Sino ang Makaliligtas sa “Araw ni Jehova”?
“Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!”—2 PEDRO 3:11, 12.
1. Sino ang gumagawa na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias?
MULA sa sangkatauhan ay pumili ang Diyos na Jehova ng mga indibiduwal na magiging kasamang tagapagmana ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa makalangit na Kaharian. (Roma 8:16, 17) Samantalang sila’y nasa lupa, ang mga pinahirang Kristiyano ay gumagawa taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias. (Lucas 1:17) Sa naunang artikulo, nakita natin ang ilang pagkakahawig sa gawain nila at niyaong kay propeta Elias. Subalit kumusta naman ang gawain ng kahalili ni Elias, si propeta Eliseo?—1 Hari 19:15, 16.
2. (a) Ano ang huling himala na ginawa ni Elias, at ang unang ginawa ni Eliseo? (b) Ano ang patotoo na si Elias ay hindi umakyat sa langit?
2 Ang huling himala na ginawa ni Elias ay yaong paghahati ng tubig ng Ilog Jordan sa pamamagitan ng paghampas dito ng kaniyang opisyal na kasuutan. Dahil dito ay nakatawid sina Elias at Eliseo sa tuyong lupa. Habang naglalakad sila sa silangang panig ng ilog, si Elias ay tinangay ng isang buhawi tungo sa ibang lugar sa lupa. (Tingnan ang kahon sa pahina 15 na pinamagatang “Sa Aling Langit Umakyat si Elias?”) Naiwan ang opisyal na kasuutan ni Elias. Nang gamitin ito ni Eliseo upang hampasin ang Jordan, muli na namang nahati ang tubig nito, kung kaya tuyong lupa ang dinaanan niya pabalik. Niliwanag ng himalang ito na si Eliseo ang naging kahalili ni Elias sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba sa Israel.—2 Hari 2:6-15.
Kailangan ang Makadiyos na mga Katangian
3. Ano ang sinabi nina Pablo at Pedro tungkol sa pagkanaririto ni Jesus at sa “araw ni Jehova”?
3 Mga siglo pagkalipas ng panahon nina Elias at Eliseo, iniugnay nina apostol Pablo at Pedro ang isang dumarating na “araw ni Jehova” sa pagkanaririto ni Jesu-Kristo at sa noo’y panghinaharap pa na “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (2 Tesalonica 2:1, 2; 2 Pedro 3:10-13) Upang makaligtas sa dakilang araw ni Jehova—sa oras na pupuksain ng Diyos ang kaniyang mga kaaway at ililigtas ang kaniyang bayan—kailangan nating hanapin si Jehova at magpamalas ng kaamuan at katuwiran. (Zefanias 2:1-3) Subalit makikita ang ilan pang katangian habang tinatalakay natin ang mga pangyayari may kinalaman kay propeta Eliseo.
4. Anong papel ang ginagampanan ng sigasig sa paglilingkod kay Jehova?
4 Kailangan ang sigasig sa paglilingkuran sa Diyos kung ibig nating makaligtas sa “araw ni Jehova.” Sina Elias at Eliseo ay masigasig sa paglilingkod kay Jehova. Taglay ang katulad na sigasig, ang nalabi ng mga pinahirang Kristiyano sa ngayon ay nag-uukol ng sagradong paglilingkod kay Jehova at nangunguna sa pangangaral ng mabuting balita.a Sapol noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, pinatitibay-loob nila ang lahat niyaong tumatanggap ng mensahe ng Kaharian at umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa na ialay ang kanilang sarili kay Jehova at magpabautismo. (Marcos 8:34; 1 Pedro 3:21) Milyun-milyon ang positibong tumugon sa pampatibay-loob na ito. Dati ay nasa espirituwal na kadiliman sila at patay sa kasalanan, ngunit ngayon ay nalaman nila ang katotohanan ng Diyos, taglay ang pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa, at masigasig sa paglilingkod kay Jehova. (Awit 37:29; Apocalipsis 21:3-5) Sa kanilang sigasig, pakikipagtulungan, pagkamapagpatuloy, at iba pang mabubuting gawa, nagdudulot sila ng malaking kaginhawahan sa espirituwal na mga kapatid ni Kristo na naririto pa sa lupa.—Mateo 25:31-46.
