Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 3/1 p. 20-24
  • Nagpapasalamat sa Matatag na Pamanang Kristiyano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagpapasalamat sa Matatag na Pamanang Kristiyano
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Sigasig ni Tatay sa Katotohanan ng Bibliya
  • Ang Hamon ng mga Taon ng Digmaan
  • Handang Magbigay ng Sagot
  • Isang Di-inaasahang Paanyaya
  • Mga Atas Misyonero
  • Mga Pagbabago ng Atas
  • Gawain sa Nigeria
  • Pinalakas ng Aming Pag-asa
  • Sa Lahat ng Nangyari sa Amin, Pinalakas Kami ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Si Jehova ay Aking Kanlungan at Kalakasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Ang Tapat na Halimbawa ng Aking Ama
    Gumising!—1993
  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 3/1 p. 20-24

Nagpapasalamat sa Matatag na Pamanang Kristiyano

GAYA NG INILAHAD NI GWEN GOOCH

Sa paaralan ay inawit ko ang isang himno na may mga salitang, ‘the Great Jehovah enthroned in his glory.’ Madalas akong mag-isip, ‘Sino ba ang Jehova na ito?’

ANG aking lolo’t lola ay may takot sa Diyos. Noong mga unang taon ng siglong ito, sila’y nakisama sa mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon. Ang aking tatay ay matagumpay sa negosyo subalit sa simula ay hindi niya ipinasa sa kaniyang tatlong anak ang pamanang Kristiyano na inialok sa kaniya.

Noon ko lamang nalaman na Jehova pala ang pangalan ng tunay na Diyos nang kami ng kapatid kong lalaki, si Douglas, at ng kapatid kong babae, si Anne, ay bigyan ni Tatay ng mga buklet na pinamagatang His Works at Who Is God? (Awit 83:18) Tuwang-tuwa ako! Subalit ano ang muling nagpasigla sa interes ni Tatay?

Noong 1938, nang makita niyang ang mga bansa’y naghahanda para sa digmaan, natalos ni Tatay na higit pa sa pagsisikap ng tao ang kakailanganin upang lunasan ang mga suliranin ng daigdig. Ibinigay ni lola sa kaniya ang aklat na Enemies, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Sa pagbabasa nito, nalaman niyang ang tunay na kaaway ng tao ay si Satanas na Diyablo at na tanging ang Kaharian ng Diyos ang makapagdadala ng pandaigdig na kapayapaan.a​—Daniel 2:44; 2 Corinto 4:4.

Habang papalapit ang digmaan, ang aming pamilya’y nagsimulang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Wood Green, Hilagang London. Noong Hunyo 1939 kami’y nagtungo sa kalapit na Alexandra Palace upang pakinggan ang pahayag pangmadla, na “Pamahalaan at Kapayapaan,” na ipinahayag ni Joseph F. Rutherford, ang presidente noon ng Samahang Watch Tower. Ang pahayag ni Rutherford sa Madison Square Garden sa New York City ay narinig sa pamamagitan ng radyo sa London at sa iba pang malalaking lunsod. Gayon na lamang kalinaw ang pahayag na narinig namin anupat nang manggulo ang isang pangkat ng maingay na manggugulo sa New York, tumingin ako sa palibot upang tingnan kung ito ba’y nangyayari sa aming awditoryum!

Ang Sigasig ni Tatay sa Katotohanan ng Bibliya

Iginiit ni Tatay na tuwing Sabado ng gabi ang aming buong pamilya ay sama-samang mag-aaral ng Bibliya. Ang aming pag-aaral ay nakasentro sa paksa sa Bibliya na nasa Ang Bantayan na nakaiskedyul na tatalakayin sa susunod na araw. Upang ilarawan ang epekto ng mga pag-aaral na ito, hanggang sa ngayon ang ulat tungkol kay Josue at sa pagkubkob sa lunsod ng Ai na tinalakay sa The Watchtower ng Mayo 1, 1939, ay malinaw pa rin sa aking isip. Naintriga ako nang husto ng ulat na ito anupat tiningnan ko ang lahat ng mga reperensiya rito sa akin mismong Bibliya. Natuklasan kong kahali-halina ang pananaliksik na iyon​—at hanggang sa ngayon.

Ang pagsasabi sa iba ng natututuhan namin ay lalong nagkintal sa mga turo ng Bibliya sa aking puso. Isang araw ay ibinigay sa akin ni Tatay ang isang ponograpo na may isinaplakang sermon sa Bibliya, isang buklet na ginagamit namin sa pag-aaral ng Bibliya, at ang direksiyon ng isang may edad nang babae. Pagkatapos ay hiniling niya sa akin na dalawin ito.

“Ano po ang sasabihin ko, at ano po ang gagawin ko?” ang tanong ko.

