Isa Bang Pag-aasawang Nagpanatili sa Pagkabirhen?
SA PAGTATANGKANG mapagkasuwato ang inaangking walang-hanggang pagkabirhen ni Maria sa kaniyang pag-aasawa kay Jose, inilarawan ng maraming pintor at eskultor si Jose bilang isang lalaking matanda na. Ikinatuwiran nila na si Jose ay talagang naging parang tagapangalaga ni Maria sa halip na isang asawa. Subalit kamakailan ay nagtaguyod si Pope John Paul II ng naiibang pangmalas sa bagay na ito. Sinabi niya na si Jose “ay hindi isang matandang lalaki noong panahong iyon.” Sa halip, ang “kaniyang panloob na kasakdalan, ang bunga ng biyaya, ay umakay sa kaniya na mamuhay kapiling ni Maria bilang isang asawang nagmamahal na hindi sumisiping sa kaniya.”
Kung balak ni Maria na manatiling isang birhen magpakailanman, bakit siya nakipagkasintahan? “Maaaring ipalagay,” ang sabi ng papa, “na sa panahong nagkasundo silang magpakasal ay may unawaan na sina Jose at Maria tungkol sa planong mamuhay bilang isang birhen.”
Subalit iba ang paghaharap ng Bibliya sa bagay na ito. Sinasabi ng ulat ni Mateo na si Jose ay “hindi nakipagrelasyon sa kaniya hanggang sa siya ay magsilang ng isang anak na lalaki.” (Mateo 1:25, Katolikong New American Bible, amin ang italiko.) Pagkatapos maisilang si Jesus, hindi na nagpanatili sa pagkabirhen ang pagsasama nina Jose at Maria. Isang patotoo nito ay ang bagay na sa bandang huli ng ulat ng Ebanghelyo, ipinakikita na si Jesus ay may mga kapatid.—Mateo 13:55, 56.
Kaya naman, bagaman sinasabi ng Bibliya na birhen si Maria nang isilang niya si Jesus, walang saligan sa pag-aangkin na nanatili siyang birhen sa natitirang bahagi ng kaniyang buhay kapiling ni Jose.