5. Bakit gayon na lamang kahalaga na gumawa ng mabubuting bagay sa “mga kapatid” ni Jesus, at anong halimbawa mayroon tayo noong panahon ni Eliseo?
5 Yaong mga gumagawa ng mabubuting bagay sa “mga kapatid” ni Jesus dahil mga tagasunod niya ang mga pinahirang ito ay may pag-asang makaligtas sa “araw ni Jehova.” Lubhang pinagpala ang isang mag-asawa sa nayon ng Sunem dahil sa kabaitan at pagkamapagpatuloy kay Eliseo at sa kaniyang tagapaglingkod. Walang anak na lalaki ang mag-asawang ito, at matanda na ang lalaki. Ngunit nangako si Eliseo sa babaing Sunamita na magsisilang siya ng isang anak na lalaki, at nangyari nga ito. Nang mamatay ang nag-iisang anak na lalaking ito pagkaraan ng ilang taon, si Eliseo ay pumaroon sa Sunem at binuhay siyang muli. (2 Hari 4:8-17, 32-37) Ano ngang laking gantimpala sa pagiging mapagpatuloy kay Eliseo!
6, 7. Anong halimbawa ang ipinakita ni Naaman, at ano ang kinalaman nito sa pagkaligtas sa “araw ni Jehova”?
6 Kailangan ang pagpapakumbaba upang tanggapin ang salig-sa-Bibliyang direksiyon mula sa “mga kapatid” ni Kristo taglay ang pag-asang makaligtas sa araw ni Jehova. Kinailangang magpakumbaba ang ketonging hepe ng hukbong Siriano na si Naaman upang sundin ang mungkahi ng isang bihag na batang Israelita at humingi ng lunas sa pamamagitan ng pagpunta sa Israel upang hanapin si Eliseo. Sa halip na lumabas sa kaniyang bahay upang salubungin si Naaman, si Eliseo ay nagpadala sa kaniya ng ganitong mensahe: “Maligo ka nang pitong ulit sa Jordan upang ang iyong laman ay bumalik sa iyo; at maging malinis.” (2 Hari 5:10) Nasaktan ang amor propyo ni Naaman, at nagalit siya, ngunit pagkatapos na siya’y mapagpakumbabang pumaroon at lumublob sa Jordan nang pitong ulit, “bumalik ang kaniyang laman tulad ng laman ng isang maliit na bata at siya ay naging malinis.” (2 Hari 5:14) Bago umuwi, naglakbay si Naaman pabalik sa Samaria upang pasalamatan ang propeta ni Jehova. Palibhasa’y determinadong hindi makinabang sa materyal na paraan mula sa bigay-Diyos na kapangyarihan, si Eliseo ay lumabas upang salubungin si Naaman ngunit hindi tumanggap ng anumang kaloob. Mapagpakumbabang sinabi ni Naaman kay Eliseo: “Ang iyong lingkod ay hindi na mag-uukol pa ng isang handog na sinusunog o ng isang hain sa alinmang iba pang diyos kundi kay Jehova.”—2 Hari 5:17.
7 Sa mapakumbabang pagsunod sa maka-Kasulatang payo ng mga pinahiran, milyun-milyon ang saganang pinagpapala ngayon. Bukod dito, sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus, ang tapat-pusong mga taong ito ay naging malinis sa espirituwal na paraan. Tinatamasa nila ngayon ang pribilehiyong maging mga kaibigan ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo. (Awit 15:1, 2; Lucas 16:9) At ang kanilang debosyon sa Diyos at sa paglilingkod sa kaniya ay gagantimpalaan sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila mula sa walang-hanggang pagkapuksa na sasapit sa mapagmapuri at di-nagsisising mga makasalanan sa mabilis na dumarating na “araw ni Jehova.”—Lucas 13:24; 1 Juan 1:7.
