Mabuting Balita ng Paraiso sa Tahiti
TAHITI! Waring may ipinahihiwatig na eksotikong halina ang pangalang ito. Pinasikat ito ng mga dalubsining at manunulat na gaya nina Paul Gauguin, Robert Louis Stevenson, at Herman Melville, na ang paglalarawan sa tropikong kagandahan at katahimikan ng South Sea Islands ay pumukaw sa imahinasyon ng marami.
Ang Tahiti ang siyang pinakamalaki sa mahigit na 120 isla sa French Polynesia, na matatagpuan sa Timog Pasipiko. Bagaman ang islang ito sa South Sea ay halos singkahulugan ng paraiso sa isip ng maraming tao, kailangan pa ring marinig ng mga tao sa Tahiti ang tungkol sa isa pang paraiso na malapit nang dumating. (Lucas 23:43) Ang mga Saksi ni Jehova, na may bilang na 1,918 ngayon sa Tahiti, ay abala sa pagsasabi sa 220,000 tao ng tungkol sa mabuting balita na malapit nang pasapitin ng Kaharian ng Diyos ang tunay na malaparaisong mga kalagayan hindi lamang sa Tahiti kundi gayundin sa buong lupa.—Mateo 24:14; Apocalipsis 21:3, 4.
Sa loob ng maraming taon ang gawaing pangangaral sa Tahiti ay pinangangsiwaan ng tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Fiji, mga 3,500 kilometro ang layo. Dahil sa napakalayong distansiya ay naging mahirap ang mga bagay-bagay at mabagal ang pagsulong. Kaya naman, noong Abril 1, 1975, itinatag ang isang tanggapang pansangay sa Tahiti, at iyon ang nagsilbing tanda ng malaking pagbabago sa gawain ng mga tunay na Kristiyano sa teritoryong ito. Ano ang umakay sa pagsulong na ito, at paano nasimulan ang gawaing pangangaral sa Tahiti?
Maliit na Pasimula
Unang narinig ang mabuting balita sa Tahiti noong mga taon ng 1930, at marami sa mga taga-isla, na may malaking paggalang sa Bibliya, ang tumugon taglay ang matinding interes. Gayunman, bunga ng pagbabawal ng pamahalaan at iba pang restriksiyon, wala pa ring mga Saksi sa isla pagsapit ng mga huling taon ng 1950. Noon, nagpasiya si Agnès Schenck, isang katutubo ng Tahiti na naninirahan sa Estados Unidos, na bumalik sa Tahiti kasama ng kaniyang asawa at anak na lalaki. Ipinaliwanag niya kung paano nangyari ang lahat.
“Sa pandistritong kombensiyon sa Los Angeles noong 1957, ipinaliwanag ni Brother Knorr [presidente noon ng Samahang Watch Tower] na may malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian sa Tahiti. Isang taon na akong nabautismuhan noon, at ang sabi ko, ‘Kung gayo’y pumunta tayo sa Tahiti!’ Narinig ako ng dalawang pamilya, ang mga Neill at mga Carano, na aming mga kaibigang matalik. Sinabi nila na gusto nilang sumama sa amin, pero wala kaming gaanong pera. Matagal na nagkasakit ang aking asawa, at batang-bata pa ang aking anak. Kaya mahirap para sa amin ang lumisan. Nabalitaan ng mga kaibigan sa karatig na mga kongregasyon ang aming tunguhin, at nagpadala sila sa amin ng pondo at mga kagamitan sa bahay. Pagkatapos noong Mayo 1958 ay naglayag kami patungong Tahiti taglay, bukod sa iba pang bagay, ang 36 na kumot!
“Nang dumating kami sa Tahiti, pakiwari ko’y estranghero ako dahil sa 20 taon na akong wala sa isla. Nagsimula kaming mangaral, pero kinailangan naming mag-ingat dahil ipinagbabawal ang aming Kristiyanong gawain. Kinailangan naming itago ang mga magasin, at Bibliya lamang ang ginagamit namin. Sa una ay nagpatotoo lamang kami sa mga taong mayroon nang suskripsiyon ng mga magasing Bantayan at Gumising!
“Sina Clyde Neill at David Carano, kasama ang kanilang pamilya, ay sumama sa amin pagkatapos ng internasyonal na kombensiyon sa New York City noong 1958. Magkakasama kaming nangaral at nag-anyaya sa mga tao na pumunta at makinig sa mga pahayag na ibinibigay sa tahanan ng mga kapatid. Unti-unting naorganisa ang mga bagay-bagay, at nagsimula kami ng pag-aaral ng Bibliya sa isang grupo na may 15 katao. Pagkaraan ng tatlong buwan ay kinailangang umalis ang mga pamilyang Neill at Carano dahil lumampas na ang kanilang mga visa bilang mga turista. Kaya nagpasiya ang mga kapatid na bago sila lumisan, babautismuhan nila ang lahat ng interesado na kuwalipikado. Nagkapribilehiyo ako na maging tagapagsalin sa unang pahayag para sa bautismo. Sa okasyong ito ay sinagisagan ng walong taga-isla ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo. Pagkatapos ay bumalik na sa Estados Unidos ang mga pamilyang Neill at Carano.
