Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 8/15 p. 2-4
  • Ligtas sa Isang Panahon ng Kalamidad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ligtas sa Isang Panahon ng Kalamidad
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Panahon ng Pagkaapurahan
  • Piliin Mo ang Buhay!
  • Ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Malapit Nang Matupad ang Layunin ng Diyos
    Ano ang Layunin ng Buhay?—Paano Mo Masusumpungan?
  • Likas na mga Kapahamakan—Kagagawan ba ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Ang mga Sakuna Ba ay “Gawa ng Diyos”?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 8/15 p. 2-4

Ligtas sa Isang Panahon ng Kalamidad

BIGLANG gumuho ang limang-palapag na department store sa Seoul, Korea, anupat daan-daan katao ang nakulong sa loob! Nagpagal araw at gabi ang mga tagasagip upang mailigtas ang pinakamaraming buhay hangga’t maaari. Sa paglipas ng mga araw, nagsimulang mabawasan ang posibilidad na makasumpong ng mga nakaligtas na natabunan ng gabundok na semento at bakal.

Nang halos mawalan na lahat ng pag-asa, isang kamangha-manghang bagay ang naganap. Nakarinig ng isang mahina at kaawa-awang sigaw mula sa ilalim ng kaguhuan. Natatarantang humukay ang mga tagasagip na ginagamit lamang ang kanilang mga kamay upang iahon ang isang 19-na-taong-gulang na babae na nalibing nang buháy sa loob ng 16 na mahahabang araw. Ang gumuhong daanan ng elebeytor ay nagsilbing pananggalang na espasyo sa ibabaw niya at sumangga sa tone-toneladang bumagsak na semento. Bagaman lubhang natuyuan ng tubig sa katawan at nasugatan, nakaligtas siya sa kamatayan!

Ngayong mga araw na ito, halos di-lumilipas ang isang buwan na walang ulat ng ilang kasakunaan, iyon man ay isang lindol, malakas na bagyo, pagsabog ng bulkan, aksidente, o taggutom. At ang milyun-milyon na sumusubaybay sa mga balita ay naiintriga at nawiwili sa mga pambihirang kuwento ng mga pagsagip at pagliligtas. Gayunman, ang babala tungkol sa isang dumarating na kalamidad​—isa na mas matindi kaysa anumang nangyari na sa kasaysayan ng tao​—ay ipinagwawalang-bahala sa pangkalahatan. (Mateo 24:21) Inilalarawan ng Bibliya ang napipintong pangyayaring ito sa mga salitang ito: “Narito! Kasakunaan ay mangyayari sa bansa at bansa, at malakas na bagyo ay ibabangon mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa. At ang mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa. Sila ay hindi tataghuyan, o dadamputin man o ililibing man. Sila’y magiging parang dumi sa ibabaw ng lupa.”​—Jeremias 25:32, 33.

Nakagugulantang na mga salita! Subalit di-tulad ng mga likas na kasakunaan at aksidente, hindi naman walang-habas na papaslang ang kalamidad na ito. Sa katunayan, ang kaligtasan​—ang iyong kaligtasan​—ay posible!

Isang Panahon ng Pagkaapurahan

Upang maintindihan nang husto ang bagay na ito, dapat na maunawaan ng isa kung bakit nga ba darating ang pangglobong kalamidad na ito. Ang totoo, ito lamang ang tanging lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan. Iilang tao lamang sa ngayon ang nakadaramang sila’y ligtas at panatag. Sa kabila ng pinakamagaling na pagsisikap ng siyensiya, patuloy na sumasalanta sa populasyon ng lupa ang nakahahawang mga sakit. Libu-libong buhay ang pinuputi ng mga digmaang bunga ng mga alitan sa relihiyon, tribo, at pulitika. Nakadaragdag pa ang taggutom sa kahapisan at pagdurusa ng inosenteng mga lalaki, babae, at mga bata. Sinisira ng pagguho ng moral ang pinakapundasyon ng lipunan; sumasamâ pati ang mga bata.

Taglay ang pambihirang katumpakan, ang ating situwasyon ay inilalarawan ng isang hula sa Bibliya na isinulat mahigit na 1,900 taon na ang nakalipas. Ganito ang sabi: “Dapat ninyong matanto na sa mga huling araw ang panahon ay magiging lipos ng panganib.”​—2 Timoteo 3:1, The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips; ihambing ang Mateo 24:3-22.

Waring makatuwiran ba sa iyo na ang isang maibiging Diyos ay magwawalang-bahala sa ating kalagayan? Sinasabi ng Bibliya: “Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, . . . hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, [kaniyang] ginawa ito upang tahanan.” (Isaias 45:18) Oo, sa halip na hayaang masira ang magandang planetang ito at mapawi ang lahat ng mga naninirahan dito, makikialam ang Diyos. Ang tanong ay, Paano niya gagawin ito?

Piliin Mo ang Buhay!

Sumasagot ang Bibliya sa Awit 92:7: “Kapag umusbong ang mga balakyot gaya ng pananim at namulaklak ang mga nagsasagawa ng nakasasakit, iyon ay upang malipol sila magpakailanman.” Ang solusyon ng Diyos sa mga suliranin ng lupa ay ang pag-aalis ng kabalakyutan mismo. Mabuti na lamang, hindi ito nangangahulugan na kailangang lipulin ang lahat ng tao. Tinitiyak sa atin ng Awit 37:34: “Umasa kay Jehova at sundin ang kaniyang daan, at kaniyang itataas ka upang magmay-ari ng lupa. Kapag pinutol ang mga balakyot, makikita mo iyon.”

Ipinakikita ng mga salitang ito na may pagkakataong makaligtas sa pinakamalaking kalamidad na sasapit kailanman sa sangkatauhan. Binigyan tayo ng Diyos ng mapagpipilian. Ang mga salita ni Moises sa pagpapayo sa mga Israelita nang sila’y naghahanda sa pagpasok sa Lupang Pangako ay kumakapit din sa atin ngayon: “Aking inilagay sa harap mo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong supling.” (Deuteronomio 30:19) Subalit paano nga ba ang isa ay ‘pumipili ng buhay’ at naliligtas? Ano talaga ang kahulugan ng kaligtasan?

[Picture Credit Line sa pahina 2]

COVER: Explosion: Copyright © Gene Blevins/Los Angeles Daily News

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Yunhap News Agency/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share