“Nariyan nang lahat,” ang tugon ni Tatay. “Basta patugtugin mo ang plaka, basahin mo ang mga tanong, ipabasa mo sa maybahay ang mga sagot, at pagkatapos ay basahin mo ang mga kasulatan.”

Ginawa ko ang gaya ng sinabi niya sa akin, at sa ganitong paraan ay natutuhan kong magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kaya sa pamamagitan ng paggamit ng Kasulatan sa aking ministeryo, lalo kong naunawaan ang mga ito.

Ang Hamon ng mga Taon ng Digmaan

Sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, at nang sumunod na taon ay nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay upang maglingkod kay Jehova. Ako’y 13 lamang. Nagpasiya ako noon na maging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro. Huminto ako sa pag-aaral noong 1941 at sa kombensiyon sa Leicester ay sumama ako kay Douglas sa gawaing buong-panahong pangangaral.

Nang sumunod na taon, nabilanggo si Tatay dahil sa kaniyang pagtangging makipagdigma dahil sa budhi. Kaming mga anak ang umalalay sa aming nanay, na tumutulong sa kaniya sa pangangalaga ng aming tahanan noong mahirap na panahon ng digmaan. Pagkatapos, karaka-raka nang mapalaya si Tatay mula sa piitan ay si Douglas naman ang tinawag para maglingkod sa militar. Ganito ang ulong-balita ng isang lokal na pahayagan, “Kung Bakit Tinularan ng Anak ang Kaniyang Ama sa Pagpiling Mabilanggo.” Nagkaroon ng isang mahusay na patotoo, yamang nagkaroon ng pagkakataong maipaliwanag kung bakit ang mga tunay na Kristiyano ay hindi nakikibahagi sa pagpatay sa kanilang mga kapuwa tao.​—Juan 13:35; 1 Juan 3:10-12.

Noong mga taong iyon ng digmaan, maraming Saksi na nasa buong-panahong ministeryo ang regular na dumadalaw sa aming bahay, at ang kanilang nakapagpapatibay na salig-Bibliyang usapan ay tumimo sa aking isip. Kabilang sa tapat na mga kapatid na lalaking ito si John Barr at Albert Schroeder, na ngayo’y mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang aking mga magulang ay talagang mapagpatuloy, at tinuruan nila kaming maging gayon.​—Hebreo 13:2.

Handang Magbigay ng Sagot

Di-nagtagal pagkatapos na magpayunir, nakilala ko si Hilda sa ministeryo sa bahay-bahay. Pagalit na sinabi niya: “Ang asawa ko’y nakikipaglaban sa digmaan para sa mga katulad ninyo! Bakit wala kayong ginagawa sa mga pagsisikap sa digmaan?”

“Ano ba ang nalalaman mo tungkol sa ginagawa ko?” ang tanong ko. “Alam mo ba kung bakit ako naparito?”

“Buweno,” sagot niya, “mabuti pang pumasok ka at sabihin mo sa akin.”

Naipaliwanag ko na kami’y nagbibigay ng tunay na pag-asa sa mga tao na nagdurusa dahil sa kakila-kilabot na mga ginagawa​—kadalasan ay sa ngalan pa ng Diyos. Nakinig si Hilda nang may pagpapahalaga, at siya ang naging unang regular na estudyante ko sa Bibliya. Siya’y isa nang aktibong Saksi ngayon sa loob ng mahigit na 55 taon.

Nang matapos ang digmaan, tumanggap ako ng isang bagong atas bilang payunir sa Dorchester, isang bayan sa timog-kanlurang Inglatera. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ako’y napalayo sa amin. Ang aming maliit na kongregasyon ay nagtitipon noon sa isang restawran, isang ika-16 na siglong gusali na tinatawag na “The Old Tea House.” Kailangang ayusin namin ang mga mesa at silya para sa bawat pulong namin. Ibang-iba ito sa Kingdom Hall na nakasanayan ko. Gayunman, naroon ang gayunding espirituwal na pagkain at maibiging pakikisama ng Kristiyanong mga kapatid.

Samantala, ang mga magulang ko ay lumipat sa Tunbridge Wells, timog ng London. Umuwi ako upang kami ni Tatay at ni Anne ay sama-samang makapagpayunir. Di-nagtagal at ang aming kongregasyon ay lumaki mula sa 12 tungo sa 70 Saksi, kaya ang aming pamilya ay hinilingang lumipat sa Brighton sa timugang baybayin, kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapagpahayag ng Kaharian. Marami ang masigasig na sumama sa aming pamilyang payunir sa pangangaral, at nakita namin na saganang pinagpala ni Jehova ang aming gawain. Di-nagtagal ay naging tatlo ang isang kongregasyon!