“Nagpatuloy ang gawaing pangangaral. Inorganisa namin ang aming sarili sa maliliit na grupo at dumalaw sa mga tao sa bandang gabi. Madalas na umaabot hanggang hatinggabi ang pakikipagtalakayan sa mga interesado. Kung minsa’y nakikisama sa aming usapan maging ang mga ministrong Protestante. Nabuo ang unang kongregasyon noong 1959. Pagkatapos, anong laking kagalakan namin nang opisyal na kilalanin ng pamahalaan ang samahan ng mga Saksi ni Jehova. Lipos ng kagalakan at kapana-panabik na espirituwal na mga kaganapan ang mga unang taon na iyon. Tunay na pinagpala ni Jehova ang aming pasiya na lumipat kung saan may mas malaking pangangailangan.” Si Sister Schenck ay 87 taong gulang na ngayon, at buong-katapatan pa rin siyang naglilingkod sa kaniyang kongregasyon.
Sumulong ang Gawain
Dalawang Saksi mula sa Pransiya, sina Jacques at Paulette Inaudi, ang inatasan sa Tahiti noong 1969 bilang mga special pioneer. Nagunita ni Jacques: “Nang dumating kami sa Tahiti, mayroon lamang 124 na mamamahayag, isang kongregasyon sa Papeete, at dalawang special pioneer sa Vairao, sa peninsula.” Ang peninsula ay iniuugnay sa Tahiti ng isang ismo. Malapit nang idaos noon ang “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea. “Iyon ang aking unang karanasan sa pag-oorganisa ng isang kombensiyon,” patuloy ni Jacques. “Kinailangan naming magplano ng isang sesyon sa Ingles para sa mga panauhin, bumuo ng isang orkestra para sa mga awiting pang-Kaharian, at mag-ensayo ng dalawang drama. Lahat ng ito ay isinagawa ng 126 lamang na mamamahayag. Natitiyak kong si Jehova ang gumanap ng pinakamalaking bahagi.” Tuwang-tuwa ang mga taga-isla sa bilang ng dumalo na 488. Para sa marami sa kanila, iyon ang unang pagkakataon na makilala ang mga kapuwa Saksi mula sa ibang mga lupain.
Di-nagtagal pagkaraan, si Jacques Inaudi ay naatasan bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Habang dinadalaw niya ang iba’t ibang isla, nakita niya na maraming interesado ngunit kakaunti ang mamamahayag ng Kaharian upang linangin iyon. “Kaya pinasigla ko ang maraming pamilya na lumipat sa mga islang ito upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan,” paliwanag ni Jacques. “Kaya unti-unti, napalaganap ang mabuting balita sa mga kapuluang iyon.” Si Brother Inaudi ay naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa mula 1969 hanggang 1974, at siya ngayon ay isang matanda sa isa sa mga kongregasyon sa Tahiti.
Kabilang sa mga tumugon sa pampasigla ni Brother Inaudi ay si Auguste Temanaha, na isa sa walong nabautismuhan noong 1958. Inilahad niya kung ano ang nangyari. “Noong 1972 ay pinasigla kami ng tagapangasiwa ng sirkito, si Jacques Inaudi, na isaalang-alang ang paglipat upang maglingkod sa Huahine, isa sa Leeward Islands sa grupo ng Society Islands. Nag-atubili ako dahil pagbabasa lamang ng Bibliya ang nagagampanan ko sa kongregasyon at hindi ko nadamang kuwalipikado akong pagkatiwalaan ng gayong pananagutan. Gayunpaman, palaging sinasabi sa akin ni Brother Inaudi, ‘Huwag kang mag-alala, kaya mo iyon!’ Pagkaraan ng sandaling panahon ay nagpasiya kami. Kaya naman, noong 1973 ay ipinagbili namin ang lahat at lumipat sa Huahine kasama ng aming tatlong maliliit na anak.
“Pagdating namin, natuklasan ko na kailangan kong pasimulan ang lahat—ang Pag-aaral sa Bantayan, ang Teokratikong Paaralan sa Pagmiministro, at iba pa. Hindi madali iyon, ngunit naranasan namin ang proteksiyon at tulong ni Jehova. May ilang pagkakataon na tinulungan niya kaming humanap ng matitirhan. Pagkatapos, nang sikapin ng isang grupo ng mga mananalansang na paalisin ang mga Saksi sa isla, ipinagtanggol kami ng isang lokal na pulitiko. Tunay, binantayan kami ni Jehova sa buong panahong iyon.” Ngayon, may dalawang kongregasyon sa Huahine—isang Pranses na kongregasyon na may 23 mamamahayag at isang Tahitiano na may 55 mamamahayag.
