pagiging matuwid sa moral; pagkamatapat.” Ang isang taong may integridad ay karapat-dapat sa pagtitiwala. Ngunit ngayon, ang pagiging di-tapat—kawalan ng integridad—ay may masamang epekto sa lahat ng antas ng pamumuhay.
Sa Britanya ay pinasikat ng media ang salitang “mababang uri” upang ilarawan ang kawalan ng moral na integridad. Gaya ng sinabi tungkol dito ng pahayagang The Independent, saklaw ng mababang uri “ang lahat mula sa mga relasyon at anomalya sa lokal na pamahalaan hanggang sa mga pangungurakot sa malalaking pidido sa pagluluwas.” Walang pitak ng buhay ang di-apektado.
Pabagu-bagong Pamantayan ng Integridad
Sabihin pa, ang integridad ay hindi nangangahulugan ng kasakdalan, ngunit talagang masasalamin dito ang isang saligang katangian ng tao. Sa ating daigdig na nagmamadaling yumaman, ang integridad ay maaaring malasin na isang hadlang, hindi isang kagalingan. Halimbawa, dumaraming estudyante ang gumagamit ng masasalimuot na kasangkapan upang mandaya sa mga pagsusulit, at ang mga bagong kasangkapang ito ay halos imposibleng mahalata. Sinabi ng isang Britanong propesor sa pamantasan na mahigit sa kalahati ng bilang ng lahat ng Britanong estudyante ang nandaya, at tiyak na hindi nag-iisa ang Britanya.
Hindi dapat kaligtaan ang halagang kapalit sa mga inosenteng tao kapag nagsisinungaling at nanlilinlang ang mga taong di-mapagkakatiwalaan. Kuning halimbawa ang kaso ng bayan ng Bhopal sa India kung saan, noong 1984, ang nakalalasong gas ay pumatay ng mahigit sa 2,500 lalaki, babae, at mga bata at puminsala ng daan-daang libo pa. Nag-ulat ang The Sunday Times: “Ang mga paraan sa pagtulong sa mga biktima ay nahadlangan ng katiwalian. . . . Ang gawain ng pagsala sa mga lehitimong kaso ay pinaging masalimuot ng libu-libong huwad na pag-aangkin, palsipikadong mga dokumento at inimbentong mga ebidensiya.” Bunga nito, pagkaraan ng sampung taon ay halos $3,500,000 lamang sa $470,000,000 halaga ng bayad-pinsala ang naipamahagi sa mga nangangailangan.
Kumusta naman ang relihiyon? Ano ba ang rekord nito kung tungkol sa integridad? Nakalulungkot, ang mga pamantayan ay malimit na katulad niyaong sa sekular na larangan. Kuning halimbawa ang Romano Katolikong obispo na si Eamon Casey, na umaming nagkaroon ng isang bastardong anak na lalaki, na ngayo’y isa nang tin-edyer. Ang situwasyon ni Casey, gaya ng binanggit ng pahayagang Guardian sa Britanya, ay “pangkaraniwan.” Sa katulad na paraan, nag-ulat ang The Times: “Ang katotohanan tungkol sa kahihiyan ni Obispo Casey ay hindi ang bagay na bibihira ang kaniyang pagkakasala, kundi ang bagay na ang paglabag sa di-pag-aasawa ay hindi bago ni madalang man.” Bilang suporta sa pangangatuwirang ito, sinabi ng The Glasgow Herald, sa Scotland, na 2 porsiyento lamang ng klerong Romano Katoliko sa Estados Unidos ang umiwas sa heteroseksuwal at homoseksuwal na mga relasyon. Kung tumpak man o hindi ang bilang na ito, ipinakikita nito ang reputasyon ng mga paring Katoliko pagdating sa moralidad.
Palibhasa’y napapaharap sa gayong mga halimbawa, posible ba para sa isang tao na maingatan ang kaniyang moral na integridad? Sulit ba ito? Ano ang kakailanganin, at ano ang mga gantimpala sa paggawa nito?