‘Sinusunod Nila ang Kanilang Relihiyosong Pagsasanay’
IPINADALA ng isang babae buhat sa Miami, Florida, E.U.A., ang sumusunod na liham sa isang lokal na pahayagan: “Noong Dis. 10 ay nadukutan ng pitaka ang aking anak na lalaki sa isang talipapa. Naroroon ang kaniyang lisensiya sa pagmamaneho, kard sa Social Security, atb., gayundin ang $260.
“Pagkatapos iulat sa manedyer ang nawala, umuwi na siya. Maaga nang gabing iyon ay nakatanggap siya ng isang tawag buhat sa isang babaing nagsasalita ng Kastila na, sa tulong ng opereytor [ng telepono] na gumaganap bilang tagapagsalin, nagsabi sa kaniya na natagpuan niya ang kaniyang pitaka.
“Ibinigay ng babae ang kaniyang direksiyon . . . Ibinigay niya ang pitaka nito, na kumpleto pa, kalakip ang $260.
“Nakita ng babae na dinukot ng magnanakaw ang pitaka ng lalaki at siya’y sumigaw. Binitiwan ng mandurukot ang pitaka at tumakbo. Nang sandaling iyon ay nawala na ang aking anak sa kaniyang paningin, kaya iniuwi niya ang pitaka at saka tumawag.
“Siya at ang kaniyang pamilya ay mga Saksi ni Jehova. Maliwanag na sinusunod nila ang kanilang relihiyosong pagsasanay.”
Hindi ipinamamalas ng mga Saksi ni Jehova ang pagkamatapat upang mapuri lamang ng mga tao. (Efeso 6:7) Sa halip, taimtim nilang hinahangad na magdulot ng kapurihan sa kanilang makalangit na Ama, si Jehova. (1 Corinto 10:31) Ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang nag-uudyok sa kanila na ipahayag ang “mabuting balita” tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Sa pamamagitan ng Kaharian, ipinangangako ng Diyos na babaguhin ang lupa upang maging isang magandang paraiso. Kung magkagayon ang lupa ay magiging isang dako hindi lamang ng pisikal na kagandahan kundi rin naman ng kahusayan sa moral na doo’y iiral magpakailanman ang pagkamatapat.—Hebreo 13:18; 2 Pedro 3:13.