Pagpapalaki ng mga Anak na May Mabuting Asal—Posible Pa Kaya Ito?
“NAMUMUHAY tayo ngayon sa isang napakagulong lipunan, isang totoong masalimuot na kultura, kung saan walang pare-parehong tuntunin sa moralidad,” ang sabi ni Robert Glossop ng Vanier Institute for the Family sa Ottawa, Canada. Ano ang resulta? Isang report sa pahayagang The Toronto Star ang nagsabi: “Ang pagdadalang-tao ng mga tin-edyer, karahasan ng mga kabataan at pagpapatiwakal ng mga tin-edyer ay pawang dumarami.”
Ang suliranin ay hindi lamang sa Hilagang Amerika. Pinag-aralan ni Bill Damon, direktor ng Center for Human Development sa Brown University sa Rhode Island, E.U.A., ang mga suliraning ito sa Britanya at sa iba pang Europeong bansa, gayundin sa Australia, Israel, at Hapon. Tinukoy niya ang paghina ng mga simbahan, paaralan, at iba pang institusyon sa pagbibigay ng patnubay sa mga kabataan. Ang ating kultura, paniwala niya, ay “nawalan ng kabatiran sa kailangan ng mga bata upang makapagluwal ng katangian at kakayahan.” Sa pagbanggit sa mga dalubhasa sa pagpapalaki ng mga anak na nagtuturong ang “disiplina ay nakapipinsala sa kalusugan at kapakanan ng mga bata,” iginiit ni Damon na ito ay “isang resipe para sa pagpapalaki ng mga sutil at masuwaying bata.”
Ano ang kailangan ng mga kabataan sa ngayon? Palagi silang nangangailangan ng maibiging pagsasanay na nagtutuwid ng isip at puso. Ang iba’t ibang kabataan ay nangangailangan ng iba’t ibang uri ng disiplina. Kapag inuudyukan ng pag-ibig, malimit na ang disiplina ay maaaring ibigay sa pamamagitan ng pangangatuwiran. Kaya naman sinabi sa atin sa Kawikaan 8:33 na “makinig kayo sa disiplina.” Subalit ang ilan ay hindi “maitutuwid ng basta mga salita lamang.” Para sa kanila, ang angkop na pagpaparusa dahil sa pagsuway, na inilalapat sa tamang antas, ay maaaring kailanganin. (Kawikaan 17:10; 23:13, 14; 29:19) Sa pagrerekomenda ng ganito, hindi iminumungkahi ng Bibliya ang pagalit na pagpalo o matinding pambubugbog, na maaaring makasakit at makapinsala sa bata. (Kawikaan 16:32) Sa halip, dapat maunawaan ng isang bata kung bakit siya itinutuwid at madama na ito ay dahil sa ang magulang ay kakampi niya, nasa panig niya.—Ihambing ang Hebreo 12:6, 11.
Ang praktikal at matinong payong ito mula sa Bibliya ay itinatampok sa aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.