“Sino ang Nasa Panig Ko? Sino?”
8. (a) Yaong makaliligtas sa “araw ni Jehova” ay may anong saloobin sa paggawa ng kalooban ng Diyos? (b) Anong atas ang ibinigay kay Jehu? (c) Ano ang mangyayari kay Jezebel?
8 Yaong mga umaasang makaligtas sa “araw ni Jehova” ay dapat ding maging desidido sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Buong-tapang na inihula ni Elias ang pagpuksa sa mamamatay-tao at sumasamba-kay-Baal na pamilya ni Haring Ahab. (1 Hari 21:17-26) Subalit bago isagawa ang paglipol na ito, kinailangang kumpletohin ng kahalili ni Elias na si Eliseo ang isang hindi pa natatapos na gawain. (1 Hari 19:15-17) Nang dumating ang panahong itinakda ni Jehova, tinagubilinan ni Eliseo ang isang tagapaglingkod na pumaroon at pahiran ang puno ng hukbo na si Jehu bilang ang bagong hari ng Israel. Pagkatapos buhusan ng langis ang ulo ni Jehu, sinabi sa kaniya ng mensahero: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Pinapahiran kita bilang hari sa bayan ni Jehova, samakatuwid ay sa Israel. At pabagsakin mo ang sambahayan ni Ahab na iyong panginoon, at ipaghihiganti ko ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta at ang dugo ng lahat ng lingkod ni Jehova sa kamay ni Jezebel. At ang buong sambahayan ni Ahab ay malilipol.’ ” Ang balakyot na si Reyna Jezebel ay ihahagis sa mga aso at hindi magkakaroon ng disenteng libing.—2 Hari 9:1-10.
9, 10. Paano natupad ang salita ni Elias sa kaso ni Jezebel?
9 Kinilala ng mga tauhan ni Jehu ang bisa ng pagpahid sa kaniya at ipinahayag siya bilang ang bagong hari ng Israel. Kumilos nang walang-pag-aatubili, sumugod si Jehu sa Jezreel upang simulan ang paglipol sa apostatang mga pinuno ng pagsamba kay Baal. Ang unang tinamaan ng palaso ni Jehu sa paglipol ay ang anak ni Ahab na si Haring Jehoram. Lumabas siya mula sa lunsod upang tanungin kung si Jehu ay dumating para sa isang misyong pangkapayapaan. “Anong kapayapaan ang maaaring umiral hangga’t naroon pa ang mga pakikiapid ni Jezebel na iyong ina at ang kaniyang maraming panggagaway?” sagot ni Jehu. Karaka-raka, bumaon ang palaso ni Jehu sa dibdib ni Jehoram.—2 Hari 9:22-24.
10 Iniiwasan ng makadiyos na mga babae na maging gaya ni Jezebel o ng sinumang kauri niya. (Apocalipsis 2:18-23) Nang makarating na si Jehu sa Jezreel, sinikap ni Jezebel na gawing kaakit-akit ang kaniyang sarili. Nang dumungaw siya sa bintana, binati niya si Jehu ng isang panunuya. Tinanong ni Jehu ang mga tagapaglingkod ni Jezebel: “Sino ang nasa panig ko? Sino?” Kaagad na dumungaw ang dalawa o tatlong opisyal ng korte. Sila kaya’y nasa panig ni Jehu? “Ibagsak ninyo siya!” ang himok niya. Nang magkagayon, kumilos sila agad, anupat inihagis ang balakyot na si Jezebel sa bintana. Siya’y niyurakan, malamang ng mga paa ng mga kabayo. Nang dumating ang mga tao upang ilibing siya, ‘wala silang nasumpungang anuman kundi ang kaniyang bungo at mga paa at mga palad ng kaniyang mga kamay.’ Tunay ngang isang madulang katuparan ng salita ni Elias: “Kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel”!—2 Hari 9:30-37.