Isang Di-inaasahang Paanyaya

Noong tag-araw ng 1950, ang aming pamilya ay kabilang sa 850 delegado mula sa Britanya na dumalo sa Paglago ng Teokrasya na Internasyonal na Asamblea sa Yankee Stadium ng New York City. Maraming payunir mula sa ibang bansa na pupunta sa asambleang iyon ang pinadalhan ng isang aplikasyon upang mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, na malapit sa South Lansing, New York. Kami nina Douglas at Anne ay kabilang sa kanila! Naaalaala ko ang naisip ko nang ihulog ko ang sinagutan kong aplikasyon sa buson, ‘Totohanan na ito ngayon! Sa anong direksiyon kaya papunta ang aking buhay?’ Gayunman ang aking kapasiyahan ay: “Narito ako! Suguin mo ako.” (Isaias 6:8) Tuwang-tuwa ako nang tumanggap ako ng paanyayang manatili pagkatapos ng kombensiyon upang daluhan ang ika-16 na klase ng Gilead, kasama nina Douglas at Anne. Batid naming lahat na kami’y maaaring ipadala bilang mga misyonero sa alinmang bahagi ng daigdig.

Pagkatapos masiyahan sa kombensiyon na sama-sama bilang isang pamilya, dumating ang panahon para sa aming mga magulang na umuwi sa Inglatera​—na sila lamang. Kaming tatlong anak ay kumaway ng pamamaalam habang sila’y naglayag pauwi sakay ng Mauritania. Isa ngang madamdaming paghihiwalay!

Mga Atas Misyonero

Ang ika-16 na klase ng Gilead ay binubuo ng 120 estudyante mula sa lahat ng bahagi ng daigdig, pati na ang ilan na dumanas ng hirap sa mga kampong piitan ng Nazi. Yamang ang aming klase ay tinuruan ng Kastila, inaasahan naming kami’y maaatasan sa isang bansa sa Timog Amerika na nagsasalita ng Kastila. Gunigunihin ang aming pagkagulat noong araw ng gradwasyon nang malaman namin na si Douglas ay naatasan sa Hapón at kami naman ni Anne ay sa Syria. Kaya kaming mga babae ay kailangang mag-aral ng wikang Arabe, at totoo pa rin ito kahit nang ilipat ang aming atas tungo sa Lebanon. Habang naghihintay para sa aming mga bisa, tumanggap kami ng mga leksiyon sa Arabe nang dalawang beses sa isang linggo mula kay George Shakashiri, ang typesetter ng Samahang Watch Tower para sa Arabe na Bantayan.

Nakatutuwang magtungo sa isang lupain sa Bibliya na pinag-aralan namin sa klase! Sina Keith at Joyce Chew, Edna Stackhouse, Olive Turner, Doreen Warburton, at Doris Wood ang sumama sa amin doon. Kami ay tunay na naging maligayang pamilyang misyonero! Isang lokal na Saksi ang dumadalaw sa aming tahanang pangmisyonero upang tulungan pa kami sa wika. Sa aming araw-araw na pag-aaral, sasanayin namin ang isang maikling presentasyon, pagkatapos kami’y lalabas at gagamitin namin ito sa aming gawaing pangangaral.

Ginugol namin ang aming unang dalawang taon sa Tripoli, kung saan may isa nang tatag na kongregasyon. Tinulungan namin nina Joyce, Edna, Olive, Doreen, Doris, at Anne ang mga asawa at anak na babae ng lokal na mga Saksi na makibahagi sa mga pulong gayundin sa ministeryo sa madla. Hanggang noon, ang ating Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ay sumusunod pa rin sa lokal na kaugalian, hindi sila nauupong magkakasama sa mga pulong, at bihirang makibahagi ang mga Kristiyanong kapatid na babae sa ministeryo sa bahay-bahay. Kailangan namin ang kanilang tulong may kinalaman sa wika sa aming pangangaral sa madla, at hinimok namin sila mismo na makibahagi sa gawaing ito.

Pagkatapos nito, kami ni Anne ay naatasang tumulong sa isang maliit na grupo ng mga Saksi sa sinaunang lunsod ng Sidon. Di-nagtagal, kami’y hinilingang bumalik sa kabisera, sa Beirut. Ang mga binhi ng katotohanan ng Bibliya ay naihasik na sa pamayanan doon na nagsasalita ng Armeniano, kaya pinag-aralan namin ang wikang ito upang tulungan sila.

Mga Pagbabago ng Atas

Nakilala ko si Wilfred Gooch bago ako umalis ng Inglatera. Siya’y isang masigasig at mapagmalasakit na kapatid na naglingkod sa London Bethel. Si Wilf ay miyembro ng ika-15 klase ng Gilead, na nagtapos noong kombensiyon sa Yankee Stadium noong 1950. Ang kaniyang atas misyonero ay sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Nigeria, at sa loob ng ilang panahon kami’y nagsulatan. Kami kapuwa ay dumalo noong 1955 sa “Matagumpay na Kaharian” na kombensiyon sa London, at di-nagtagal kami’y naging magkatipan. Nang sumunod na taon, kami’y nagpakasal sa Ghana, at sumama ako kay Wilf sa kaniyang atas misyonero sa Lagos, Nigeria.