Noong 1969, inatasan si Hélène Mapu bilang isang special pioneer sa peninsula. “Maraming interesado sa peninsula, at nakapagpasimula ako ng maraming pag-aaral sa Bibliya sa loob lamang ng sandaling panahon,” sabi ni Hélène. Di-nagtagal at nabuo ang isang kongregasyon sa Vairao, ngunit kailangan ang matatanda. Nang maglaon, si Colson Deane, na noon ay naninirahan sa Papara na 35 kilometro ang layo, ay nakapaglaan ng tulong. “Kinailangang maging organisadung-organisado kami upang makapaglingkod sa Vairao,” ang paglalahad ni Brother Deane. “Nagtatrabaho ako sa Faaa, na 70 kilometro mula sa Vairao sa kabilang panig ng isla. Pagkatapos ng trabaho, kailangan kong magmadaling umuwi, sunduin ang aking pamilya, at saka pumunta sa Vairo. Nang maglaon ay kinailangan naming lumipat sa Faaa dahil sa aking trabaho. Matutulungan pa kaya namin ang Vairo Congregation? Talagang ibig naming tulungan ang mga kapatid doon, kaya nagpasiya kaming magpatuloy. Sa mga gabi na may pulong ay bihira kaming makauwi bago maghatinggabi dahil kailangan naming magbiyahe nang ilang beses upang ihatid ang iba na walang sasakyan. Ginawa namin ito sa loob ng limang taon. Isa ngayong malaking kagalakan na makita ang apat na kongregasyon sa bahaging ito ng isla, at magaganda ang aming alaala ng mga araw na iyon.”
Naging Isang Sangay ang Tahiti
Pagsapit ng 1974 ay umabot sa 199 ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa Tahiti. Nang sumunod na taon nang ang French Polynesia ay dalawin nina N. H. Knorr at F. W. Franz, presidente at bise-presidente noon ng Samahang Watch Tower, nakita nila na magiging mas praktikal na ang gawaing pangangaral sa French Polynesia ay pangangasiwaan, hindi mula sa Fiji na mahigit 3,500 kilometro ang layo, kundi mula sa Tahiti. Kaya naman, noong Abril 1, 1975, itinatag ang sangay sa Tahiti, at ang tagapangasiwa ng sirkito, si Alain Jamet, ang inatasang maging tagapangasiwa sa sangay.
Ilang taon na ang nakalipas, inilahad ni Brother Jamet ang mga kahanga-hangang pagpapala mula kay Jehova. “Malaking pagsisikap ang isinagawa mula noong 1975 upang dalhin ang mabuting balita sa lahat ng isla at kapuluan sa aming teritoryo, na sumasaklaw sa isang lugar na kasinlawak ng Kanluraning Europa. Nakaliligaya ang mga resulta. Pagsapit ng 1983 ay umabot sa 538 ang bilang ng mga mamamahayag. Nang taong iyon ay itinayo sa Paea ang isang gusali para sa tanggapang pansangay at Tahanang Bethel. Ngayon, may mga 1,900 mamamahayag na nakakalat sa 30 kongregasyon sa Society Islands, isang kongregasyon at isang nakabukod na grupo sa Austral Islands, isang kongregasyon at dalawang nakabukod na grupo sa Marquesas, at ilang nakabukod na grupo sa Tuamotu at sa Gambier Islands. Nagtatayo ng maraming bagong Kingdom Hall—tatlo sa Marquesas at pito sa Tahiti—upang maasikaso ang lumalaking bilang ng mga baguhan na dumadalo sa mga pulong. Sa nakalipas na 20 taon, tunay na pinagpala ni Jehova ang aming pagsisikap na linangin ang larangan sa Tahiti.”
Marami Pang Dapat Gawin
Ang inaasahang paglago sa French Polynesia ay napakahusay. Noong Marso 23, 1997, mga 5,376 katao ang nagtipon kasama ng mga Saksi ni Jehova sa buong French Polynesia para sa Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Upang matugunan ang espirituwal na pangangailangan ng mga interesadong ito, ipinamamahagi ang ating mga publikasyon sa Bibliya sa ilang lokal na wika. Bukod sa Tahitiano, naghanda ng literatura sa wikang Paumotu, na ginagamit sa Kapuluan ng Tuamotu at sa Hilaga at Timog Marquesian.
Ang patuloy na paglago at maiinam na karanasan ay nakatulong sa mga mamamahayag ng Kaharian sa Tahiti upang higit na pahalagahan ang pag-ibig at pagtitiis ni Jehova, “na ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan,” maging sa malalayong isla ng South Sea. (1 Timoteo 2:4) Buo ang pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova sa Tahiti at sa iba pang isla ng French Polynesia sa pangako ni Jehova: “Ang mga isla ay aasa sa akin, at sila’y maghihintay sa aking bisig.”—Isaias 51:5.
[Mapa sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Inaasikaso ng Sangay sa Tahiti ang pangangailangan sa French Polynesia
AUSTRALIA
[Larawan sa pahina 25]
Mula sa kaliwa pakanan: Sina Alain Jamet, Mary-Ann Jamet, Agnès Schenck, Paulette Inaudi, at Jacques Inaudi
[Larawan sa pahina 27]
Tanggapang pansangay sa Tahiti