Taos-Pusong Pagtangkilik sa Tunay na Pagsamba
11. Sino si Jehonadab, at paano niya ipinakita ang kaniyang pagtangkilik sa tunay na pagsamba?
11 Yaong mga umaasang makaligtas sa “araw ni Jehova” at mabuhay magpakailanman sa lupa ay dapat na buong-pusong tumangkilik sa tunay na pagsamba. Sila’y dapat maging tulad ni Jehonadab, o Jonadab, isang di-Israelitang sumasamba kay Jehova. Habang patuloy si Jehu sa pagtupad nang buong-sigasig sa kaniyang atas, ibig ni Jehonadab na ipakita ang kaniyang pagsang-ayon at pagtangkilik. Kaya lumabas siya upang salubungin ang bagong hari ng Israel, na patungo na sa Samaria upang lipulin ang mga nalalabi sa sambahayan ni Ahab. Nang makita si Jehonadab, nagtanong si Jehu: “Ang iyo bang puso ay matuwid sa akin, na gaya ng aking puso sa iyong puso?” Ang positibong tugon ni Jehonadab ay nagpakilos kay Jehu na iabot ang kaniyang kamay at anyayahan si Jehonadab na sumakay sa kaniyang karong pandigma, anupat sinabi: “Sumama ka sa akin at tingnan mo ang hindi ko pagpapahintulot na may kaagaw si Jehova.” Kaagad-agad, tinanggap ni Jehonadab ang pribilehiyo na ipakita ang kaniyang pagtangkilik sa tagapuksang pinahiran ni Jehova.—2 Hari 10:15-17.
12. Bakit si Jehova ay may karapatang humiling ng bukod-tanging debosyon?
12 Tiyak namang angkop ang taos-pusong pagtangkilik sa tunay na pagsamba, sapagkat si Jehova ang Maylalang at Pansansinukob na Soberano, na may karapatang humiling at pag-ukulan ng ating bukod-tanging debosyon. Iniutos niya sa mga Israelita: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng ano mang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka mang maglingkod sa kanila, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:4, 5) Yaong umaasang makaligtas sa “araw ni Jehova” ay kailangang bukod-tanging sumamba sa kaniya, anupat ginagawa iyon “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Sila’y dapat na maging matatag sa tunay na pagsamba, tulad nina Elias, Eliseo, at Jehonadab.
13. Kung paanong pumanig si Jehonadab kay Jehu, sino ang kumikilala sa Mesiyanikong Hari, at paano nila ipinakikita ito?
13 Pagkatapos lipulin ang sambahayan ni Ahab, gumawa ng ibang hakbang si Haring Jehu upang makilala ang mga mananamba kay Baal at alisin ang huwad na relihiyong ito sa Israel. (2 Hari 10:18-28) Sa ngayon, ang makalangit na Haring si Jesu-Kristo ay hinirang upang lipulin ang mga kaaway ni Jehova at ipagbangong-puri ang Kaniyang soberanya. Kung paanong si Jehonadab ay pumanig kay Jehu, ang “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ni Jesus ngayon ay buong-pusong kumikilala kay Kristo bilang ang Mesiyanikong Hari at nakikipagtulungan sa kaniyang espirituwal na mga kapatid sa lupa. (Apocalipsis 7:9, 10; Juan 10:16) Ipinakikita nila ang patotoo nito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng tunay na relihiyon at masigasig na pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano, anupat nagbababala sa mga kaaway ng Diyos tungkol sa mabilis na dumarating na “araw ni Jehova.”—Mateo 10:32, 33; Roma 10:9, 10.
Napipinto Na ang Madudulang Pangyayari!
