Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 12/1 p. 3-4
  • Ano ang Nangyayari sa mga Kabataan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Nangyayari sa mga Kabataan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Gaano Kalaki ang Pagkakaiba?
  • Sino ang Dapat Sisihin?
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa mga Kabataan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
  • Ginagawang Matagumpay ang Panahon ng Iyong Kabataan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Gaano Kainteresado ang mga Kabataan sa Relihiyon?
    Gumising!—1998
  • Kapag Naglaho ang Pag-asa at Pag-ibig
    Gumising!—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 12/1 p. 3-4

Ano ang Nangyayari sa mga Kabataan?

ANG mabuting balita o ang masamang balita​—alin ang gusto mo munang marinig? Kapag tinanong ng ganito, marami ang gusto munang marinig ang masamang balita sa pag-asang mamamalagi sa kanilang isip ang mabuting balita.

Kapag sinuri natin ang nangyayari sa mga kabataan, isaalang-alang muna ang kalagayan sa ngayon. Kadalasang sinasabi ng matatanda na ang mga kabataan ngayon ay hindi katulad ng mga kabataan noon. Sa kabilang panig, ikinasasama naman ng loob ng mga kabataan ang anumang pahiwatig na hindi sila nakaaabot sa mga pamantayan ng nakaraang panahon. Gayunpaman, sumasang-ayon ang matamang mga tagapagmasid sa sangkatauhan na ang mga kabataan ngayon ay ibang-iba.

Gaano Kalaki ang Pagkakaiba?

Bagaman ang mga tao sa pangkalahatan ay naniniwala na ang mga kabataan ay dapat na may mabuting asal, pagkadama ng pananagutan, at paggalang sa iba, ang totoo’y madalas na hindi naaabot ang mga mithiing ito. Ayon sa isang surbey na inilathala sa pahayagang The Independent ng London, ang mga kabataan ay “tinutubuan ng ‘isang bagong saloobin ng paghihimagsik’ laban sa isang sanlibutang minamalas nila na lubhang bumigo sa kanila.” Ang ganitong “bagong saloobin ng paghihimagsik” ay masasalamin sa natuklasan na mas kakaunting modernong-panahong kabataan ang ibig malasin ang kanilang sarili bilang “makatuwiran at responsable.” Sa halip ay ibig nilang malasin sila bilang “magugulo at sumpungin.”

Halimbawa, ang nakaulat na krimen sa Britanya​—na ang karamihan ay ginawa ng mga kabataan​—​ay dumami nang sampung ulit sa pagitan ng 1950 at 1993. Gayundin ang paglaganap ng pag-aabuso sa droga at alkohol. Kasabay nito, sinabi ng The Times ng London na halos lahat ng maunlad na mga bansa ay nakaranas ng “mabilis na pagdami ng mga may psychosocial na karamdaman sa gitna ng mga kabataan sapol noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.” Ayon kay David J. Smith, propesor sa kriminolohiya, ang mga karamdamang ito ay “walang kaugnayan sa kakapusan o sa lumalaganap na kariwasaan sa anumang simpleng paraan.” Ipinahihiwatig ng pananaliksik na kitang-kita ngayon ang mas malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga kabataan at matatanda.

Ang mga bata at kabataang tin-edyer sa ngayon ay napapaharap sa tumitinding kaigtingan. Naging pangkaraniwan na ang mga kaso ng pagpapatiwakal, tinangka man o naisagawa. Ang bilang ng mga pagtatangkang magpatiwakal ng mga batang wala pang 12 anyos ay dumoble sa loob ng wala pang sampung taon, ayon sa ulat ng Herald ng Glasgow sa Scotland. Hinahayaan ng nakatatandang mga bata na akayin sila ng pagkasira ng loob sa ganito ring direksiyon. “Sila ang pinakamalubhang resulta ng dumaraming suliraning pangkaisipan sa mga kabataan na nagbabantang dumaig pa sa mga serbisyong inilalaan upang makatulong sa kanila,” komento ng pahayagan.

Sino ang Dapat Sisihin?

Nasusumpungan ng mga nasa hustong gulang na madaling sisihin ang mga kabataan sa “lihis” na mga pangmalas ng kabataan. Gayunman, ang totoo, hindi ba ang mga nasa hustong gulang ang pangunahing masisisi sa nangyayari ngayon sa mga kabataan? Ang pang-aabuso, pagpapabaya ng mga magulang, kawalan ng mga huwaran na mapagkakatiwalaan ng mga kabataan, ay malimit banggitin sa paliwanag. “Ang panlulumo sa pangkalahatang populasyon ay palasak na gaya noong 30 taon na ang nakalipas,” sabi ni Propesor Sir Michael Rutter, pinuno ng Medical Research Council Child Psychiatry Unit ng Britanya. “Ngunit,” sabi pa niya, “ang mga kaso nito sa mga tin-edyer at mga kabataang adulto ay lubhang dumami. . . . Walang alinlangan na gumanap ng papel ang pagkasira ng pamilya; hindi lamang ang diborsiyo, kundi ang pangkalahatang antas ng di-pagkakasundo at alitan ng mga nasa hustong gulang.”

Sinabi ng isang mananaliksik na ang mga kabataan ay “tumatanggi sa mga kinaugalian.” Bakit? “Sapagkat ang mga kinaugalian ay hindi na mabisa para sa kanila.” Kuning halimbawa ang nagbabagong pangmalas sa papel ng kasarian. Maraming kabataang babae ang nagpapamalas ng mas panlalaking mga katangian ng pagiging mapusok at marahas, samantalang ang mga kabataang lalaki ay nagiging parang babae. Talaga namang ibang-iba sa mga pamantayan ng nakaraang panahon!

Ngunit bakit tayo nakakakita ng gayong malalaking pagbabago sa ngayon? At ano naman ang mabuting balita tungkol sa mga kabataan ngayon? Paano sila maaaring magkaroon ng isang matatag na kinabukasan? Tatalakayin sa ating susunod na artikulo ang sagot sa mga tanong na ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share