Nang iwan ko si Anne sa Lebanon, nagpakasal siya sa isang mahusay na Kristiyanong kapatid na natuto ng katotohanan ng Bibliya sa Jerusalem. Hindi nadaluhan ng aming mga magulang ang aming mga kasal, yamang kami nina Douglas at Anne ay nag-asawa sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Gayunman, nasisiyahan silang malaman na kaming lahat ay maligayang naglilingkod sa ating Diyos, si Jehova.

Gawain sa Nigeria

Sa tanggapang pansangay sa Lagos, ako’y naatasang maglinis ng mga kuwarto ng walong miyembro ng aming pamilya sa sangay gayundin ang maghanda ng kanilang pagkain at maglaba. Waring hindi lamang ako nagkaroon ng asawa kundi ng isang kagyat na pamilya rin!

Natutuhan namin ni Wilf ang maiikling presentasyon sa Bibliya sa wikang Yoruba, at kami’y pinagpala sa aming mga pagsisikap. Isang kabataang estudyante na nakausap namin noon ay may anak na lalaki’t babae na naglilingkod ngayon sa malaking pamilyang Bethel ng Nigeria na mayroong halos 400 miyembro.

Noong 1963, tumanggap si Wilf ng isang paanyaya na dumalo sa sampung-buwang kurso ng pantanging instruksiyon sa Brooklyn, New York. Nang matapos ito, hindi inaasahang naatasan siyang bumalik sa Inglatera. Ako’y naiwan sa Nigeria at binigyan lamang ng 14 na araw na abiso upang makasama si Wilf sa London. Lumisan ako na may magkahalong lungkot at tuwa, yamang ang Nigeria ay naging isang maligayang atas. Pagkatapos maglingkod ng 14 na taon sa ibang bansa, nangailangan ng ilang panahon upang bumagay muli sa buhay sa Inglatera. Gayunman, kami’y nagpapasalamat na muling mapalapit sa aming matatanda nang mga magulang at upang makatulong sa pangangalaga sa kanila.

Pinalakas ng Aming Pag-asa

Mula noong 1980, ako’y nagkapribilehiyo na sumama kay Wilf habang siya’y naglalakbay sa maraming bansa bilang tagapangasiwa ng sona. Inaasam-asam ko lalo na ang aming mga pagdalaw pabalik sa Nigeria. Nang maglaon ay nagpunta rin kami sa Scandinavia, West Indies, at sa Gitnang Silangan​—pati na sa Lebanon. Isang pantanging katuwaan na gunitain ang maliligayang kahapon at makita yaong nakilala ko na mga tin-edyer na naglilingkod na bilang Kristiyanong matatanda.

Nakalulungkot naman, ang aking mahal na asawa ay namatay noong tagsibol ng 1992. Siya’y 69 lamang. Ito’y isang matinding dagok yamang ito’y nangyari nang biglaan. Pagkaraan ng 35 taon ng pag-aasawa, nangailangan ng panahon upang makibagay. Subalit ako’y tumanggap ng maraming tulong at pag-ibig mula sa pambuong-daigdig na pamilyang Kristiyano. Napakarami kong maliligayang karanasan na bubulay-bulayin.

Ang aking ama’t ina ay nag-iwan ng mahusay na halimbawa ng katapatang Kristiyano. Si Inay ay namatay noong 1981 at si Itay naman ay noong 1986. Sina Douglas at Anne ay patuloy na naglilingkod kay Jehova nang may katapatan. Si Douglas at ang kaniyang maybahay, si Kam, ay bumalik na sa London, kung saan sila nanatili pagkatapos arugain si Itay. Si Anne naman at ang kaniyang pamilya ay nasa Estados Unidos. Lahat kami ay nagpapasalamat sa aming bigay-Diyos na pag-asa at pamana. Patuloy kaming “maghihintay,” tumatanaw sa hinaharap kapag ang mga nabubuhay, kasama ang kanilang mga binuhay-muling mga mahal sa buhay, ay sama-samang maglilingkod magpakailanman bilang mga miyembro ng makalupang pamilya ni Jehova.​—Panaghoy 3:24.

[Talababa]

a Ang kuwento ng buhay ng aking ama, si Ernest Beavor, ay lumabas sa Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1980.

[Mga larawan sa pahina 23]

Kaliwa pakanan:

Si Gwen sa gulang na 13 na nagtatanghal ng isang huwarang pag-aaral sa Enfield Kingdom Hall

Pamilyang misyonero sa Tripoli, Lebanon, 1951

Si Gwen kasama ang kaniyang yumaong asawa na si Wilf

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share