14. Ano ang napipinto na para sa huwad na relihiyon?
14 Kumilos si Jehu upang wakasan ang pagsamba kay Baal sa Israel. Sa ating panahon, sa pamamagitan ng Lalong Dakilang Jehu, si Jesu-Kristo, pangyayarihin ng Diyos ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Malapit na nating makita ang katuparan ng mga salita ng anghel kay apostol Juan: “Ang sampung sungay na iyong nakita, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot [ang Babilonyang Dakila] at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang malalamán niyang bahagi at susunugin siya nang lubusan sa apoy. Sapagkat inilagay iyon ng Diyos sa kanilang mga puso upang isakatuparan ang kaniyang kaisipan, maging ang pagsasakatuparan ng kanilang isang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang kaharian sa mabangis na hayop, hanggang sa ang mga salita ng Diyos ay maganap.” (Apocalipsis 17:16, 17; 18:2-5) “Ang sampung sungay” ay lumalarawan sa nasasandatahang pulitikal na mga kapangyarihan na namamahala sa lupa. Bagaman sila ngayon ay nagsasagawa ng espirituwal na pakikiapid sa Babilonyang Dakila, maikli na lamang ang kaniyang panahon. Pupuksain ng pulitikal na elemento ng sanlibutang ito ang huwad na relihiyon, at “ang mabangis na hayop”—ang Nagkakaisang mga Bansa—ay magkakaroon ng pangunahing papel kasama ng “sampung sungay” sa pagwasak sa kaniya.b Tunay na isang okasyon upang purihin si Jehova!—Apocalipsis 19:1-6.
15. Ano ang mangyayari kapag pinagtangkaang sirain ang makalupang organisasyon ng Diyos?
15 Pagkatapos na salakayin ni Haring Jehu ang pagsamba kay Baal, bumaling naman ang kaniyang maharlikang sambahayan sa pulitikal na mga kaaway ng Israel. Gayundin ang gagawin ng Haring si Jesu-Kristo. Mananatili ang pulitikal na mga kapangyarihan pagkatapos mapuksa ang tulad-Baal na huwad na relihiyon. Sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas na Diyablo, lubus-lubusang sasalakay ang mga kaaway na ito ng soberanya ni Jehova sa pagtatangkang sirain ang makalupang organisasyon ng Diyos. (Ezekiel 38:14-16) Ngunit pangyayarihin ni Jehova na pabagsakin sila ng Haring si Jesu-Kristo sa pamamagitan ng paglipol sa kanila sa Har–Magedon, ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” anupat lulubusin ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova.—Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21; Ezekiel 38:18-23.
Paglilingkod Taglay ang Sigasig ni Eliseo
16, 17. (a) Paano natin nalalaman na si Eliseo ay masigasig hanggang sa katapusan ng kaniyang buhay? (b) Ano ang dapat nating gawin sa mga palaso ng katotohanan?
16 Hanggang sa wakasan ng “araw ni Jehova” ang buong balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas, ang mga lingkod ng Diyos ay magiging malakas ang loob at masigasig na kagaya ni Eliseo. Bukod sa kaniyang gawain bilang tagapaglingkod ni Elias, si Eliseo ay naglingkod na mag-isa bilang propeta ni Jehova sa loob ng mahigit na 50 taon! At masigasig si Eliseo hanggang sa katapusan ng kaniyang mahabang buhay. Bago siya mamatay, dinalaw siya ng apo ni Jehu na si Haring Jehoas. Sinabihan siya ni Eliseo na magpahilagpos ng palaso sa bintana. Tinamaan ng palaso ang puntirya nito, at ibinulalas ni Eliseo: “Ang palaso ni Jehova ng kaligtasan, ang palaso nga ng kaligtasan laban sa Siria! At tiyak na pababagsakin mo ang Siria sa Apek hanggang sa pagtatapos.” Sa hiling ni Eliseo, sumunod ay hinampas ni Jehoas ng kaniyang palaso ang lupa. Ngunit ginawa niya ito nang kulang sa sigasig, anupat hinampas nang tatlong ulit lamang. Nang magkagayo’y sinabi ni Eliseo na, bunga nito, tatlong tagumpay lamang laban sa Siria ang ipagkakaloob kay Jehoas, at gayon nga ang nangyari. (2 Hari 13:14-19, 25) Hindi lubusang napabagsak ni Haring Jehoas ang mga taga-Siria, “hanggang sa pagtatapos.”
17 Subalit taglay ang sigasig tulad niyaong kay Eliseo, patuloy ang pagsalakay ng pinahirang nalabi sa huwad na pagsamba. Gayundin ang ginagawa ng kanilang mga kasamahan na may makalupang pag-asa. Isa pa, makabubuti para sa lahat ng umaasang makaligtas sa “araw ni Jehova” na tandaan ang mga salita ng masigasig na si Eliseo tungkol sa paghampas sa lupa. Kunin natin ang mga palaso ng katotohanan at buong-sigasig na ipanghampas ang mga ito—nang paulit-ulit—oo, hanggang sabihin ni Jehova na tapos na ang ating gawain sa pamamagitan ng mga ito.
18. Paano tayo dapat tumugon sa mga salita ng 2 Pedro 3:11, 12?
18 Ang “araw ni Jehova” ay malapit nang pumawi sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Kaya naman hayaan nating mapukaw tayo ng nakapagpapasiglang mga salita ni apostol Pedro. “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon,” bulalas ni Pedro, “ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!” (2 Pedro 3:11, 12) Kapag ang lahat ng bahagi ng sistemang ito ay napugnaw ng apoy ng galit ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, tanging yaong may rekord ng matuwid na paggawi at makadiyos na debosyon ang makatatakas. Kailangan ang kadalisayan sa moral at sa espiritu. Gayundin ang pag-ibig sa kapuwa-tao, na ipinakikita sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang mga pangangailangan, lalo na sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng ating ministeryong Kristiyano.
19. Ano ang dapat nating gawin upang makaligtas sa “araw ni Jehova”?
19 Ang iyo bang pananalita at gawa ay nagpapakilala sa iyo bilang isang tapat at masigasig na lingkod ng Diyos? Kung gayon, maaari mong taglayin ang pag-asang makaligtas sa “araw ni Jehova” tungo sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan. Oo, maaari mong maranasan ang kaligtasan kung gagawa ka ng mabuti sa espirituwal na mga kapatid ni Kristo sapagkat sila’y kaniyang mga tagasunod, kung paanong naging mapagpatuloy kay Eliseo ang mag-asawang Sunamita. Para makaligtas ay dapat ka ring maging tulad ni Naaman, na mapagpakumbabang tumanggap sa tagubilin ng Diyos at naging isang mananamba ni Jehova. Kung minimithi mong mabuhay magpakailanman sa lupang paraiso, dapat kang magpamalas ng taos-pusong pagtangkilik sa tunay na pagsamba, gaya ng ginawa ni Jehonadab. Kung magkagayo’y maaari kang makabilang sa tapat na mga lingkod ni Jehova, na malapit nang makaranas ng katuparan ng mga salita ni Jesus: “Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.”—Mateo 25:34.
[Mga talababa]
a Tingnan ang kabanata 18 at 19 ng aklat na “Let Your Name Be Sanctified,” inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang pahina 254-6 ng Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Paano Ka Tutugon?
◻ Ano ang ilang katangian na kailangan upang makaligtas sa “araw ni Jehova”?
◻ Anong halimbawa ang ipinakita ng mag-asawang Sunamita noong panahon ni Eliseo?
◻ Anong aral ang matututuhan kay Naaman?
◻ Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jehonadab?
◻ Paano dapat makaapekto sa atin ang 2 Pedro 3:11, 12?